webnovel

Matutong Magpatawad

"Ybrahim!" tarantang sigaw ni Lysandra.

Wala siyang pagkakataong sumunod sa asawa nang siya'y nakatanggap ng malakas na sampal, sanhi ng pagbagsak niya sa buhangin. Tumingala siya kay Ophelia at nakita niya ang madilim na tingin.

"Mag-usap tayo. Babae sa babae . . ."

Sa gitna ng hindi pagkakaintindihan, bumangon si Ybrahim mula sa lupang kanyang binagsakan sa loob ng kagubatan. Masakit ang kanyang buong katawan at pakiramdam niya'y naalog ang kanyang utak dahil sa lakas ng pagsipa ni Ophelia.

"Nararapat lang sa akin ito . . . Malamang ay hawak niya ang kaliskis na iyon." Napangiwi sa sakit si Ybrahim. Sumandal siya sa isang puno bago hinawakan ang sariling ulo. "Kailan pa naging malakas si Ophelia? Bakit ang hilig manipa ng mga babae!"

Nagawa mo pa talagang magbiro sa sarili mong paghihirap.

Nang inangat ni Ybrahim ang kanyang ulo, bumungad si Ignis na nag-aalala. Sumunod pala ito.

Ano ang nangyayari kay Ophelia? nagtatakang tanong ni Ignis. Bakit niya ginawa iyon?

"Mahabang salaysay . . ." Tumingin si Ybrahim sa sariling kandungan. Bakas ang lungkot sa kanyang mga tsokolateng mata dahil alam niyang maaaring mangyari ito. "Nalaman kong si Lysandra pala ang nagtangkang pumaslang kay Ophelia noon . . . at namukhaan siya."

Si Lysandra? gulat na tanong ni Ignis, tila naguguluhan din. Paano? Tanging ikaw at ako lamang ang maaaring makatapak sa islang ito.

"Iyon din ang pinagtataka ko." Napakagat sa ibabang labi si Ybrahim. "Marahil . . . iisa ang kaluluwa namin kaya ganoon."

Tama. Maaari nga. Naliwanagan na si Ybrahim kung papaano nakapasok ang kanyang kabiyak sa loob ng Planetarium. Nakatitiyak siya na alam na iyon ni Lysandra liban kay Ophelia. Ngunit, may mahalagang detalye silang nakaligtaan. Kung nakabalik sa Kaharian ng Vesperia si Lysandra matapos makasagupa si Ophelia noon, ibig sabihin ay . . .

"Ignis!" Lumaki ang mga mata ni Ybrahim at siya'y napabalikwas ng tayo. "Dati pang natunton ni Reyna Aglatea ang Planetarium!"

Bakit hindi niya naisip iyon? Isa itong malaking pagkakamali at kahihiyaan bilang isang Heneral ng Hukbo. Sa rami ng mga posibilidad na bumabaha sa kanyang isipan, naalala niya ang dating naisip na hinala: isa siyang manika sa mga plano ni Reyna Aglatea.

Nag-igting ang panga ni Ybrahim. Maaaring nalaman na rin ni Reyna Aglatea na siya ang nakatakdang katipan ni Lysandra. Iyon ay sa pamamagitan ng pagsuri sa bawat sirenong nabubuhay sa Kaharian ng Vesperia at walang nagpatibok sa puso ng sirena.

Sa koloseyo . . . nabatid niya ang dugong sireno na dumadaloy sa akin. Maaaring sinadya niyang utusan si Lysandra na umahon sa karagatan at hanapin ako upang makasiguro na ako nga ang nawawala niyang katipan. Ano ang kanyang binabalak?

Bumalik sa realidad si Ybrahim nang may babaeng nagsalita. Umiilaw ang kanyang hikaw na suot sa kanang tainga sa tuwing binibigkas ang bawat salita.

"Ybrahim? Naririnig mo ba ako? Ybrahim!"

"Hermosa? Oo, naririnig kita! Ano ang problema?"

"Kailangan na ninyong bumalik sa Azeroth sa lalong madaling panahon! Nagpahayag ng digmaan si Reyna Aglatea at binigyan tayo ng tatlong araw upang maghanda!"

Namutla ang mukha ng heneral dahil sa masamang balitang iniulat. Buong katawan niya'y panandaliang nanghina dahil sa patong-patong na suliranin. Makakaabot kaya sila? Kailangan na niyang tapusin ito kung kaya't nagmadali siyang umangkas sa likod ni Ignis at inutusan itong lumipad patungo sa timog.

Nananalangin si Ybrahim na sana'y hindi napahamak si Lysandra. Ngunit hindi nagtagal, nakaramdam siya ng kakaibang kirot sa puso, sanhi ng paghawak niya sa dibdib at pagbaluktot ng katawan.

Lumingon si Ignis at nakita niyang hindi maganda ang kalagayan ng kanyang amo. Ybrahim! Ano ang problema?

"K-Kailangan ni Lysandra ang tulong . . ." Biglang bumigat ang paghinga ni Ybrahim. Pakiramdam niya'y hinihigop ang lahat ng oksiheno palabas ng kanyang baga. Marahil ito na nga ang sinasabi nila na iisa ang kaluluwa ng magkatipan, at nararamdaman niya ang paghihirap ng kabiyak.

Kumapit ka nang maigi! Malapit na tayo!

Naging dahilan ito ni Ignis upang bilisan ang paglipad patungo kay Lysandra. 

đŸ”± đŸ”± đŸ”±

Bumaba mula sa langit si Ophelia at lumapag sa tabi ni Lysandra. Galit na galit niyang pinagmamasdan ang sirenang naghihingalo sa buhangin. Marami itong galos sa katawan at gula-gulanit ang damit. Nagawa niyang talunin ito dahil may hinuhugutan siya ng lakas upang hindi sumuko.

Ang pinanggalingan nito ay nagtatago sa loob ng sanktum.

"Sumusuko ka na ba? Ito na ang huli mong pagkakataon upang sabihin sa akin ang katotohanan," malamig na sambit ni Ophelia.

Inayos ni Lysandra ang tingin sa bathaluman. Habang nagpapaliwanag, namumuo ang mga luha sa kanyang mga mata. Hindi niya nais na mamatay sa mga kamay ni Ophelia dahil nais niyang mamuhay nang matagal si Ybrahim upang maalagaan nilang dalawa ang kanilang anak na lalaki.

"Inuulit ko . . . wala akong ginawang masama kay Ybrahim. Totoong nagmamahalan kami at siya ang aking itinakdang katipan. Hindi ko rin sinasadyang saktan ka noon . . . Inutusan lang ako ni Reyna Aglatea–"

"Sinungaling!"

Hindi nakayanan ng bathaluman na marinig ang tungkol sa totoo nilang pagmamahalan. Tila ba'y may tinik na tumutusok sa puso niya sa tuwing umuulit ang mga katagang iyon sa kanyang isipan. Hindi rin niya mabatid kung totoo ang sinasabi ng sirena sapagkat kilala bilang manlilinlang ang mga taong isda.

Akmang sasaktan niya muli si Lysandra upang mapaamin na ito nang dumating sa eksena sina Ybrahim at Ignis.

"Nagmamakaawa ako sa'yo, Ophelia, itigil mo na ito!"

Lumingon si Ophelia at nakita niyang bumaba ang pirata mula sa likuran ni Ignis. Napansin niyang namumutla ito at hirap na hirap sa paghinga at pagtayo nang tuwid kung kaya't napasandal ito sa alagang dragon.

"Ano ba ang dapat naming gawin upang maniwala ka?" diin ni Ybrahim. Ayon sa ekspresyon ng kanyang mukha, pagod na pagod na ito at tila ba'y sumusuko na sa mga nangyayari. "Pumarito ako sa Planetarium upang hanapin ka't humingi ng tawad sa mga nagawa ko sa iyo noon . . ."

Ngunit, hindi nakinig ang bathaluman dahil hinayaan niyang kontrolin siya ng kanyang galit. Tuluyan nang nagsara ang kanyang isipan.

"Manahimik ka, taksil! Nilinlang mo ako!" bulyaw ni Ophelia.

Ang kanyang mga asul na mata ay nanlilisik, sumisiklab sa galit. Wala ring humpay ang paggulong ng mapapait na mga luha sa gilid ng kanyang mukha.

"Bakit? Naghintay ako sa'yo nang mahabang panahon . . . Buong akala ko ay gagampanan mo ang iyong pangako. Ngunit, ano itong natuklasan ko? Nakikipaglandian ka sa isang tulad niya? Ang sirenang nagnakaw ng nag-iisang kaliskis ko sa pakpak, na siyang dahilan ng aking nalalapit na kamatayan!"

Tinitigan niya nang masama ang bihag na nakahandusay sa buhangin. May mga natamong pasa at sugat ito dahil sa nangyaring labanan. Habang tumatagal ang kanyang mga makamandag na titig sa nanghihinang sirena, gustong-gusto na niyang kitilin ito sa matinding panibugho.

Lubusang nasaktan si Ybrahim dahil sa inasal ng kanyang matalik na kaibigan. Puno ito ng poot, galit, at hinagpis. Hindi niya inaasahan na magkagaganito ito sa muli nilang pagkikita. Bakit? Bakit ganito ang nangyayari? Patong-patong ang mga suliraning inaayos niya sapagkat ito ang tungkulin niya sa buong Warcadia. Hindi siya nagtataka dahil napakabigat ng mga nangyari sa kasaysayan ni Ophelia, ang natitirang bathaluman na ngayon ay nasa bingit ng pagkalipol. Kasalanan ito ng reyna ng mga taong isda at wala itong kaalam-alam.

"Nagsusumamo ako sa'yo, Ophelia, inosente si Lysandra. Kontrolado lamang siya ng kanilang reyna! Ibabalik namin ang mga ninakaw na kaliskis sa lalong madaling panahon–"

Natigilan sa pagsasalita si Ybrahim nang mamilipit sa sakit si Lysandra dahil sa kakaibang kapangyarihang idinulot ng nagngingitngit na si Ophelia. Tila may sumasakal sa leeg niya kahit na walang nakabalot na kamay rito; bakas ang hirap sa kanyang mukha. Mga ilang segundo na lamang ay mawawalan na ito ng hininga.

Binabalak na ng bathaluman na ituloy ang planong patayin si Lysandra. Ang kawawang sirena ngayon ay unti-unti nang nawawalan ng hininga. Bawat segundong lumilipas ay nasasayang. Kailangan may gawing hakbang ang pirata bago maging huli ang lahat.

Huminga nang malalim si Ybrahim at buong lakas siyang sumigaw, "Iisa ang kaluluwa naming dalawa! Kapag kinuha mo ang buhay ni Lysandra, sa loob ng isang taon ay mawawala na rin ako!"

"Ano ang sinabi mo?" Kumunot ang noo ni Ophelia. Kasabay niyon ay ang pagluwag ng sakal sa leeg ni Lysandra. "Mamamatay ka?"

"Oo . . . Mahirap paniwalaan."

Nanatiling nakatayo si Ophelia habang pinakikinggan ang mga paliwanag ni Ybrahim.

"Kung mahal mo talaga ako, pakawalan mo si Lysandra. Hihintayin mo pa ba akong mamatay bago ka maniwala sa sinasabi ko? Sa sinasabi namin?" Lumuhod si Ybrahim sa harapan ng bathaluman, nagmamakaawa. Sinubukan niyang kumbinsihin pa ito upang matapos na ang kaguluhan. "Parang awa mo na . . . maniwala ka sa amin. Sa tingin mo . . . bakit nakapasok ang aking asawa sa loob ng Planetarium? Iyon ay dahil iisa ang aming kaluluwa."

Sa hindi malamang dahilan, humuhupa ang galit na nararamdaman ni Ophelia. Iniisip niya ang kanyang tungkulin na kailangang magampanan sa huli at iyon ay mabubunyag sa tamang panahon.

"Nagkamali akong piliin na lumayo sa'yo sa halip na patawarin ka," dagdag ni Ybrahim, at ang mga luha ay nagsimulang pumatak. "Pinagsisisihan ko iyon. Siguro kung hindi lang ako nabulag sa galit at nagmatigas, hindi tayo hahantong sa ganitong sitwasyon. Kahit na kalahating tao ako, nagkakamali rin ako. Ako dapat ang mahiya at nararapat na parusahan, hindi ang aking kabiyak. Nagmamakaawa ako sa'yo, Ophelia, bata pa ang aming anak. Kailangan niya ang kanyang ina. Alam kong alam mo na kung gaano kasakit ang mawalan ng mga magulang sa murang edad."

Dahil sa mga salitang binitiwan ni Ybrahim, naalala ni Ophelia kung papaano pinaslang ng mga taong isda ang kanyang mga magulang sa dati nilang isla noong siya'y apat na taong gulang pa lamang.

"Espesyal ka, Ophelia. Marami ka pang kailangang gampanan. Hindi ka maaaring mapaslang." Lumuhod ang ina ni Ophelia sa kanyang harapan at nilagay nito ang nagniningning na kaliskis sa maletin niya. "Balang araw, magkikita muli tayo. Pangako ko, anak."

"Ina . . . Hindi ko kayo maaaring iwanan ni ama." Patuloy ang paghikbi ni Ophelia habang yakap ang braso ng kanyang ina. Mas nanaisin niyang maiwan at mapaslang kasama ng magulang sa kabila ng kapalarang nakalaan para sa kanya.

"Gawin mo na ang nais namin ng iyong ama–"

Habang sila ay nagpapaalamanan, isang malakas na pagsabog ang biglang narinig mula sa labas ng kanilang kastilyo. Tinago siya ng kanyang ina sa kanyang mga bisig upang siya'y maprotektahan.

Kasunod nito ay ang isang nakakikilabot na enkantasyon mula sa isang sirena na may kaakit-akit na tinig—umaawit. Gula-gulanit ang kanyang damit na bakas ang dugo mula sa mga napaslang na bathaluman at bathala. Nababalot ito ng itim at asul na aura mula ulo hanggang paa. Wangis pa lamang niya, mapapansin nang isa siyang mapanganib na nilalang. Nang inangat niya ang kanyang kanang kamay, lumiwanag ang isang kaliskis na hawak niya at unti-unting nagtipon ang tubig sa himpapawid na nagmumula sa kalapit na karagatan—umaangat. Bumuo ito ng isang halimaw na may mga paa, kamay, pakpak, at ulong may matutulis na pangil.

Isang higanteng dragon ang lumitaw.

"Azure, bathala ng Neptuno, dinggin mo ang aking hiling." Isang nakakikilabot na ngisi ang umukit sa mga labi ng sirena, malinaw ang masamang hangarin. "Paslangin ang natitirang buhay sa pook na ito maliban sa aming mga taong isda. Ipagkaloob sa amin ang proteksyon mula sa iyong makapangyarihang salamangka."

Kinailangan nang tumakas ni Ophelia. Hinikayat siya ng kanyang ina na lisanin ang lugar kung kaya't siya ay kumaripas ng takbo patungo sa likod ng kanilang kastilyo. Ang kanyang ina ay naiwan upang harangin ang sirenang nais sundan ang paslit.

Pagkaraan noon, hindi na batid ni Ophelia ang nangyayari sa paligid. Nais na lamang niyang makalayo at makapagtago mula sa mga masasamang nilalang. Nang matagpuan niya ang dagat, nangyari na ang kanyang kinatatakutan. Muling nagkaroon ng malakas na pagsabog kasabay ang pagyanig ng lupa, dahilan ng kanyang pagtalsik sa kalapit na isla.

Lumiwanag ang buong kapaligiran at tumagal lamang nang ilang minuto. Nang maglaho ang nakasisilaw na liwanag, namutla ang buong katawan ni Ophelia dahil sa nasaksihan ng kanyang dalawang mata: isang malaking bahagi ng kanilang isla ang naglaho—tuluyang nawasak. 

Tumulo ang kanyang mga luha dahil alam niyang patay na ang lahat, pati na rin ang kanyang mga magulang. Hindi na siya nagdalawang-isip pa at lumusong siya sa dagat upang makatakas. Gamit ang kaliskis ng kanyang ina, siya ay naglaho sa paningin ng mga nilalang sa ilalim ng tubig.

Nagising sa katotohanan si Ophelia at nagsimulang manginig ang kanyang buong katawan. Nawala ang kakaibang mahika na bumabalot sa leeg ni Lysandra kung kaya't nakahinga na ito nang maluwag. Nang hinulog niya ang tingin sa sirenang umuubo, kaagad siyang lumuhod at ginamot ito sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

"Patawarin mo ako! Ako'y nagkasala sa'yo, kay Ybrahim, at sa buong Warcadia . . ."

Ang mga galos sa katawan ni Lysandra ay unti-unting nawawala. Guminhawa ang kanyang pakiramdam hanggang sa nagawa niyang umupo nang tuwid. Ang unang nilalang na pumasok sa kanyang isipan ay si Ybrahim. Nang magtama ang kanilang tingin, sila'y tumayo at tumakbo patungo sa isa't isa.

"Ybrahim!"

"Lysandra!"

Isang mainit at mahigpit na yakap ang kanilang tinanggap. Dahil sa laking tuwa ni Ybrahim, pinaulanan niya ng matatamis na halik si Lysandra, animo'y matutunaw na ang asawa dahil sa kanyang umaapaw na pagmamahal.

Mamayamaya pa'y, kumalas si Lysandra mula sa pagkayakap. "Sige na . . . Kausapin mo muna si Ophelia."

Tumingin si Ybrahim sa bathaluman. Nakaupo na ito sa buhangin, tahimik na tumatangis habang nakabaon ang mukha sa mga tuhod. Dahan-dahan niyang nilapitan ito bago lumuhod sa harapan nito.

"Ophelia . . . Patawad sa mga nagawa ko," bulong ni Ybrahim. "Matagal na kitang pinatawad, at sana'y patawarin mo na rin ang sarili mo . . ."

Nang inangat ni Ophelia ang kanyang ulo, sumilay ang maamong ngiti ng pirata. Kay tagal na niyang nais itong makita. Bakit kaya niya hinayaan ang sarili na mapuno ng poot at galit? Kahit na hindi siya makapagsalita, siya'y nalulugod dahil nagkaayos na sila ng kanyang matalik na kaibigan. Dahil dito, umagos ang kanyang mga luha at siya'y niyakap ni Ybrahim.

Mabuti na lang, pinili niyang bumalik sa tamang landas. Natutunan nilang magpatawad kung may ginawang kasalanan ang isang nilalang. Mahalaga rin ang makinig sa mga paliwanag upang makahanap ng mga solusyon sa problema.

Nasa huli ang pagsisisi.

Next chapter