webnovel

Tukso

Taong RD719, Buwan ng Altair

Limang buwan na ang nagdaan. Pinili ni Lysandra na manirahan sa tahanan ng kanyang katipan na si Ybrahim sa halip na bumalik sa Kaharian ng Vesperia. Kung sakali man na siya'y hahanapin, idadahilan nila na lumabag ang sirena sa kasunduan at kinulong ito ni Ophelia sa loob ng Planetarium.

Pinagbilinan si Lysandra na huwag lalabas nang walang kasama dahil ito ay para na rin sa kanyang proteksyon. Kung nais niyang lumabas, huwag na huwag niyang kalilimutan na gamitin ang gayumang nilikha ni Ophelia para sa kanya upang mag-anyong tainga ng tao ang kanyang mga hasang.

Ni minsan ay hindi niya sinuway ang pirata sapagkat mas nanaisin niyang sumama kung saan man ito magtungo at ibuhos na lamang ang pagmamahal sa kanya. Matagal na niyang pinapangarap ito at unti-unti na itong natutupad.

Maraming nagtanong at nakapansin sa kanilang relasyon at hindi nila iyon itinanggi sa nakararami. Mabuti na lang, magaling gumawa ng kuwento si Lysandra. Ipinalabas niya na si Ybrahim ang nagligtas sa kanya sa loob ng kanyang tahanan noong lumusob ang mga taong isda sa Kaharian ng Mopek. Nagkataong nagkamabutihan silang dalawa noong araw na iyon.

Madali nilang nakumbinsi ang mga tao lalo na't ang mga taong isda ay ang paksa. Dahil dito, malayang namulaklak ang pag-iibigan ng dalawa. Nahulog si Ybrahim kay Lysandra at niyaya niya itong magpakasal hanggang sa nagkaroon sila ng sanggol.

Ngunit may isang partikular na taong dragon ang hindi natuwa sa balitang iniulat sa kanya.

Sa loob ng sanktum sa Planetarium, pinagmamasdan ni Ophelia ang ordinaryong kaliskis na nagpapabilis sa pagtakbo ng isang nilalang sa kanyang kamay. Nais sana niyang pasalamatan ang sirena nang personal, ngunit tanging si Ybrahim lamang ang may pahintulot na tumapak sa isla. Bumalik siya sa Planetarium noon at hindi sa Kaharian ng Azeroth.

Tamihik pa rin siyang nakatayo, malalim ang iniisip at tila nababalot sa kalungkutan. May isang lalaki ang kanina pang umaaligid sa kanyang isipan, at si Ybrahim iyon.

Alam ko na wala akong karapatan upang pigilan ka sa iyong nararamdaman, ngunit, kalimutan mo na si Ybrahim. Masasaktan ka lamang.

Kumunot ang noo ng bathaluman. Hindi niya nagustuhan ang mga winika ni Ignis. "Madaling sabihin, mahirap gawin .  . ."

Nakalimutan mo na ba ang mga itinuro sa iyo ni Ybrahim? Mas pipiliin mo pa rin ba ang malunod sa hapis?

Hinarap ni Ophelia ang dragon na may mga matang nagbabantang lumuha. "Nakagagalit isipin na hahantong ako sa ganitong sitwasyon. Hindi ko magawang kalimutan ang lalaking iniibig ko. Sinubukan kong ituon ang aking nararamdaman para sa iba, ngunit siya pa rin ang nilalaman ng puso ko."

Hindi man mabasa ang ekspresyon sa mukha ni Ignis, ang kanyang mga mata ang nagsilbing patunay na naaawa't nalulungkot ito para sa bathaluman. Gusto man niyang tumulong upang mabasawan ang sakit na nararamdaman, ngunit wala siyang magagawa.

Babalik na ako sa Azeroth. Suminghal si Ignis. Tumalikod siya at naglakad palayo. Wala akong panahon para sa mga problemang katulad nito.

Nagulat si Ophelia sa mga salitang binitiwan ni Ignis. Hindi dahil sa nakasasakit ito. Batid niyang magkasalungat ang personalidad ng dragon at ng pirata kung kaya't natatakot siyang isipin na ganito ang magiging pakikitungo sa kanya ni Ybrahim sa oras na galitin niya ito.

🔱 🔱 🔱

Isang araw, gumawa ng gayuma si Ophelia sa loob ng sanktum matapos pag-aralan ito sa isang ipinagbabawal na libro. Ito'y upang mapansin at ibigin siya ni Ybrahim kahit isang araw lamang. Labag man sa kalooban, hindi niya nakayanan ang pangungulila sa lalaki.

Ngunit humigpit ang kanyang hawak sa baso. Naalala niya ang tungkol sa kalayaang mamili na ibinahagi ng lalaki.

"Hindi . . ." Umiling-iling ang bathaluman. "Kapag ginawa ko ito, katulad na rin ako ng mga taong isda–"

"Ophelia!"

Nagulantang si Ophelia dahil sa tinig ng lalaki. Ilalayo sana niya ang baso, ngunit inagaw ito mula sa kanya at siya'y nakaramdam ng matinding kaba. Sinubukan niya itong agawin, ngunit hinarangan siya ng pirata.

"Huwag mong iinumin!"

"Hindi ko ito uubusin!" Umiral ang pagkapilyo ni Ybrahim. Abot tainga ang kanyang ngiti bago niya ininom ang gayuma.

Hindi makagalaw si Ophelia sa kanyang kinatatayuan, takot na takot sa magiging resulta. Hindi siya makaisip ng katwiran dahil batid niya na siya'y mabibisto sa huli.

Mamayamaya pa'y, dagling kumunot ang noo ni Ybrahim. Nahilo siya at nabitiwan ang baso; nabasag ito sa sahig.

"Y-Ybrahim?" Akmang tutulungan ni Ophelia itong makaupo sa silya nang biglang hinablot ang kanyang pulsuhan. Siya'y napasinghap sa gulat at napapikit na lamang. "Pa-Patawad! Hi-Hindi ko–"

"Nakabibighani pala ang iyong kariktan sa malapitan."

Dumilat si Ophelia. Dahan-dahan niyang inangat ang tingin kay Ybrahim at ito'y nakatitig sa kanya. Aminin man niya o hindi, puso niya'y tumibok at ang kanyang mga pisngi ay uminit. Sadyang nahuhumaling ang bathaluman sa pirata.

"Bi-Bitiwan mo ako," mahinang utos niya.

Ngumisi si Ybrahim. Yinakap niya ang baywang ni Ophelia at biglang hinala ito patungo sa kanya.

Nagulat si Ophelia sa mga sumunod na nangyari. Napagtanto niyang hinalikan siya ni Ybrahim sa kanyang mga labi. Hindi nagtagal, nanginig at nanghina ang kanyang mga tuhod hanggang sa sila'y nahulog sa tukso.

🔱 🔱 🔱

Dalawang oras ang lumipas, nangyari na nga ang hindi kaaya-ayang eksena.

"Ulitin mo ang sinabi mo. Gumawa ka ng gayuma?"

Umatras si Ophelia at napaupo sa sahig dahil sa matinding takot. Kita sa kanyang katawan ang panginginig pati na rin ang maputlang mukha. "Y-Ybrahim . . . Pa-patawad . . ."

"Bakit mo ginawa iyon?" Lumalim ang boses ng pirata, animo'y nagpipigil sumigaw. Gusto niyang maluha at magwala dahil pakiramdam niya'y niloko niya si Lysandra. "Alam mo bang walang kapatawaran ang ginawa mo sa akin? May pamilya ako!"

"B-Batid ko–"

"Kung alam mo iyon . . . bakit mo ginawa!" Nilakasan ni Ybrahim ang kanyang boses at kasabay niyon ay ang paglikha ng mga espada, sibat, at palakol gamit ang elementong Mercurio.

Si Ophelia ay napatili at napatakip ng mga tainga. "Patawad, patawad, patawad!" Umagos ang kanyang mga luha na nagmula sa mga matang nakapikit. Hindi niya magawang tingnan ito nang diretso dahil sa malaking kasalanan na nagawa. "Hindi ko sinasadya! Hindi ko sinasadya!"

Naging matalas ang mga titig ni Ybrahim at sumikip ang kanyang dibdib. Kumukulo ang kanyang dugo na nagbabantang sumabog na parang bulkan. Pinipigilan niya ang sarili na pagbuhatan ito ng kamay kung kaya't nilihis niya ang tingin sa kabilang dako at doon itinutok sa dingding ang umaapaw na kapangyarihan.

Sunod-sunod bumulusok ang mga sandata sa isang parte ng dingding at lalong umigting ang pagtakip ng tainga ni Ophelia dahil sa naririnig na kalabog. Sa mga oras na iyon, nais na niyang mamatay. Kung maaari lang ibalik ang oras, gagawin niya iyon, ngunit hindi na maaari.

Huli na ang lahat.

Mamayamaya pa'y, tumigil na ang nakabibinging ingay. Dahan-dahang iminulat ni Ophelia ang kanyang mga mata upang tingnan ang sitwasyon.

Bitak ang dingding.

Napansin din niyang tumatangis si Ybrahim habang nakayuko kung kaya't kumirot ang kanyang puso.

"Tila walang saysay ang lahat ng mga itinuro ko sa iyo tungkol sa buhay . . ." Inangat ni Ybrahim ang kanyang ulo. Nagtama ang kanilang tingin at siya'y nagbuhos ng sama ng loob. "Akala ko ay . . . wala na akong magiging suliranin. Akala ko ay . . . magiging masaya na ako dahil nakilala ko na ang aking kabiyak. Akala ko ay . . . magiging maayos ang lahat sapagkat nasa tabi ko ang dalawang babaeng nagbibigay sa akin ng lakas upang hindi sumuko sa aking napakabigat na tungkulin. Ngunit, ano itong ginawa mo sa akin?"

Habang nagpapaliwanag si Ybrahim, tila maraming kutsilyo ang sumasaksak sa puso ni Ophelia, sanhi ng kanyang pagdurugo sa loob. Inaamin niyang naging makasarili siya at ang pagkakamaling ito ay hindi na maaaring maayos.

Sa totoo lang, pareho silang nagkamali. Ngunit, kung hindi niya ginawa ang gayuma, hindi sana ito mangyayari.

Lumabo ang paningin ni Ophelia at siya'y humikbi. "Lubusang nahihiya ako sa sarili ko. Palagi kong sinasabi na hanga ako sa pagiging matalino mo tungkol sa buhay, at lahat ng 'yon ay binigyan ko ng walang halaga."

"Siguro ay . . . mas makabubuti sa atin ang lumayo sa isa't isa."

Nabigla si Ophelia sa kanyang narinig at tila nabuhusan siya ng malamig na tubig. "A-Ano ang ibig mong sabihin? Hi-hindi mo na ako bibisitahin?" nauutal na tanong niya.

"Bibisita lamang ako kung may isasauling kaliskis. Ngunit upang kamustahin ka? Pag-iisipan ko," malamig na wika ni Ybrahim bago tuluyan nang umalis sa kanyang harapan.

Iyon ang unang pagkakataon na lumiyab sa matinding poot at galit si Ybrahim nang malaman niya na may nangyari sa kanila sa huli. Nasira ang kanilang pagiging matalik na magkaibigan dahil sa gayumang hindi sinasadyang inumin. Dahil dito, napuno ng pagsisisi at matinding kapighatian si Ophelia.

Next chapter