webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · perkotaan
Peringkat tidak cukup
165 Chs

Halika. I-massage Mo Ako.

Tiningnan ni Lin Che si Gu Jingyu. "Ano'ng uri ba ng tao si Mr. President? Mabait ba siya o masama?"

Dahil kapatid naman nito si Gu Jingming, kaya naisip ni Lin Che na kilala nito ang pagkatao ng Presidente.

Ilang sandaling nag-isip muna si Gu JIngyu. Maya-maya ay ngumiti ito sa kanya. "Well, kung iisipin mong mabuti, kung nagawa niyang makuha ang posisyon niya bilang Pangulo, maituturing pa ba siyang isang simpleng tao? Ang puso ng taong iyon ay kasinglamig ng kanyang hitsura. Para siyang isang malaki't tusong lobo na gagawin ang lahat para sa kapangyarihan!"

"Huh?" Sagad sa buto ang pagkagulat ni Lin Che sa narinig. Mukhang mabait naman kasi ang presidente sa TV.

Tiningnan siya ni Gu Jingyu at tumawa nang malakas. May pagka-uto-uto din minsan itong si Lin Che.

"Okay. Nagbibiro lang ako. Hmmm, para sa'kin normal lang naman siya. Kaso nga lang, kadalasan ay mas gusto niyang mapag-isa. May pagka-weird din minsan, medyo mahirap ding pakisamahan at makipagpalagayang-loob sa kanya..."

"Pare-pareho talaga ang ugali ninyong mga Gu..." Ganoon din si Gu Jingze, hindi ba?

"Hoy, ano'ng ibig mong sabihin na lahat kami? Mahirap ba akong pakisamahan?"

"Ah, hindi hindi..." Muntik ng madulas ang dila ni Lin Che kaya't tumawa nalang siya nang pilit.

Sinubukan niya ulit tawagan si Yu Minmin pero hindi pa rin ito sumasagot. Nang tawagan niya ito ulit ay nakapatay na ang cellphone nito.

Medyo kinabahan si Lin Che. Subalit, wala na siyang iba pang magawa. Gusto niyang hanapin ito pero naalala niya na nakasara pala ang entrance gate. Habang pauwi ay iniisip niya pa rin kung ano ang dapat niyang gawin. At dahil hindi na rin naman bata si Yu Minmin, umasa na lang siya na hindi ito mawawala sa daan.

Pagdating sa bahay ay hinanap niya kaagad si Gu Jingze. Bagama't iniiwasan niya ito nitong nakaraang araw, wala siyang ibang choice kundi hingin ang tulong nito ngayon.

"Gu Jingze, kumusta ang relasyon ninyo ni Mr. President?" Ito kaagad ang tanong ni Lin Che pagkapasok niya sa loob.

Napalingon naman sa kanya si Gu Jingze. "Magkapatid kami. Ano sa palagay mo?"

Nagmamadaling nagpatuloy si Lin Che. "Simula kaninang lunch ay hindi ko na nakita ang aking manager. Hindi ko siya mahanap kahit saan. Gusto ko sanang humingi ng tulong sa iyo para hanapin siya at kung pwede ay tanungin mo ang Pangulo kung pumasok ba doon si Yu Minmin. Napakahigpit kasi ng security doon kaya hindi ako makapasok. Natatakot ako na baka napagkamalan siyang masamang tao at baka hinuli siya ng mga guards doon."

Ah, so iyon pala ang issue.

Naging abala si Gu Jingze sa trabaho nitong nakaraang mga araw. Pero, nang makita niya si Lin Che ay noon niya lang naalala na hindi niya pala ito masiyadong nakita sa loob ng ilang araw.

Kapag nasa bahay siya, kung hindi ito natutulog sa kwarto ay nasa set pa rin nila ito at nagtatrabaho hanggang madaling-araw. Kinabukasan, aalis kaagad ito nang napakaaga pa. Ngayong napag-isip-isip niya ang mga ito, na-realize niya na parang mas naging busy pa ito kaysa sa kanya.

Tinanong niya si Lin Che, "Marami ka bang ginagawa nitong mga araw?"

Nabigla naman si Lin Che sa tanong na iyon. Mukhang naghihinala ito sa kanya base sa mukha nitong walang ekspresyon at mapangsuring mga tingin. Ngunit, wala siyang balak na aminin dito na sinasadya niya talaga itong iwasan.

Kinuskos ni Lin Che ang tainga at sumagot, "Ah, oo. Masiyado akong naging busy sa aming filming at naghahanda na rin para sa aming promotion. Bakit mo naitanong?"

Ipinatong ni Gu Jingze ang mga kamay sa ibabaw ng mesa at itinuwid ang sarili bago tiningnan si Lin Che, "Humihingi ka ng tulong ko?"

Tumango si Lin Che, "Oo."

"Kung tutulungan kita, paano mo naman ako pasasalamatan?"

Ngumisi lang si Lin Che at sumagot, "Paano ko naman malalaman iyon? Mayaman ka. Nakukuha mo ang lahat o kahit ano pa mang gustuhin mo. Wala na akong ibang maibibigay pa sa iyo."

Ngumiti si Gu Jingze at sinenyasan siya na lumapit.

Iniyuko ni Lin Che ang ulo at dahan-dahang naglakad palapit dito.

Tinanong siya ni Gu Jingze, "Marunong ka bang magmasahe?"

"Huh? Hindi."

Sumimangot si Gu Jingze. "Wala kang alam na gawin na kahit ano. Ano'ng klaseng asawa ka ba?"

"Kailangan ba talaga ay marami akong alam gawin para maging asawa mo..." mahinang tugon ni Lin Che.

"Oo naman, siyempre. Ano pa'ng silbi ng pagkakaroon ng isang asawa?"

"Para may gumasto ng iyong pera. Napakalaki ng kinikita mo palagi. Kung hindi ko gagamitin ang iyong pera, paano mo naman magagamit ang lahat ng iyong kayamanan?" Walang pangingiming sagot ni Lin Che.

Napatingin sa kanya si Gu Jingze. "Inaasahan ko na talaga na ganyan ang isasagot mo. Halika, masahiin mo ang aking balikat kahit sandali lang. Ayusin mo ang paghingi mo ng tulong para pumayag ako."

Tiningnan ni Lin Che ang tuso nitong mukha at naiinis na sinabi, "Napakatuso mo naman masiyado! Hinahamak mo ang isang mahirap na tulad ko."

"Siyempre! Walang mali doon. Kailangan kong tawagan si Gu Jingming na Presidente ng ating bansa. Sa palagay mo ba ay magagawa iyan ng kahit sino lang?"

Kung makapagsalita ito ay parang napakalaking pabor ang gagawin nito sa kanya. Hindi ba't magkapatid naman sila?

Nayayamot na sumimangot si Lin Che, pero nang mapansin niyang ikiniling na ni Gu Jingze ang ulo at hinihintay ang kanyang serbisyo, napilitan na rin siyang pumunta sa likuran nito.

Inilagay na niya ang mga kamay sa balikat nito.

Malapad ang balikat nito. Habang nakahaplos ang mga kamay sa suot nitong damit, hinanap niya ang muscles nito doon at ginamit ang lakas para diinan ang mga iyon.

Maya-maya ay bigla nitong hinubad ang suot na T-shirt at tumambad sa kanya ang hubad nitong katawan. Ang mala-tatsulok nitong pigura ay sapat na upang makapagpa-nosebleed sa kahit sinong babae.

Nag-init bigla ang kanyang puso. Habang nakatingin sa likod ng ulo nito ay nagsimulang gumala ang kanyang isipan.

Iniisip niya kung ano ang shampoong ginagamit nito. Napakalinis ng makapal at maitim nitong buhok at napakabango ng amoy.

Napakaganda talagang pagmasdan ang isang eleganteng lalaki kahit saang anggulo ito tingnan.

Kahit ang likod ng ulo nito ay napakasarap tingnan.

Nagsalita si Gu Jingze, "Bakit ka tumigil?"

Noon di'y bumalik sa katinuan si Lin Che. Hindi siya makapaniwala na matutulala siya kahit sa likod lamang ng ulo nito.

Nagpatuloy na siya sa pagmamasahe. "Napakatigas ng iyong balikat. Palagi ka ba'ng busy sa trabaho?"

Sumagot si Gu Jingze sa kanya, "Oo naman. Bilang isang asawa, kailangan kong pasanin ang buong sambahayan sa aking balikat. Dahil doon, hindi ba't magiging matigas talaga ito?"

Napatawa nang malakas si Lin Che.

Nang marinig ni Gu Jingze ang tawa nito ay tumawa na rin siya.

Parang walang lakas na lumalabas mula sa maliliit nitong kamay. Kapag idinidiin nito ang kamay sa kanyang balikat, nararamdaman niya na sinusubukan talaga nito ang sarili, pero hindi talaga siya na-relax kahit saglit. Sa katunayan ay lalo lang tumigas ang kanyang balikat dahil sa pagkakahawak nito doon.

Dahil napakahina ng mga kamay nito, parang ayaw na niyang magpamasahe dito.

Subalit, ayaw niya itong patigilin. Habang ini-enjoy ang kamay nito sa kanyang balikat, ngumiti siya at nagsalita, "Okay, dahil seryoso ka talaga, ibigay mo sa akin ang cellphone mo."

Nang mapansin na pumapayag na si Gu Jingze, mabilis na ibinigay ni Lin Che ang kanyang cellphone.

Tinawagan ni Gu Jingze ang numero pero hindi ito nakapasok.

Sinabi ni Gu Jingze, "Mukhang busy pa."

Bahagyang bumagsak ang mukha ni Lin Che.

Nang makita ni Gu Jingze ang nag-aalala niyang mukha, ayaw na nitong dagdagan pa iyon. "Susubukan kong tawagan ang kanyang secretary."

"Ah, talaga? Napakabait mo talaga, Gu Jingze." Kaagad na nagliwanag ang mukha ni Lin Che.

Ngumiti si Gu Jingze at kinuha ang sariling cellphone. Sinubukan niya ulit tumawag.

Sa ngayon, ay may sumagot na sa kabilang linya.

"Hindi ko matawagan ang Presidente. May ginagawa ba siya?"

Sa kabilang linya ay mahina ang boses ng nagsasalita, "Sir, natutulog na po si Mr.President."

"Natutulog?"

"Opo, sir."

"Oh, sige. Pwede ba akong makisuyo sa pag-check kung mayroon ba kayong nakita o nahuling lasing na babae ngayon?"

"Sir Gu Jingze, wala po."

"Okay, kung ganoon. Pakisabi nalang kay Mr. President na tumawag ako."

"Masusunod po, Second Young Master. Sasabihin ko po kaagad pagkagising niya bukas. May iba pa po ba kayong kailangan, Sir?"

"Wala na."

Ibinaba na ni Gu Jingze ang cellphone at tiningnan si Lin Che na naghihintay ng balita mula sa kanya. "Wala raw silang nahuli na kahit sino. I-relax mo na ang iyong sarili. Baka nauna nang umuwi ang iyong manager."

Nagpakawala ng malalim na buntung-hininga si Lin Che, "Halos mamatay ako sa sobrang pag-aalala. Akala ko talaga ay katapusan ko na kung sakali mang nakabangga nito ang Presidente."

Tumawa lang si Gu Jingze. "Kailan ka pa natutong matakot? May lakas ka ng loob na insultuhin ako, pero natatakot ka sa Presidente?"