webnovel

ANAK NANDITO NA AKO

Hindi lahat subalit may ilan na mula sa probinsya ay lumilipat ng tirahan sa lungsod upang humanap ng magandang kapalaran o ng trabaho sa ikauunlad ng kanllang pamilya.

Ang pamilya ng mag-asawang mang Pepito at aling Yolanda ay nagpunta ng Maynila upang magbakasakali na makakita ng magandang hanapbuhay na magbibigay sa kanila ng magandang kinabukasan. Subalit imbis na maging maligaya ay sinubok sila ng kapalaran hanggang maging miserable ang kanilang pagsasama bilang isang pamilya.

Kasama nila ang nag-iisang anak na si Irish na anim na taong gulang. Ang asawa ni aling Yolanda na si mang Pepito ay iniwanan ang asawa at anak dahil natukso siya ng ibang babae sa kabila ng kanilang dinaranas na paghihirap sa buhay at sana katuwang ni aling Yolanda sa pagpapalaki sa kanilang anak.

Kaya ang pangyayari na iniwanan ni mang Pepito ang mag-ina ay labis na nagbigay ng lungkot kay aling Yolanda at sa anak nitong si Irish.

"Inay, bakit tayo iniwanan ni itay? Ano ang nagawa nating kasalanan kay itay?" ang tanong ng musmos na si Irish sa ina.

"Anak, mahal tayo ng itay mo..babalik din siya..hintayin natin siya ha?" ang pagkakailang sinabi ni aling Yolanda sa anak upang alawin ito subalit sa isipan ni aling Yolanda ay walang katiyakan ang pagbabalik ng kanyang asawa.

"Opo inay alam ko babalik din si itay kasi po love niya ako at love ko rin siya" ang masayang tugon ni Irish.

Hindi magawang imulat ni aling Yolanda sa anak ang totoong kalagayan nila dahil gusto niyang lumaki si Irish na may magandang pananaw sa buhay habang lumalaki ito.

"Anak, maaga tayong matulog ngayon dahil bukas maaga tayong mangangalakal (pangangalakal ang tawag sa pamumulot ng plastic at bote sa mga basurahan at ibebenta sa mga 'junk shop').

"Opo inay"

Paglalabada at pangangalakal o pamumulot ng mga plastic at bote sa basurahan ang ikinabubuhay ni aling Yolanda. Bitbit ang isang basyo ng sako na lagayan..akay akay ang paslit na si Irish.

Tanghali na ay kakaunti pa ang kanilang napupulot na plastic at bote..at nakaramdam na si Irish ng gutom.

"Inay, gutom na po ako" ang daing ni Irish sa ina.

"Sige dalhin na natin itong mga napulot natin sa junk shop para makabili tayo ng pagkain" ang tugon ni aling Yolanda.

Sa junk shop.

"Eto po ang bayad" sabi ng may-ari ng junk shop.."bakit po kakaunti ang dala ninyong mga plastic at bote?" tanong ng may-ari ng junk shop.

"Oo nga po kasi nauunahan kami ng ibang mga namumulot" ang naitugon na lamang ni aling Yolanda.

"Tayo na anak bili na tayo ng pagkain" ang yaya ni aling Yolanda.

Sa karinderya.

"Anak, ang mamahal pala ng pagkain dito kulang ang pera natin" ang sabi ni aling Yolanda matapos tanungin ang nagtitinda.

Dahil kulang ang pera nila ay tinapay na lang ang kanilang nabili.

"Inay, hati po tayo kasi alam ko gutom na rin po kayo" ang alok ni Irish sa ina.

"Sige anak ikaw na lang ang kumain..hindi pa ako nagugutom" ang tugon ni aling Yolanda bagamat nararamdaman niya na kumakalam ang kanyang sikmura.

Habang kumakain si irish ay pinagmamasdan siya ni aling Yolanda at nasabi sa sarili.."Ang kaawaawa kong anak..papaano ko kaya maibibigay sa kanya ang kaligayahan na tulad ng sa ibang bata?..masaya sila sa piling ng kanilang magulang..mga anak na masasarap ang kinakain..mga anak na pumapasok sa iskwelahan at nag-aaral..mga anak na masasaya habang namamasyal sila kasama ang kanilang tatay at nanay.

Totoong nakalulungkot ang naging kalagayan ng mag-inang Yolanda at Irish isipin pa ang katotohanan na iniwanan sila ni mang Pepito.

"Tapos ka ng kumain anak?" tanong ni aling Yolanda kay Irish habang pinapahid ang mga luhang tumulo sa pisngi niya,

Hindi kaagad nakasagot si irish dahil pinagmamasdan ang ina habang nagpapahid ng kanyang luha.

"Inay..huwag ka na pong malungkot paglaki ko aalagaan kita" ang sinabi ni Irish para maaliw ang ina.

"Naku ang batang ito..tayo na nga at mamulot na uli tayo" ang nasisiyahang wika ng ina kay Irish.

Habang lumalakad ang mag-ina..sa isipan ni aling Yolanda ay inaasam na sana marami silang mapulot na plastic at bote.

Mukhang natupad ang inaasam ni aling Yolanda dahil isang truck na puno ng basura ang dumating sa tambakan. Suwerte din dahil kakaunti lang ang namumulot.

Nagtakbuhan ang mga namumulot upang salubungin ang truck ng basura ng sumigaw ang driver nito.

"Teka muna!! huwag kayong masyadong lumapit baka kayo maurungan ng truck" ang malakas na boses ng driver.

Kaya sa araw na iyon na sinuwerte ang pamumulot nila ng plastic at bote ..na halos mapuno ang sakong dala nila ay natutuwang sinabi ni aling Yolanda kay Irish na ipapasyal ito.

"Irish anak, bukas hindi tayo mangangalakal dahil ipapasyal kita" ang masayang sabi ni aling Yolanda kay Irish dahil matagal na ring hindi nagawang ipasyal ni aling Yolanda ang anak mula ng iwanan sila ni mang Pepito at ito na ang pagkakataon upang makalasap ang anak ng kahit man lang ng kaunting ligaya sa kanyang kamusmusan.

"Talaga po inay? yeheyy!! ang bait bait talaga ng inay ko..salamat inay love na love kita po" ang sinabi sa ina ng natutuwang si Irish.

Sa sinabi ng anak ay iyon ang nagpapaligaya kay aling Yolanda kahit wala pang alam si Irish sa takbo ng kanilang buhay. Makikita sa bata ang kamusmusan nito.

"Inay sasakay po ako sa kabayo na umiikot..sa car..at sa tren trenan ho?" ang tuwang tuwang sabi sa ina.

"Oo anak" sagot ni aling Yolanda.

Kinabukasan sa carvanal ay tuwang tuwa si Irish habang namamasyal.

"Inay dito po..dito po tayo" ang yaya sa ina na hawak ang ina sa kamay ng makita ni Irish ang carrousel.

Habang nakasakay si Irish sa kabayo at ilang beses sa pagikot ay walang pagsidlan ang bata sa katuwaan...katuwaang pangsamantala lamang upang makalimutan ang kalungkutan ng kanilang buhay.

Nang natapos na si Irish at nagpatuloy sa pamamasyal ay 'di sinasadya na nakita ni Irish ang ama at bigla itong tumakbo sa ama.

Pagkalapit ay humawak ito sa kamay ng ama.

"Itay!..itay!" ang sigaw ni Irish.

Subalit inalis ni mang Pepito ang kamay ni Irish.

Napansin ito ng Kasama niyang babae.

"Love sino siya?" ang tanong nito kay mang Pepito.

Hindi kaagad nakasagot si mang Pepito dahil sa damdamin at puso niya mahal niya ang anak subalit dahil sa sitwasyon niya ngayon ay kinakailangan niyang ipagkaila ito.

"Ewan ko love baka napagkamalan lang ako..kawawa naman..tayo na" at mabilis na silang umalis.

Inabutan ni aling Yolanda ang bata at kitang kita niya ang ginawa ng ama nito ng alisin ang pagkakakapit sa kamay nito.

Nakita rin niya ang kasamang babae.

"Kung sa kanya ka maligaya ay wala akong magagawa subalit wala akong galit sa iyo dahil ama ka ng aking anak at kung maisipan mong bumalik sa amin ng anak mo ay yayakapin ka namin ng mahigpit" ang nasabi na lang ni aling Yolanda sa sarili at naluha siya.

Si Irish na umiiyak paglapit ng ina ay yumakap dito.

"Inay, bakit hindi ako kilala ni itay? Hindi ba niya ako love? Para sasabihin ko lang naman sa kanya na love ko siya eh" sabi ni Irish na patuloy sa pag-iyak.."bakit po inay galit ba siya sa akin?"

Mga tanong ni Irish sa ina dahil hindi pa abot ng isip niya ang totoong nangyayari sa kanilang buhay. Para siyang isang dahon na nakalutang sa tubig sa ilog na inaanod upang dalhin sa kung saan.

Hindi kaagad nakasagot si aling Yolanda dahil nagsisikip pa ang kanyang dibdib sa pangyayari.

At ng medyo maayos na ang pakiramdam niya ay saka kinausap ang anak.

"Tahan na anak..bayaan mo may awa sa atin ang Diyos hindi Niya tayo pababayaan" ang nasabi na lang ni aling Yolanda sa anak.

Hindi na itinuloy ng mag-ina ang pamamasyal. Umuwi silang malungkot at pagdating sa bahay ay niyakap ang anak at nawika niya sa sarili.."Ang kaawaawa kong anak" at muling pumatak ang mga luha sa mata ni aling Yolanda..luha ng kalungkutan at sama ng loob sa kanilang nararanasan.

Si Irish sa edad na anim na taon ay halatang matalino kaya natutuwa sa kanya si aling Yolanda. At dahil sa pagmamahal niya sa anak ay nasasabi niya sa sarili na mawala na ang lahat huwag lang ang pinakamamahal niyang si Irish.

Isang gabi na natutulog ang mag-ina ay naramdaman ni aling Yolanda na wala si Irish sa tabi niya kaya hinanap niya ito at nakita sa kabilang kwarto na nakaluhod at dinig na dinig niya ang sinasabi ng anak.

"...ingatan mo po si itay ko..kahit iniwanan niya kami ni inay ay love ko pa rin po siya..sana po bumalik na siya sa amin para maging masaya kami at para po may katulong si inay kasi po hirap na hirap na siya..ingatan mo rin po si inay ko..kung kasama po namin si itay ay hindi na po kami magpupunta ng basurahan para lang po may pambili ng pagkain..salamat po".

Nang marinig ni aling Yolanda ang prayer ng anak ay napaluha na lang habang pinagmamasdan ang nakaluhod na si Irish na sabik na makapiling ang ama nito.

Sa edad ni Irish..edad ng isang musmos na bata na naghahanap ng yakap ng isang ama..kalinga ng isang ama..ay mababakas pa rin ang kawalang malay nito sa nangyayari sa kanilang buhay.

Subalit hanggang kailan maghahanap ang bata..hanggang kailan niya pananabikan ang ama nito..hanggang kailan kaya siya aasa sa isang bagay na panahon lamang ang makasasagot.

Pagkalipas ng isang linggo ay biglang dumating ang may-ari ng bahay na inuupahan nila at sila ay pinaaalis na dahil matagal na silang hindi nakababayad ng upa.

"Hoy!! Yolanda nasira ka na naman sa pangako mo. Anong buwan na ngayon? Hanggang puro pangako ka na lang" ang may katigasang wika ng may-ari ng bahay.

"Pasensya na po baka po makakakuha ako ng pera ay babayaran ko po kayo kaagad" ang pakiusap ni aling Yolanda.

"Hindi maaari dapat na kayong umalis ngayon dahil may uupa na ditong iba"ang matigas pa ring sabi ng may-ari ng bahay.

Walang nagawa si aling Yolanda sa kanyang pakiusap kaya unti-unti niyang kinuha ang mga damit at habang binabalot ay nakamasid lang si Irish.

Hinawakan ni Irish ang kamay ng ina na nakaluhod habang binabalot ang mga damit.

"Inay, huwag ka na pong malungkot basta po lagi tayong magkasama kahit saan tayo pumunta ay maligaya na rin po ako" ang wika sa ina at pinunasan ng kanyang kamay ang mga luha na tumutulo sa pisngi ng ina.

Niyakap ni aling Yolanda ang anak.

"Salamat anak" at iyon na lang ang nasabi ni aling Yolanda sa anak habang nakatingin sa anak na nakangiti sa kanya at hinalikan niya ito.

Nilisan nga nila ang bahay na inuupahan at ng malayo na sila ay lumingon si aling Yolanda. Pinagmasdan ang bahay sa huling sandali na naging saksi sa naging takbo ng kanilang buhay at ngayon muli silang haharap sa pinakamahirap na yugto ng kanilang buhay na walang masisilungan..walang permanenteng matutulugan..wala ang asawa na sana katuwang niya sa nararanasan niyang hirap.

Kay aling Yolanda ay makapagtitiis pa siya ng hirap subalit papaano si Irish? Kakayanin kaya ng bata na sa mura niyang edad na harapin ang sitwasyon ng buhay nila?

Sa katanungan kung "bakit" ay panahon lang ang makasasagot.

Kaya ang mag-ina kapag inabot ng gabi ay sa bangketa na lang natutulog. Basta kung saan sila abutan ng gabi iyon ang kanilang tulugan.

Isang araw napansin ni aling Yolanda na matamlay si Irish kaya hindi sila umalis upang mangalakal sa basurahan.

Kinagabihan inaapoy na ng lagnat si Irish kaya itinakbo siya ni aling Yolanda sa ospital.

Pagdating sa ospital ay kaagad kinausap ang mga naroon at nakiusap na gamutin ang anak dahil mataas ang lagnat nito.

"Maawa na po kayo inaapoy ng lagnat ang anak ko kailangan niya ng gamot" ang pakiusap niya sa mga nurse na nasa counter ng ospital.

Subalit tiningnan lang siya at nagtanong.

"Eh misis may pang deposit po ba kayo..private hospital po ito" ang sabi ng isa sa counter.

"Wala po eh" ang tugon ni aling Yolanda.

Pagkasabi ni aling Yolanda na wala siyang pangdeposit ay hindi na siya pinansin ng mga nasa counter.

Sa pagkakataon palang iyon ay may isang nakakarinig sa pakiusap ni aling Yolanda at nagsabi na dalhin na lang ang anak sa center na malapit lang naman.

Kaaagad dinala ni aling Yolanda si Irish sa center at doon ay inasikaso kaagad ang bata.

Mag uumaga na ng humupa ang lagnat ni Irish at nakapagsasalita na ito.

"Inay, alam mo po ang layo layo ng narating ko..malayong malayo..akala ko po hindi na ako makauuwing pabalik pero nagpilit po akong makauwi kasi po alam ko hinihintay nyo po ako at kasi po love kita inay".

"Ang anak kong ito salamat sa Diyos hindi ka Niya kinuha sa akin" at muli hindi napigilan ni aling Yolanda ang maluha..luha ng kaligayahn dahil kapiling niya ang anak.

Lumapit ang nag-asikaso kay Irish kay aling Yolanda at sinabi na magaling na ang bata.

Nahihiyang nagtanong si aling Yolanda kung magkano ang babayaran nila.

"Wala po inay" ang magalang na tugon ng kausap niya "eto po iyong mga gamot na iinumin ng bata tiyakin lang po na mainom niya sa tamang oras po"

Anopat walang pagsidlan sa kasiyahan si aling Yolanda kundi magpasalamat na lang sa kanila.

"Sige po misis pwede na po kayong umuwi kung gusto po ninyo magaling na po anak nyo".

"Opo maraming salamat sa inyong lahat" ang naitugon na lamang ni aling Yolanda.

Sa kabilang dako hindi mapalagay ang ama ni Irish. Kahit iniwanan niya ang mag-ina ay lagi pa rin silang naaalala nito. At ang ginawa niyang pagkakaila sa anak ng makita siya ay lubhang bumagabag sa kanyang budhi. Inuusig na siya ng sariling budhi sa ginawa niya sa anak na si Irish.

Buo na ang balak ni mang Pepito babalik siya sa mag-ina nito. Kinausap niya ang kinakasamang babae at ipinagtapat ang buong katotohanan na pinagsisihan na niya ang pag-iwan sa kanyang mag-ina. Naunawaan naman siya ng kinakasamang babae at siya man ay uuwi na rin sa kaniyang magulang na pinag-iwanan din niya ng kaisa isa niyang anak na lalake.

Bumalik nga si mang Pepito sa kanila subalit wala na doon ang mag-ina.

"Ano itong nagawa ko sa aking mag-ina? Saan ko kaya sila hahanapin? Anak, patawarin mo ako" at naramdaman na lang ni mang Pepito na tumutulo ang kanyang luha tanda ng matinding pagsisisi sa kanyang nagawa.

Habang naghahanap siya at palakad lakad ay may nakakilala sa kanya at sinabi na ang kanyang mag-ina ay nangangalakal sa basurahan.

Walang inaksayang panahon si mang Pepito at pinuntahan ang mga alam niyang tambakan ng basura subalit bigo siya.

Sa kabilang dako sa Center.

"Anak, puwede na raw tayong umuwi magaling ka na raw"

"Sige po inay basta kasama kita kahit saan masaya na po ako" ang nakangiting tugon ni Irish.

Ang mga sinabi ni Irish sa ina ang lalong nagpapatatag kay aling Yolanda upang matibay na harapin ang pagsubok na kanilang dinaranas.

Pagkagaling sa center dahil nagdidilim na ay naghanap sila ng bangketa na pwede silang doon muna matulog.

Ang matalinong si irish ay nagisip kung papaano makatutulong sa ina. At habang natutulog ang ina dahil sa matinding pagod ay umupo ito sa tabi ng natutulog na ina at nagpapalimos sa mga nagdaraan. Hindi niya kasi matiis ang ina na laging umiiyak sa kanilang kalagayan kaya naiisip niyang tumulong sa pamamagitan ng paglilimos.

Hindi sinasadya ay napadaan si mang Pepito sa kanila na patuloy na naghahanap.

"Mamang ano, palimos po wala kaming makain ng inay ko maawa na po kayo"

Narinig ni mang Pepito ang palimos ni Irish na hindi niya alam ay ang anak na hinahanap.

Nagbigay naman si mang Pepito ng limos at dahil madilim ay hindi niya namukhaan ang anak.

Subalit si Irish ay namukhaan siya kaya napasigaw ito.

"Itay!! Itay!! inay gising si itay nandito" ang sabi sa ina na natutulog.

Napalingon si mang Pepito sa tawag ni Irish at sa nakita niyang ayos ng anak na nagpapalimos ay parang may sumaksak na matalim na bagay sa puso niya. Kaya patakbo niyang nilapitan ang anak at habang umiiyak ay nasabi sa anak.."Anak, Irish, patawarin mo ako..nandito na ang itay hindi ko na kayo iiwanan ng inay mo"

Nasa ganoonng sitwasyon si mang Pepito na yakap yakap ng mahigpit ang anak at umiiyak ay nagising si aling Yolanda at nakita niyang yakap ng asawa ang anak.

Humarap si mang Pepito kay aling Yolanda at humingi dito ng tawad.

At muling nabuo ang pamilya nila..binuo ng isang mabait at matalinong bata na si Irish at ng isang mabait at mapagpatawad na ina na si aling Yolanda na hindi sumuko sa dagok ng pagsubok. At ang pagyayakap nila ng mahigpit ay tanda na hindi na sila magkakahiwalay pa.

Sobrang nakakalungkot sa simula ang aking kuwento na ito subalit sa huli nagbigay ito ng aral sa mga nakalilimot na mahalin ang pamilya.

More stories are coming..enjoy reading ..please give your comments for each story and I will appreciate it. Thank you.

Rio Alma

Almario_Aguirre_7837creators' thoughts
Next chapter