webnovel

Mga Lihim

Sinundan ni Heneral Ybrahim ang hari at reyna sa loob ng kastilyo ng Azeroth. Sila'y nagtungo sa silid kung saan naroroon ang trono ng hari at reyna upang mag-usap nang masinsinan tungkol sa naganap na pagpupulong sa koloseyo.

"Sinasabi na nga ba! Iyon ang kapalit na hinihingi ng kanilang reyna!" Gigil na gigil si Haring Isidro sapagkat iniisip niyang pinaglalaruan lamang sila ni Reyna Aglatea.

"Ano ang balak mong gawin? Kailangan nating protektahan si Ophelia. Siya na lamang ang natitirang bathaluman," nag-aalalang wika ni Reyna Hesperia.

Habang naglalakad si Ybrahim, nilibot niya ang kanyang tingin sa paligid. Gawa sa simento at marmol ang dalawang itim na haligi na may gintong disenyo sa tuktok at ibaba. Makintab at malinis ang mga ito pati na rin ang sahig, dingding, at kisame na pinaghalong kulay-garing at itim. Ang tanging mga nakasabit na baner ng kanilang kaharian ay kulay berde, pula, at ginto. Hindi niya mailarawan sa isipan na maglalaho ang lahat ng ito kung nagkaroon ng madugong digmaan sa hinaharap.

"Batid ko iyon." Umupo si Haring Isidro sa kanyang trono at nagpatuloy sa kanyang winiwika, "Kahit isang siglo na ang nakalipas, nagmistulang bugtong ang naganap na digmaan sa pagitan ng mga taong dragon at taong isda."

Naging mapait ang ekspresyon sa mukha ng hari nang maalala niya ang tungkol sa kasaysayan ng Warcadia. Naghangad ng kapangyarihan ang mga taong isda at walang awa nilang pinagpapaslang ang mga taong dragon upang makuha ang mga makapangyarihang kaliskis, lalo na ang mga pinakamahalaga na konektado sa kanilang pitong planeta.

"Tayo ay muling malalagay sa kapahamakan kung hindi natin ito mapag-iisipan nang mabuti." Bumuntong-hininga si Haring Isidro. "Kailangan natin magpalakas ng puwersa sa loob lamang ng apat na taon. Maaaring hindi masunod ang kasunduan kaya dapat palagi tayong handa sa kung ano mang sakuna."

Nilipat ni Reyna Hesperia ang tingin sa tahimik na heneral na nakatindig sa kanilang harapan. Umupo siya sa kanyang trono at tinawag ito, "Heneral Sandoval. Alam ko na marami kang tungkulin na kailangang gampanan, ngunit maaari ka bang maglakbay bukas ng umaga patungo sa Planetarium? Ipabatid mo kay Bathalumang Ophelia kung ano ang mga naganap ngayon."

"Masusunod, Reyna Hesperia." Sumaludo si Ybrahim bilang tugon. Sa halip na umalis, humingi muna siya ng paumanhin. "Haring Isidro, Reyna Hesperia. Kung inyong mamarapatin, hihingi sana ako ng tawad hinggil sa nangyari kanina. Hindi ko akalaing–"

"Hindi mo na kailangan pang humingi ng tawad," putol ni Haring Isidro, "sapagkat kami'y nabigla rin sa hambog nilang reyna. Hindi mapagkailang matalino siya. Matalas ang kanyang isip."

Bumuntong-hininga si Reyna Hesperia, sumasang-ayon sa kanyang bana. "Kaya kailangan mag-ingat tayo simula ngayon. Maging listo."

🔱 🔱 🔱

Pagsapit ng bukang-liwayway, naglakbay si Ybrahim patungo sa Planetarium kung saan namamalagi si Ophelia gamit ang kanilang barkong pampirata. Dalawampung sundalo ang kanyang kasama pati na rin sina Koronel Alcazar at Ignis—ang alaga niyang dragon.

Hindi naging madali ang paglalakbay dahil umabot sila ng tatlong araw. Palagi silang listo sa kapaligiran sapagkat teritoryo ng mga taong isda ang karagatan. Kahit na binigyan sila ng apat na taon upang mamuhay nang mapayapa, walang nakakaalam kung kailan lulusob ang mga ito kung kaya't doble ingat sila ngayon.

Sa loob ng barkong pampirata, ang heneral ay nagbabasa ng makapal na libro sa tahimik sa silid-aklatan. Ang kanyang mga titig sa bawat pahina ay sadyang taimtim, tila walang sino man ang makagagambala sa kanya.

Nais niyang malaman ang tungkol sa kasaysayan ng digmaan sa pagitan ng mga taong dragon at taong isda sa hangad na makahanap ng dahilan kung bakit nagawa ng mga sirena't sireno ang pumaslang, lalo na't kinikilala sila bilang mga mabubuting nilalang.

Malungkot na tumingin sa harapan si Ybrahim. May naisip siyang paraan laban sa mga taong isda, ngunit may kahirapan itong plano dahil iilan lamang ang umaahon mula sa dagat at wangis nila ay kapareho rin sa tao.

Hahanap ako ng pagkakataon. Kung ako'y nagtagumpay, makakakuha ako ng impormasyon tungkol sa kanila.

Kumunot ang kanyang noo habang patuloy siyang nagbabasa. Hindi niya mawari kung papaano ito lulutasin. Nilipat naman niya ang atensyon sa isang librong nakabuklat upang basahin ang tungkol sa mga taong isda. Ngunit, siya'y muling nabigo. Nagbuntong-hininga na lamang siya.

Hindi kaya . . . may itinatagong lihim ang kanilang reyna? Papaano kung may isang taong dragon ang hindi tumupad sa usapan? Nakatitiyak ako na may nangyaring hindi kaaya-aya sa Kaharian ng Vesperia–

"Heneral Sandoval!"

Isang boses ng babae ang pumunit sa kanyang isipan. Inangat niya ang kanyang tingin sa pinto at bumukas ito. Makikita si Koronel Alcazar na nakangiti nang malapad. Sumaludo muna ito bago nag-ulat ng magandang balita.

"Malapit na tayo sa Planetarium!"

Lumiwanag ang mukha ni Ybrahim sa kanyang narinig. Tila ba'y sabik na sabik siya sa tuwing bibisitahin si Ophelia kung kaya't tumayo siya nang tuwid at nagmadaling lumabas ng silid-aklatan.

Paglabas niya ng pinto, nakadungaw na pala sa madilim na kalangitan ang malaking buwan. Gaano katagal na ba siyang nakababad sa mga libro upang hindi mapansin ang paglipas ng oras? Hindi na iyon pinansin ng pirata nang biglang umihip ang malamig na simoy ng dagat sa kanyang buong katawan.

Simula noong bata pa lamang si Ybrahim, hindi niya alam kung bakit naibigan niya ang amoy ng karagatan. Sa tuwing pinapanood niya ang mga alon mula sa dalampasigan, tila tinatawag siya nito. Nang malaman niya mula kay Ophelia ang tungkol sa lahing dumadaloy sa kanyang dugo, mas naunawaan niya kung bakit tila may koneksyon siya sa dagat. Dahil dito, nanatiling lihim ang tunay niyang pagkatao upang makaiwas sa gulo.

Nang siya'y nakarating sa harapan ng barko, natanaw niya ang magubat na Planetarium sa malayo. Malago at matingkad pa rin ang mga luntiang halaman. Tiyak na maraming hayop at sari-saring prutas ang matatagpuan doon.

"Ano ang iyong sunod na utos, Heneral Sandoval?" tanong ni Koronel Alcazar sa kanyang tabi.

"Bantayan ang paligid at hintayin ang aking pagbalik. Panahon na upang bisitahin muli ang aking matalik na kaibigan," sambit ni Ybrahim habang nakaukit ang isang makabuluhang ngiti.

🔱 🔱 🔱

Pagsapit ng alas diyes ng gabi, si Bathalumang Ophelia ay nagtungo sa isang talampas na kung saan ay tumatama ang liwanag ng buwan. Dito rin matatagpuan ang tinatawag na Moonflower. Tuwing gabi bumubuka ang mga puting talulot at sadyang kay tamis ng halimuyak na idinudulot nito.

Tumigil ang bathaluman sa paglakad. Nanatili siyang nakatindig sa paligid ng mga puno at bulaklak habang pinagmamasdan ang kabilugan ng buwan sa langit. Maliwanag ito at napakagandang titigan. Nakadagdag pa ang mga bituing nagniningning. Nagmistulang kumikislap ang kanyang mga asul na mata.

Umihip ang malamig na hangin at sumayaw sa daloy ang kanyang pilak na buhok na abot hanggang baywang pati na rin ang kanyang mahabang bestida na kulay puti, lila at ginto. Niyakap niya ang sarili gamit ang kanyang mga puting pakpak sapagkat nagsisilbing kumot ito sa buong katawan niya.

Sumilay ang isang matamis na ngiti sa mga mapupulang labi ni Ophelia at siya'y pumikit, inaalala ang nakaraan kung saan ay labis ang ligaya niya sa piling ni Ybrahim at kung papaano inihandog sa kanya ang mga bulaklak.

"Halika't samahan mo ako roon sa talampas," masayang sambit ng pirata, at nagmadaling lumakad patungo sa hilaga. Maraming halaman ang kailangang hawiin upang sila'y makaraan sa mapunong gubat.

"Sandali lang, Ybrahim! Ano't nagmamadali ka?" Sa halip na gamitin ang mga pakpak upang pabilisin ang paglalakbay, binilisan ni Ophelia ang paglakad hanggang sa naabutan niya ang lalaki. Nakita rin niya ang bitbit na lukbot at suot na maletin kung kaya't nagtanong siya tungkol sa mga gamit. "Ano ang mga laman niyan? Mahahalagang bagay ba?"

Ngumiti nang malapad si Ybrahim habang inaakyat ang talampas. "Handog ko sa'yo ang nasa loob nito." Itinaas niya ang lukbot upang makita ng kaibigan.

Namilog ang mga mata ni Ophelia sa narinig. Marahil hindi niya ito inaasahan mula sa lalaki. Kung ano man iyon, nakaramdam siya ng kakaibang saya sa puso. "Handog? Anong klaseng handog at kailangan pa nating lumabas dito?"

Mga ilang hakbang lang ang kanilang ginawa at sila'y nakarating na sa tuktok ng talampas. Malawak ang lupang kanilang tinatapakan, tamang-tama lang para sa inihandang sorpresa kay Ophelia. Inilapag ni Ybrahim ang suot na maletin sa lupa at siya'y humarap sa kanya bago ipinakita ang nilalaman ng lukbot.

Sumilip ang bathaluman at nagtaka sa nakita. "Mga binhi?"

"Oo." Maingat na tinaktak ni Ybrahim ang mga kulay-kape na binhi sa kanyang kaliwang palad. "Moonflower ang tawag sa bulaklak na itatanim natin."

Biglang nagtama ang kanilang tingin sa isa't isa.

Hindi batid ni Ophelia kung bakit, ngunit hindi niya napigilang ngumiti at kiligin sa magandang handog, bukod sa mga nakatutunaw at nakahuhumaling na titig ng lalaki. Tila ba'y gusto niyang lumipad sa himpapawid at magpaikot-ikot hanggang sa mahilo.

"Hindi ako pamilyar sa mga uri ng bulaklak, subalit ako'y nalulugod sa iyong handog," sambit ni Ophelia.

"Tutulungan mo ba akong itanim ang mga ito? Kailangan mo lang mag-ingat sapagkat nakalalason ang mga binhi," paalala ni Ybrahim. Lumuhod siya sa lupa at kinuha ang dalawang maliit na pala mula sa kanyang maletin. "Huwag na huwag mong ipapahid ang iyong mga daliri o palad sa iyong mga labi, malinaw ba?"

Lumuhod na rin si Ophelia at muling nagsalubong ang kanilang tingin. Kaaya-ayang ngiti ang kanyang nilahad at siya'y tumango bilang tugon. "Nauunawan ko."

"Kung ganoon, simulan na natin ang pagtatanim." Ibinalik ni Ybrahim ang ngiti bago ibinigay ang pala.

Hindi nagtagal ay bumalik sa realidad si Ophelia nang maramdaman niyang may pumasok sa Planetarium. Ikinatuwa niya ito dahil batid niya kung sino ang dumating.

"Si Ybrahim!"