webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Not enough ratings
165 Chs

Ipapakita Kita Sa Liwanag

Nagtatakang nagtanong si Lin Che, "Para sa anong selebrasyon yon?"

"Isang simpleng charity banquet lang. Kailangan ko raw kasing magsama ng babaeng partner doon."

Sumagot ulit si Lin Che, "Kung ganun, isama mo ang babaeng partner mo."

"May asawa akong babae. Bakit kakailanganin ko pa ang isang babaeng partner?"

Napatawa si Lin Che, "Oh siya. Sige… Sasama ako sa'yo."

Mukha siyang napipilitan pero ang totoo ay masaya talaga siya na gagawin niya iyon.

Na magkasama silang dadalo ni Gu Jingze sa isang party.

Hindi niya pa nararanasan 'to noon…

Hindi naman nagtagal ay tinawagan siya ng isang tauhan ni Gu Jingze at sinabi sa kanya na susunduin siya para magpalit na ng damit at mag-ayos ng sarili. Sa ganoong paraan daw ay mas magiging magaan sa kanya ang pumunta sa party.

Pagsapit ng gabi.

Maagang dumating si Gu Jingze at dumiretso sa pribadong makeup studio ni Lin Che. Maraming tao ang nakapila dahil isang sikat at magaling na makeup artist ang nandoon. Kahit nga si Yu Minmin ay nakipagsiksik noon para sa kanya noong dadalo siya sa award ceremony, pero nabigo itong makakuha ng reservation dahil sa haba ng pila.

Pero ngayon, dahil sa kapangyarihan ni Gu Jingze sa lahat ng industriya, ay solong-solo ni Lin Che ang buong studio.

Walang alam ang makeup artist sa relasyon ni Lin Che kay Gu Jingze pero ginawa pa rin nito nang maayos ang trabaho at hindi na nagtanong. Ayaw din naman nitong masangkot sa mga tsismis sa labas kaya sobrang galang nito kay Lin Che.

Nang dumating si Gu Jingze ay mas lalo pa itong naging maingat.

Hindi naman sila takot sa tsismis eh.

Pero parang naghahanap ka na rin ng kamatayan kapag sinubukan mong siraan ang Pangalan ni Gu Jingze.

Nakita ni Gu Jingze na tapos na si Lin Che nang humarap ito sa kanya. Nakasuot ito ng pulang bestida na hindi naman masakit sa mata. Sa halip ay nakakarelax sa mata ang hitsura nito na para bang isang bulaklak na kasisibol pa lamang pagkatapos ng ulan. Napakadalisay at napakalinis nitong pagmasdan.

Mula sa gilid ay napasinghap ang makeup artist. "Napakaganda ni Miss Lin at ang ganda din ng kutis niya. Sa lahat ng mga taong naayusan ko ay si Miss Lin ang pinaka-the best sa kanila."

Nilingon ito ni Lin Che at nahihiyang ngumiti. Bahagyang itinaas niya ang palda at tumingin kay Gu Jingze. "Ano sa tingin mo? Okay ba?"

Ngumiti naman si Gu Jingze at tumango. "Hm, hindi nasayang sa'yo ang ganda ng bestidang suot mo."

". . ." Napanguso si Lin Che. Ano pa bang inaasahan niya? Kahit kailan ay hindi ito marunong magsalita nang maganda sa kanya!

Hindi pa nito kayang magsalita nang maganda?

Nilapitan siya ni Gu Jingze at sinabi sa kanya, "Tara na."

Sa loob ng kotse ay tinanong niya si Gu Jingze, "Engrande ba ang party na pupuntahan natin? Bakit mo ako isinama? Okay lang kaya ito?"

"Walang magiging problema. Lahat naman ay magdadala ng kani-kanilang mga partner kaya walang magtatanong sa kung ano man ang relasyon natin. Medyo malaki nga ang party na iyon. Taon-taon na itong ginagawa."

"Ganun ba. Pero wala pa naman akong natatandaang dinaluhang party na magkasama tayo," nagtatakang sabi ni Lin Che.

Kaswal na sumagot si Gu Jingze, "Siyempre. Kadalasan naman kasi talaga ay mga empleyado ko ang pinapapunta ko para magrepresenta sa'kin. Hindi rin naman ako mahilig dumalo sa mga ganito."

"Talaga? Pero akala ko kasi ay kagaya lang 'to sa mga TV show. Ang mga negosyanteng katulad mo ay madalas makita sa mga party o kahit anong mga pagtitipon. Kailangan ninyong makipaghalubilo para mas lumawak pa ang koneksyon niyo."

Sagot naman ni Gu Jingze, "Baka ang tinutukoy mo ay yaong mga negosyante mula sa maliliit na kompanya. Iyan ang dahilan kung bakit kailangan mong makaakyat sa itaas. Dahil kung hindi ay habambuhay mong kailangang humarap at makipagplastikan sa iba't-ibang uri ng tao."

". . ."

Ang ibig sabihin ba nito na dahil sa posisyon na mayroon ito ngayon ay hindi na nito kailangang humarap sa ibang tao o di kaya'y makipaghalubilo sa ibang tao?

Talagang… hindi nakakalimutan ni Gu Jingze na purihin ang sarili sa bawat pagkakataong mahahanap nito.

Nakaawang ang bibig na napatitig na lang si Lin Che kay Gu Jingze, pero sakto namang ipinarada na ng driver ang kotse sa harap ng seven-star hotel na kinaroroonan nila.

Sumunod siya kay Gu Jingze sa pagsakay. Kung titingnan mula sa di-kalayuan ay marami na ang dumating na mga guests at halos lahat ay sumasalubong sa kanila.

"Nandito na si President Gu."

"Salubungin natin si President Gu."

"President Gu, pumasok po kayo."

Sa tabi ni Gu Jingze ay pinagtitinginan na rin si Lin Che. Walang nagtatangkang magtanong kung sino siya pero napansin agad ng mga ito na nakahawak si Gu Jingze sa kamay niya. Magara rin ang suot niyang dress. Ka-kulay ng wine ang pagkakapula ng kanyang damit na abot hanggang sa sahig ang haba; napakahinhin, napakalinis at sobrang eleganteng tingnan.

Ang mga tao sa likod ay panay ang usap-usapan. "Tingnan niyo oh! Si Gu Jingze!"

"Madalang pa sa isang beses natin siyang makita sa loob ng isang taon."

"Hindi kasi siya mahilig sa publikong atensyon. Naririnig lang ng mga tao ang tungkol sa angkin niyang galing, pero hindi pa sya nakikita ng mga ito."

"Sino iyang kasama niya?"

"Marahil ay iyan ang partner niya. Pamilyar nga ang mukha niya eh, parang kamukha siya ng isang artista."

Halos lahat ay hindi kaaya-aya ang pagkakatitig kay Lin Che. Nang pumasok silang dalawa ni Gu Jingze ay nagsitabi ang mga taong nandoon at may ilan ding hindi nakapigil na mapaawang ang mga bibig. Totoo nga na kahit saan man magpunta si Gu Jingze ay palagi itong bukambibig ng sinuman.

"Pero hindi ba't napabalita dati na may relasyon siya sa anak na babae ng mga Mo? Bakit parang iba yata ang kasama niya?"

"Pero kahit kailan ay hindi pa siya isinama ni Gu Jingze sa kahit anong publikong pagtitipon."

Hindi magkamayaw sa pakikipagsagutan ang mga taong iyon. Wala silang kamalay-malay na nakaupo sa likuran nila si Mo Huiling. Nanginginig sa galit ang kamay niya habang may hawak na tasa.

Narinig nga niya na dadalo raw si Gu Jingze sa party na iyon. Hindi rin naman iyon nakapagtataka dahil taon-taon nang isinasagawa ang ganitong party at ito ang pinakamalaking charity banquet sa kanila. Natiyak na niyang dadalo rito si Gu Jingze at maghahandog ng ilang donasyon.

Pero, hindi niya inaasahang isasama nito si Lin Che.

Totoo ang sinabi ng mga taong iyon. Kahit minsan ay hindi pa siya isinama ni Gu Jingze sa pagdalo sa kahit anong pampublikong okasyon.

Iyon ay dahil ayaw ni Gu Jingze ng maraming atensyon. Ayaw nitong ipangalandakan sa madla ang sarili. Kung kaya sa tatlong anak na lalaki ng mga Gu ay si Gu Jingze lang ang hindi masyadong kilala ang mukha ng mga tao.

Syempre, gustung-gusto niya na makasama si Gu Jingze sa mga ganito, pero nag-aalala siya na baka isipin nito na gusto niya itong ilantad sa publiko. Kung kaya pinigilan niya na lang ang isiping iyon at hindi pinagbigyan ang sarili.

Pero ngayon, si Gu Jingze pa nga mismo ang nagdala kay Lin Che dito…

Nagngingitngit ang kalooban ni Mo Huiling habang pinapanood sina Gu Jingze at Lin Che sa pagpasok sa loob. Naging malikot ang kanyang mga mata.

Umupo sina Gu Jingze at Lin Che sa magandang mga silya sa may itaas na bahagi ng lugar. Nakikita nila ang halos buong hall samantalang ang mga nasa ibaba ay imposibleng makasilip sa kanila.

Ito ang unang beses ni Lin Che na makapunta sa ganitong banquet. Agad niyang kinuha ang kanyang cellphone. "Kailangan kong makapagpicture. Hehe."

Napailing namang nilingon siya ni Gu Jingze. "Kahit saan talaga ay hindi mo kayang hindi makapagpicture."

"Bihira lang ang pagkakataong ito, ano ka ba. Kapag ipinost ko ito sa aking Weibo, mas lalong tataas ang tingin sa akin ng aking mga fans dahil nagawa kong makadalo sa ganito ka-engrandeng party. Hays sayang, hindi ko nadala ang selfie stick ko. Kunan mo nga ako ng picture."

Mas lalong napanganga si Gu Jingze, "Ano…"

Ganito na ba katas ang tingin nito sa sarili na hindi na ito natatakot sa kanya, sa isang Gu Jingze? Imbes na magsarili ito sa pagseselfie ay uutusan siya nitong kunan ito ng picture…

Naaawang tiningnan ni Lin Che si Gu Jingze. "Sige na, please? Pipindutin mo lang naman ang button diyan."

Wala namang ibang choice si Gu Jingze. Mabuti na lang at walang ibang nakakakita sa kanila. Dahil kung sakali mang may makakita sa kanya na ginagawang taga-picture ng isang babae… malaking isyu iyon.

Kinuha niya ang cellphone at sinamaan ng tingin si Lin Che. Sa isang mabilis na kilos ay kinunan niya ito ng iba't-ibang shots. Kinuha naman ni Lin Che ang cellphone at pagkatapos ay bagsak ang mga balikat na tumingin sa kanya. "Gu Jingze… Hindi ka ba marunong kumuha ng picture? Nakita mo 'to? Kailangan mong isama sa background ang buong venue sa ibaba. Sa pagkakapicture mo sa'kin, nagmukha tuloy akong umiinom sa isang madilim at tagong hotel bar. Walang makakapagsabi na nasa isang engradeng party ako."

Kaya, muli siya nitong kinuhanan ng ilang pictures pero hindi pa rin nasiyahan si Lin Che sa mga resulta.

"Gu Jingze, kailangan talaga kitang turuan. Nasaan ba ang iyong sense of beauty? Hindi ka ba marunong tumingin kung maganda ba o hindi? Bakit nagmukha akong pinilipit sa picture na ito?"