webnovel

Nagliliwanag Nang May Pagmamalaki

Hindi na rin maipinta ang paraan ng pagkakatingin ni Lin Che kay Mo Huiling. Hindi na niya alam kung ano pa ang sasabihin pagkatapos ng mahaba at puno ng galit na pang-iinsulto sa kanya.

"Alam ni Gu Jingze ang tungkol sa post ko sa Weibo. Naniniwala ako na kung may problema man doon, sinabihan na niya sana ako. Hindi ko kailangan itong pagpapaalala mo. Tungkol naman sa sinabi mo, oo tama ka nga. Wala akong alam kung paano namumuhay ang isang taong nakatira sa isang mataas na uri ng lipunan pero kahit kailan ay hindi ako naniniwala na masaya ang buhay sa mundong iyon. Sanay na ako sa buhay na mayroon ako at kahit kailan ay hindi ko babaguhin ang sarili ko para kay Gu Jingze. Basta ang alam ko, hangga't nagpapakatotoo lang ako at tunay sa lahat ng mga ginagawa ko, igagalang at tatanggapin pa rin ako ng mga tao kahit saang lipunan man ako mapunta!"

"Ano…"

Hindi inaasahan ni Mo Huiling na magaling palang bumato pabalik si Lin Che.

Suminghal si Mo Huiling, "Ganoon naman talaga eh. Kung gaano kababa ang hinihigaan ng isang tao ay siya rin naman kataas ang tingin sa sarili kapag nakaranas ng pansamantalang ginhawa."

Nagpakawala si Lin Che ng pekeng ubo at maya-maya lang ay may narinig siyang tao na parating mula sa labas.

Pumasok si Gu Jingze at nakitang nandoon si Mo Huiling.

"Huiling?"

Humakbang palapit si Gu Jingze kay Lin Che. Bahagyang hinila niya ito para tumayo sa likod niya habang siya nama'y tahimik na naglakad para harapin si Mo Huiling. Kumbaga, sinadya niyang ilagay si Lin Che sa likod niya para ipakitang poprotektahan niya ito.

Kaagad namang nag-iba ang mukha ni Mo Huiling nang makita si Gu Jingze.

"Jingze, nandito ka rin pala?"

Tiningnan ni Gu Jingze si Lin Che at mukhang sinusuri kung wala bang nangyari dito.

Mukhang hindi masaya si Lin Che. Pero wala naman na sigurong iba pang nangyari bukod doon.

Tiningnan niya si Mo Huiling. "Oo, kailangan kong dumalo isang beses sa isang taon."

"Ako rin. Nandito na rin ang mga magulang ko. Nasa labas sila," sabi ni Mo Huiling.

"Oh, eh hindi ba't dapat ay kasama mo sila? Anong ginagawa mo rito?"

Agad na ngumiti si Mo Huiling at gustong lumapit kay Gu Jingze. Pero pinigilan niya ang sarili at tiniis na lang muna ang inis na nararamdaman.

Tama ang sinabi ng papa niya. Kailangang magtira para sa sarili ang isang babae. Kailangan niyang maglaan ng distansya mula rito at iwasang magsumiksik na parang isang linta.

"Nagpunta ako dito sa washroom at hindi sinasadyang nakita ko si Lin Che, kaya nakipagkwentuhan muna ako sa kanya sandali," sagot ni Mo Huiling.

Nagsalita rin si Gu Jingze, "Oo nga pala. Kailangan kong magdala ng partner ngayon."

Napakagat ng labi si Mo Huiling. Oo, asawa niya iyan…

Pero sa kanya dapat ang posisyong iyan.

Tiniis pa rin nito ang isiping iyon at matamis na ngumiti kay Gu Jingze, "Talaga? Pansin ko nga na maganda ang pagkakaayos ni Lin Che ngayon. Oo nga pala, Lin Che. Artista ka, di ba. Naghahanap kasi ang papa ko ng isang artista para sa isang advertisement. Maganda naman ang image mo, di ba. Kung interesado ka ay pwede mong makuha agad ang advertisement na iyon. Alam mo bang bestseller ang brand ng aming home appliance? Kung mangyari man ito ay ipapalabas ang advertisement sa lahat ng mga channels. Alam kong hindi gaanong nakakaakit ang aming endorsement fee sa mga taong katulad mo, pero ang dapat mong pagtuunan ng pansin ay ang Pangalan ng brand na ia-advertise mo. Sikat at kilala ang aming brand."

Hindi binigyang-pansin ni Lin Che ang sinasabi ni Mo Huiling. Mas pipiliin pa niyang itabi ang pagod at pawis kaysa mag-aksaya sa inaalok nito.

Naisip niya na bakit kaya hindi na lang din mag-artista itong si Mo Huiling? Ang galing-galing kasing umarte.

Ano pang silbi niya rito?

Ganunpaman, ngumiti siya dito at sinabi, "Ang kompanya na namin ang magdedesisyon tungkol sa bagay na iyan. Hindi ako pwedeng magpasya nang ako lang."

Ibinaling ni Mo Huiling ang atensyon kay Gu Jingze. "Jingze, wala akong ibang motibo. Gusto ko lang sabihin na seryoso akong magbago kahit na gaano man kalaki ang mga hindi natin napagkaintindihan dati. Sana man lang ay mabigyan niyo ako ng isa pang pagkakataon. Pwede bang tanggapin niyo na lang itong inaalok ko na para bang pambawi ko nalang din sa mga kasalanang nagawa ko?"

Tinitigan ni Gu Jingze sa mga mata si Mo Huiling. Pagkatapos ay sinabing, "Huiling, tama lang naman na maging ganito na ang pag-iisip mo. Okay lang iyan. Basta ang importante ay hindi ka na ulit maging pabaya sa mga ikinikilos mo at magpaka-mature ka, okay na iyon."

"Kung ganoon, papayagan mo ba si Lin Che na tanggapin ang aming advertisement? Iisipin ko na lang na pagpapatawad mo ito sa akin sa pagiging immature ko noon."

May pagtutol sa mga mata na tiningnan ni Lin Che si Gu Jingze.

Wala siyang balak na tanggapin iyon.

Kung hindi siya magiging masaya sa trabaho niya ay mas gugustuhin pa niyang maitali na lang sa isang gilid na parang isang tuta.

At sigurado siyang hindi siya magiging masaya sa trabahong inaalok nito. Sa halip ay mas lalo lang siyang maiinis. At isa pa, sino bang makapagsasabi kung ano ang binabalak ng Mo Huiling na ito? Hindi siya magpapatukso sa patibong nito.

Tinitigan sya ni Gu Jingze, pagkatapos ay humarap kay Mo Huiling at sinabing, "Ayokong pilitin siya na kunin ang isang trabahong ayaw niyang gawin. Siya ang tanging makakapagdesisyon sa bagay na ito."

Napatawa nang kaunti si Mo Huiling, "Ganun ba? Pero ano pa man, Lin Che, pwede mong pag-isipan ito."

Nagpakawala ng malalim na bunting-hininga si Lin Che at sinabing, "Pag-iisipan ko."

Gusto pa sanang makipag-usap ni Mo Huiling kay Lin Che pero nang tingnan nito si Gu Jingze ay inawat na nito ang sarili. Sinabi nito kay Gu Jingze, "Bumalik ka na sa auction. Babalik na rin ako."

"Hm, okay."

Nang makitang tumalikod na nga si Mo Huiling ay dahan-dahan ding tumalikod si Gu Jingze.

Nakataas ang kilay ni Lin Che at hindi napigilang mapasambit, "Pambihira talaga, oo! Ano ba talagang binabalak niya?"

Walang hirap na umalis ito kaagad. Hindi siya sanay sa ganoon.

Sinagot siya ni Gu Jingze, "Baka talagang nakapag-isip-isip na siya habang nakakulong sa bahay nila. Binalaan ko na rin kasi siya kapag patuloy pa rin siyang magmamatigas. Hindi na siya bata para magpasaway; dapat ay maging mature na siya, pero minsan talaga ay hindi niya maiwasan. Marahil ay masiyado akong naging maluwag sa kanya noon at hindi ko masyadong pinansin ang mga ikinikilos niya."

"Oh," sabi ni Lin Che.

Nagpatuloy lang si Gu Jingze, "Hindi naman kasi talaga siya masamang tao. Sadyang hindi niya lang alam ang dapat niyang gawin. Kung talagang gusto niyang magbago ngayon, willing din akong bigyan siya ng pagkakataon na magbago."

Napatawa nang kaunti si Lin Che. "Tama ka. Ikaw din naman kasi talaga ang dahilan kung bakit naging ganun siya."

Sa isip ni Lin Che ay sinasabi niya na dahil si Mo Huiling ang babaeng gusto nito ay madali lang na maaayos ang problema ng dalawa kapag si Gu Jingze na mismo ang maglambing dito.

Ayaw niyang makisali sa anumang problema na mayroon sa dalawa. Ayaw niyang maghanap ng anumang magpapahirap lang din sa kanya.

Tiningnan siya ni Gu Jingze, "Kahit ano pa man ang dahilan, mali pa ring manggulo siya ng buhay ng ibang tao. Kahit sino naman ang nasa sitwasyon niya, alam kong iba ang magiging paraan ng ibang tao kumpara sa ginawa niya. Hindi na tama ang pinaggagagawa niya nitong nakaraan."

Sumagot din siya, "Napakaseryoso mo talagang tao. Pero…" Tiningnan niya si Gu Jingze, "May hindi ba magandang epekto sa'yo ang ipinost kong litrato kanina sa Weibo?"

Alam niyang sinasadya siya ni Mo Huiling.

Pero pagkatapos ng ilang sandaling pagmumuni-muni ay medyo nag-alala na rin siya para kay Gu Jingze.

Hindi rin naman mali ang sinabi ni Mo Huiling.

Magkaiba ang mundong ginagalawan nila ni Gu Jingze. Totoo ring wala siyang alam kung ano ang dapat at hindi dapat niyang ikilos sa mundo nito.

Nilingon siya ni Gu Jingze, "Weibo… Yung ipinost mo kanina?"

"Oo. Kung sakali mang mali na ang ginagawa ko, hindi mo naman kailangang kunsintihin ako. Pwede mong sabihin nang direkta sa akin," seryosong litanya ni Lin Che.

"Okay lang yon. Wala rin namang nangyari pagkatapos mong ipinost yon. Anong problema?"

"Ah, akala ko kasi talaga ay hindi ko dapat ginawa iyon. Ang sabi kasi ni Miss Mo ay ayaw mo sa mga ganoong public attention. Nag-alala lang ako na baka may nagawa akong makakapagpahamak sa'yo," sagot ni Lin Che.

Sinabi iyon ni Mo Huiling?

Muling lumukot ang mukha ni Gu Jingze.

Naisip niya na wala namang mali sa pagpopost ng litrato sa Weibo. At totoo ngang ayaw niyang nakakakuha palagi ng atensyon ng mga tao pero hindi naman sa paraang lahat nalang ay ipagbabawal niya.

Sadyang ayaw niya lang talaga na pinag-uusapan siya ng ibang tao. Pero ang ipinagtataka niya ay nag-eenjoy siya kapag kasama niya si Lin Che kahit na pag-usapan sila ng ibang tao at kapag nakikita niya itong nagliliwanag nang may pagmamalaki…nang kasama siya.

Next chapter