webnovel

Warcadia: The Lost Scales (Tagalog)

Author: RedZetroc18
Fantasy
Completed Β· 95.4K Views
  • 15 Chs
    Content
  • ratings
  • NO.200+
    SUPPORT
Synopsis

Living in the world of Warcadia has always been a hassle for Heneral Ybrahim Sandoval--a skilled pirate soldier. Normally, living beings are born with one element according to his or her planet, but he is born with two, granted by the planet Mercurio and Veturno. He is considered as the only special human alive. One crucial day, Reyna Aglatea, the most feared and heartless mermaid of the sea, initiates war just to obtain the last important scale from Bathalumang Ophelia--the human dragon. She is nearing the brink of extinction and it is all up to Ybrahim to save the life of his dear friend.

Chapter 1Ang Maawaing Heneral

Taong RD718, Buwan ng Procyon, 4:44 p.m.

Makulimlim ang kalangitan.

Kumukulog at kumikidlat.

Sa malawak na kaparangan, dumagundong ang isang malakas na pagsabog mula sa kanluran, dahilan upang matakpan ng makapal na usok ang kapaligiran. Umihip ang hangin at doon masasaksihan ang digmaan sa pagitan ng mga piratang sundalo at taong isda.

Kumakalansing ang mga espada.

Nagsasalpukan ang mga elemento.

Walang humpay ang pagpaslang-kaliwa't kanan.

Sa tuktok ng talampas, nagmamatyag ang isang matangkad na piratang lalaki. Pulos itim ang kanyang kasuotan: ang tsaketa na gawa sa balat ng buwaya ay abot hanggang talampakan at nakapasok ang pantalon sa bota na hanggang tuhod ang haba. Tanging tsaleko lamang ang pula na may halong itim na disenyo at ang bandanang nakabalot sa kanyang ulo.

Sumasalamin ang kalungkutan sa kanyang mga tsokolateng mata. Nangangahulugan na siya ay tutol sa digmaang hindi niya ninais sa simula, ngunit sila'y napilitan lamang. Ito ang una nilang misyon upang mabawi ang iba pang mga ninakaw na kaliskis dahil nabalitaan nilang lulusubin ng mga taong isda ang walang laban na Kaharian ng Mopek.

Oo.

Siya nga.

Siya nga si Ybrahim Sandoval, ang magiting na Heneral ng Hukbo; pinakamataas na katungkulan ito sa kanilang militar. Isang daang libong hukbo ang kanyang pinamumunuan at ang kanyang koronel ang pangkasalukuyang namumuno sa tatlong libo at limang daang piratang sundalo. Nahahati ang kanyang brigada sa apat o pitong batalyon na pinamumunuan naman ng tenyente koronel.

Sa hindi kalayuan, may isang babaeng pirata ang naghihingalo. Tila hirap na hirap na itong lumaban gamit ang kanyang espada kung kaya't humugot siya ng baril at pinaputukan ng mahika ang mga kalaban habang tumatalon at umiiwas sa mga sipa't suntok.

Ang mga taong isda ay may kakayahang magkaroon ng mga paa tulad ng isang tao sa tuwing sila'y tatapak ng lupa. Maaari silang bumalik sa dating anyo kung nanaisin, ngunit sa tubig lamang nararapat. Tanging mga hasang o tainga nila ang hindi nagbabago kung kaya't madaling matukoy kung sila ay sirena o sireno.

"Katapusan mo na!" sigaw ng sireno na nagpakawala ng isang malaking itim na globo mula sa likuran.

Pluto ang tawag sa elementong itim.

Paglingon ng babaeng pirata, namilog ang kanyang mga mata. Kaagad niyang ikinumpas ang kamay upang gumawa ng mahika. Sa mga sandaling iyon, umangat ang lupa at nag-anyong matutulis na pako. Gumapang iyon patungo sa sireno at ito'y tumilapon pahilaga.

Veturno ang tawag sa elementong lupa.

Mabuti na lang at mabilis kumilos ang babaeng pirata. Lumikha ito ng isang malaking kalasag na gawa sa lupa at nang tumama ang itim na globo, gumuho ang lupang barikada ngunit siya'y tumalsik patalikod sa lakas ng puwersa.

Gumulong-gulong siya sa lupa bago huminto. Dahil dito, natanggal ang kanyang dilaw na bandana sa baywang at siya'y nagtamo ng mga pasa at sugat sa braso at noo. Bakas din ang pagod sa mukha; tagaktak ang pawis na tumutulo sa gilid.

Nang masaksihan ng isang sirena ang nangyari sa sireno, gumanti ito. "Tingnan natin kung maiiwasan mo ito!"

Pagkumpas ng kamay, may mga namuong tubig sa kalangitan hanggang sa dumami ang mga ito at humaba. Makalipas nang ilang segundo, umulan ng mga matutulis na yelo patungo sa walang laban na babaeng pirata.

Neptuno ang tawag sa elementong tubig.

Tila hindi na makagalaw ang babaeng pirata kung kaya't napapikit na lamang siya at naghintay sa nalalapit na kamatayan. Ang buong akala niya ay makikitil na ang kanyang buhay nang may sumangga nito.

"Koronel Alcazar! Ano'ng ginagawa mo!"

Itong lalaking pirata ay maliksing humarang sa harapan at gumamit ng elementong Veturno. Nagliwanag ang kanyang palad at nagkaroon ng lupang kalasag na tila kakaiba ang wangis. Ito'y kumikinang at makinis tingnan.

Nagulat ang sirena sa kanyang nasaksihan. Marahil ay sadyang kakaiba ang kalaban na nakaharap. "Sino . . ."

Bago pa man ito makapagsalita, ang mga yelong pako ay tumama sa lupang kalasag at ito'y nabasag. Sa bilis ng kilos ng lalaking pirata, nakapaglikha muli ito ng mahika. May mga tumubong baging mula sa lupa at bumalot ito sa mga paa't kamay ng nagpupumiglas na sirena.

"Hindi- Huwag!"

Ngunit, huli na ang lahat. Sa isang kumpas ng kamay, bumuka ang lupang kanyang tinatapakan at siya'y nilamon nang buhay.

Nang iminulat ng koronel ang kanyang mga mata, nasilayan niya ang pulang bandana na sumasayaw sa hangin at ang kulay-kaki na buhok ng lalaki. Kaagad niyang nabatid kung sino ang nagligtas sa kanyang buhay.

"Heneral Sandoval . . . Sa-Salamat . . ."

"Kaya mo pa bang lumaban?" nag-aalalang tanong ni Ybrahim. Lumuhod siya sa harapan ng koronel at pinagmasdan ang gula-gulanit na uniporme na may bakas ng dugo, pati na rin ang magulong kulay-kapeng buhok na nakatirintas.

"Naubusan na po ako ng mahika," sagot ng koronel.

Siya si Koronel Hermosa Alcazar, ang matalik na kaibigan ni Ybrahim. Nakasuot ito ng itim na pantalon, kulay-kaki na bota na abot hanggang tuhod, dilaw na korset, at puting blusa na kita ang kanyang balikat at parte ng dibdib.

"Nalaman mo na ba ang tungkol sa pakay nila rito sa Kaharian ng Mopek?" tanong ni Ybrahim bago inalok ang kamay upang tulungan itong makabangon.

"Naparito sila upang nakawin ang kamandag ng pinakamapanganib na ahas sa buong Warcadia: ang Black Mamba," sambit ni Koronel Alcazar bago umiling-iling. "Ngunit, hindi rin batid ng mga taga-Mopek kung saan ito gagamitin ng mga taong isda."

Habang siya'y nagpapaliwanag, nahagip ng mga mata ng heneral ang dilaw na bandana sa lupa. Ito'y kanyang pinulot at walang imik na tinali sa baywang ng koronel.

"Heneral-" Namula ang mga pisngi ni Koronel Alcazar dahil sa hiya. "Salamat muli."

"Ingatan mo ang iyong bandana," sambit ni Ybrahim habang nakangiti nang maamo. "Salamat sa ibinigay mong impormasyon."

Tumango ang koronel at isinantabi muna ang paghanga sa heneral. "Ano ang susunod nating hakbang?"

"Hanapin mo si Tenyente Koronel Ruiz at ipabatid sa kanya na siya muna ang mamamahala sa iyong brigada. Tipunin mo ang mga sugatan at lumisan na kayo. Isama mo rin ang maaaring tumulong sa'yo," matapang na utos ni Ybrahim. "Ako na ang bahala sa heneral ng mga taong isda."

"Masusunod po!" Nagmadaling tumakas si Koronel Alcazar upang tulungan ang iba pang mga piratang sundalo.

Binunot ni Ybrahim ang kanyang espada mula sa likuran bago tumingin sa malayo. Galit niyang pinagmasdan ang isang sireno na may hawak na pinakamahalagang kaliskis.

Itong sireno ay isang heneral. Pulos itim at asul ang kanyang uniporme: ang tsaketa na abot hanggang talampakan, sinturon, bota, at nakasuot din ito ng itim na salakot na may isang sungay sa noo. Walang awa niyang inaabuso ang kapangyarihan na makapaglikha ng mga buhawi. Sa ngayon, maraming ipuipo ang kanyang pinapakawalan kung kaya't walang makalapit sa kanya.

JΓΊpiter ang tawag sa elementong hangin.

Sana'y sa paglapit ko sa kanya, makakuha ako ng mga impormasyon tungkol sa aking pagkatao, diin ni Ybrahim sa kanyang isipan.

Hinigpitan niya ang hawak sa puluhan bago isinubo ang hinlalaki at hintuturo sa dulo ng kanyang labi. Huminga siya nang malalim at pumito nang matagal.

Sa himpapawid, bumaba mula sa langit ang isang maliit at matipunong pulang dragon; mabigat at malakas ang pagaspas ng kanyang pakpak. Ang matitibay na kalamnan ay nakabalot sa baluti mula ulo hanggang buntot. Mga pangil at kuko ay matutulis, tiyak na sa isang kagat at kalmot lamang ay mamamatay ang nangagrabyado rito.

Nang lumapag ito sa tabi ng kanyang amo at itinupi ang mga pakpak, mapapansin na anim na talampakan ang tangkad ng dragon.

"Halika, Ignis, kailangan ko ang tulong mo ngayon." Walang hirap na umangkas at umupo si Ybrahim sa sintadera nito.

Maaari ko bang gawing tanghalian ang kanilang heneral? Nagugutom na ako...

Biglang kinausap ni Ignis ang amo gamit lamang ang isip. Malalim at nakakatakot ang boses ng dragon, tila kakainin ang kahit sino nang hindi nagdadalawang-isip.

Ngumiwi ng ngiti si Ybrahim habang kinukuha ang tali sa sintadera. "Kailangan ko siya nang buhay, Ignis. Mamaya ang kainan."

Napasinghal sa bigo ang dragon bago muling ibinuka ang mga malalaking pakpak. Tiyakin mo lang. Kung hindi, sasabihin ko kay Ophelia na ginugutom mo ako.

Binigyan ni Ybrahim ng mapanlisik na tingin ang kanyang alagang dragon at hindi na itong pinatulan pa. Sa isang mataas na talon at mabigat na pagaspas ng pakpak, bumulusok si Ignis patungo sa heneral ng mga taong isda at kumapit nang napakahigpit si Ybrahim upang hindi mahulog.

Umungol si Ignis nang napakalakas kung kaya't napatingin ang mga nakarinig, lalo na ang mga kalaban. Maliksi itong lumipad sa himpapawid, umiikot at umiiwas sa mga nagtatangkang patumbahin ang dragon gamit ang elementong Neptuno at Pluto.

"Huwag ninyong hahayaang makarating sila sa heneral!" hiyaw ng isang sirena.

Nagsimulang umiba ng kurso ang mga sirena't sireno, ngunit hindi iyon hinayaan ni Tenyente Koronel Ruiz nang mabatid niya ang binabalak ng mga taong isda. Berde naman ang bandanang nakatali sa kaliwang bisig ng lalaking pirata.

"Protektahan si Heneral Sandoval! Lumikha ng isang malaking barikada, ngayon din!" utos ng tenyente koronel.

Gamit ang mahiwagang hikaw na nasa kaliwang tainga, nakarating ang kanyang utos sa pitong batalyon na kanyang pinamamahalaan. Ang bawat batalyon ay may limang daan na piratang sundalo.

Sa mga sandaling iyon, yumanig ang lupa, sanhi ng pagtumba ng ibang mga kalaban at ito'y tumagal nang ilang minuto. Mamayamaya pa'y, umangat ang lupa at nagkaroon ng isang higanteng pader na dalawampung talampakan. Ang haba nito ay hindi mailarawan.

Naging hadlang ito sa pagsugod ng mga sirena't sireno. Wala silang nagawa kundi ay talikuran ang plano at ituon ang atensyon sa mga lapastangang pirata. Galit na galit silang sumugod.

Nasaksihan ito ng heneral ng mga taong isda. Dahil dito, maingat niyang pinagmasdan ang mataas na barikadang gawa sa lupa. Batid niya kung sino ang kanyang makakaharap.

"Tingnan natin kung madadaig mo ang makapangyarihang kaliskis." Umukit ang isang mapagmataas na ngisi sa kanyang mga labi.

Mga ilang segundo lamang ang nagdaan, lumitaw si Heneral Sandoval sa himpapawid. Maliksing lumipad ang dragong si Ignis habang umigting naman ang panga ng sireno. Dahil sa matinding galit, lumiwanag ang kaliskis na hawak-hawak at siya'y lumikha ng isang higanteng buhawi.

Ang abong buhawi ay unti-unting namuo at bumaba mula sa kalangitan. Sinabayan pa ito ng kulog at kidlat at lalong nagdilim ang paligid. Hinangin din ang mga buhangin kung kaya't napatakip sa mukha ang ibang mga taong isda at piratang sundalo.

Sa bilis ng pangyayari, nilamon sina Ybrahim at Ignis ng buhawi.

Umalingawngaw ang matagumpay na halakhak mula sa sireno. "Kay bilis mong talunin! Ganoon kadali! Wala akong kahirap-hirap!"

Tumagal nang ilang minuto ang pag-ikot ng buhawi. Inaasahan ng heneral ng mga taong isda na hindi makaliligtas ang heneral ng mga pirata, ngunit, nagkamali siya. Ang nakakapanindig-balahibong ungol ni Ignis ang umalingawngaw sa buong paligid.

Namutla ang mukha ng sireno.

Matapos ang ilang sandali, naglaho ang buhawi. Nakita ng kanyang dalawang mata na nasa himpapawid ang heneral ng mga pirata, pati na rin ang dragong si Ignis na kalmadong pinapagaspas ang malalaking pakpak.

Ngumisi si Ybrahim. "Mukhang . . . kailangan mo matuto ng siyensiya."

Nang binitiwan niya ang mga salitang iyon, siya at si Ignis ay bigla na lamang naglaho na parang bula.

Hindi sila matanaw!

Napaatras at napako ang mga paa ng sireno sa lupa dahil sa gulat. "Paanong nangyari iyon?" Nanginig ang kanyang mga tuhod sa labis na pangamba. Namawis din ang kanyang noo at mga palad sa kaba.

Ang hindi niya alam, sila'y sumugod na pala!

Nagulantang ang heneral ng mga taong isda nang bumungad ang pigura ni Ybrahim sa kanyang harapan pati na rin ang dragong si Ignis. Sa mga sandaling iyon, napansin ng sireno ang kalungkutan sa mga mata ng pirata sa halip na galit. Ito'y kanyang ipinagtataka.

Sa isang kurap ng mata, bumaon ang espada sa tiyan ng sireno. Napaubo ito ng dugo dahil sa puwersang natamo; tumulo ang pulang likido sa gilid ng kanyag bibig.

Bago pa man iwanang nakabulagta ang sireno, binulong ni Ybrahim ang kanyang nalalaman tungkol sa buhawi, "Walang hangin sa mata ng buhawi . . ."

Nahulog ang tingin ng sireno sa kuwintas na suot ni Ybrahim. Puti ang mahiwagang kaliskis na may berde sa dulo at ito'y lalong ikinagalit niya. Ngayon lamang niya napansin ang kakaibang hugis nito. "Kaliskis ng ina ni Ophelia . . ." Hindi na siya nakapagsalita sapagkat nanaig ang matinding sakit na nararamdaman sa tiyan.

Nagsalubong ang mga kilay ni Ybrahim nang binanggit ang pangalan ng kanilang bathaluman na taong dragon. Sinipa niya ang katawan ng sireno kasabay ang paghila ng nakabaon na espada sa tiyan. Bumagsak sa lupa ang kalaban at siya'y walang awang tinapakan ni Ignis upang hindi makawala.

Napadaing sa sakit ang sireno. "Bakit hindi mo na lamang ako paslangin! Ano'ng kailangan mo sa'kin!"

"Hindi kita papaslangin sapagkat may nais akong malaman," simula ni Ybrahim. Bumaba siya mula sa likod ng kanyang alagang dragon at nilapitan ang heneral ng mga taong isda. Kinuha niya mula sa hawak ng sireno ang pinakamahalagang kaliskis para sa planetang JΓΊpiter bago niya tinitigan ang kalaban. "Una sa lahat, nais kong ipabatid mo sa inyong reyna na nais naming makipag-usap sa kanya."

Sa hindi inaasahan, nakaramdam ng kakaibang aura ang sireno mula kay Ybrahim. Hindi niya naririnig ang mga sinasabi ng pirata sapagkat nababatid niya ang lahing dumadaloy sa kanyang dugo, lalo na't napansin niya ang numerong nakadikit sa uniporme nito.

Lima.

Ito'y may kinalaman sa araw ng kanilang kapanganakan.

Gumuhit ang isang makabuluhang ngisi sa mga labi ng sireno. "Tiyak na matutuwa ang Reyna Aglatea sa aking nalalaman . . ."

Kumunot ang noo ni Ybrahim, tila naguguluhan sa isinambit ng sireno. "Ano ang ibig mong sabihin?"

"Hindi mo na kailangan pang malaman, ngunit makakaasa ka na makakarating kay Reyna Aglatea ang nais mong kasunduan. Maaaring masagot din ng aming reyna ang iyong mga katanungan," nanghihinang wika ng sireno. Umubo pa ito nang bahagya bago nagtanong, "Ano ang iyong ngalan?"

Nag-isip nang mabuti si Ybrahim. Ano kaya ang maaaring tinutukoy ng sireno kanina? Dahil ba'y hindi niya pinaslang ito? Ano naman ang ikatutuwa ng kanilang reyna? Marahil sa panghinaharap na kasunduan. Maaari nga, ngunit hindi dapat siya matinag.

Itinapat ni Ybrahim ang kanyang sandata sa mukha ng sireno at binantaan ito, "Ako si Ybrahim Sandoval, heneral ng buong hukbo sa kaharian ng Azeroth. Isang daang hukbo lamang ang maaari ninyong isama sa pagpupulong. Kung hindi kayo sumunod, makasisiguro kayo na dadanak muli ang dugo at hinding-hindi ko uurungan ang inyong reyna. Buong Warcadia ang inyong makakalaban."

"Makakaasa ka . . ." Tuluyan nang nanghina ang sireno dahil sa lalim ng kanyang sugat.

Nabaling ang tingin ni Ybrahim sa alaga niyang dragon at sumenyas na pakawalan ang kalaban. Inangat ni Ignis ang kanyang kamay at ang sireno ay nakahinga na nang maluwag. Siya'y umubo nang ilang beses bago pa man ito natagpuan ng kanyang . . . katipan?

"Darrius!" Isang sirena ang kumaripas ng takbo at lumuhod sa tabi ng sireno. Kahit na siya'y nanghihina, inalalay niya ito at sumikip ang kanyang dibdib nang makita ang duguang tiyan. Nakapinta sa mukha ng sirena ang labis na pag-aalala at pagkasindak. "Malubha ang iyong kalagayan!"

Hindi malaman ng sirena kung ano ang gagawin upang mapatigil ang pagtagas ng dugo. Masyadong malalim ang natamong sugat. Nang magtama sila ng tingin ni Ybrahim, siya'y nanlisik sa galit, ngunit napalitan kaagad ito ng pagkalito bago ang matinding takot.

Napansin ito ng pirata at ang nakapagtatakang kilos ng sirena. Hindi niya maiwasang suriin ito. Ako lang ba? O mabilis ang pagbago ng kanyang emosyon?

"Pa-patawad! Nagmamakaawa ako sa'yo, huwag mo siyang papatayin!" Lumuhod ang sirena sa kanyang harapan, hinawakan ang paa, at humingi muli ng kapatawaran. "May anak kami! May anak kami!"

Ikinagulat ito ni Ybrahim. Patuloy ang pag-agos ng luha ng sirena dahilan upang makaramdam siya ng pagkirot sa puso. Tila nasusunog ito sa loob ng kanyang dibdib sa tuwing humihikbi ang sirena. Marahil sa una pa lamang ay labag sa kalooban niya na kalabanin ang sariling kalahi.

Hindi.

Malalim ang dahilan.

Pamilya.

May mga pamilya rin ang mga taong isda.

May minamahal sa buhay.

May inuuwian pagkatapos ng digmaan.

Kung mayroon lamang paraan upang matigil itong kahibangan, gagawin ni Ybrahim ang lahat sa ngalan ng kapayapaan. Sa ganoong paraan, walang sino man ang mawawalan ng minamahal sa buhay kailanman.

Ang tanong . . .

Papaano nga ba nagsimula itong digmaan sa pagitan ng mga taong isda at taong dragon?

You May Also Like

ratings

  • Overall Rate
  • Writing Quality
  • Updating Stability
  • Story Development
  • Character Design
  • world background
Reviews
Liked
Newest

SUPPORT