webnovel

Epilogo

Nagkaroon ng pagdiriwang sa iba't ibang kaharian nang matalo ni Heneral Ybrahim ang kanyang ina na si Reyna Aglatea. Nawala ang sumpang bumabalot sa lahat ng mga taong isda at sa isang iglap, siya'y naging Hari ng Karagatan. Kasama niyang mamuno si Reyna Lysandra at naging prinsipeng tagapagmana ang anak nilang si Roan.

Kahit na naging hari si Ybrahim, nais pa rin niyang maglingkod sa buong Warcadia bilang isang heneral. Sino ang pipigil sa kanya? Nagpasya rin siyang magtayo ng panibagong Vesperia na nasa lupa, ngunit ito'y nasa ibabaw ng tubig. Sa ganitong paraan, maaaring mamasyal ang mga tao sa Kaharian ng Vesperia.

Sa Kaharian ng Azeroth, sila ay nasa hapagkainan sa labas ng kastilyo at napansin ni Ybrahim na kanina pang lumilipad ang utak ng kabiyak. Bumabalik lamang ito sa realidad kung tatawagin ng kanilang anak kung kaya't siya ay nagpasyang lapitan ito upang malaman ang kalagayan.

"Lysandra?"

Bahagyang nagulat si Lysandra bago tumingin sa asawa. "B-Bakit?"

Kumunot ang noo ni Ybrahim. Pinatanong niya ang kanyang kamay sa balikat nito at nagtanong, "Ayos ka lang ba? Maraming bakanteng silid sa kastilyo kung nais mong magpahinga."

Bumuntong-hininga si Lysandra at puminta ang malumanay na ngiti sa kanyang mga labi. "Siguro nga ay . . . kailangan ko nang magpahinga. Masyado akong napagod kanina."

"Mauna na kayo ni Roan." Hinaplos ni Ybrahim ang buhok ng kabiyak. "Bukas ng hapon pa tayong maglalakbay patungong Planetarium."

"Sige. Mauuna na kami." Binaling ni Lysandra ang tingin sa anak na humihikab sa kanyang kandungan. "Halika na, Roan. Inaantok ka na. Matutulog na tayo."

Sumandal si Roan sa dibdib ng ina bago ito binuhat palayo ng hapagkainan.

Nang sila'y nawala sa paningin ni Ybrahim, nilapitan siya ni Reyna Hesperia. "Heneral Sandoval . . ."

Napalingon ang pirata at mabilis na tumindig upang sumaludo. "Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?"

"Sumama ka sa akin sa silid ng trono. May . . . mahalagang bagay kang dapat na malaman."

"Mahalaga?"

🔱 🔱 🔱

"Basahin mo ang nilalaman nito." Isang pergamino ang binigay ni Haring Isidro sa nagtatakang heneral.

Kinuha ito ni Ybrahim at pinagmasdan nang matagal. Sa hindi malamang dahilan, kumabog ang kanyang dibdib. "Kanino ito galing?"

"Sa iyong namayapang ama."

Napatingin siya sa hari, gulat na gulat. "Sa aking ama?"

Bumuntong-hininga si Haring Isidro. "Ayon sa kanya . . . masasagot ang lahat ng mga katanungan mo sa liham na iyan. Ngayon na ang tamang panahon upang maliwanagan ka."

Buong lakas binuksan ni Ybrahim ang pergamino at taimtim niyang binasa ang liham na galing sa ama. Habang binabasa niya ito, namuo ang mga luha sa kanyang mga mata at sumikip ang kanyang dibdib.

     Mahal kong anak,

     Kung binabasa mo ito, ako'y pumanaw na sa kamay ng iyong ina na si Reyna Aglatea. Sa mga oras na ito, nalaman mo na ang tungkol sa pagiging isang prinsipe. Ikaw ang nakatakdang maghari sa mga taong isda at sa buong karagatan. Nakatitiyak ako na ikaw ay magiging isang mahusay at matalinong hari na may busilak na puso.

     Nagpapasalamat ako kina Haring Isidro at Reyna Hesperia dahil itinago nila ang sikreto mo. Oo. Matagal na nilang alam ang tungkol sa pagiging kalahating sireno mo. Sila'y nangako ring papanoorin ang iyong paglaki bilang isang piratang sundalo. Sa palagay ko . . . ikaw ay naging isang heneral. Heneral ng Hukbo. Tama ba? Pagbutihan mo, anak.

     Alam kong marami ka pang nais na itanong dahil hindi nasabi ng iyong ina ang iba pa, kaya sasabihin ko kung bakit natin kinailangang lumipat sa Kaharian ng Azeroth. Noong ikaw ay anim na taong gulang pa lamang, nalaman kong isang sirena pala si Reyna Aglatea nang sinundan ko siya sa dalampasigan. Nakikipag-usap siya sa kanyang heneral at narinig ko ang kanyang masamang balak sa iyo. Nais ka niyang gamitin upang maging hari ng kadiliman at ng buong Warcadia.

     Nalaman ko rin na . . . hindi niya ako mahal. Balak niya akong patayin. Ginamit lamang niya ako upang magsilang ng isang prinsipeng tagapagmana na umaayon sa espesyal na numero ng planetang Mercurio. Masakit sa puso, ngunit, ganoon talaga, kaya ipinadala ko itong liham kina Haring Isidro at Reyna Hesperia kasama ang isa pa para sa kanila. Noong araw na iyon, tinakas kita at . . . ito ang aking naging kapalaran.

    Kahit wala na ako sa iyong tabi, mahal na mahal kita, Ybrahim. Alagaan mo ang iyong sarili, pati na rin ang iyong pamilya. Huwag kang magpapasakop sa kadiliman kahit ano man ang mangyari.

     Nagmamahal,

     Tatay Alfonso

Pagkatapos niyang basahin ang liham na galing sa ama, hindi na napigilan ni Ybrahim ang tumangis. Malaki ang kanyang pasasalamat sa ama dahil sa sakripisyong ginawa upang mailigtas ang buong Warcadia mula sa kasamaan ni Reyna Aglatea. Simula ngayon, sisiguraduhin niya na siya ay magiging isang mabait na ama sa pamilya at hari sa mga taong isda.

🔱 🔱 🔱

Dahil kumpleto ang pitong pinakamahalagang kaliskis na nasa pangangalaga nina Ybrahim at Bathalumang Ophelia, napabilis ang paglakbay patungong Planetarium. Naging isang araw na lamang ito at sila'y nakarating ng gabi. Naiwan sa loob ng barkong pampirata si Reyna Lysandra kasama si Roan na natutulog nang mahimbing sa kama ng kanilang silid. Susunod na lamang sila kung nagising na ito.

Kasalukuyang nasa loob ng sanktum sina Ybrahim at Ophelia. Maliban sa mga ordinaryong kaliskis na nabawi mula sa mga taong isda, naibalik na ang pitong pinakamahalagang kaliskis sa kanya-kanyang rebulto ng mga planeta at lumulutang ang mga ito. Isa na lamang ang kailangang gawin ng bathaluman at iyon ay masasaksihan ng pirata.

Hinarap ni Ophelia ang pitong rebulto. Pinikit niya ang kanyang mga mata at taimtim na nagdasal. Habang tinutuon ang sariling kapangyarihan sa mga mahahalagang kaliskis, kakaiba ang mga salitang dumadaloy palabas ng mga labi; isa itong enkantasyon.

Pinagmasdan ni Ybrahim ang mga planetang lumiwanag. Ang kamangha-mangha, lumiwanag din ang buong paligid at lumitaw ang mga kakaibang simbolo na nakaukit sa sahig at dingding.

Pagkaraan ng ilang minuto, yumanig ang lupa!

"A-ano ang nangyayari?" Muntik nang matumba si Ybrahim sapagkat pakiramdam niya'y gumagalaw ang buong Planetarium.

Nagsalita lamang si Ophelia nang tumigil na ang pagyanig. Huminga siya nang malalim bago hinarap ang pirata. "Ang buong isla ngayon ay nasa himpapawid. Ang Planetarium ay magiging panibagong kaharian ng mga . . . taong dragon."

"Mga taong dragon?" Kumunot ang noo ni Ybrahim.

"Halika't magtungo tayo sa labas. Dalhin mo ang mga ordinaryong kaliskis at ikalat sa paligid."

Naunang lumabas si Ophelia at sumunod naman si Ybrahim. Nagkaroon siya ng ideya kung ano ang tinutukoy ng matalik na kaibigan, ngunit hindi siya makapaniwala na maaaring mangyari iyon.

🔱 🔱 🔱

Malalim na ang gabi nang sila'y nakalabas. Muling namangha si Ybrahim sapagkat hindi nagbibiro si Ophelia. Ang buong Planetarium ay lumulutang at sila'y mas lumapit sa mga bituing nagniningning. Masisilayan din ang kabilugan ng buwan at ito'y nakabibighaning pagmasdan.

Hindi nagsayang ng oras si Ybrahim at kinalat niya ang mga ordinaryong kaliskis sa paligid. Pagkatapos niyon, binigkas muli ni Ophelia ang enkantasyon hanggang sa lumiwanag ang mga kaliskis at naghugis . . .

"Nananaginip ba ako?" gulat na tanong ni Ybrahim. "Buhay ang mga taong dragon?"

Binuhay ni Bathalumang Ophelia ang mga taong dragon. Subalit hindi tumalab ang enkantasyon sa ibang mga kaliskis sapagkat malaki ang pinsalang natamo ng mga ito. Nakalulungkot man isipin, ngunit iyon ang naging kapalaran nila.

"Isa kang mahusay na bathaluman, Ophelia!" Lumapad ang ngiti ni Ybrahim, tuwang-tuwa sa nakikita. "Hindi ko akalain na ito ang iyong huling tungkulin sa Warcadia–"

Paglingon ni Ybrahim, namilog ang kanyang mga mata. Tumigil ang pag-ikot ng kanyang mundo nang makita niyang nakahandusay sa buhangin si Ophelia—walang malay.

"Ophelia?" Bumilis ang pintig ng kanyang puso sa matinding pangamba. Nagmadali siyang pumunta sa tabi ng matalik na kaibigan at yinakap ito sa kanyang kandungan. "Ophelia! Gumising ka! Ano ang nangyayari sa'yo?"

Nagbabantang tumulo ang mga luha ni Ybrahim. Nakita niyang namumutla ang mukha ng matalik na kaibigan, animo'y unti-unting nauubos ang lakas.

"Ophelia? Huwag mo akong– Ophelia!"

Hindi niya namalayan na may dalawang taong dragon ang lumapit sa kanya: isang babae at isang lalaki. Halos magkahalintulad ang wangis nila kay Ophelia.

"Paumanhin . . . ngunit ikaw ba ang itinakdang tagapagligtas ng Warcadia?" tanong ng babaeng taong dragon.

Tumingin si Ybrahim sa kanya at tumango. "Ako nga. Sino kayo at bakit nanghihina si Ophelia?"

Umismid ang lalaking taong dragon. "Kami ang mga magulang ni Ophelia."

Nagulat si Ybrahim nang makita niya ang mga magulang ni Ophelia, tila ba'y umurong ang kanyang dila.

Lumuhod sa kanyang tabi ang ina ni Ophelia at hinaplos ang kanang pisngi ng anak. "Nanghihina ang aming anak . . . iyon ay dahil . . . buhay niya ang kapalit sa muling pagkabuhay naming mga taong dragon."

Bumigat ang dibdib ni Ybrahim dahil sa narinig. Hindi niya ito matanggap. "Nagbibiro ba kayo? Hindi ba't mga bathala at bathaluman ang mga taong dragon? Naibalik ko ang kaliskis ni Ophelia! Hindi dapat siya mamatay!"

Bumuntong-hininga ang ina ni Ophelia. "Ikinalulungkot ko. Ang pangunahing papel ng pitong pinakamahalagang kaliskis ay mabigyan kaming mga taong dragon ng buhay na walang kamatayan, ngunit hindi buhay na walang hanggan."

Bakas ang iba't ibang emosyon sa mukha ni Ybrahim. Nakaramdam siya ng matinding galit at hinagpis sa puso. Bakit hindi binanggit ito ni Ophelia? Bakit? Kung kailan maayos at mapayapa na ang Warcadia, ganito pala ang magiging kapalaran ng matalik na kaibigan.

Nagpasyang umalis ang mga magulang ni Ophelia upang sila'y mapag-isa. Kailangan ito ni Ybrahim sapagkat ito na ang magiging huli nilang pagkikita.

Mamayamaya pa'y, iminulat ni Ophelia ang kanyang mga mata at kinausap ang pirata. "Patawarin mo ako . . . Ybrahim. Hanggang dito na lang . . . ang buhay ko."

Umiling-iling si Ybrahim at mahigpit niyang hinawakan ang malamig na kamay ni Ophelia. "Huwag kang magsalita ng ganyan . . . Naiintindihan ko kung bakit mo kailangang itago sa akin ito."

Bahagyang ngumiti ang bathaluman. "Nais kong . . . magtungo sa talampas . . . kung saan natin itinanim ang mga Moonflower."

Hindi na nagdalawang-isip pa si Ybrahim at kaagad niyang binuhat si Ophelia patungo roon. Tinahak niya ang magubat na daan na kailangang hawiin upang makarating sa tuktok.

Pagkaraan ng ilang minuto, sila'y nakarating sa tuktok ng talampas kung saan makikita ang puting talulot ng mga Moonflower.

Tahimik na pinagmamasdan lamang ni Ybrahim ang bathaluman na nasa mga bisig. Dahan-dahan niya itong hiniga sa lupa habang yakap pa rin—ayaw pakawalan. Nais niyang samahan ito hanggang sa huling hininga.

"Ybrahim . . . Ipangako mo sa akin na ikaw ay magiging isang mabuting hari. Mahalin mo ang iyong kabiyak . . . pati na rin ang iyong mga anak."

Sumikip ang dibdib ni Ybrahim nang magsimulang magpaalam si Ophelia. Hindi pa siya handang mawala ito. "O-Ophelia . . . Nakikiusap ako sa'yo . . . Huwag mo muna akong iiwanan . . ."

Mapait na ngiti ang inilahad ni Ophelia. Inabot niya ang pisngi ng pirata at hinaplos ito. Nais sana niyang mamuhay nang matagal, ngunit hindi na iyon mangyayari kung kaya't ang mga huling salitang binitiwan niya ay tumatak sa puso't isipan ni Ybrahim.

"Mahal kita . . . Sobrang . . . mahal . . ."

Namuo ang luha sa mga mata ni Ophelia at gumulong ito sa gilid ng kanyang mukha. Unti-unting pumipikit ang mga ito hanggang sa tumigil ang pagtibok ng kanyang puso.

Nahulog ang kamay ni Ophelia sa lupa, patunay na sumakabilang-buhay na ito. Dahil dito, mahigpit niyang yinakap ito at doon niya ibinuhos ang walang humpay na pagtangis.

"Bakit? Bakit!" sigaw niya. "Bakit kailangan mo pang mawala? Dapat ako na lang! Marami pa akong gustong sabihin sa'yo! Marami . . ."

Humikbi-hikbi si Ybrahim. Lubos ang sakit na nararamdaman niya sa puso, tila ba'y nasusunog ito sa loob ng kanyang dibdib.

Bakit ganito ang tadhana?

Wala na si Ophelia.

Wala na.

Nais sana niyang ilibot ito sa iba't ibang kaharian upang kumain ng mga masasarap na pagkain, ngunit huli na ang lahat.

Mga ilang minuto rin ang nakalipas, nabasag ang katahimikan dahil sa isang pamilyar na boses ng babae. Nang inangat niya ang kanyang ulo, nakita niya si Lysandra, hawak ang kamay ng isang babaeng paslit na taong dragon. Mayroon itong hanggang balikat na kulay-kapeng buhok, asul ang mga malalaking mata, at puti ang mga maliliit na pakpak. Ang hitsura ng paslit ay hindi lalayo kay . . .

"Anak mo siya kay Ophelia," mahinang wika ni Lysandra.

Nagulantang si Ybrahim, hindi makapaniwala sa narinig. "A-Anak namin?" Pinagmasdan niya muli ang paslit na nagtatago sa likod ng mga binti ng kabiyak. Nagbunga pala ang aming . . .

Tumingin si Lysandra sa paslit. Nginitian niya ito at hinikayat na lumapit sa ama. "Huwag ka nang mahiya . . . Yakapin mo ang iyong ama, Luna."

Kahit na masakit isipin na may anak si Ybrahim mula kay Ophelia, matagal na itong tinanggap ni Lysandra. Nang matalo niya ang nakasagupang heneral ng mga taong isda sa loob ng kastilyo ng Azeroth, binalikan niya ang anak na si Roan na nagtatago sa isang silid. Doon niya nakilala ang babaeng paslit.

Sa mga panahong iyon, palaging lumulutang ang pag-iisip ni Lysandra. Iyon ay dahil pasikretong nag-usap sila ni Ophelia at humingi ito ng kapatawaran dahil sa nagawa at pabor na huwag babanggitin kay Ybrahim ang tungkol kay Luna hangga't hindi natatapos ang kanyang tungkulin na buhayin ang lahat ng mga taong dragon.

Samantala si Ybrahim naman, matagal na rin niyang napupuna ang kakaibang kilos ni Ignis na palaging nawawala at nauunang umalis. Naiintindihan na niya kung bakit. Si Luna pala ang sanhi ng lahat.

"Luna ang iyong ngalan? Kay gandang bigkasin . . ." Tiningnan ni Ybrahim sa mga mata si Luna at inilahad ang isang mainit na ngiti. Binuksan niya ang kanyang mga bisig para sa anak na nahihiyang lumapit. "Halika't yakapin mo ang iyong ama."

Batid ng pirata kung bakit ito ang pangalan ng anak niya kay Ophelia. Hango ito sa buwan at marahil sa Moonflower. Dahil dito, hindi niya namalayan ang ngiting lumalaki.

Mamayamaya pa'y, patakbong umiyak si Luna papunta sa kanya. "Ama!"

Niyakap ni Ybrahim si Luna nang napakahigpit. Nakaramdam muli siya ng pagkirot sa puso habang naririnig niya ang mga hikbi ng anak.

"Wala na si Ina! Wala na si Ina . . ."

"Tahan na, Luna, tahan na . . . Nandito pa ako. Itigil mo na ang iyong pagtangis."

Habang sila'y nagyayakapan, iniwan ni Lysandra ang dalawa upang mapag-isa, at naramdaman ni Ybrahim ang pag-alis ng kabiyak. Nais sana niyang pigilan ito, ngunit hinayaan na lamang niya.

Matagal-tagal nanatili sa ganoong posisyon ang mag-ama hanggang sa humiwalay si Luna upang tingnan ang ama sa mga mata. "Tatay Ybrahim? Minahal po ba ninyo si Ina?"

Bahagyang ngumiti si Ybrahim dahil sa inosenteng tanong ng anak. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ni Luna at taos-pusong sinagot ito.

"Oo, anak . . . Minahal ko ang iyong ina."

Balang araw, mauunawaan ito ng kanyang anak kung bakit hindi niya nagawang magtapat sa . . .

. . . unang babaeng minahal.

Pasensya na kung maikli ang kuwento dahil novelette ang nasalihan kong contest noon. Napilitan akong isiksik ang matabang plot na naisip ko. Balak ko sanang pahabain kaso...dumudugo ang ilong at utak ko sa straight Tagalog. XD English kasi ang forte ko para mas magawa ko ang gusto ko sa showing at telling. Anyway, thank you for reading! ♥

RedZetroc18creators' thoughts