Hindi na napigilan ni Ybrahim na ipikit ang mga mata at ibalik ang halik. Nang lumalim ang kanilang halikan, dumaloy ang kuryente sa kanyang buong katawan. Sadyang kakaiba ang nararamdaman niya para sa sirena.
Huwag, sabi ng kanyang utak. Ngunit, oo ang sigaw ng kanyang puso. Nahihibang na ba siya?
Pagkaraan ng ilang segundo, kumalas si Ybrahim mula sa halik ng sirena. Napagtanto niyang nadala siya sa bugso ng damdamin.
"B-Bakit mo ako hinalikan?" Namula ang buong katawan ni Ybrahim sapagkat ito ang pinakauna niyang halik, at ninakaw iyon ng sirenang inaangkin siya.
"Hindi mo ba nararamdaman sa iyong puso?" Sa hitsura pa lang ng sirena ay tuwang-tuwa ito, animo'y nagbago ang pagkatao sa isang iglap. "Ako ang iyong itinakdang katipan. Matagal na kitang hinihintay at hinahanap. Dito lang pala kita matatagpuan sa lupa!"
"Ano?" Aminin man ni Ybrahim o hindi, tumitibok ang kanyang puso para sa sirena at lalo siyang naguguluhan. "Nagsisinungaling ka ba? Papaano nangyari iyon? Kanina lamang ay magkalaban tayo!"
"Kung ganoon, bakit hindi mo pa ako pinapakawalan?"
"Dahil kailangan nga kita!"
Ngumisi ang sirena. Gamit ang mga mapaglarong mata, itinuro niya ang mga bisig ng pirata na kanina pang nakabalot sa kanyang baywang.
Nang ibinaling ni Ybrahim ang kanyang tingin sa ibaba, mabilis siyang humiwalay. Ang kanyang buong katawan ay uminit dahil sa matinding kahihiyan. Hindi niya napansin ang mahigpit na yakap sa sirena!
Ano ang nangyayari sa akin? tanong ni Ybrahim sa kanyang sarili.
Humagikgik ang sirena dahil sa kakaibang ikinikilos ng katipan kung kaya't ipinakilala na lang niya ang sarili. "Ang ngalan ko'y Lysandra. Natutuwa akong makilala ka."
Hindi malaman ng heneral kung ano ang gagawin, ngunit sinagot na lamang niya si Lysandra. "Y-Ybrahim ang ngalan ko . . ."
Ano ang nagaganap dito? Biglang dumating si Ignis. Pinagmasdan niya ang sirenang tila kampante sa kanyang amo. Nahuli mo na ba ang sirena?
"Ang totoo–" Magsasalita sana si Ybrahim upang magpaliwanag, ngunit sumabad ang sirena.
"Oo! Nabihag niya ang puso ko," masayang sambit ni Lysandra bago niyakap ang pirata. "Siya ang aking katipan!"
Hindi mapalagay si Ybrahim nang magdikit ang kanilang katawan. Nais niyang itulak ito palayo, ngunit hindi niya magawa. Naestatwa na lamang siya sa kanyang kinaroroonan.
Si Ignis naman ay hindi madaling patawanin—hindi mabiro. Dapat nga'y nagtataka siya kung papaano narinig ng sirena ang tanong sa amo gamit lamang ang isipan. Ngunit, sa pagkakataong ito, bumulaslas siya ng tawa. Ikinagulat ito ni Ybrahim at siya'y napatitig sa alaga.
Sino itong nakatutuwang sirena? Ano ang iyong ngalan?
"Ako si Lysandra. Ikinagagalak kitang makilala!"
At ako naman ay si Ignis. Tumungo ang dragon.
Lumayo si Lysandra mula kay Ybrahim. Niyakap niya ang leeg ni Ignis at nilambing ito. Sa sobrang pagkasuya ni Ybrahim, napangiwi siya ng ngiti. Ngunit, hindi niya maitanggi sa sarili na nakaramdam siya ng panibugho.
"Sandali lamang! Naguguluhan ako!"
Lumingon si Lysandra sa kanya at kumurap nang ilang beses. "Saan ka naguguluhan? Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na ikaw ang aking katipan?"
Umiling si Ybrahim. "Hindi iyon ang tinutukoy ko! Ibigay mo sa akin ang ordinaryong kaliskis na hawak mo kung nais mong maniwala ako sa'yo."
"Iyon lang ba? Madali akong kausap."
Natulala si Ybrahim nang ibinigay sa kanya ang ordinaryong kaliskis. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari kung kaya't sumakit ang kanyang ulo. "Kanina? Bakit mo ako sinaktan?"
"Hindi ko sinasadya . . ." Naging malungkot ang tono ng boses ni Lysandra. Nilapitan niya si Ybrahim at marahang hinawakan ang mga kamay. "Wala ako sa tamang pag-iisip. Sasama ako sa'yo at . . . ipapaliwanag ko ang lahat ng mga nalalaman ko tungkol sa mga taong isda."
Sa una ay nag-aalinlangan ang heneral, ngunit ito na ang tamang pagkakataong makakuha ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa mga taong isda.
Tumango si Ybrahim bago tumingin kay Ignis. "Nasaan si Ophelia?"
Bumalik na siya sa kastilyo ng Azeroth. Batid niyang matatagalan ka pa sa iyong trabaho.
"Mag-isa?" Tumaas ang boses ni Ybrahim at nakaramdam niya ng matinding pag-aalala. "Apat na oras ang paglalakbay pabalik ng Azeroth! Ano ang pumasok sa kanyang isipan at pinili niyang lumipad pabalik doon?"
Hindi ko alam. Huwag mo akong tanungin, tugon ni Ignis. Kung nandito siya at sasakay kayong tatlo sa aking likuran, hindi kayo magkakasya. Lilipad pa rin ang Bathalumang Ophelia.
Naisip ni Ybrahim na humingi na lang ng paumanhin kay Ophelia kapag naayos na ang kanyang suliranin. Uunahin muna niyang kausapin si Koronel Alcazar dahil ngayon ang tamang oras upang ipagtapat ang tunay niyang pagkatao. Kung nagtagumpay siya sa kanyang plano, mapapangalagaan nila si Lysandra. Plano niyang itago ang sirena
🔱 🔱 🔱
Tulad ng inaasahan, hindi naging madali ang pagkumbinsi kay Koronel Alcazar tungkol sa pagiging kalahating sireno at tao ni Ybrahim nang sila'y nagkita sa tahanan niya sa Kaharian ng Azeroth. Napagkamalang ginayuma siya ni Lysandra.
Mabuti na lang ay ikinuwento ng heneral kung ano ang mga naganap sa Kaharian ng Durano at ipinakita niya ang isinauling ordinaryong kaliskis. Iyon ang nagsilbing patunay nila na hindi nagsisinungaling ang kanyang . . . katipan.
Nakaupo ngayon ang koronel sa sopa ng sala habang hinihilot ang sariling sentido. Ang kanilang paksa ay tungkol sa katipan ng mga taong isda.
"Lahat ng mga taong isda . . . ay may nakatakdang katipan?"
Tumango si Lysandra. "Malalaman namin na kami ang para sa isa't isa sa oras na magtama ang aming tingin at kami'y makaramdam ng kakaiba sa aming puso. Sa panahon ng tagsibol, kapag kami'y nabigo sa paghanap ng aming itinakdang katipan upang makipagtalik, dadaan kami sa matinding kapighatian. Kadalasan sa mga sireno ang . . . magwala."
Bumulaslas ng tawa si Koronel Alcazar hanggang sa namula ang kanyang buong mukha. Hindi niya nakayanang marinig ang bagong impormasyon. "Kaya pala! Kaya pala masungit sa akin si Ybrahim tuwing tagsibol!"
Si Ybrahim ay hindi makatingin nang diretso sa dalawang babae. Lubos na ang kanyang nararamdamang kahihiyan ngayong araw na ito.
Pagsapit ng tagsibol, si Ybrahim ay tumatangis tuwing gabi sa hindi malamang dahilan. Nagigising na lamang siya dahil sa labis na kalungkutan. Hindi mapakali ang kanyang katawan, animo'y nais niyang may makapiling sa tabi. Pinipigilan lamang niya ang magwala at maghagis ng mga bagay sa loob ng kanyang silid sa Akademiyang Militar ng Warcadia.
Nagmistulang bugtong ito taon-taon. Natitiyak niya na may kinalaman ito sa dugong dumadaloy sa kanya, at ngayo'y naging malinaw ang lahat.
Huminga nang malalim si Koronel Alcazar bago nagtanong nang sunod-sunod, "Mga ilang buwan ang pagbubuntis ng mga sirena? Mabilis bang lumaki ang mga sanggol? Ilang taon na si Ybrahim? Dalawampu't walong taong gulang na siya."
Lumaki ang mga mata ng heneral sa narinig. "Sandali lamang, Hermosa! Hindi pa ako handang–"
"Anim na buwan. Oo. Dalawang daan at walumpung taong gulang," nakangiting tugon ni Lysandra.
Bumulaslas muli ng tawa si Hermosa, halatang tinutudyo ang kaibigan. "Ang tanda mo na! Lolo Ybrahim!"
"–marinig ang lahat . . ." Bumuntong-hininga si Ybrahim nang malaman niya ang kanyang totoong edad. Hinarap niya si Lysandra at nakiusap, "Maaari bang . . . sagutin mo ang mas mahalagang tanong? Bakit nagbago ang pakikitungo mo sa akin kanina?"
Napawi kaagad ang malaking ngiti ni Koronel Alcazar. Inayos niya ang kanyang upo sa sopa at sila'y nag-usap nang masinsinan. "Sumailalim ka ba sa isang . . . itim na salamangka?"
Tumango si Lysandra. "Si Reyna Aglatea ang may pakana ng lahat. Nagising ako sa katotohanan nang hindi sinasadyang mabunot ni Ybrahim ang isang hibla ng aking buhok kung kaya't bumalik ang dati kong pag-iisip."
"Hibla ng buhok?" nagtatakang tanong ni Koronel Alcazar.
"Oo. Naiiba ito sa kulay ng aming buhok," sagot ni Lysandra. "Nilapatan ito ni Reyna Aglatea ng itim na salamangka at makokontrol na niya ang aming pag-iisip."
"Kung ganoon, hindi magiging madali ang pagligtas sa lahat ng mga taong isda," sambit ni Ybrahim. "Mayroon bang ibang paraan upang malutas itong malaking suliranin?"
Lumalim ang pag-iisip ni Lysandra. Sinubukan niyang alalahanin ang mga naganap noong siya'y nasa loob pa ng Kaharian ng Vesperia, ngunit, blanko ang kanyang utak.
"Ikinalulungkot ko. Wala akong maalala. Ngunit mas mahalaga itong impormasyon na sasabihin ko tungkol sa buhay ng mga taong isda."
"At ano iyon?" tanong ni Ybrahim, kinakabahan sa maaaring matuklasan.
"Iisa ang kaluluwa ng magkatipan. Ibig sabihin, kung ako'y pinaslang o nagpakamatay, isang taon na lamang ang matitira sa iyong buhay, Ybrahim. Kung ang isa sa atin ay namatay dala ng katandaan o karamdaman, hindi maaapektuhan ang haba ng ating buhay." Bumuntong-hininga si Lysandra bago marahang pinisil ang mga kamay ng pirata at tinitigan ito sa mga mata. "Mabuti na lamang ay nagkita tayo at napigilan mo akong magpakamatay. Kung hindi . . . panalo na si Reyna Aglatea."
Hindi makapagsalita si Ybrahim dahil sa kanyang mga narinig. Natulala siya dahil sa mga maaaring naisip na plano ni Reyna Aglatea at hindi ito maganda. Matagal na silang pinaglalaruan at wala silang kamalay-malay. Ang kailangan na lamang nilang gawin ay mag-isip ng panibagong plano.