Ang librong ito ay naglalaman ng iba't ibang storya ng pag-ibig at mayroon ding fiction thriller na makaaaliw sa mga babasa.
"Princess, ikaw ang Taya habulin mo ako!", ang Sabi ni Carlito.
"Mamaya na lang, pagod na ako eh!", ang tugon ni Princess.
"Sige na nga. Pumunta na lang tayo doon sa malaking bato at maupo tayo doon", ang anyaya ni Carlito.
Sa isang baryo sa probinsya ng Bulacan ay may dalawang bata, sila ay si Carlito at Princess na parehong pitong taong gulang ang edad.
Lagi silang magkalaro, naghahabulan, nagtatawanan. Sa kanilang mga musmos na edad ay kakikitaan sila ng kasiglahan na para bang ang kasiglahan nilang iyon ay wala ng katapusan
"Malayo na iyon Carlito, baka hanapin na ako ng inay ko", ang pagtutol ni Princess.
"Sandali lang tayo doon, panonoorin lang natin ang mga nagtatanim ng palay", Sabi ni Carlito.
At tumakbo nga ang dalawa sa lugar na kung saan ay may malaking bato at naupo sila doon upang panoorin ang mga nagtatanim ng palay.
"Alam mo Princess, kapag ikaw ang kalaro ko ay masaya ako. Kapag nagkahiwalay tayo ay malulungkot ako", ang sabi ni Carlito.
"Ako din Carlito at kahit magkalayo tayo ay hindi kita kalilimutan, kasi friend kita", tugon ni Princess.
They started as friends and became best friends. Nagsumpaan ang dalawa na Walang lilimot.
At upang gawing makatotohanan ang kanilang sumpaan, they crossed their little fingers to make their promise binding to each other.
"O ayan nagsumpaan na tayo Carlito, dapat kang tumupad at kung hindi lagot ka sa akin", ang nakatawang sabi ni Princess.
"Huwag kang magalala kahit malayo ako sa iyo ng kahit ilang milya ay hindi ako lilimot kasi best friend kita."
Subalit dumating ang sandali ng kanilang paghihiwalay ng lumipat ang pamilya ng batang lalake sa ibang bansa.
Nagpaalam si Carlito kay Princess kaya nalungkot ito at umiyak sa sinabi ni Carlito.
"Princess sa ibang bansa na kami maninirahan" ang malungkot na sabi ni Carlito..."subalit kahit doon na kami titira ay babalik ako at tandaan mo tutuparin ko ang pangako ko na hindi tayo maghihiwalay... babalik ako para sa iyo."
Hindi naitago ni Princess ang kalungkutan sa mukha nito dahil mawawalan na siya ng kalaro at alam niya matatagalan na muli silang magkikita ni Carlito.
"Mag-ingat ka doon Carlito, at huwag mong kalilimutan ang ating sumpaan ha?" ang umiiyak na sabi ni Princess.
"Oo Princess at mag-ingat ka rin, bayaan mo kapag malaki na ako babalikan kita" ang muling binitiwang pangako ni Carlito.
Bilang alaala ay ibinigay ni Carlito kay Princess ang kuwintas na may palawit na letrang 'C', na bigay kay Carlito ng kanyang ina.
"Itago mo itong kuwintas na ito Princess at tandaan mo, ito ang magiging palantandaan kung sakaling matagal tayong hindi magkikita" ang sabi ni Carlito na halata rin sa kanya ang kalungkutan sa paghihiwalay ng kalaro niyang si Princess.
"Iingatan ko ito Carlito hanggang sa iyong pagbabalik", ang pangako ni Princess.
Lungkot ang nadama ng dalawang bata. Hindi alam ni Carlito na habang papaalis ang sasakyan na magdadala sa kanila sa 'airport' ay tinatanaw sila ni Princess at ng malayo na ang kotse na sinakyan nila ay humabol si Princess.
"CARLITO HIHINTAYIN KITA!", ang sigaw ni Princess.
Sa likod ng kotse nakaupo si Carlito at ng lumingin siya ay nakita niya si Princess na humahabol kaya kumaway na lang siya..."Babalik ako Princess, pangako yan" ang bulong sa sarili ni Carlito.
Dumaan ang mga taon at ngayon ay dalaga na si Princess. Maraming mga binata ang humahanga sa kanya sa taglay nitong kagandahan at may mga nagtangkang ligawan siya subalit kahit isa sa kanila ay walang sinagot ng pag-ibig si Princess, dahil nakatali siya sa sumpaan nila ni Carlito. Maghihintay siya dahil iyon ang pangako ni Carlito, na babalikan siya nito.
Dumaan ang mga araw, buwan, at taon ng kalungkutan sa dalawang bata na umaasang magkikita sila balang araw. Subalit hanggang kailan...hanggang kailan sila maghihintay sa isa't isa. Walng nakatitiyak kundi panahon lang ang makapagsasabi.
"Kumusta na kaya siya? Naaalala rin kaya niya ako? Kailan kaya kami magkikita? Ano na kaya ang itsura niya ngayon?" ang sabi ni Princess sa sarili habang nasa bintana ng bahay nila at pinanonood ang mga nagkikislapang bituin na nagbibigay ng ganda sa kadiliman ng paligid.
Natatandaan pa niya ang sinabi ni Carlito noon sa kanya na kapag siya ay nalulungkot ay tumingin lang siya sa mga bituin upang magkaroon siya ng pag-asa sa buhay...sa hinaharap...at umasa na kung may kalungkutan ay may ligayang darating.
After fifteen years ay bumalik ang pamilya ni Carlito upang dumalaw.
Unang hinanap ni Carlito si Princess subalit wala na sila sa dating tirahan. Lumipat sila sa Tondo, Maynila. Ito ang nakuhang information niya sa mga tagaroon.
Subalit papaano niya hahanapin si Princess. Hindi pa siya nakararating sa lugar na iyon at kung hanapin man niya si Princess sa Tondo papaano niya ito makikilala. Sa labing limang taon na hindi sila nagkita ay mukhang malabo niyang mahanap ito.
"Princess nandito na ako para sa iyo...bakit umalis ka dito sa atin, saan kita hahanapin ngayon?", ang malungkot na sabi ni Carlito sa sarili.
Mula ng dumating sina Carlito ay si Princess ang laging laman ng kanyang isip. May mga gabi na hindi siya makatulog sa kaiisip sa kababata niyang matagal na panahong ding hindi pa sila nagkikita. At ngayon na narito na siya ay mukhang pagkakaitan pa sila ng kapalaran na magkita.
Nabuo ang pasya ni Carlito, hahanapin niya si princess at ang palatandaan lang niya ay ang ibinigay niyang kuwintas kay Princess.
Ang boses ng nanay ni Carlito
"Carlito huwag kang aalis at darating ang amiga ko at pag-uusapan ang kasal ninyo ng anak niyang si Sophia", ang tinig ng kanyang ina habang naglilinis ng bahay.
Ito ang problema ni Carlito na kaya sila umuwi ay upang ipagkasundo siya sa anak ng kaibigan ng kanyang ina, na si Sophia, na hindi naman niya ito gusto...sumusunod lang siya sa gusto ng kanyang ina dahil alam niya na may karamdaman ang ina niya at masama dito ang magkaroon ng sama ng loob at baka ikamatay nito...iyon ang findings ng mga doktor na tumingin sa kanyang ina.
Subalit papaano na si Princess? Si Princess ang itinitibok ng puso niya hangga ngayon, hindi nawawala ang pagtingin niya dito.
"Amiga kumusta na ang tagal ninyong nawala ah", ang bungad ng kaibigan ng ina ni Carlito.
"Oo mare kumusta na at hindi ka yata tumatanda ah?"
"Siyempre laging nagpapaganda, maiba ako kumusta na ang aking mamanuganging si Carlito?"
"Sabi ko huwag aalis eh pero umalis din at may pupuntahan lang daw, papasyalan ang mga lugar na madalas niyang paglaruan noong maliit pa lang siya."
"O sige mare babalik na lang ako para pagusapan ang kasal ng dalawa."
"Mabuti pa nga at ewan ko ba sa batang iyan mula ng kami ay dumating parang walang kasigla sigla."
Ganoon si Carlito mula ng dumating at ng hindi natagpuan si Princess...laging nag-iisip, walang ganang makipag-usap...parang wala sa sarili.
Isang balak ang nabuo kay Carlito...hahanapin niya si Princess sa Tondo.
****
Sa kabilang dako sa nilipatan ni Princess sa Tondo.
"Tayo na Princess at masyado na tayong late sa restaurant na pinapasukan natin, magagalit na ang may-ari" ang sabi ng kaibigan ni Princess.
"Oo nga bilisan natin" tugon ni Princess.
"Bakit ngayon lang kayo dumating? Marami ng customer ah", ang bungad sa kanila ng may-ari ng restaurant.
Hindi na sila sumagot bagkus tuloy tuloy na sila sa kanilang mga pwesto.
Kahit sa pinapasukang trabaho ni Princess ay naiisip pa rin niya si Carlito.
"Dumating na kaya sina Carlito, papaano kung dumating siya at hanapin ako?"
"Papaano nga pala kami magkakakilala ni Carlito, iba na ang itsura ko at maging siya din. Ang kuwintas na lamang na ito na bigay niya ang tanging mapagkakakilanlan sa akin" ang madalas na naitatanong ni Princess sa sarili.
Nasa ganoong sitwasyon si Princess na nag-iisip ng lumapit si Frederik ang masugid nitong mangliligaw. Si Frederik ay isang engineer at maganda ang puwesto sa upisinang pinapasukan nito, Guwapo rin siyang lalaki kung ikukumpara sa iba pang mangliligaw ni Princess. Subalit hindi pa niya sinasagot dahil sa sumpaan nila niCarlito.
"Princess hanggang kailan mo ba ako pahihirapan?", ang bungad ni Frederik kay Princess.
Natawa si Princess sa sinabi ni Frederik,"Ano ka ba Frederik hindi naman kita pinarurusahan ah?"
"Ikaw talaga akala mo laging biro ang sinasabi ko, totoo naman na mahal na mahal kita eh."
Bagamat sa lahat ng nangliligaw kay Princess ay si Frederik ang medyo malapit sa puso ni Princess subalit matimbang pa rin si Carlito sa puso niya.
****
Nakarating nga si Carlito sa Maynila sa Tondo upang hahanapin si Princess.
"Ang laki naman ng Tondo na ito, ngayon lang ako nakarating dito, saan ko kaya siya hahanapin?" ang bulong ni Carlito sa sarili.
Marami ng lugar ang napuntahan ni Carlito, subalit bigo pa rin siya. Para siyang naghahanap ng karayom na nahulog sa gitna ng dagat.
Nang mapagod si Carlito at nagutom ay tumigil siya sa isang restaurant at nag-order ng pagkain.
Habang kumakain si Carlito ay napasulyap siya sa kahera na hindi niya alam ay si Princess.
"Maganda siya, at tiyak ako tulad din siya ni Princess ko na maganda rin" ang bulong ni Carlito sa sarili niya habang kumakain.
Matapos kumain ay nagpunta si Carlito sa kahera at nagbayad. Ningitian niya ang magandang kahera at gumanti din ito ng ngiti.
Pagkatapos magbayad ay lumabas na ng restaurant si Carlito upang ipagpatuloy ang paghahanap kay Princess.
Malayo na si Carlito sa restaurant, kaya hindi niya narinig ng tawagin si Princess ng kasamahan niya.
"Princess, tawag ka ni boss sa office", ang sigaw ng kasama niya na nasa kusina ng restaurant.
Kung narinig sana ni Carlito ang pangalang 'Princess' ay tapos na sana ang paghahanap niya. Subalit, sadya yatang mapagbiro ang kapalaran kaya hindi sila nagkakilala. At kung hindi lang nakatago ang kuwintas na suot ni Princess ay nakilala na sana siya ni Carlito.
Dahil gusto ni Princess na makibalita kay Carlito ay nagpaalam siya sa may-ari ng restaurant upang dumalaw sa probinsya na kinalakihan nila ni Carlito.
Kaya kinabukasan matapos magpaalam si Princess ay maagang umuwi ng probinsya sa lugar na kung saan sila lumaki ni Carlito.
Si Carlito, tuwing mapapagod at nakararamdam ng gutom ay sa dating restaurant siya nagbabalik. Napansin niya na wala ang magandang kahera.
Dalawang linggo ng naghahanap si Carlito kaya ipinasya niya na umuwi na muna sa kanila at babalik na lang sa isang araw.
Si Princess ng makarating sa dating lugar na kung saan siya lumaki, ay dumaan muna kina Carlito, subalit wala siyang nakitang palatandaan na dumating na sila, na lingid sa kaalaman ni Princess ay dumating na sina Carlito upang magbakasyon at babalik na muli sila sa ibang bansa pagkatapos na asikasuhin ang gagawing pagpapakasal ni Carlito sa isang dalaga na napupusuan ng mga magulang niya para sa kanya.
"Inday dumating na ang kuya mo, asikasuhin ninyo at para makakain na" ang utos ng ina ni Carlito sa mga katulong.
Matapos kumain ni Carlito ay nagtungo na sa kanyang silid upang magpahinga subalit sinundan siya ng kanyang ina at sinabi na nagkasundo na sila ng magulang ng mapapangasawa niya. Ang narinig na sinabi ng ina ni Carlito ay parang batingaw ng kampana na tumulig sa kanyang pandinig.
Hindi na lang pinansin ni Carlito ang sinabi ng ina. Alam niya pagkatapos ng kanyang kasal ay babalik na sila sa ibang bansa upang doon na tuluyang manirahan.
Subalit papaano si Princess may pag-asa pa kaya na magkita pa sila?
Pagdating ni Princess galing Maynila ay pinuntahan ang mga lugar na madalas nilang puntahan ni Carlito, na kahit papaano ay nagbibigay sa kanya ng kaligayahan upang maalala ang mga nakaraan ng kamusmusan nilang dalawa.
"Kumusta na kaya si Carlito, naaalala pa kaya niya ako?" ang bulong ni Princess.
Subalit hindi alam ni Princess na pagkatapos magpahinga ni Carlito buhat din sa Maynila, tulad niya ay pinupuntahan din ang mga lugar na madalas nilang paglaruang dalawa noong mga bata pa sila.
"Carlito ang daya mo ha! lagot ka hahabulin kita" ang tinig ni Princess na naaalala pa ni Carlito.
"Dito ang lugar na umiyak si Princess, dahil nagtawa ako ng siya ay nadapa sa paghabol sa akin" ang nakangiting sabi ni Carlito sa sarili niya.
Si Princess naman na nasa ibang lugar din sa dakong iyon, matapos dalawin ang mga lugar na kung saan sila naglalaro ni Carlito noon ay nagpasya ng bumalik sa Maynila na hindi man lang sila nagpang-abot ni Carlito.
"Babalik ako uli at lagi akong aasa na sana pagbalik ko dumating na siya",ang wika ni Princess sa sarili.
At mula sa Maynila pagkaraan ng isang linggo ay bumalik uli si Princess na sa pagkakaalam niya ay wala pa rin sina Carlito. Napag-isip isip ni Princess na nakalimutan na siya nito ng tuluyan.
Upang wakasan na ang kanyang paghihintay sa taong hindi niya alam kung kinalimutan na siya o hindi ay balak na niyang iwanan ang kuwintas sa malaking bato na naging saksi ng kanilang sumpaan noon at upang harapin naman niya ang sariling kaligayahan. Nakarating nga si Princess sa malaking bato at naupo doon. Ginunita niya muna sa huling sandali sa kanyang sarili ang maliligayang sandali ng kanilang kamusmusan ni Carlito. Kaligayahan at pagtitinginan nila noon na sumibol sa hindi tamang panahon kaya siya ay narito naghihirap sa paghihintay sa wala namang hinihintay.
"Paalam Carlito, saan ka man naroroon ay sana maging maligaya ka sana. Iiwanan ko ang kuwintas na ito sa ibabaw ng batong ito upang palayain ka at ganoon din ako sa iyo upang harapin ko naman ang sarili kong kaligayahan na ipinagkait ko sa aking sarili dahil sa sumpaan natin."
Dahil sa kabiguan ni Carlito na magkita pa sila ni Princess ay pumayag na itong pakasal sa babaing hindi niya gusto upang matahimik na siya, kaya itinakda na ang kanyang kasal.
At bilang pamamaalam sa alaala ni Princess, ay muling pinuntahan ni Carlito ang mga lugar na pinupuntahan nila upang sa huiing sandali ay gunitain ang masasayang sandali ng kanilang kamusmusang dalawa...kamusmusan ng pagmamahalan bilang magkaibigan na nauwi sa tunay na pagmamahal ngayong siya ay malaki na.
Habang papalapit si Carlito sa malaking bato, na siya niyang huling pupuntahan ay nakita niyang may nakaupong magandang babae. Kitang kita niya na may hinubad itong kuwintas at inilagay sa ibabaw ng bato.
Lumapit siya na hindi namamalayan ni Princess at kahit mahina ang sinasabi ni Princess sakanayng sarili ay dinig na dinig niya ang mga katagang lumalabas sa bibig nito.
"Iiwanan ko sa ibabaw ng batong ito ang kuwintas na ito upang wakasan ko na ang matagal na panahon kong paghihintay", at inilagay ang kuwintas na hawak ni Princess sa ibabaw ng bato.
Nakita ni Carlito ang ginawa ni Princess ng ilagay ang kuwintas sa ibabaw ng bato na kanyang kinauupuan at dito natiyak niya sa sarili na si Princess nga ito, ang magandang kahera sa restaurant na kinainan niya sa Maynila.
Hindi napigilan ni Carlito ang sarili at tinawag niya ito sa pangalang 'Princess'.
"Princess?" ang tawag niya.
Napalingon si Princess.
"Kilala mo ako?" tanong ni Princess kay Carlito na hindi niya naalala ay ang naging kustomer na kumain sa restaurant na pinapasukan niya.
"Ah oo may nagsabi sa akin diyan sa labasan bago ako nakarating dito",ang pagkakaila ni Carlito.
Ganoon lang ang kanilang naging pag-uusap at pagkikita at umalis na si Princess upang bumalik na ng Maynila.
Si Carlito kahit gusto niyang habulin ito at sabihin na siya si Carlito ay hindi na niya ginawa dahil minabuti na lamang niyang huwag magpakilala dahil huli na rin lang ang lahat, ikakasal na siya.
Ngayong nalaman ni Carlito na naghihintay pa rin pala sa kanya si Princess ay huli na, wala na siyang magagawa pa.
Ang pagmamahalang ipinunla nila sa kanilang puso na nagsimula sa kanilang kamusmusan, sa maling panahon ay nauwi sa wala kahit ang sumpaan nila ay tunay. Sa nangyaring ito sa kanilang dalawa na parang pinaglaruan sila ng tadhana ay masasabing kapalaran ang nagpahiwalay sa kanila ng tuluyan.
Pagkaalis ni Princess ay dinampot ni Carlito ang kuwintas na ibinigay niya dito at lumuluhang hinalikan ang kuwintas at sinabi na lang niya sa sarili... "I'm sorry Princess though I have waited for you for a long time, I have to let you go, for the sake of your happiness. Goodbye, my love, maybe someday, somewhere, somehow, we will meet again."