webnovel

Buhay ni Bathalumang Ophelia

"Ybrahim!"

Isang boses ng babae ang pumunit sa isipan ni Ybrahim. Nang siya'y lumingon, isang mahigpit na yakap ang bumalot sa kanyang katawan.

"Ophelia!" Humalakhak si Ybrahim bago niya ibinalik ang mahigpit na yakap. "Saan ka galing? Malalim na ang gabi."

"Nagpahangin lamang ako sa tuktok ng talampas kung saan natin itinanim ang mga Moonflower," masayang tugon ni Ophelia. "Magandang pagmasdan ang kabilugan ng buwan doon."

Sa tuwing binibisita siya ni Ybrahim, labis ang nararamdaman niyang tuwa. Bumibilis ang pintig ng kanyang puso at umaakyat ang dugo sa kanyang mga pisngi. Ito ay dahil may lihim siyang pagtingin sa makisig na lalaki. Minsan na niyang pinag-isipang magtapat, ngunit hindi niya magawa sapagkat wala itong nakikitang pagmamahal para sa kanya. Palagi rin niyang iniisip ang tungkol sa kanyang huling tungkulin bilang isang bathaluman.

Hindi sila maaaring magsama.

Maraming hadlang.

Maraming dahilan.

"Bakit ka naparito?" tanong ni Ophelia.

Kumalas si Ybrahim mula sa pagkayakap at marahang hinawakan ang mga kamay ni Ophelia. Habang siya'y nagpapaliwanag, hindi pinahahalata ng bathaluman ang mga pisnging namumula. Kahit na hindi ito nararapat sa kanilang sitwasyon, hindi niya ito mapigilan.

"Nakausap na namin si Reyna Aglatea. Hindi ko nagawang makapagsalita. Sadyang matalino at tuso ang kanilang reyna," simula ni Ybrahim. Kumunot ang kanyang noo habang inaalala niya ang mga nangyari sa koloseyo. "Isinauli niya ang Kaliskis ng Marte at Veturno. Binigyan din niya tayo ng apat na taon upang mamuhay nang mapayapa, ngunit, ikaw ay kailangan naming isuko sa kanya."

Bumalik sa realidad si Ophelia nang marinig niya ang huling pangungusap. Nakatitig siya sa pirata, malaki ang mga mata. "A-Ako? Gagawin ninyo iyon?"

"Hindi." Humigpit ang hawak ni Ybrahim sa kanyang mga kamay at bahagyang hinila ito papunta sa kanyang katawan. "Hindi ako makapapayag na isuko ka sa kanilang reyna. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung mawawala ka."

Tuluyan nang namula ang mukha ni Ophelia dahil sa mga nakatutunaw na titig ng pirata. Ang mga salitang binitiwan din ang dahilan kung bakit siya'y natulala. Tanging si Ybrahim lamang ang sinisigaw ng kanyang puso.

Sana ay . . . may ibang kahulugan sa likod ng kanyang mga isinambit.

"Hahanap tayo ng paraan. Huwag mong isusuko ang iyong sarili, naiintindihan mo?" tanong ni Ybrahim.

Tumango si Ophelia. "Naiintindihan ko."

"Salamat." Muling niyakap ni Ybrahim ang bathaluman. Ang hindi niya alam, naka-ismid ito dahil sa nararamdamang kalungkutan.

Umiling-iling ng ulo si Ophelia bago humiwalay sa yakap ng pirata. "Batid kong pag-uusapan natin ang tungkol kay Reyna Aglatea. Batid ko rin na maaaring hindi sila sumunod sa usapan. Ano ang iyong binabalak?"

Napakagat ng labi si Ybrahim. Isang paraan lamang ang kanyang naisip. "Kung sakaling may isang sirena o sireno kaming namataan sa karagatan, ang maaari naming gawin ay hulihin siya. Ipapalabas namin na hindi siya sumunod sa kasunduang kapayapaan."

"Ngunit, nakatitiyak ka ba na may mga taong isdang aahon mula sa dagat? Hindi iyon hahayaan ng kanilang reyna," sambit ni Ophelia.

Biglang ngumisi si Ybrahim at tinaas-baba ang mga kilay, sanhi ng pagkapula muli ng mga pisngi ni Ophelia. "Mahilig silang magtungo sa Kaharian ng Durano upang bumili ng mga sangkap para sa kanilang pagkain. Kahit na sila ay naging masama, napanatili pa rin nila ang kanilang pakikipagkalakalan doon."

"Ibig sabihin ba nito ay . . . kilala ang Durano sa mga masasarap na pagkain?" Biglang lumiwanag ang mukha ni Ophelia. Matagal na niyang pinapangarap ang makakain ng iba't ibang lutuin ng mga tao.

"Tama ka." Bahagyang natawa si Ybrahim nang makita niyang kumikislap ang mga asul na mata nito. Alam niyang hindi ito makatatanggi pagdating sa mga pagkain. "Tutungo tayo roon sa buwan ng Hadar kaya paghandaan mo ang araw na lalabas ka rito ng Planetarium."

"Lalabas ako?" Namilog ang mga mata ni Ophelia. Nagdalawang-isip siya sapagkat mahirap iwanan ang Planetarium dahil sa mga pinakamahalagang kaliskis na nasa kanyang pangangalaga. "Ngunit . . ."

"Pakakainin kita ng mga masasarap na pagkain." Biglang lumawak ang ngisi ni Ybrahim. Umiral muli ang kanyang pagiging isang pilyong lalaki. "Hindi ba't paborito mo ang pancit langlang? Balita ko ay napakasarap nilang magluto niyon–"

"Salamat, Ybrahim!" Napatalon sa tuwa si Ophelia. "Gagawa ako ng paraan upang hindi matunton ng mga kalaban ang Planetarium!"

Niyakap niya si Ybrahim nang napakahigpit sa harap kung kaya't namula ang buong mukha nito. Dahil dito, nakaramdam ng kakaibang init sa katawan ang lalaki dahil sa sobrang lapit ng kanilang katawan sa isa't isa.

"A-Ah . . . Ophelia. Mahigpit. Masyadong mahigpit." Nagkunwaring hindi makahinga si Ybrahim. Hindi niya kinayang maramdaman ang dalawang malambot na bundok na nakadikit sa kanyang tiyan. "Paalala ko lamang na . . . hindi na ako bata. Lalaki ako."

Nataranta naman si Ophelia nang maunawaan niya ang ibig sabihin ng pirata. Kaagad siyang kumalas mula sa pagkayakap at humingi ng tawad. "Pasensya na! Nasasabik lamang ako sa mga . . . pagkain." Dahil sa matinding hiya, tinakpan niya ang kanyang mukha bago ginamit ang sariling mga pakpak upang magtago mula kay Ybrahim.

Hindi malaman ni Ybrahim kung bakit, ngunit nagustuhan niya ang naging reaksyon nito. Humalakhak na lamang siya at napahawak sa tiyan kung kaya't napasilip si Ophelia sa kanya. Mamayamaya pa'y, natawa na rin ito at ang kanyang ngiti ay umabot hanggang langit.

🔱 🔱 🔱

Buwan ng Hadar, 12:30 p.m.

Patuloy na naging mapayapa ang lupain ng Warcadia. Nanatiling tapat sa usapan si Reyna Aglatea, ngunit hindi nangangahulugan na magiging pabaya ang mga piratang sundalo. Araw at gabi, sila'y nagpapalakas ng kanilang mga sariling elemento at nagpapatrolya sa bawat kaharian.

Sa kantina ng Akademiyang Militar ng Warcadia, maraming mga piratang sundalo ang kumakain ng pananghalian pagkatapos ng kanilang klase at pagsasanay. Kung pagmamasdan ang lugar, gawa rin ito sa simento at marmol na kulay-garing, itim at ginto. Ang mga naglalakihang bintana ay may disenyong puno at apoy, sumisimbolo sa mga elementong Veturno at Marte.

Sa bandang gitna ng kantina, tahimik sina Heneral Sandoval at Koronel Alcazar sa kanilang upuan nang may nakababahalang ibinulong si Ybrahim pagkatapos kumain. Kumakabog ang kanyang dibdib sa hindi malamang dahilan.

"Hermosa . . . Kinakabahan ako."

Tumingin ang koronel sa kanya. "Bakit? Ano ang problema?"

"Nais kong magtungo sa Planetarium at tingnan ang kalagayan ni Ophelia," bulong ni Ybrahim.

Kumunot ang noo ni Koronel Alcazar. "Hindi ba't may plano kang bisitahin si Bathalumang Ophelia sa susunod na linggo pa?"

"Hindi ko alam, ngunit masama ang aking kutob. Nais kong magtungo ngayon." Sumasalamin sa mga mata ni Ybrahim ang matinding pag-aalala para sa matalik na kaibigan. Maaaring guni-guni lamang niya ito, ngunit nais niyang makasiguro.

Napansin ng koronel na hindi mapalagay ang heneral sa kanyang upuan kung kaya't pinilit niya itong tumindig. "Sasamahan kita. Kung nais mong malaman ang kalagayan ni Bathalumang Ophelia, halika na! Isama mo si Ignis."

Si Koronel Hermosa Alcazar ang tanging tao na pinagkatitiwalaan ni Ybrahim tungkol sa kanila ni Ophelia. Sa una ay hindi sila magkasundo noong sila'y nag-aaral pa lamang dahil sa akademiko, ngunit dumating din ang panahon na sila ay naging matalik na magkaibigan. Subalit, hindi pa rin magawang aminin ng heneral ang tungkol sa kanyang tunay na pagkatao.

Tumango si Ybrahim. "Magpaalam tayo kina Haring Isidro at Reyna Hesperia. Tayong dalawa lamang ang pupunta sa Planetarium."

Pagkatapos niyon, sila'y nagmadaling umalis ng kantina.

🔱 🔱 🔱

Ibinaba ni Ignis si Ybrahim malapit sa lagusan ng sanktum. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib at hindi siya mapakali, tila sasabog na ang kanyang puso sa matinding pag-aalala. Nagmadali siyang pumasok sa loob at sinuri niya ang bawat lagusan kung may nagtangkang manghimasok. Laking gulat niya na halos lahat ng mga nakahandang patibong ay nagamit. Ang nakapagtataka ay hindi niya makita ang salarin.

Hindi kaya . . . Namilog ang mga mata ni Ybrahim dahil sa hindi kaaya-ayang naisip. Hindi! Sana maayos ang kanyang kalagayan!

Kumaripas siya ng takbo patungo sa dulo ng sanktum. Hinding-hindi niya mapapatawad ang sarili kung napahamak si Ophelia nang wala ito sa kanyang tabi. Batid niyang malakas ang kapangyarihan ng bathaluman, ngunit wala pa itong gaanong karanasan sa pakikipaglaban.

"Ophelia!" sigaw ni Ybrahim.

Pagkarating sa dulo ng silid, nanghina ang kanyang mga tuhod dahil sa nakita. Maraming mga bitak na dingding at kisame. Ang mga rebulto ng pitong planeta ay halos nawasak; gumuho ang ibang mga parte nito. Nakakalat din sa sahig ang mga piraso ng simento at bato.

Iginala ni Ybrahim ang kanyang mga mata hanggang sa natagpuan niyang nakahandusay sa sahig si Ophelia malapit sa rebulto ng Neptuno.

Muli siyang tumakbo bago lumuhod sa tabi ng walang malay na bathaluman. Sa sandaling nakita niya ang mga sugat at galos sa buong katawan at pakpak ni Ophelia, kumirot ang kanyang puso.

"Ophelia? Ophelia! Gumising ka! Hindi ka maaaring mamatay!"

Binuhat niya si Ophelia at ipinatong ang ulo sa kanyang kandungan. Dahan-dahan niyang yinakap ito sa kanyang mga bisig bago yinugyog nang marahan.

"Ophelia! Nandito na ako! Parang awa mo na . . . Gumising ka!"

Sa tuwing sumisigaw si Ybrahim, nababasag ang kanyang boses, tila ba'y nawalan na siya ng katinuan sa pag-iisip.

"Ophelia . . ." Lumabo nang lumabo ang kanyang paningin hanggang sa pumatak ang mga luha. May mga bagay pa siyang nais sabihin kay Ophelia at umaasa siyang buhay pa ito. "Huwag mo muna akong iiwanan . . ."

Hikbi nang hikbi ang pirata. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Papaano kung tunay ngang namatay ang bathaluman? Ano ang kanyang sasabihin kina Haring Isidro at Reyna Hesperia? Isa siyang kabiguan? Papaano kung nabunyag ang kanyang sikreto? Siya ang pumaslang kay Ophelia? Isang kasinungalingan! Dapat niyang malaman kung sino ang may kagagawan nito.

Buong akala niya ay wala nang buhay si Ophelia. Unti-unting nagkaroon na ito ng malay at mahinang tinawag ang kanyang ngalan.

"Ybrahim . . ."

Natauhan si Ybrahim at napatingin sa yakap-yakap na babae. "Ophelia? Ophelia! Buhay ka!"

Abot tainga ang kanyang ngiti. Malaki ang kanyang pasasalamat sa mga nakatataas na bathala at bathaluman dahil buhay pa ang kanyang matalik na kaibigan.

"Huwag ka munang . . . matuwa," naghihingalong sambit ni Ophelia.

Kaagad napawi ang ngiti sa mga labi ni Ybrahim. "Sino ang gumawa nito sa'yo?"

"May sirenang . . . nagtangkang paslangin ako. Ninakaw niya . . . ang kaliskis ko . . . sa aking pakpak," nanghihinang paliwanag ni Ophelia. "Kung hindi ito maibabalik sa akin . . . ang buhay ko ay tatagal lamang ng . . . pitong taon . . . Kapag nangyari iyon–"

"Husto na, Ophelia," sabad ni Ybrahim bago ngumiti nang maamo. "Hindi mangyayari iyon. Kapag naibalik na natin ang kapayapaan sa buong Warcadia, tutungo tayo sa iba't ibang kaharian upang kumain ng mga masasarap na pagkain. Hindi mo na kailangan pang magtago rito sa Planetarium."

Napangiti si Ophelia sa mga salitang narinig mula sa lalaking kanyang iniibig. Sapat na iyon upang malaman niyang siya'y ligtas. Mamayamaya pa'y, unti-unting nagsasara ang kanyang mga mata hanggang sa siya'y nakatulog sa mga bisig ni Ybrahim.

Kailangang magamot ang mga sugat at hiwa sa katawan ni Ophelia at isa lamang ang paraan upang magawa iyon. Dadalhin siya ni Ybrahim sa Kaharian ng Azeroth, ngunit, papaano ang mga pinakamahalagang kaliskis?

🔱 🔱 🔱

Pagkaraan ng tatlong araw, nakarating na ng daungan ng Azeroth sina Heneral Sandoval at Koronel Alcazar. Inabutan na sila ng gabi kung kaya't naging madali ang pagtago sa bathaluman. Nanatili muna sila sa kanilang pampiratang barko upang makasiguro na walang mga piratang sundalo ang nagpapatrolya sa lugar.

Sumakay si Ybrahim sa likuran ni Ignis habang nasa mga bisig niya ang tulog na si Ophelia. Nabigyan na ito ng lunas sa mga sugat, ngunit hindi pa iyon sapat upang bumalik ang kanyang lakas. Kailangan nila ng isang mahusay na manggagamot.

"Mauna ka na. Humingi ka ng tulong kina Haring Isidro at Reyna Hesperia," utos ni Ybrahim.

"Masusunod!" Sumaludo si Koronel Alcazar at nagmadaling bumaba ng pampiratang barko.

Huminga nang palabas si Ybrahim at nilipat ang tingin kay Ophelia. Pinagmasdan niya ang mala-anghel na mukha nito bago palayong sinuklay ang mga hibla ng buhok. "Kaunting tiis na lang, Ophelia. Gagaling ka. At kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako." Puminta ang isang makabuluhang ngiti habang siya'y nakatitig pa rin. "May ipagtatapat din ako sa'yo sa tamang panahon." Pagkatapos niyang ibulong ang mga katagang iyon, kinausap niya si Ignis. "Umalis na tayo."

Lumingon sa kanya si Ignis at tumango. Hawakan mo nang maigi si Ophelia.

"Huwag kang mag-alala. Hindi ko siya bibitiwan," biro ni Ybrahim. "Ikaw ang may kasalanan kapag nahulog kaming dalawa."

Ako? Naghahanap ka ba ng away? Suminghal si Ignis. Binuka niya ang kanyang mga pakpak at naghandang lumipad.

Inabot ni Ybrahim ang tali sa sintadera at kumapit nang mahigpit. "Sinasabi ko lang naman na . . . kapag nahulog si Ophelia, susunod ako. Pagkatapos niyon, sasaluhin mo kaming dalawa. Kapag hindi mo kami nasalo, ikaw ang may kasalanan."

Manahimik ka! Biglang pumutok si Ignis at lumalim ang kanyang boses. Kung hindi kita amo, matagal na kitang kinain!

"Mahal kita, Ignis."

Hindi kita mahal!

Nagpigil ng tawa si Ybrahim habang si Ignis naman ay umungol bago lumipad sa himpapawid. Lingid sa kanilang kaalaman, narinig iyon lahat ni Ophelia at siya'y palihim na ngumiti.

🔱 🔱 🔱

Sa loob ng silid ng konseho matatagpuan sina Haring Isidro at Reyna Hesperia. Nakatayo sila sa harapan ng pabilog na mesa na may mga upuang nakapalibot. Sa ibabaw ng mesa ay ang mapa ng Warcadia. Makikita roon ang iba't ibang kaharian tulad ng Azeroth, Durano, Mopek, Shiwako, at Vesperia. Pansamantalang pinag-uusapan nila ang maaaring plano sa nalalapit na digmaan habang hinihintay nila ang pagbabalik ni Heneral Sandoval.

"Ang mga piratang sundalo na may elementong Marte ang dapat mamuno sa paglikas ng ating mga mamamayan bago mangyari ang digmaan," sambit ni Haring Isidro habang tinuturo ang mga pook sa mapa.

"Para makasiguro, magsama tayo ng mga elementong Veturno. Alam nating lahat na wala silang karanasan pagdating sa pakikipagdigmaan," tugon ni Reyna Hesperia.

"Naisip ko na rin iyon. Sa palagay ko–"

Naputol ang kanilang pag-uusap nang may kumatok sa pinto at patakbong pumasok.

"Haring Isidro! Reyna Hesperia!"

Nagulat ang hari at reyna nang huminto sa kanilang harapan si Koronel Alcazar, hinihingal. Napahawak pa ito sa kanyang mga tuhod, tila ba'y malayo ang tinakbo upang makarating sa kanyang kinaroroonan.

"Ano ang nangyayari? Nasaan si Heneral Sandoval? Hindi ba't kasama mo siya?" Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Reyna Hesperia.

"Nilulusob ba tayo ng mga taong isda?" tanong ni Haring Isidro.

Huminga muna nang malalim si Koronel Alcazar bago sumaludo. "Maayos ang kanyang kalagayan, ngunit hindi ang bathaluman."

"Ano ang ibig mong sabihin?" Nanlaki ang mga mata ni Haring Isidro. "May naganap bang hindi maganda sa Planetarium?"

Tumango si Koronel Alcazar. "May nagtangka sa kanyang buhay at malubha ang kanyang kalagayan. Dinala siya rito ni Heneral Sandoval upang mapagamot at manumbalik ang dating lakas."

"Nasaan ngayon ang dalawa?" tanong ni Reyna Hesperia.

"Patungo sa silangang tore."

🔱 🔱 🔱

Si Ybrahim ay nasa isang silid ng silangang tore. Kumpleto ang mga mamahaling kagamitan doon tulad ng mga kurtina, salamin at plorera. Binabantayan niya si Ophelia na nakahiga sa malambot na kama, bahagyang nakabukas ang mga mata. Paminsan-minsan ay gumigising ito, ngunit siya ay mahina pa rin. Marahil, ito ay dahil sa kanyang ninakaw na kaliskis na nasa kaliwang pakpak. Nawala ang kanyang kalahating kapangyarihan.

"Kasalan ko ito. Dapat naging maingat ako sa pagbisita sa'yo sa Planetarium," simula ni Ybrahim. Malungkot siyang nakatingin sa kaibigan sapagkat sinisisi niya ang kanyang sarili dahil sa mga nangyari.

"Wala kang kasalanan." Hahawakan sana ni Ophelia ang kaliwang pisngi ng pirata nang hinawakan nito ang kanyang kamay at marahang pinisil. Sa halip na magulat, sumilay ang isang matamis na ngiti sa kanyang mga labi. "Kasalanan ko ito. Kailangan ko lamang ng mas makapangyarihan na panangga para sa isla. Marahil iyon ang dahilan kung bakit natunton ng sirena ang isla at nakapasok."

Tumahimik nang sandali ang silid bago binasag ito ni Ybrahim.

"Ang ibig sabihin nito . . . hindi sila sumunod sa kasunduang kapayapaan. Kung ganoon, kailangan naming pagplanuhan ang mga susunod na hakbang." Nag-igting ang panga ni Ybrahim. Nais niyang magalit sa sirenang iyon, ngunit hindi niya magawa. Hangga't hindi niya nalalaman ang tunay na nangyari sa mga taong isda, hinding-hindi siya magtatanim ng galit sa puso. Magiging hadlang lamang ito sa kanyang mga desisyon.

"Sandali lamang, Ybrahim."

"Bakit?"

"Nasaan ang mga pinakamahalagang kaliskis kung tayo'y nasa Azeroth? Papaano ang Planetarium?" nag-aalalang tanong ni Ophelia.

"Huminahon ka. Dala ko ang tatlong pinakamahalagang kaliskis." Ngumiti si Ybrahim. Nilipat niya ang kanyang tingin sa isang kahon na nakapatong sa mesa. Malapit ito sa kama ng bathaluman. "Bago tayo naglakbay patungong Azeroth, ginamit ko ang mahiwagang hikaw at nagpadala ako ng mga piratang sundalo malapit sa iyong isla. Binabantayan na nila ito. Huwag ka ring mag-alala. Gumagana ang iyong binigay na basbas sa aming mga pampiratang barko."

Alam ni Ybrahim na totoo iyon. Noong sila'y napadaan sa isang parte ng karagatan, mayroong mga taong isdang lumalangoy. Hindi sila naramdaman ng mga ito kung kaya't palaging panatag ang kanilang loob sa tuwing sila'y naglalakbay at nagpapatrolya sa karagatan.

"Mabuti naman." Bumuntong-hininga si Ophelia at guminhawa ang kanyang loob. Wala na dapat siyang ikatakot pa dahil malaki ang kanyang tiwala sa mga piratang sundalo.

Mamayamaya pa'y, may kumatok sa pinto. Lumingon si Ybrahim habang si Ignis – na natutulog malapit doon – ay nagising at lumipat kaagad ng puwestong matutulugan.

Mula sa labas, maririnig ang boses ni Koronel Alcazar. "Heneral Sandoval? Nandito na kami nina Haring Isidro at Reyna Hesperia. Kasama na namin ang manggagamot."

"Maaari na kayong pumasok," sagot ni Ybrahim.

Dahan-dahang bumukas ang pinto. Naunang pumasok sina Haring Isidro at Reyna Hesperia bago ang babaeng manggagamot samantala si Koronel Alcazar ay piniling maiwan sa labas upang magbantay. Nang sinarado ang pinto, tumindig kaagad si Ybrahim at sumaludo sa hari at reyna habang sila naman ay napatitig sa taong dragon.

"Bathalumang Ophelia!"

Lumuhod si Reyna Hesperia at sumunod na rin sina Haring Isidro at ang manggagamot. Ngayon lamang nila nakita ang totoong wangis ng bathaluman sapagkat matagal na panahon na itong hindi nagpapakita.

"Tumayo kayo," mahinang sambit ng bathaluman, at nakita niyang sumunod ang mga ito. "Hindi na ninyo kailangang gawin iyan sa harapan ko."

Sinubukang tumayo mula sa kama si Ophelia. Nakita ng manggagamot na mahina pa ito kung kaya't mabilis siyang pumunta sa tabi nito habang si Ybrahim naman ay napahawak sa magkabilang balikat ng kaibigan.

"Huwag, Ophelia. Mahina ka pa."

Tututol sana ang bathaluman nang sumang-ayon ang manggagamot.

"Tama ang heneral. Nababatid kong nawala ang inyong kalahating kapangyarihan. Kailangang magpahinga ng inyong katawan. Ako na ang bahala sa inyo," sambit ng manggagamot, at muli niyang pinahiga si Ophelia. "Susuriin ko ang katawan mo at pagkatapos ay bibigyan kita ng gamot upang manumbalik ang inyong lakas."

Napatingin si Ophelia kay Ybrahim upang makasiguro na ligtas siya mula sa babaeng manggagamot, at tumango naman ito. "'Wag kang mag-alala. Nandito lang ako sa tabi mo."

Nag-isip nang malalim ang bathaluman. Nais niyang manatili ang pirata sa kanyang tabi, ngunit kailangan niyang kausapin ang hari at reyna kung kaya't humingi siya ng pahintulot sa dalawa. "Paumanhin sa inyo. Ngunit, maaari ko bang makausap muna ang hari at reyna? Kakayanin pa ng aking katawan. Sandali lamang ito. Hayaan na rin ninyong matulog dito si Ignis."

Nagkaroon ng panandaliang katahimikan. Makikitang tulog na tulog si Ignis sa isang sulok ng silid bago sila nagtinginan sa isa't isa. Kung iyon ang nais ng bathaluman, kailangan nila itong sundin.

"Mauuna na kami," sambit ni Ybrahim.

Lumabas ng silid ang dalawa at naiwan sina Haring Isidro at Reyna Hesperia na nakatayo.

Sinubukang umupo muli ni Ophelia. Dahan-dahan siyang sumandal sa dingding bago tiningnan nang taimtim ang hari at reyna. "May mahalagang bagay akong sasabihin sa inyong dalawa."

Next chapter