Hamog.
Napapalibutan ng hamog ang isang mabatong isla sa karagatan. Kay hirap makakita dahil sa kapal nito. Tiyak na maglalaho ang sino man sa paningin ng iba kung ito'y tatahakin. Maaari ding mapahamak dahil sa tulis ng mga batong nakakalat sa paligid.
Tadtad ng mga alimpuyo ang karagatang nakapalibot dito. May malaki. May maliit. Patuloy ang mga ito sa pag-ikot, nagsisilbing patibong sa mga magtatangkang manloob. Mapanganib kung mahagip ang isang nilalang.
Katahimikan ang nangingibabaw sa pook; kamatayan ang sinisigaw. Kung patutungo sa loob ng isla, may kuwebang masisilayan sa gitna ng isang batong tore na patulis ang hugis.
Sa loob ng misteryosong kuweba, maraming daanan ang malulusutan, pasikot-sikot. Kung ang isang estranghero ay pumasok, tiyak na maliligaw ito sa lawak ng loob. Ngunit, sa dulo ng mga walang hangganang lagusan, tubig ang magpapahinto sa kanyang paglalakbay.
Maliban na lamang kung ang nilalang ay isang taong isda.
May isang sirenang dumating. Dumiretso ito sa tubig at unti-unting nagbago ang wangis. Ang mga dating paa ay lumiwanag at ngayo'y naging makinang na buntot; asul ang kulay nito.
Lumusong ang sirena at lumangoy sa pinakailalim ng karagatan hanggang sa bumungad ang isang kamangha-manghang kaharian na gawa sa makukulay na koral at bato. Maraming halaman at bulaklak ang nakapalibot sa mga tahanan na iba-iba ang hugis at laki.
Ito ang Kaharian ng Vesperia.
Matatagpuan ang iba't ibang klase ng isda at nilalang dito. Mayroong mga buo ang kulay habang ang iba naman ay may mga makukulay na guhit sa katawan—matitingkad!
Subalit, hindi makulay ang mundo sa loob ng isang kastilyo na gawa sa koral, bato, at malalaking perlas. Nababalot ito ng itim na enerhiya. Takot lumapit ang mga hayop at halimaw sapagkat nababatid nila ang panganib na maaaring idulot nito.
Sa trono ng reyna, makikita ang isang sireno na nagbigay-pugay bago lumangoy palayo. Hindi matanaw ang sirenang nakaupo roon sapagkat madilim ang kanyang kinaroroonan. Tanging mapupulang labi lamang niya ang makikitang nakangisi.
"Pabor sa akin ito. Pagbibigyan natin sila . . ."
Umalingawngaw ang mapang-akit na halakhak sa buong trono; puno ito ng kasamaan.
🔱 🔱 🔱
Lumipas ang isang linggo, nagkaroon ng pagpupulong ang Kaharian ng Azeroth. Nagdagsaan ang mga heneral kasama ang kanilang isang daang hukbo mula sa iba't ibang panig ng mundo. Sila'y ipinadala ng kanilang hari at reyna, naparoon upang pag-usapan ang naging pasya ng reyna ng mga taong isda.
Ginaganap ito sa isang higanteng koloseyo na yari sa buhangin at kongkreto; mahigit animnapung libo ang kayang hawakan nito. Maraming haligi ang nakatayo at nawasak dahil sa mga iba't ibang aktibidad na isinasagawa sa loob.
Dito nakikipagduwelo ang mga mandirigmang nais matukoy kung sino ang pinakamalakas gamit lamang ang napiling sandata o ang mga elementong Veturno at Marte: lupa at apoy.
Ang hari at reyna ng Azeroth ay matatagpuang nakaupo sa kanilang trono malapit sa arena habang ang mga piratang sundalo ay nasa luklukan. Hinihintay nila ang espiya upang malaman kung darating ba ang reyna ng mga taong isda kasama ang napagkasunduang bilang ng hukbo.
"Ako'y nababahala," simula ng reyna, tila hindi mapalagay. "Paano kung hindi sila tumupad sa usapan?"
Siya si Reyna Hesperia, isang mahabagin na babaeng nasa tatlumpu't lima ang edad. Mahaba ang kanyang kulay gintong buhok na pinakulot sa dulo, pula ang mga mata, matangos ang ilong, manipis ang mga labi, at maputi ang kutis. Nakadagdag sa kanyang kagandahan ang korona at mahabang bestidang gawa sa mamahaling sutla. Pinaghalong pula, ginto, at itim ang disenyo nito.
Tumingin sa kanya ang hari at inilahad ang palad patungo kay Ybrahim na nakatayo sa kanilang pagitan. "Nakalimutan mo na ba? Nandito si Heneral Ybrahim Sandoval. Siya ang pinakamahusay na heneral sa lahat ng mga piratang sundalo. Siya ang inatasan ng ating natitirang bathaluman upang mapangalagaan tayo mula sa mga masasamang sirena't sireno!"
Siya si Haring Isidro, isang matatag at makisig na lalaking nasa tatlumpu't anim ang edad. Maikli ang kanyang kulay-kapeng buhok at berde ang mga mata. Ang kanyang mamahaling kapa, pang-itaas, at pantalon ay pulos berde na may halong ginto at puti. Ang kanyang bota na hanggang tuhod ang haba ay pilak na may kumplikadong disenyo.
"Batid ko iyon, aking mahal, ngunit hindi ko maiwasang mag-alala para sa ating lahat—sa buong Warcadia," sambit ni Reyna Hesperia bago bumuntong-hininga. "Higit na mas makapangyarihan sila lalo na't hawak nila ang iba pang mga kaliskis. Ano'ng laban natin? Tanging mga elementong Veturno lamang ang nababagay sa digmaan sapagkat mahina ang elementong Marte sa elementong Neptuno. Malalagay tayo sa panganib!"
"Alam ko iyon, Hesperia. Kung mababawi natin ang iba pang mga pinakamahalagang kaliskis sa kalaban, tiyak na magkakaroon tayo muli ng pag-asang manalo," sagot ni Haring Isidro. Lumanghap siya nang malalim at huminga nang palabas bago nagpalit ng posisyon sa kanyang trono. "Sa ngayon . . . delikado tayo. Hindi natin alam kung ano ang maaaring mangyari sa pagpupulong na ito."
Habang nag-uusap ang hari at reyna, mapait ang mukhang ipinapakita ni Ybrahim. Magkasalubong ang kanyang kilay at siya'y naka-ismid. Hindi niya matanggap ang kaninang ipinahayag ni Haring Isidro. Nanghihinayang siyang isipin na habang-buhay niyang itatago ang tunay niyang pagkatao.
Hindi ako naniniwalang masama ang aking kadugo, diin ni Ybrahim sa kanyang isipan. Dapat kong matuklasan ang puno't dulo ng kanilang kasamaan. Natitiyak ko na may kinalaman ito sa naging kapalaran ng mga taong isda. Dati silang mababait . . .
Naalala niya ang nakaraan kung saan ay nagmakaawa ang isang sirena sa kanyang paanan. May natitirang awa at pagmamahal sa kanilang puso pati na rin ang pagmamalasakit sa kapwa.
Papaano kung . . .
"Reyna Hesperia! Haring Isidro! Heneral Sandoval!"
Ang sigaw ng isang histerikal na lalaking pirata ang pumunit sa isipan ni Ybrahim. Nang dumako ang kanyang tingin sa baba, nakita niyang pagod na pagod ang espiyang kanilang inatasan upang magmanman sa paligid.
"Ano ang nangyari?" tanong ni Haring Isidro. "Bakit ka hinihingal?"
Humupa ang ingay sa koloseyo at ngayo'y napalitan ng katahimikan. Ang mga piratang sundalo ay nakatutok ngayon sa espiyang naghahandang mag-ulat ng balita.
Tumuwid ito ng tayo, huminga nang malalim, at nagwika, "Paparating na sila!"
Nagkaroon ng bulungan at pagdududa ang karamihan sa mga piratang sundalo. Nakaukit din sa kanilang pagmumukha ang pangamba. Hindi nila batid kung ano ang maaaring mangyari, ngunit handa silang makipaglaban sa mga taong isda. May pagkakataon silang manalo sapagkat isang daang hukbo lamang ang pinag-usapang isasama sa koloseyo.
Si Ybrahim ay tahimik na umalis sa kanyang kinaroroonan, walang imik at diretso ang mukha. Itong balita ay naging hudyat niya upang bumaba at magtungo sa arena. Siya lamang ang maaaring makipag-usap sa reyna ng mga sirena't sireno kung kaya't nagtungo ang ilang mga piratang sundalo sa dati niyang puwesto upang protektahan ang hari at reyna.
"Magiging maayos kaya ang lahat?" nag-aalalang tanong ni Reyna Hesperia sa kanyang asawa.
Hinawakan ni Haring Isidro ang kamay ng kanyang reyna at bumuntong-hininga. "Magtiwala na lang tayo sa kapalaran."
🔱 🔱 🔱
Makikita ang pag-ahon ng mga taong isda na nakasuot ng pandigma mula sa karagatan. Ang nangunguna sa harapan ay ang kanilang makapangyarihang reyna, suot ang matulis na korona gawa sa koral at ginto. Nakapipigil-hininga ang kanyang dating—nakakikilabot—at siguradong magtatayuan ang mga balahibo sa katawan ng sino mang makakakita sa kanya. Sinasabayan pa ito ng misteryosong hamog na bumabalot sa kanyang paanan. Iisipin ng mga nilalang ay nanggaling siya sa bulkan o impyerno.
Tumutulo ang tubig sa lupang kanyang nilalakaran. Unti-unting masisilayan ang kanyang orasang katawan sa bawat hakbang. Nakapagpadagdag sa kanyang kagandahan ang bistida niyang may disenyong gawa sa perlas na abot hanggang talampakan. Tiyak na mabibighani ang mga kalalakihan dahil sa kanyang kaakit-akit na wangis: mala-yelo tingnan ang mga mata, mapupula ang labi, matangos ang ilong, ang kanyang itim na buhok na hanggang likod ang haba, kulay-gatas ang makinis na balat, siksik ang dibdib, at mahahaba ang mga binti.
Ang kanilang paglalakbay ay hindi ganoon kahaba sapagkat malapit ang koloseyo sa karagatan. Mga ilang minuto na lamang ay makakarating na sila roon.
🔱 🔱 🔱
Ang mga piratang sundalo ay tahimik, pati na rin ang reyna at hari sa loob ng koloseyo. Nakatingin sila sa isang pasukan kung saan ay lalabas ang mga taong isda, kinakabahan.
Isang silweta ang namataan sa lagusan. Dahan-dahan itong naglalakad. Tila ba'y namamasyal sa dalampasigan. Mga ilang silweta na rin ang makikita, papalapit nang papalapit sa sinag ng araw hanggang sa iniluwa ang reyna ng mga sirena't sireno.
Nakarating na ang mga panauhin.
Hindi mapigilan ng ibang kalalakihan ang mabighani at sila'y nagsalitan ng bulungan.
"Ang ganda ng kanilang reyna!"
"Maganda nga siya, pero ang sama ng ugali."
"Ilan na kaya ang nabihag sa kanyang kagandahan?"
"Sayang ang kanyang kagandahan . . ."
Ngumisi ang reyna ng mga taong isda. Bawat hakbang ay sumasalamin ang malaking pagtitiwala sa sarili, tila ba'y mababa ang kanyang tingin sa lahat ng nilalang. Umaapaw rin ang kayabangan at pagmamahal sa sariling ganda.
Ngunit si Ybrahim, iba ang kanyang nararamdaman habang patuloy niyang pinagmamasdan ang nakabibighaning sirena. Naguguluhan ang kanyang isipan. May kung anong tinik ang tumutusok sa kanyang puso. Ano nga ba ang rason? Baka nais lamang niyang itanong ang tungkol sa kanyang buong pagkatao. Subalit alam nga ba ito ng reyna ng mga taong isda? Namuo ang galit sa kanyang puso. Tila may humahadlang. Baka naman ay natatakot siyang magkamali ng itatanong? Ngunit hindi iyon ang pag-uusapan. Ang kapayapaan muna sa buong Warcadia.
Nang huminto sa paglalakad ang reyna, nilipat niya ang tingin sa hari at reyna ng Azeroth. "Bago natin pag-usapan ang kasunduan . . . ako si Reyna Aglatea ng Vesperia, ang namumuno sa mga sirena't sireno, pati na rin sa buong karagatan."
Tumindig ang hari at reyna ng Azeroth at sila'y nagpakilala.
"Maligayang pagdating," wika ng hari. "Ako si Haring Isidro at ito ang aking kabiyak." Inilahad niya ang kanyang palad patungo sa kanyang reyna.
"Ako si Reyna Hesperia. Ikinagagalak ka naming makilala," mahinahong sambit ng reyna.
Lumaki ang ngising nakaukit sa mga labi ni Reyna Aglatea. Hindi siya naniniwala sa mga isinambit nina Reyna Hesperia at Haring Isidro. Bakit nga ba? Batid naman niya sa sarili na isang kasinungalingan ang kanilang kabaitan. Mas mainam nang sumabay sa kanilang daloy.
"Ikinagagalak nga ba? Ang alam ko ay . . . ikinamumuhi ako ng lahat. Masisisi ko ba kayo?" Humahikgik nang sandali si Reyna Aglatea. Ang kanyang hagikgik ay sadyang mapanlinlang at ang lahat na nasa koloseyo ay naging mapagmatyag. "Nais kong matapos itong pagpupulong kaagad kaya bilisan natin. Ayokong masayang ang aking oras sa mahahabang–"
"Tila yata nagmamadali ka, Reyna Aglatea," sabad ni Ybrahim. Buo at seryoso ang tono ng kanyang boses. "Paano natin ito mapag-uusapan nang matino kung nagmamadali tayo? Talagang masasayang ang oras mo."
Napatitig nang masama si Reyna Aglatea sa pirata habang ang sirenong heneral naman ay nais nang sugurin ito.
"Lapastangan–"
"Huminahon ka," madiin na wika ni Reyna Aglatea. Sinulyapan niya ang sireno at kusa itong bumalik sa puwesto. "Hindi natin mapag-uusapan ang kasunduang kapayapaan kung gagawa tayo ng eksena, hindi ba?" Binaling niya ang tingin kay Ybrahim at ngumisi.
"Sumasang-ayon ako." Isang mayabang na ngisi ang puminta sa mga labi ni Ybrahim kung kaya't napukaw niya ang interes ni Reyna Aglatea.
"Ikaw. Ano ang iyong ngalan? Hanga ako sa katapangan mo."
Ito na ang pinakahihintay ni Ybrahim. Tumuwid siya ng tayo at tinitigan ito nang seryoso. "Ako si Heneral Ybrahim Sandoval, ang–"
Napahalaklak nang mahinahon si Reyna Aglatea at dahil dito, nagtinginan ang mga piratang sundalo, pati na rin ang hari at reyna ng Azeroth. Tila minamaliit niya ang lahat kung kaya't nakaramdam ng inis ang heneral.
"Ano ang nakatatawa?" malamig na tanong ni Ybrahim. Sinusubukan niyang hindi tumawa sapagkat umiral ang kanyang pagkapilyo. "Nagsasayang ka ng oras."
Biglang umiba ang emosyon sa mukha ni Reyna Aglatea. Naging mapait at puno ito ng poot. Humakbang siya papalapit sa heneral nang hindi inaalis ang malamig na tingin. "Alam mo kung bakit?"
Hindi nagpatinag si Ybrahim sa kanyang puwesto. Hinayaan niyang pag-aralan siya mula harap hanggang likod. Ano kaya ang iniisip ng reyna ng mga taong isda? Marami. Tiyak na marami itong binabalak. Dapat handa ang heneral sa kung ano man ang mangyari. Dapat maging matalas ang pag-iisip at maging matalino.
Pagkatapos siyang suriin ni Reyna Aglatea, huminto ito sa kanyang harapan. Sa halip na titigan si Ybrahim nang masama, napangiti ang sirena nang matamis, ngunit, nakalalason. Inabot niya ang mukha ng pirata, hinawakan ang kaliwang pisngi, at hinaplos gamit ang hintuturo.
"Ybrahim . . ."
Kinilabutan ang heneral at kumabog ang kanyang dibdib sa kaba. Tinig pa lang ng kanilang reyna ay napakalamig pakinggan at may halo pa itong paglalambing. Bakit? Isinusumpa na kaya siya nang hindi niya nalalaman? Gagalaw na sana si Ybrahim upang pigilan si Reyna Aglatea sa maaaring masamang balak, ngunit sumandal ito paharap at may binulong sa kanyang tainga.
"Batid kong may dumadaloy na dugong sireno sa iyo, Ybrahim. Pagbibigyan ko kayo sa nais ninyong kapayapaan, ngunit, apat na taon lamang ang ibibigay kong panahon. Nais mong malaman kung sino ang iyong tunay na ina, hindi ba?" Humagikgik si Reyna Aglatea pagkatapos ibulong ang lahat ng iyon. Tumalikod siya at naglakad pabalik ng kanyang puwesto.
Si Ybrahim naman ay namutla at nanginig sa takot at pag-aalala. Papaano niya nalaman iyon? Hindi . . . kadugo ko sila. Maaaring alam niya ang nais ko. Natitiyak ko na may binabalak siya. Ngunit . . . papaano kung kasama ako sa mga plano niya? Hindi . . . Nag-igting siya ng panga at nagkuyom ng kamao. Hindi ako magpapagamit. Ako ang inaasahan ni Ophelia at kailangan niyang malaman ito. Ano ang binabalak mo, Reyna Aglatea?
"Ano ang kapalit?" Sa wakas, nagkaroon ng lakas ang heneral upang kausapin ito. "Batid mo na ang nais lamang namin ay maibalik ang mga ninakaw ninyong kaliskis, kasama na roon ang mga pinakamahalaga. Walang kapayapaang mangyayari kung hindi ninyo gagawin."
"Papaano kung . . . ibunyag ko ang tinatago mong sikreto?" Humarap si Reyna Aglatea sa kanya at siya'y nginitian. "Batid ko rin ang kakaiba mong elemento. Ikaw pa lang ang nagtataglay nito." Naglakad siya patungo kay Ybrahim, naka-ismid at nanlilisik ang mga mata. "Sa tingin mo ba . . . tatanggapin ka ng mga tao kung nalaman nilang kalahating sireno ka? Iisipin nilang lahat," kinumpas niya ang kanyang kamay upang ituro ang mga piratang sundalo na nanonood, "na nilinlang mo sila," bulong niya nang matalas.
Nakatanggap ng isang suntok sa katotohanan si Ybrahim at biglang nanghina ang kanyang kalooban. Papaano kung mangyari iyon? Tatanggapin kaya siya? O baka naman ay hahatulan siya ng kamatayan?
Puminta ang isang matagumpay na ngisi mula sa mga labi ni Reyna Aglatea. Muling inikutan niya si Ybrahim, sinusubukan na takutin at agawin ang natitirang pag-asa para sa Warcadia. "Kahit sugurin ninyo ang kaharian namin, hindi kayo makakahinga sa ilalim ng dagat. Papaano ninyo mababawi ang mga kaliskis? Papaano kung . . . hindi kami umahon?" Huminto siya sa gilid ng heneral at ipinagpatuloy ang winiwika, "Sadyang mga inutil pa kayo, Heneral Sandoval. Ano ang laban ninyo sa amin? Sa una pa lang ay . . . talo na kayo."
Tumawa nang mapang-asar si Reyna Aglatea bago umikot sa buong arena.
"Makinig kayong lahat!" Nilakasan ng sirena ang kanyang boses upang siya'y marinig ng lahat. Hinintay niyang matuon ang kanilang atensyon sa kanya bago nagpatuloy, "Hindi ako papayag na makuha ninyo ang mga kaliskis, ngunit may magandang kasunduan kaming naisip ni . . . Heneral Sandoval." Sinulyapan niya ang pirata at nagbato ng isang mapanlinlang na ngisi bago nilihis ang tingin sa mga piratang sundalo. "Bibigyan ko kayo ng apat na taon upang mamuhay nang mapayapa, ngunit ang kapalit ay . . . ituturo ninyo sa akin kung nasaan ang natitirang bathaluman! Batid niya rin kung saan tinatago ang Kaliskis ng Mercurio at ito'y nais kong makuha noon pa man. Kapag tinupad ninyo ang hinihingi ko sa loob ng apat na taon, ibibigay ko ang inyong inaasam-asam na kalayaan."
Nagkaroon ng malakas na bulungan sa loob ng koloseyo. Naghalo ang mga emosyon: takot, galit, pangamba, at pag-asa.
"Ituro ang natitirang bathaluman!"
"Sino ba ang may gusto ng digmaan?"
"Wala!"
"Manahimik!" Tumindig si Haring Isidro sa kanyang trono. "Hindi maaari! Manahimik kayong lahat!"
"Mahal–" Pipigilan sana siya ni Reyna Hesperia, ngunit wala siyang magawa sapagkat nanggagalaiti sa galit ang kanyang asawa.
"Papaano kami makasisiguro kung totoo nga ang sinasabi mo? Ano ang patunay?" demanda ni Haring Isidro. Nakabubutas ang kanyang mga titig sa reyna ng mga taong isda.
"Patunay?" Hindi nawala ang ngisi ni Reyna Aglatea dahil alam niyang siya ang panalo. "Heneral Ojeda. Ibigay mo kay Heneral Sandoval ang ating magandang handog."
Mula sa likuran ng mga taong isda, may bitbit na kahon ng kayamanan si Heneral Darrius Ojeda, ang sirenong binuhay ni Ybrahim. Lumapit siya sa pirata at iniabot ito. "Tiyak na matutuwa ka sa aming handog."
Nagdalawang-isip si Ybrahim, bahagyang nagdududa, ngunit kinuha niya rin ito at binuksan. Laking gulat niya na makita ang dalawang pinakamahalagang kaliskis para sa planetang Veturno at Marte. Ibig sabihin, tatlo na ang nasa kanilang pangangalaga.
"Naniniwala na ba kayo?" tanong ni Reyna Aglatea. Napansin niya na tulala ang lahat kung kaya't tinanggap niya itong nakabibinging katahimikan bilang sagot. "Tapos na ang ating pagpupulong! Ako'y babalik sa aming kaharian sapagkat may kailangan akong pagbuntunan ng galit." Nag-iba nang sandali ang kanyang ekspresyon sa mukha; naging malambot ito. "Ngunit huwag kayong mag-alala . . ." Ibinaling niya ang tingin kay Ybrahim at muling ngumisi, tila may ipinapahiwatig. "Hindi kayo ang dahilan."
Nilisan ng mga taong isda ang koloseyo at naiwan na walang imik si Ybrahim, tila gumuho ang kanyang mundo at nawalan siya ng pag-asa. Iniisip pa rin niya ang tungkol sa nakatagong sikreto. Mahirap man aminin, ngunit tama si Reyna Aglatea. Maaaring bahagi lamang siya ng kanilang mga plano.
Ano ang kanyang gagawin?