webnovel

Pitong Planeta

A/N: Planetarium is pronounced in Filipino for this Filipino version. /Plah-neh-tah-ree-yoom/ 😊

------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Si Ybrahim ay nagtungo sa Planetarium sa pamamagitan ng pagsakay sa likod ni Ignis. Binaba siya ng kanyang alagang dragon sa isang bundok na may lagusan na gawa sa bato; nagbibigay ito ng kakaibang liwanag. Maraming mga simbolo ang nakaukit, lalo na sa malaking pintong bato na nagsasara dito. Sa kanyang likuran, dalawang naglalakihang tore ang nakatayo at sa pagitan ng mga ito ay ang mahabang tulay.

Dati rati, kailangan pa niyang lakarin ito upang makapunta sa bundok na kung saan ay matatagpuan ang sanktum. Siya'y naliligo sa sariling pawis sa tuwing matirik ang araw bago makarating. Ngayon, sa tulong ni Ignis, napadali ang kanyang paglalakbay.

May problema ba, Ybrahim? tanong ni Ignis na kanina pang napupuna ang malayong tingin ng amo. Nag-alala lamang ito sa nakabibinging katahimikan.

Bumalik sa realidad ang pirata. Nagtama ang kanilang tingin at siya'y umiling-iling. "Wala. Naalala ko lamang ang unang araw ng ating pagkikita."

Sa loob mismo ng sanktum nilikha ni Ophelia ang pulang itlog ni Ignis. Napapalibutan ito ng makakapal na kaliskis at ang tangkad nito ay umaabot hanggang tuhod.

Hinimok ng bathaluman na hawakan ni Ybrahim ang itlog. Ito'y upang mabigyan ng sariling katangian at pag-uugali ang dragon, ngunit ang makukuha nito ay ang hindi kadalasan na pinapakita ng mga tao. Ibig sabihin, kapag mahaba ang pasensya ng isang tao, maaaring maikli naman para sa dragon–magkasalungat.

Ngumisi si Ybrahim bago tinapik-tapik ang ulo ng kanyang alagang dragon. "Hanggang ngayon ay matigas pa rin ang ulo mo–"

Subukan mo akong galitin. Mapuputol 'yang kamay mo, pagalit na babala ni Ignis.

Binawi kaagad ni Ybrahim ang kanyang kamay at napangiwi ng ngiti. "Hindi ka naman mabiro . . ."

Pumasok ka na sa loob! Naghihintay si Ophelia, diin ni Ignis. Tinalikuran niya ang amo at humiga sa lupa.

Bumuntong-hininga si Ybrahim bago nagtungo sa lagusan at tumayo sa harapan nito. Pinatong niya ang kanyang kamay sa isang bahagi ng bato at dahan-dahang tinulak hanggang sa lumubog iyon. Mga ilang sandali ang lumipas, lumitaw ang kakaibang kasulatan na nakaukit sa pinto; napuno ito ng mga simbolo. Nang siya'y humakbang paharap, tumagos ang kanyang katawan sa bato na parang isang kaluluwa.

Matatagpuan na ngayon ang pirata sa loob. Bagaman ilang beses na siyang nakapasok sa sanktum, siya'y manghang-mangha pa rin sa istrakturang nilikha ni Ophelia na gawa sa simento at bato. Sariling mahika lamang ng bathaluman ang ginamit. Lumiliwanag ang mga ito kung nasaan man ang nilalang na naglalakad. Sa ngayon, kulay-lila ang kanyang paligid mula ulo hanggang paa.

Tinahak ni Ybrahim ang pangatlong daan. Maraming iba't ibang lagusan ang makikita sapagkat may mga patibong nakahanda para sa mga nilalang na magtatangkang manloob. Tanging siya lamang ang nakakaalam kung nasaan ang tamang lagusan.

Sa bawat hakbang ng kanyang mga paa, lumiliwanag ang paligid. Masisilayan din na may mga tubig na nakapalibot sa mga daanan, nagmimistulang lawa. Mayroong talon sa loob ng bundok at doon iyon nanggagaling.

Nang siya'y makarating sa dulo ng sanktum, namilog ang kanyang mga mata sa nakita. Pitong naglalakihang rebulto ng mga planeta ang bumungad sa loob ng malawak na silid. Ang mga ito ay nasa kanya-kanyang patungan, subalit tatlong planeta lamang ang lumulutang: ang dalandan na Marte, dilaw na Veturno, at kulay-lila na Júpiter.

Nilikha ni Ophelia ang mga rebulto sapagkat malaki ang gagampanang papel ng mga ito sa hinaharap. Ngunit hindi batid ni Ybrahim kung ano iyon dahil ang mga taong dragon lamang ang maaaring makaalam. Ang natitiyak lamang niya'y kailangang mabawi ang mga pinakamahahalagang kaliskis na magpapalutang sa mga planeta upang maisagawa ng bathaluman ang nararapat na gawin. Ito'y may kinalaman sa kaligtasan ng buong Warcadia.

Habang pinagmamasadan ni Ybrahim ang mga rebulto ng pitong planeta, naalala niya ang mga panahon noong nag-aaral pa lamang siya.

Taong RD706, Buwan ng Vega, 11:30 a.m.

Ang Kaharian ng Azeroth ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Dito matatagpuan ang Akademiyang Militar ng Warcadia para sa mga nagnanais na maging isang piratang sundalo. Apat na taon ang i-uukol dito sa ilalim ng mga mahuhusay na (1) paham. Ngunit ang mga taong ipinanganak ayon sa espesyal na araw ng mga planeta ay kailangan mag-aral sapagkat taglay nila ang pambihirang kapangyarihan.

Isa na roon si Ybrahim.

(2) "Matagal na nating pinag-aaralan ang tungkol sa pitong planeta: Mercurio, Veturno, Marte, Júpiter, Urano, Neptuno, at Pluto. Dito nagmula ang iba't ibang elemento na ipinagkaloob sa atin ng mga nakatataas na bathala at bathaluman na naninirahan sa mga planeta," wika ng isang babaeng paham na animo'y tatlumpu pataas ang gulang. Nakasuot ito ng itim na manto na nagpatingkad sa kanyang maalon na pulang buhok; umaabot ito hanggang balikat.

Ang babaeng paham ay nagtuturo sa loob ng malaking silid-aralan na may apatnapu't walong estudyante. Sa bawat mahabang lamesa, tatlong estudyente ang nakaupo. Makikita kung gaano kaganda ang loob dahil sa mga naglalakihang bintana; bawat isa ay may pulang kurtina. Sa totoo lang, ang buong silid-aralan ay kulay pula mula sa upuan hanggang sa karpet, ngunit ang disenyo nito ay kulay ginto. Naiiba lamang ang lamesa at dingding dahil kulay-kape at krema ang mga ito.

Si Ybrahim ay nakikinig mula sa pang-apat na luklukan. Paminsan-minsan, dumadako ang kanyang tingin sa mga estudyanteng nasa ibaba. Sila'y nagsusulat sa kani-kanilang pergamino gamit ang balahibo ng isang kuwago at tinta ng pusit. Ang iba sa kanila ay hindi nakikinig kung kaya't nag-igting ang kanyang panga at noo niya'y kumunot.

Mamayamaya pa ay nagtawag ng mga estudyante ang babaeng paham para sa isang pagsusuri. Nagkaroon ng mahinang bulungan sa silid-aralan habang si Ybrahim naman ay hindi natinag.

"Una, ang planetang Neptuno at Pluto ay para sa mga taong isda na nasa karagatan: tubig at itim," paliwanag ng babaeng paham habang naglalakad pabalik-balik sa itim na entablado. "Pangalawa, ang planetang Júpiter at Urano ay para sa mga taong dragon na nasa himpapawid: hangin at liwanag. Pangatlo, ang planetang Veturno at Marte ay para sa mga ordinaryong tao na nasa lupa: lupa at apoy."

Huminto ito sa gitna bago humarap sa mga estudyante. Ang kanyang mga titig ay matalas, tila ba'y hindi ito makatatanggap ng maling sagot.

"Ano ang pinagkaiba natin sa mga taong dragon at taong isda?" Tumingin ang babaeng paham sa gawing kanluran at namili ng isang estudyanteng lalaki. "Yosef Montecillo."

Tumindig ang lalaking pirata at kaagad itong sumagot, "Veturno o Marte lamang ang kaya nating maipamalas, hindi tulad ng mga taong dragon at taong isda ay may kakahayan silang magpakawala ng dalawang elemento."

"Magaling," puri ng babaeng paham. Tumingin naman ito sa gawing silangan. "Savanah Recto."

Nagulat ang babaeng pirata nang marinig ang sariling pangalan. Mabilis itong tumayo at naghintay sa ibabatong tanong. Tila kabado ito base sa panginginig ng kanyang mga kamay.

"Ipaliwanag mo ang tungkol sa planetang Pluto. Ano ang mahalagang papel nito?"

Napakagat ng labi ang estudyante. Batid niyang mahaba-haba ang magiging paliwanag. Huminga na lang siya nang malalim bago tumugon, "Ang planetang Pluto ay pampito sa Sistemang Pang-araw. Ang tanging papel ng nakatataas na bathala ay lokohin at guluhin ang isipan ng mga nilalang sa buong Warcadia, ngunit ipinagbabawal itong pumaslang. Dito nagmula ang kadiliman at siya ang hari ng mga masasamang nilalang."

"Mahusay!" puri ng babaeng paham habang nakangiti. "Maaari ka nang maupo."

Nang umupo ang estudyante, humarap sa pisara ang paham at dinampot ang tsok. Nagsimula itong magsulat ng mga (3) pangalan ng planeta at ang katabi ng mga iyon ay ang mga petsa at numero na nasa loob ng panaklong.

Mercurio: { 5, 18, 29 }

• Spica 22 - Rigel 21

Veturno: { 3, 8, 14, 20, 24, 28 }

• Vega 22 - Spica 21

• Procyon 20 - Regulus 19

• Hadar 21 - Arcturus 21

Marte: { 6, 11, 17, 22, 27, 30}

• Deneb 22 - Altair 21

• Rigel 20 - Procyon 19

• Arcturus 22 - Sirius 21

Júpiter: { 1, 9, 15, 23, 31 }

• Altair 22 - Vega 21

• Regulus 20 - Polaris 20

Urano: { 4, 12, 19, 26 }

• Sirius 22 - Aldebaran 21

Neptuno: { 2, 10, 16, 21 }

• Polaris 21 - Hadar 20

Pluto: { 7, 13, 25 }

• Aldebaran 22 - Deneb 21

Humarap muli ang babaeng paham. Habang kinokopya ng mga estudyante ang mga nakasulat sa pisara, nagtawag ito muli.

"Navarro Olarte."

Sa bandang gitna, nagulat ang lalaking pirata na nakaupo sa pinakatuktok na luklukan. Luminga-linga pa ito sa kanyang mga katabi bago tumindig.

"Ano ang ibig sabihin ng mga numerong nasa loob ng panaklong?"

Mabuti na lang at madali ang tanong. Walang hirap siyang tumugon, "Ang mga nasa loob ng panaklong ay ang mga espesyal na araw ng bawat planeta."

"Maupo ka na," wika ng babaeng paham. Lumipat ang kanyang tingin sa harapan at tinawag ang isang babae. "Hermosa Alcazar."

Kaagad tumayo ang babaeng pirata. Malinaw sa kanyang mukha na handa itong sumagot.

Ngumiti ang babaeng paham. "Ipinanganak ka noong ikalabing apat ng Regulus. Veturno ang iyong elemento at planeta, hindi ba? Bakit natin ito tinatawag na espesyal na araw? Gawin mong halimbawa ang planetang Urano."

Nang tumugon si Hermosa Alcazar, namangha ang halos lahat dahil sunod-sunod ang kanyang pagpapaliwanag, liban kay Ybrahim. Ngumisi lang ito sa kanyang kinaroroonan dahil batid niyang sadyang masigasig ang babaeng pirata sa pag-aaral.

"Ito'y dahil may kinalaman sa ating nasusukat na lakas. Kung ang isang tao ay ipinanganak noong Aldebaran 4, 12, 19 at Sirius 26, siya'y nabibilang sa mga espesyal na tao. Hindi katulad ng iba, sila'y nagtataglay ng mas malakas na kapangyarihan. Ang mga taong espesyal ay kailangan mag-aral bilang isang piratang sundalo upang pamunuan ang magiging hukbo tulad ng isang koronel o heneral."

Pumalakpak ang lahat sa labis na tuwa. Dahil dito, napakalapad ng ngiti ni Hermosa Alcazar hanggang sa pag-upo.

"Magaling, Binibining Alcazar. Ipagpatuloy mo lang iyan at palaging magsanay upang makamit mo ang mataas na katungkulan sa militar."

"Salamat po! Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya," masayang sagot ni Hermosa.

Ang babaeng paham ay tumingin sa orasan na nakasabit sa dingding. Malapit na magtapos ang klase kung kaya't isang estudyante na lang ang kanyang tinawag.

"Ybrahim Sandoval."

May ibang mga babaeng pirata ang nagpigil ng tili nang siya'y tinawag dahil naguguwapuhan sila sa kanya. Nagbulungan ang iba pang mga piratang sundalo sapagkat kilala si Ybrahim sa pagiging isang taong mas higit sa espesyal.

"Balita ko . . . ikaw ay ipinanganak noong ikalima ng Rigel." Ngumisi ang babaeng paham, tila interesado sa kanyang sariling estudyante. "Mercurio ang iyong planeta at elemento, ngunit taglay mo rin ang elementong Veturno."

Nagkaroon muli ng bulungan sa silid-aralan. Si Ybrahim lamang ang natatanging taong may dalawang elemento at siya'y palaging usap-usapan simula nang ginanap ang pagsusulit para sa mga nais na maging piratang sundalo. Hindi naging madali ang buhay niya sapagkat parati siyang hinihiling ng mga kilalang paham upang mapag-aralan nang husto ang planetang Mercurio. Mabuti na lang ay napatunayan niyang isa siyang mabait na tao sa mga panahon na iyon.

"Maaari mo bang ipaliwanag sa amin ang tungkol sa nag-iisang katulad mo?"

Huminga nang malalim si Ybrahim. Katulad ni Hermosa Alcazar, humanga rin sa kanya ang mga piratang sundalo nang siya'y sumagot.

"Hanggang sa ngayon, hindi batid ng lahat ang buong impormasyon tungkol dito, ngunit sa paniniwala natin ay sadyang mas espesyal ang mga taong ipinanganak ayon sa mga espesyal na araw ng planetang Mercurio."

Nilagay ni Ybrahim ang kanang palad sa kanyang harapan at siya'y lumikha ng isang sandata. Unti-unting humaba ito at nabuo ang isang pilak na espada; lumulutang ito. Gamit lamang ang kanyang isipan, nagagawa niyang pagalawin ito sa ibig niyang direksyon.

Sumingap ang mga piratang sundalo. Gumilid ng upo ang mga nasa ibaba nang tinapat ni Ybrahim ang matulis na bahagi sa babaeng paham. Ngunit hindi ito natinag sapagkat siya'y natutuwa sa ipinamamalas ng kanyang estudyante.

"Kaya ko itong kontrolin sa pamamagitan ng aking isipan. Kaya ko rin itong paramihin." Binulsa ni Ybrahim ang kanyang mga kamay at biglang nagmultiplika ang mga espada. Naging lima ito at naging iba't iba ang haba, hugis, at wangis, gaya ng isang palakol at sibat. "Dahil nasa loob tayo ng silid-aralan, nililimitahan ko lamang ang sarili ko sa paglikha ng mga sandata. Ngunit kung tayo ay nasa labas, pumapalo ang bilang ng aking mga sandata ng isang daan."

"Isang daan!"

Maraming namangha sa kakayahan ni Ybrahim. Maaari siyang maging isang Heneral ng Hukbo—mas mataas sa pangkaraniwan na heneral.

"Ayon sa ating agham, ang merkuryo ay isang kulay pilak na likidong metal. Mahinang konduktor ito ng init, pero katamtaman sa elektrisidad. Alam din natin na nakalalason ito."

Lalong lumayo ang mga piratang sundalo na nasa tabi niya at sila'y nagtakip ng ilong dahil natatakot ang mga ito na malason.

Ngumisi si Ybrahim. "Huwag kayong mag-alala." Naglaho ang mga lumulutang na sandata nang parang bula. "Malalason ka lamang nito kung dumikit ang merkuryo sa iyong balat. Hindi ka malalason kapag naamoy mo ito."

Nakahinga nang maluwag ang lahat.

Biglang nagtaas ng kamay ang isang lalaking pirata. "Apektado ka ba ng lason? Kahit anong klaseng lason?"

"Hindi ako apektado ng kahit anong lason."

"Maligo sa merkuryo? Kaya mo rin ba?" tanong ng isang lumalandi na babaeng pirata.

Natawa nang bahagya si Ybrahim. "Oo. Kahit kamandag pa ng isang ahas ay walang epekto sa akin."

Biglang tumindig si Hermosa Alcazar sa kanyang upuan kasabay ang mabigat na pagpatong ng mga kamay sa mesa, tila hindi ito sumasang-ayon sa kanyang elemento. "Papaano kung nasa digmaan tayo at hindi mo sinasadyang tamaan ang kapwa nating sundalo? Espadang gawa sa merkuryo? Palakol? Sibat?"

Sumulyap si Ybrahim sa babaeng kaklase at puminta ang isang maamong ngiti, sanhi ng pagpigil ng mga tili ng mga babae habang nakasimangot naman ang mga lalaki. Batid niyang iniisip ni Hermosa ang maaaring pagkakamali sa panghinaharap.

"Huwag kang mag-alala. Titiyakin kong malayo ako sa inyo at gagamitin ko lamang ito sa harap ng kalaban. Hindi ko nais na mapahamak kayong lahat dahil sa naging pabaya ako. Ang elementong Veturno lamang ang gagamitin ko."

Pumalakpak nang dalawang beses ang babaeng paham, hudyat ng pagtatapos ng kanilang klase. "Naubusan na tayo ng oras. Salamat sa iyo, Ginoong Sandoval. Maupo ka na. Ikaw rin, Binibining Alcazar." Tahimik na umupo nang sabay ang dalawa bago niya pinagpatuloy ang sasabihin, "May bago tayong natutunan tungkol sa elemento ng Mercurio. Bukas, itutuloy natin ang pagtatalakay tungkol sa pitong planeta."

Bahagyang ngumisi si Ybrahim nang maalala niya iyon lahat. Hindi niya binanggit sa mga kilalang paham na ang planetang Mercurio ay para sa mga nilalang na kalahati ang lahi. Si Ophelia mismo ang nagsabi sa kanya ng impormasyon na ito simula noong nakilala niya ito. Dahil naubos ang lahi ng mga taong dragon at nasakop ng kadiliman ang mga taong isda, siya palang ang kalahating tao at sireno.

Biglang nagkaroon ng panibagong ideya si Ybrahim tungkol sa mga taong isda. Maaaring konektado ito sa mga nangyari sa kanila kung kaya't pag-uusapan nila ito ni Ophelia.

Kung sila'y dating mababait . . . hindi kaya . . . may kinalaman ang kanilang nakatataas na bathala? Papaano kung . . . reyna ng mga sirena't sireno ang may pakana?

Kung tama ang hinala ni Ybrahim, ano kaya ang nagtulak kay Reyna Aglatea upang gawin ang lahat ng ito?

----------------------------------------------

Footnotes:

(1) Paham – Sage; Scholar; Erudite

(2) Walang planetang Saturn.

(3) Ang January hanggang December ay pinalitan lamang ng mga pangalan ng Brightest Stars sa kalawakan. In order: Sirius, Aldebaran [February], Deneb, Altair, Vega [May], Spica, Rigel [July], Procyon [August], Regulus, Polaris, Hadar, at Arcturus.