Dalawang linggo na ang lumipas matapos ang nangyaring insidente sa Planetarium. Umigting ang seguridad doon at nanatiling misteryo ang pangyayari sa lahat, lalo na sa bathaluman. Sa kasamaang palad, pitong taon na lamang ang nalalabi sa kanyang buhay hangga't hindi natatagpuan ang salarin. Naging malaking palaisipan sa kanilang lahat kung papaanong nakapasok ang sirena. Tanging sina Ybrahim at Ignis lamang ang maaaring makatapak sa isla dahil sa basbas na binigay sa kanila. Inisip na lamang ni Bathalumang Ophelia na kailangan niyang lapatan ng mas makapangyarihan na panangga ang buong isla upang hindi na ito matunton. Ginawa niya ito pagkatapos gumaling sa loob lamang ng isang linggo.
Natuloy pa rin ang paglakbay nina Ybrahim at Ophelia sa Kaharian ng Durano upang kumain ng mga masasarap na pagkain at maghanap ng mga taong isda. Gamit ang mahika, ikinubli ng bathaluman ang kanyang malalaking pakpak at siya'y naging ordinaryong tao na lamang. Ang kanyang dating asul na mata ay naging itim pati na rin ang mahabang pilak na buhok na ngayo'y naging makulot. Nangibabaw ang kanyang kagandahan dahil sa itim na bestidang hantad ang magkabilang balikat. Wangis niya ay lubusang nagbago.
Habang sila'y namamasyal sa mataong kapitolyo, namamangha si Ophelia sa kanyang mga nakikita. Ang mga bahay ay gawa sa simento at kahoy. Iba't iba ang laki at hugis ng mga ito, lalo na ang mga bubong na hugis kono o tatsulok.
Nang nilipat ni Ophelia ang kanyang mga mata sa kaliwa, napansin niya ang isang batang lalaki na nagnanakaw ng pagkain sa mga tindahan. Hindi ito napapansin ng mga tindera't tindero dahil abala sila sa pagbebenta.
"Ybrahim? Hindi ba't sinabi mo sa akin na . . . (1) perlas ang binabayad ng isang tao kung bibili ng mga pagkain o kagamitan?" tanong ni Ophelia na kanina pang pinapanood ang paslit. "Batid kong wala nang libre sa mundong ito."
"Tama ka." Tumango si Ybrahim. "Kung ang pagkain na kinakain natin ay libre dahil hindi natin kailangang bayaran ito, magkakaroon ng kakulangan sa pagkain nang dahil sa kasakiman at pagkamakasarili sa mundong ito." Kunot-noong tumingin siya kay Ophelia dahil sa kanilang biglaang paksa. "Bakit mo naitanong?"
"Ang batang lalaking iyon . . ."
Dumako ang tingin ni Ybrahim sa bandang kaliwa. Nahagip ng kanyang mga mata ang isang batang lalaki na nagnakaw ng apat na tinapay. Tatakbo na sana ito nang siya'y hawakan sa pulsuhan ng matandang panaderang nanlilisik sa galit.
"Saan ka pupunta? Akala mo ba'y makakatakas ka sa akin? Bakit ka nagnanakaw?"
"Nagugutom lang po ang mga kapatid ko!" Nagpupumiglas ang batang lalaking nasasaktan dahil sa mahigpit na hawak sa kanyang pulsuhan.
"Wala akong pakialam!" diin ng panadera. "Isusuko kita sa mga piratang sundalong nagpapatrolya rito kung hindi ka magbabayad! Kayong mga batang nagnanakaw, wala nang pag-asang magbago!"
Nagtinginan ang mga taong dumaraan dahil sa isang malakas na pitik na narinig. Sinampal pala ng panadera ang lalaking paslit sa kanang pisngi at walang nagtangkang tumulong. Mas pinili ng iba na umalis o 'di kaya'y manood. Hinihintay na lamang nila na dumating ang mga piratang sundalo.
Mabuti na lang at si Ybrahim ang nakakita. Nakaramdam siya ng galit sa puso at nag-igting ang kanyang panga habang si Ophelia naman ay nanlaki ang mga mata sa nangyari. Hindi niya inakalang may mga taong kayang manakit ng isang batang walang kalaban-laban.
"Ybrahim! Sinaktan niya ang paslit!"
"Dito ka lang. Ako na ang bahala," mahinahong bulong ni Ybrahim.
Naiwan si Ophelia at hinintay na lamang niya ang mga susunod na mangyayari.
Nilapitan ng heneral ang dalawa. Mabilis niyang hinablot ang kamay ng paslit bago tinago ito sa kanyang likuran. "Tama na. Ako na lang ang magbabayad para sa pagkain ng mga bata."
Nagulat ang panadera at pati na rin ang mga taong nasa paligid. Nagkaroon ng bulungan dahil kilala si Ybrahim sa pagiging isang mabait at maawain na heneral. Lahat ng mga taong nangangailangan ay tinutulungan niya nang walang kapalit.
"He-Heneral Sandoval! Ngunit ayon sa ating batas–"
"Kalimutan mo na lamang ang mga nangyari ngayon." Tiningnan ni Ybrahim ang lalaking paslit na ngayo'y tahimik na umiiyak; namumula ang pisngi nito. Batid niya ang matinding takot at kahihiyan na nararamdaman nito kung kaya't nagmadali siyang tapusin ang eksena. Tumingin siya sa panadera at nagtanong, "Magkano ang lahat?"
"La-Lahat? Dalawang daan at limampung perlas," nanginginig na sagot ng panadera.
Hindi na nagdalawang-isip pa si Ybrahim. Kinuha niya ang kanyang lukbot at naglabas ng dalawampung perlas na aabot sa halagang dalawampung libong perlas.
"Sa palagay ko ay sapat na ito para mabili ang lahat ng paninda mo."
Nahulog ang panga at namilog ang mga mata ng panadera nang inabot ng heneral ang bayad. Napatitig siya sa kanyang mga palad dahil malalaki ang mga perlas. "He-Heneral Sandoval! Hindi ko matatanggap ito!"
"Ipamigay mo ang mga tinapay sa mga taong walang makain ngayong linggo," matapang na utos ni Ybrahim. Ang kanyang mga titig ay biglang naging matalas. "Kung hindi, mapupunta ka sa kulungan dahil sinaktan mo ang batang ito. Mahigpit nating ipinagbabawal ang manakit ng mga bata kahit na sila ay nagnanakaw. May tamang paraan upang sila'y turuan tungkol sa tama at mali."
"Pa-Patawad, Heneral Sandoval!" Lumuhod ang panadera sa lupa at yumuko. "Hindi na mauulit! Patawad!"
Hindi na umimik si Ybrahim. Humarap siya sa lalaking paslit at lumuhod sa lupa upang pantayan ang mga mata nito. "Huwag ka nang umiyak at matakot. Sa susunod, 'wag na 'wag mo nang gagawin ito. Naiintindihan mo?"
"O-Opo . . . Salamat, Heneral Sandoval." Tumango ang lalaking paslit bago suminghot.
Puminta ang isang mainit na ngiti sa mga labi ni Ybrahim. Bahagyang ginulo niya ang buhok nito bago ito patakbong umalis, masayang binitbit ang mga tinapay.
Habang pinagmamasdan ni Ophelia na magtrabaho si Ybrahim, bumilis ang pintig ng kanyang puso. Naging mala-rosas ang kanyang mga pisngi at siya'y napahawak sa kumakabog na dibdib.
Tunay ngang kahanga-hanga siya sa mga mata ng tao . . . Pinatunayan niya na libre ang tumulong sa kapwa.
Nang bumalik na sa kanya-kanyang gawain ang mga tao, lumapit si Ophelia kay Ybrahim at nagtanong, "Maaari ba akong magtanong sa'yo?"
"Tungkol saan?"
"Bakit . . . ganoon ang pakikitungo ng panadera kanina? Bakit sinabi niyang . . . walang pag-asang magbago ang paslit na iyon?"
Sa loob-looban ni Ophelia, iniisip niya na wala ring pag-asang magbago ang mga taong isda. Sila'y mapanlinlang na nilalang at uhaw sa kapangyarihan. Gagawin nila ang lahat upang mapabagsak ang mga mababang uri na nilalang, at iyon ay ang mga tao.
Bahagyang ngumiti si Ybrahim. Nagpasya itong turuan muli ang bathaluman tungkol sa mundo habang sila'y naghahanap ng makakainan.
"Lahat tayo ay likas na mabait. Nabanggit ko na sa'yo ang tungkol sa kalayaang mamili, hindi ba?" Sinulyapan niya si Ophelia at tumango-tango ito. "May mga taong mas pipiliin ang maling pakikitungo sa kapwa. Mababa rin ang tingin nila sa ibang mga tao sapagkat iniisip nila na sila'y mas nakaaangat sa lipunan. Pagmamataas, galit, selos, yabang, at inggit ang mga pangunahing rason."
Hindi ito ang unang beses niyang pinangaralan si Ophelia. Noong bumisita siya sa Planetarium, tinuruan niya ito tungkol sa pinakamagandang bagay sa buhay.
Sina Ybrahim at Ophelia ay namamasyal sa buong isla. Naparoon sila sa isang magubat na talampas na kung saan ay matatagpuan ang malinis na batis upang magkuwentuhan tungkol sa buhay. Nais sana ng pirata na lumabas ng isla ang bathaluman at maglakbay sa iba't ibang kontinente upang masilayan ang kagandahan ng mga kaharian. Ngunit, nangingibabaw pa rin ang takot nito sa puso dahil sa kanyang madilim na nakaraan.
"Alam mo ba kung ano ang pinakamagandang bagay sa buhay?" tanong ni Ybrahim habang nakatingin sa malayo. Pinagmamasdan niya ang isang makulay na paruparo; pula at rosas ang kulay nito na may halong itim na disenyo sa mga pakpak. Dumadapo ito sa bawat bulaklak upang mangolekta ng nektar.
Silang dalawa ay nakaupo malapit sa batis habang nakalublob ang mga binti sa malamig at malinaw na tubig. Makikitang malayang lumalangoy ang mga maliliit na isda, tila hindi natatakot sa kanilang kinaroroonan.
Lumingon si Ophelia kay Ybrahim. "Pag-ibig?"
Ito ang unang pumasok sa kanyang isipan sapagkat lahat ng nilalang sa Warcadia ay naghahangad ng pag-ibig. Halos ikamamatay ito ng iba kapag sila'y nawalay sa piling ng minamahal. Naisip din niya kung walang pagmamahal sa puso ng mga nilalang, papaano na ang mundo? Kasamaan ang maghahari at maraming magtatangkang manakit ng kapwa.
Aminin man niya o hindi, nais niyang maranasan ang umibig at maging maligaya sa piling ng kanyang bana, araw at gabi. Kay sarap sigurong madama ang tamis ng halik, init ng yakap, at mapagmahal na haplos. Ngunit, sino ang magkagugusto sa kanya? Si Ybrahim lamang ang kilala niyang lalaki at batid niyang kaibigan lamang ang tingin nito sa kanya.
Umiling-iling si Ybrahim. "Hindi." Pinakita niya ang kanyang taos-pusong ngiti, dahilan kung bakit naging mala-rosas ang mga pisngi ng bathaluman. "Ang kalayaang mamili."
"Kalayaang . . . mamili? Bakit ito ang napili mong sagot?" Nagtataka si Ophelia kung bakit ito ang pinakamagandang bagay sa buhay. Depende kaya ito sa tao? Kahit saang angulo niya tingnan, lahat ng maaaring isagot ay maganda.
Ang sinag ng araw ay hindi nakasisilaw sa mata kung kaya't humiga si Ybrahim sa damuhan at itinupi ang mga braso sa likod ng kanyang ulo. "Simple lang." Pinagmasdan niya ang maaliwalas na kalangitan at sumabay rin ang ihip ng hangin at kaluskos ng mga dahon. Tila naglaho ang lahat ng kanyang mabibigat na problema sa buhay. Siya'y nagmuni-muni nang ilang sandali bago sumagot, "Ano ang saysay ng oo at hindi sa lahat ng pinakamagandang bagay kung wala tayong kakayahang magdesisyon para sa ating sarili? Paano na ang pagmamahal sa mundo? Ligaya sa sarili? Kapayapaan sa magulong buhay? Kagandahang-loob sa kapwa? Pag-asa sa kinabukasan?"
Naging maliwanag ang lahat kay Ophelia; bumukas at lumawak ang kanyang pag-iisip. Nauunawaan niya ang punto ng kanyang matalik na kaibigan at ito'y kanyang labis na kinamanghaan. "T-Tama ka . . . Hindi natin matutuwid ang lahat ng bagay sa buhay kung ganoon . . ."
Bakit hindi niya naisip iyon? Kung tinanggalan ng kalayaang mamili ang mga nilalang sa buong Warcadia, papaano na ang kakayahang pumili ng sariling tadhana?
Halimbawa na lang ay may ginawa silang mabigat na kasalanan, pag-ibig man o krimen, at sa mundong ito'y isang pagkakataon lamang ang taglay nila sa lahat ng bagay. Wala silang pagpipilian na ituwid ang pagkakamali sa huli. Magiging masaya pa ba sila?
Hindi.
"Ang masaktan ba'y isang kagustuhan?" tanong ni Ophelia. Nais niyang maintindihan nang husto ang kanilang paksa sapagkat lumaki itong walang sapat na gabay tungkol sa buhay. May naiwan ding butas sa kanyang puso dahil ang mga taong isda ang pumaslang sa kanyang mga magulang.
"Mayroon tayong tinatawag na emosyon. Likas sa atin ang makaramdan ng iba't ibang emosyon. Positibo man o negatibo." Bumuntong-hininga si Ybrahim, ipinikit ang mga mata, at nagtanong, "Halimbawa. Paano kung . . . ipapakasal ka sa isang nilalang na hindi mo iniibig? Oo lamang ang tanging alam mo dahil tinanggalan ka ng kakayahang tumanggi? Ano'ng mararamdaman mo?"
Hinulog ni Ophelia ang kanyang tingin sa sariling kandungan. Pinaglaruan niya ang kanyang mga daliri nang siya'y nakabuo ng sasabihin. Hindi siya nagdalawang-isip pang sumagot sapagkat labag ito sa kanyang kalooban. "Lubhang ikalulungkot ko ito. Hindi ako magiging masaya dahil . . . tinanggalan ako ng kalayaang piliin kung sino ang nais kong ibigin."
Naisip ni Ophelia na kung oo o hindi lamang ang pagpipilian sa lahat ng bagay, tiyak na magiging magulo ang mundo. Mababalot ito sa kalungkutan at mawawalan ng balanse. Maraming mag-aaway, magpapatayan, o magpapakamatay sa labis na lungkot.
Gumuhit ang isang maamong ngiti sa kakaibang hugis na labi ni Ybrahim. Batid niyang nauunawaan na ng bathaluman na lubhang mahalaga ang kalayaang mamili. "Tulad ng sinabi ko kanina, may pagpipilian ka. Ikaw ang magpapasya kung papaano mo itatakbo ang iyong buhay." Tumuwid siya ng upo at iniabot ang kamay ni Ophelia. Bahagyang pinisil niya ito at napatingin sa kanya ang bathaluman. "Ngayon alam mo na kung bakit ito ang napili kong sagot. Habang may panahon pa, magdesisyon ka na. Nasa huli ang pagsisisi."
Habambuhay bang mananatili sa isla si Ophelia o susubukan niyang tuklasin ang iba pang mga kontinente kasama si Ybrahim? Takot pa rin ba ang paiiralin niya o lakas ng loob? Mas nanaisin ba niyang maging malungkot o maging masaya dahil natupad ang kanyang mga gustong gawin sa buhay? Ang pag-ibig na kanyang inaasam-asam? Kailangan niyang lumabas ng isla upang makahanap ng katambal. Marahil upang mailigtas din ang kanilang lahi na nasa bingit ng pagkalipol.
"Kung wala tayong kalayaang mamili," huminga nang malalim si Ophelia at itinuloy ang sasabihin, "hindi natin ikalulugod ang lahat ng pinakamagandang bagay sa buhay."
Tumango si Ybrahim at puminta ang isang nakamamatay na ngiti. "Nais kong makita ang iyong ngiti, Ophelia. Kung masaya ka, masaya na rin ako."
Nakaramdam ng init sa buong katawan si Ophelia at tumibok ang kanyang puso dahil sa mga binitiwang salita ni Ybrahim; mala-anghel ang mapaos na boses. Ang kanyang ngiti na kita ang gilagid ay nakatutunaw at tila ba'y nahuhumaling siya sa mga tsokolateng mata nito.
Tunay ngang kahanga-hanga ang personalidad ni Ybrahim dahil pinahahalahagan niya ang buhay lalo na't hinahangad din nito ang kalayaan at kapayaan sa buong Warcadia.
Lahat ng ito ay tumatak sa isipan ng bathaluman.
"Hanga ako sa iyo, Ybrahim. Tiyak na maraming mga magagandang babae ang nagkakandarapang angkinin ka." Ngumiti si Ophelia.
Natawa na lang si Ybrahim sa isinambit ng matalik na kaibigan dahil totoo iyon. Patunay ang mga babaeng nag-aaral sa Akademiyang Militar ng Warcadia.
"Nasa akin pa rin ang desisyon kung sino ang aking mamahalin."
Humagikgik si Ophelia bilang tugon, nangangarap na sana siya ang piliin. Ako na lang sana ang iyong mahalin . . .
🔱 🔱 🔱
Nagtungo ang dalawa sa isang maliit na otel na gawa sa kahoy at kawayan. Napili nilang kumain sa labas na kung saan ay matatanaw ang buong kapitolyo ng Durano at bughaw na karagatan. Maaliwalas ang kalangitan at tamang-tama ang lamig ng hangin. Ikinalulugod naman ni Ophelia ang mga pagkaing nasa harapan habang aliw na aliw na pinapanood siya ni Ybrahim.
"Napakasarap naman nito! Ano ang ngalan nitong itim na pagkain?" tanong ng bathaluman. Kumakain ito ng kanin at karne pagkatapos kainin ang pancit langlang.
"Gusto mo ba talagang malaman?" Umiral ang pilyong pag-uugali ni Ybrahim. Pinipigilan niya ang kanyang tawa dahil batid niyang hindi ito magugustuhan ni Ophelia sa oras na malaman nito kung ano ang itim na pagkain.
Biglang namutla ang buong mukha ni Ophelia at siya'y tumigil sa pagnguya. Tinitigan niya ang pirata nang matagal bago nagsimulang kabahan. "Magsalita ka! Ano itong pinakain mo sa akin?"
"Dinuguan."
"Di-Dinuguan? Du-Dugo? Dugo ng?"
"Dugo ng baboy." Gumuhit ang nakalolokong ngisi sa mga labi ni Ybrahim at tinaas-baba niya ang kanyang mga kilay. "Atay ang kinain mo kanina."
Napatili si Ophelia at muntik nang masuka. Kinuha niya ang baso ng tubig at uminom nang marami. Nakatutuwa siyang tingnan kaya nama'y hindi na napigilang humalakhak ni Ybrahim.
"Anong klaseng kaibigan ka? Bakit ang kawawang baboy ang pinakain mo sa akin! Bakit kayong mga tao ay kumakain ng mga hayop!" Humagulgol si Ophelia at kung ano-ano na ang pinagsasabi. "Ipangako mo sa akin na huwag mong gagawing Dinuguang Dragon si Ignis!"
Bumulaslas ng tawa si Ybrahim at siya'y napahawak sa kanyang tiyan. Sumakit din ang kanyang mga pisngi dahil sadyang kahali-halina ang inosenteng bathaluman. "Hindi mangyayari ang sinasabi mo! At saka . . . hindi lahat ng hayop at halimaw ay maaaring kainin." Huminga siya nang malalim bago tinuloy ang sasabihin, "Kinakain talaga ang baboy, Ophelia, pati na rin ang baka at isda."
"At manok," dagdag ni Ophelia habang naka-ismid. Dinampot niya muli ang kutsara at tinidor at nagpatuloy kumain. Aminin man niya o hindi, masarap ang dinuguan. "Naninibago lamang ako dahil halos gulay at prutas ang aming kinakain."
"Ibahin na lang natin ang paksa." Tumuwid ng upo si Ybrahim. "Tanungin mo ako tungkol sa ano mang bagay na ibig mong malaman."
Nakuha kaagad ang atensyon ni Ophelia at muling tumibok ang kanyang puso. Mga pisngi niya'y uminit sapagkat nais niyang malaman kung sino ang nilalaman ng puso ng lalaki.
"May plano ka bang maghanap ng iyong magiging katipan?" nahihiyang tanong ni Ophelia. "Naiintindihan ko kung mahirap dahil isa kang Heneral ng Hukbo. Humihingi na rin ako ng tawad kung ikaw ang inatasan kong magligtas sa buong Warcadia."
Sa totoo lang, matagal nang pinapangarap ni Ophelia si Ybrahim. Siya lamang ang lalaking ibig niyang makasama. Kahit ituon niya ang nararamdamn sa iba, siya pa rin ang nilalaman ng puso.
"Hindi mo na kailangan pang humingi ng tawad. Maaari naman akong maghanap ng babaeng mamahalin pagkatapos ng digmaan, hindi ba? Magtiwala ka lang sa akin. Matatapos din itong kasamaan ni Reyna Aglatea." Masiglang ngumiti si Ybrahim at kinumpas ang kamay. "Nandiyan lamang siya sa paligid."
Pinagmasdan ni Ophelia ang maamong mukha ni Ybrahim. Bakas ang kasiyahan sa buhay dahil sa mga ngiting ipinapakita, ngunit, sumasalamin sa mga tsokolateng mata nito ang lumbay at pighati sa sariling lahi.
Magiging masaya kaya si Ybrahim kung ipagtatapat ko ang aking nararamdaman para sa kanya?
Nag-isip nang matagal si Ophelia. Bumibilis ang pintig ng kanyang puso habang tumatagal. Aaminin na kaya niya ang matagal na pagtingin sa lalaki o hihintayin niyang matapos ang digmaan?
Ophelia! Ito na ang pagkakataon mo. Sabihin mo na sa kanya!
Magtatapat na sana si Ophelia kay Ybrahim nang magkaroon ng sigawan sa gawing silangan. Napunit ang kanilang atensyon sa isa't isa at sila'y napatingin sa mga mamamayan na nagtatakbuhan upang makalayo sa pinagmulan ng gulo.
"Tulong!"
"Isang sirena!"
Lumaki ang mga mata ni Ybrahim at siya'y napatayo. "Tama ba ang narinig ko?"
Hindi ka nagkamali. Tamang-tama ang dating ni Ignis. Bumaba siya mula sa langit at tumabi malapit sa amo. May isang sirenang gumagawa ng gulo.
"Umalis na kayo ni Ignis," wika ni Ophelia. "Susunod ako."
Tumango si Ybrahim at mabilis siyang umangkas sa likuran ni Ignis. "Halika na, Ignis! Hulihin natin ang sirenang 'yon!"
Handa akong makipaglaban kung kailangan. Bumuga ng apoy si Ignis bago humalakhak. Pritong bangus, humanda ka! Binuka niya ang kanyang mga malalaking pakpak at tumalon nang napakataas.
"Ignis! Walang pritong bangus na mangyayari! Huhulihin lamang natin siya!"
Paano kung tumakas ang sirena?
"Ignis!"
🔱 🔱 🔱
Habang sila'y nasa himpapawid, hinahanap ni Ybrahim ang sirena sa lahat ng dako. Kung nasaan ang kaguluhan, doon lumilipad si Ignis. Mamayamaya pa'y, tumigil ito sa paglipad at maiging pinagmasdan ng heneral ang mga taong tumatakbo sa bandang kanan hanggang sa nakita niya ang sirenang lumabas ng tindahan. Dumiretso ito pahilaga at kaagad nila itong sinundan.
"Hayon siya!"
Tumalas ang paningin ni Ybrahim. Hindi niya hahayaang makawala pa ito kung kaya't inutusan niyang sumugod si Ignis habang siya'y lumilikha ng isang higanteng globo gamit ang elementong Mercurio.
Sila'y palapit na nang palapit sa sirena hanggang sa nakahanap ng tamang pagkakataon si Ybrahim. Binato niya ito sa harapan ng sirena at nagkaroon ng malaking pagsabog.
Nabalot sa tubig na kalasag ang sirena gamit ang elementong Neptuno upang hindi matamaan ng mga lumipad na bato at malanghap ang alikabok. Tumagal ito ng mga ilang minuto bago naging malinaw ang kapaligiran.
"Saan ka patutungo? Isa ka bang heneral?"
Iminulat ng sirena ang kanyang mga mata. Nakita niya ang isang pigura ng lalaki na may hawak na kakaibang espada. Ang disenyo ng bakal nito hanggang sa puluhan ay napakakumplikado tingnan. Sapat na ito upang isipin ng kaaway na siya ay hindi basta-bastang makakalaban.
"Oo. Isa akong heneral. At sino ka naman upang pigilan ako sa aking pakay?" matapang na tanong ng sirena.
Habang sinusuri ni Ybrahim ang sirenang nakasuot ng pandigma mula ulo hanggang paa, hindi niya mapigilang isipin na nakabibighani ito at sadyang napakaganda. Ang kanyang mahabang buhok na kulay dalandan ay kasing tingkad ng isang rosas, tugma sa mga matang mapang-akit. Mukha'y maliit, pati na rin ang ilong na hindi gaanong matulis. Mga labi niya'y mapupula at sadyang matutukso ang mga lalaking nais magnakaw ng isang halik.
Biglang napailing si Ybrahim. Ano ba itong iniisip ko? Bakit tila kakaiba ang nararamdaman ko sa sirenang ito?
Habang siya'y naguguluhan sa harapan ng sirena, ngumisi ito. "Tumingin ka sa'kin!"
Mabilis ang pangyayari. Tila namalikmata ang heneral nang biglang maglaho ito ng parang bula. Sa isang kurap ng mata, nagawa pa niyang sanggain ang mga kadenang may sariling buhay, ngunit nakabalot ito sa kanyang espada. Ikinagulat niya ito dahil kakaiba at mapanganib ang sandata ng kalaban. Mayroon itong patalim sa dulo na hugis tatsulok.
"Nahihirapan ka ba?" Lumawak ang ngisi ng sirena. Nababatid niyang hindi mabawi ng heneral ang sariling espada.
Akmang gagamit ng elementong Veturno si Ybrahim, ngunit, siya'y naunahan. Nawala muli ang sirena sa kanyang harapan at sa isang iglap, nakatanggap siya ng isang malakas na sipa sa tiyan at malayo ang kanyang tinalsikan. Katawan niya'y sumalpok sa isang dingding at nabiyak iyon sa lakas ng puwersa.
Nahulog sa lupa si Ybrahim at tila nabigla sa naganap. Umubo siya ng dugo bago nag-igting ang kanyang panga sa labis na galit. Nang siya'y tumingin sa harapan, iwinagayway ng sirena ang hawak na ordinaryong kaliskis; lumiliwanag ito.
Hindi lang iyon ang napansin ng heneral. Ang kalaban ay mabilis na nakarating sa kanyang pinagtalsikan.
"Paanong . . ."
"Habulin mo ako . . . kung kaya mo!"
Kasing bilis ng kidlat, tumakbo ito palayo habang tumatawa.
Hindi alam ni Ybrahim kung papaano mahuhuli ang sirena sapagkat batid niya kung anong klaseng kaliskis iyon. Kailangan pa rin niyang habulin ito kung kaya't tinawag niya si Ignis upang sundan ang maliksing kalaban.
🔱 🔱 🔱
Tumagal ang habulan ng mga sampung minuto. Ginamit ni Ybrahim ang kaliskis ng ina ni Ophelia upang maglaho sa paningin ng sirena, ngunit sa tuwing siya'y magpapakawala ng elementong Veturno o Mercurio, naiiwasan ito.
Umabot ito sa punto na hinabol ni Ybrahim ang sirena gamit ang kanyang mga paa nang magtungo ito sa tuktok ng kapitolyo kung saan ay masisilayan ang kabuuan ng Kaharian ng Durano.
Pagdating doon, nagulat si Ybrahim sa gagawin ng sirena. May balak itong tumalon. Ang kanyang babagsakan ay ang dagat, ngunit mayroong mga matutulis na bato sa ibaba kung kaya't siya'y nabahala.
"Kung ano man ang binabalak mo . . . huwag mong ituloy," pakiusap ni Ybrahim habang dahan-dahang nilalapitan ang sirena. "Huwag mong papatayin ang sarili mo."
May balak pa sanang tumakbo ito, ngunit matalino si Ybrahim. Gamit ang elementong Mercurio, siya'y lumikha ng isang daang espada, sibat, at palakol malapit sa maaaring lusutan ng sirena.
Walang nagawa ang sirena kundi ang bantaan siya. "Binabalaan kita. Tatalon ako! Ano ba ang kailangan mo sa akin at ayaw mo akong pakawalan?"
"Kailangan kita dahil . . ."
"Kung wala kang maisip na dahilan, magpapakamatay na ako!"
"Sandali lamang! Pakinggan mo ako!"
Tatalon na sana ang sirena nang lumikha si Ybrahim ng baging. Bumalot iyon sa paa ng kalaban at hinila niya ito pabalik, ngunit hindi niya inaasahang matatapilok ito patungo sa kanya. Sa bilis ng pangyayari, sinalo niya ang sirena at hindi sinasadyang maipit ang isang parte ng kanyang buhok. Napahiyaw ito sa sakit at may nabunot na dilaw na hibla ng buhok. Dahil dito, ang kanyang mga bisig ay kusang bumalot sa baywang ng sirena at ito naman ay napahawak sa kanyang balikat.
Biglang nagtama ang kanilang tingin.
Halos isang pulgada ang lapit ng kanilang mukha sa isa't isa at sila'y nagtitigan nang matagal. Sa hindi malamang dahilan, ang kanilang mga titig ay may malalim na kahulugan.
Mamayamaya pa'y, ngumiti ang sirena nang napakatamis at tila kumikinang ang kanyang mga mata. "Kay tagal kitang hinanap, aking katipan!"
Walang pagkakataong magsalita si Ybrahim. Naramdaman na lamang niya na may dumamping malambot sa kanyang mga labi . . .
. . . at nasaksihan iyon ni Ophelia.
----------------------------------------------
Footnotes:
(1) Pearls/Perlas – pera sa Warcadia. Ang halaga nito ay hindi katumbas sa ating mundo.
Small pearl – 50P
Medium pearl – 500P
Large pearl – 1,000P