webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · สมัยใหม่
Not enough ratings
165 Chs

Paano Mo Nagagawang Ipahamak Si Gu Jingze Nang Ganito?

"Gu Jingze, may galit ka ba sa akin? Patagal nang patagal eh mas lalo akong pumapangit…" Naiinis na binawi ni Lin Che ang cellphone at napapailing na nilingon ang walang ekspresyong mukha ni Gu Jingze. "Gu Jingze, alam mo natuklasan ko ngayon na hindi ka rin pala perpekto."

Nagdikit ang mga kilay ni Gu Jingze at halos mapatalon, "Anong sinabi mo?"

Hindi pinansin ni Lin Che ang tanong nito. "Ano 'to? Ano sa tingin mo ginagawa mo? Mr. Gu, sa tingin ko'y wala ka talagang talent sa photography kahit katiting man lang. Hays. Pero, naiintindihan naman kita. Wala naman kasi talagang perpektong tao sa mundo."

Nagpatuloy lang si Lin Che, "Ako na nga lang magpipicture sa sarili ko…"

Pagkasabi niya nito ay ipinosisyon niya ang sarili at nagselfie para ipakita kay Gu Jingze. "Nakita mo 'to? Ito ang tinatawag na selfie. Tingnan mo ang mga pinicture mo sa'kin…"

Tumingin naman si Gu Jingze at pagkatapos ay hindi makapaniwalang nilingon si Lin Che. "Parang hindi naman totoo yan eh! Ikaw ba iyan?"

Medyo napataas ang boses ni Lin Che, "Okay lang basta ang mahalaga ay maganda akong tingnan."

Ilang ulit na napailing na lang si Gu Jingze.

Nakataray si Lin Che, "Bakit? Gusto mo bang mag-post ako ng pangit na picture? Hindi tama iyon. Syempre, ang gusto kong makikita ng mga fans ko sa'kin ay mga magagandang pictures ko. Sila lang ang iniisip ko."

". . ." Aminado si Gu Jingze na hindi siya mananalo dito kaya napailing nalang ulit siya.

Napabulalas naman si Lin Che, "Hindi mo ako naiintindihan!"

"At wala akong balak na maintindihan iyan!"

Napangisi si Lin Che at tiningnan si Gu Jingze. Hinila niya ito palapit sa kanya at sinabi, "Halika dito. Magselfie tayo nang may gamit na filter tapos ang isa naman ay natural lang. Subukan natin nang malaman mo."

"Ayoko…"

"Hindi ako tumatanggap ng ganyang sagot…"

Hinila niya ito palapit sa kanya at isinandal nang bahagya ang kanyang ulo sa balikat nito para magkasya sila sa screen ng kanyang camera. Nagbilang siya, "1,2,3, say cheese."

Click! Lumabas ang picture nilang dalawa sa screen ng cellphone.

Pagkatapos maglagay ng beauty filter ay ipinakita ni Lin Che ang picture kay Gu Jingze. "Oh kita mo? Maganda, di ba?"

Napataas ang isang kilay ni Gu Jingze. "Kung talagang gwapo ang isang tao ay talagang gwapo siya kahit saan mang picture iyan."

Umangal naman si Lin Che. "Wow naman! Nakita mo sa bandang ito? Nawala ang mga linya-linya sa mukha mo. Nagmukha ng pambata ang balat mo."

"Lin Che!" Pinaparinggan na naman siya nito tungkol sa edad niya!

Napansin ni Lin Che na nagdilim na naman ang anyo ng mukha ni Gu Jingze. Napabunghalit siya ng tawa. "Bakit ka ba ganyan? Kailangan mong umakto nang tama nang naaayon sa edad mo!"

". . ."

Humakbang palapit si Lin Che. "Okay, okay. Huwag kang magalit. Sinasabi ko lang naman na ang mukha mo ay… mas bata tingnan kumpara sa mga taong kaedad mo."

". . ." Pinapamukha pa rin nito sa kanya ang edad niya…

"Seryoso ako…"

"Tama na. Wag ka ng magsalita pa. Baka mamaya hindi na ako makapagpigil sa galit."

Naisip ni Gu Jingze na lalo lang siyang maiinis kapag nakipagtalo pa siya rito. Ano ba naman kasi ang alam nitong sabihin sa baba ng IQ nito?

Pero, kung titingnan nga naman ang picture nilang dalawa ay maganda naman talagang tingnan.

Sinabi ni Gu Jingze, "Isend mo sa'kin iyan."

"Ah, nagustuhan mo yan? Pero anong gagawin mo diyan?" Tanong ni Lin Che.

Sumagot naman si Gu Jingze, "Wala akong picture mo. Kung sakali mang mawala ka isang araw, magagamit ko ang picture na iyan sa paggawa ng poster na may nakasulat na 'Missing Person'".

". . ."

Napasimangot na tiningnan ni Lin Che pero ganunpaman, isinend niya pa rin dito ang picture.

Natanggap na ni Gu Jingze ang picture, ilang sandaling tinitigan iyon, at isinave sa kanyang cellphone.

Nagsimula na ang charity auction. Ipinost ni Lin Che ang picture niya sa Weibo at pagkatapos ay pinanood ang auction kasama ni Gu Jingze.

Hindi mapigilan ni Lin Che na mapanganga habang pinapanood ang mga items na hindi bababa sa ten million ang mga halaga.

Paglipas ng ilang sandali ay humarap sa kanya si Gu Jingze at tinanong siya, "May nagugustuhan ka ba sa mga nandiyan?"

Humarap din siya dito, "Wala akong pera para makuha iyon."

Ngumiti lang si Gu Jingze at sinabi, "Alam mo mas magiging masaya ako kung palaging ganyan na lang ang iisipin mo sa lahat ng bagay."

". . ." Sumagot si Lin Che, "Kulang pa ba ito sa'yo? Nagmamalasakit na nga ako sayo eh. Hindi mo ba nahahalata na ayaw kitang mahirapan?"

Hindi naman napigilan ni Gu Jingze na mapaikot ng mata. Hindi na niya talaga alam kung ano pa ang gagawin…

Ang alam niya lang ay mas nagiging matapang na ito at parang binabasta-basta na lang siya nito.

Matagal na sandali pa ang ginugol ni Lin Che sa panonood bago tumayo para magpunta sa washroom.

Nababalutan ng karangyaan ang labas na bahagi ng venue. Ito ang unang beses na makapunta at makasali siya sa pangmayamang party. Kung kaya hindi niya napigilan ang sarili na magpalinga-linga sa bawat nadadaanan niya. Pakiramdam niya'y busog na busog na ang kanyang mga mata.

Pagpasok niya sa washroom ay napansin din niyang magarbo ang pagkakadisenyo nun. Napasinghap na naman siya. Talagang pang-mayaman lang ang lugar na ito.

Naghugas siya ng kamay at inayos ang kanyang makeup. Palabas na sana siya nang may narinig siyang nagsalita, "Lin Che?"

Si Mo Huiling.

Humarap siya sa nagsalita at nakita niya si Mo Huiling na nakasuot ng isang kulay pink na pastel dress. Nakasuot din ito ng high heels na sandals at ilong nito'y nakataas na para bang nakatingala na sa langit. Umiiling ito nang ilang ulit at bahagyang nakataas ang labi, "Bakit? First time mong makapunta sa ganitong lugar ano?"

Nawala ang ngiti sa labi ni Lin Che. Tiningnan niya si Mo Huiling at sumagot, "Oo, first time ko nga."

Nagpakatotoo lang siya at alam niyang wala namang nakakahiya sa pagsasabi ng totoo.

Alam naman ng lahat na first time niyang makapunta sa ganitong lugar. Para saan pa kung magsisinungaling siya.

Ngumiti sa kanya si Mo Huiling saka sinabi, "Sabi ko nga. Dapat talaga ay mas dalasan pa ni Gu Jingze na isama ka sa mga ganitong lugar. Dahil kapag nagkataong makadalo ka sa isang pagtitipon-tipon ng Pamilyang Gu, mabibigla talaga sila. Bagama't hindi ito kasinggarbo kagaya ng party ng mga Gu, ito pa rin naman ang pinakamalaking annual charity banquet dito sa ating bansa."

Naririnig ni Lin Che ang panghahamak sa tono ng boses nito. Tipid siyang ngumiti dito. "Maraming salamat sa paalala, Miss Mo."

"Oo naman, alam ko naman kasing wala kang alam na kahit ano. Ah, oo nga pala naalala ko. Parang nakita kong nag-post ka sa iyong Weibo ng picture mo sa lugar na ito?"

Nakita ni Mo Huiling ang picture na ipinost ni Lin Che sa Weibo, kung kaya galit na galit siyang naglibot para hanapin ito.

Ang kapal ng mukha ng Lin Cheng ito na magpost ng picture mula sa event na ito! Kahit na simpleng picture lang iyon na parang selfie lang, ay naiinis pa rin siya dahil umaarte ito na para bang isang sikat at mataas na uri ng personalidad!

Sa kanya sana ang pwestong iyon!

Siya dapat ang nagmamay-ari ng lahat ng nasa kay Lin Che ngayon!

Lumukot ang mukha ni Lin Che at tiningnan si Mo Huiling, "Anong problema?"

Seryoso ang mukha ni Mo Huiling. Masyadong mataas ang tingin nito sa sarili; puno ng ngitngit at galit ang ulo nito na para bang sasabog na.

"Lin Che, wala akong pakialam kung gusto mong sumikat, magpanggap at umarte na para bang napakahalaga mong tao. Pero kailangan mong malaman na pinakaayaw ni Gu Jingze sa lahat ay ang maging pokus ng atensyon. Ayaw niyang nagpapasikat o nagmamalaki sa kung ano man ang mayroon siya. Kaya pwede bang pakibantayan mo iyang mga iniisip mo? Kahit na gustung-gusto mong magpasikat, isipin mo din naman si Gu Jingze! Anong mukha pa ba ang ihaharap niya kung ganito ka kumilos?!"

Hindi makapaniwalang nakatingin si Lin Che kay Mo Huiling, "Anong ibig mong sabihin?"

Katabi niya si Gu Jingze kanina, pinapanood siya nito habang ipinopost niya ang picture sa Weibo pero wala itong sinabing kahit ano. Pero ang babaeng ito? Ito pa mismo ang magsesermon sa kanya tungkol sa bagay na to?

Sumagot pa si Mo Huiling, "Kailangan ko pa bang linawin ito sa'yo? Lin Che, kailangan mong malaman na hindi ka bagay kay Gu Jingze, dahil sa uri ng buhay na mayroon ka. Iyan siguro ang dahilan kung bakit wala kang alam sa takbo ng buhay ng mayayamang tao. Kung wala kang alam, pwede kang pumunta sa akin at tanungin mo ako. Alang-alang kay Gu Jingze, titiisin kong ituro sa'yo lahat ng mga hilig pati na ang buhay ni Gu Jingze. Pero pwede bang mag-iingat ka naman sa mga ikinikilos mo?"