webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Not enough ratings
165 Chs

Yakapin Mo Lang Ako

Pinigilan ni Gu Jingze na makalapit sa kanya si Lin Che. Tiningnan niya ito, "Okay lang ako. Siguro'y nasobrahan lang ako sa anghang ng kinain natin."

Natural lang na kabahan si Lin Che. Siya ang nagdala rito para kumain ng Mala Soup, kaya kung sakali mang magkakasakit ang Presidente ng Gu Industries dahil dun, malaking problema ang haharapin niya.

Kahit na sinabi ni Gu Jingze na okay lang ito, halata niya pa rin na mas lalong namumutla ang mukha nito dahil sa sakit ng sikmura.

Natatarantang sinabi niya dito, "Hindi, kailangan nating pumunta sa hospital. Paano kung may lason pala ang pagkaing iyon o kung ano pa? Delikado iyan."

Hindi na maitago ni Gu Jingze ang hapding nararamdaman at ilang sandaling nag-isip bago kinuha ang cellphone, "Tawagan mo si Chen Yucheng."

Oo nga pala, may sarili pala itong doktor.

Agad na kinuha ni Lin Che ang cellphone at tinawagan si Chen Yucheng.

"President Gu, matagal-tagal mo na rin akong hindi kinikibo. Akala ko talaga ay tinanggal mo na ako," agad na bungad ni Chen Yucheng.

"Hindi… Dr.Chen, may sakit si Gu Jingze. Pwede bang tingnan mo…"

"Ah… Miss… Miss Lin?"

Hindi nagtagal ay nakarating na sila sa lugar ni Chen Yucheng.

Sinuri ng doktor si Gu Jingze at nagtatakang sinabi, "Nakapagtataka. Akala ko talaga ay ayaw mo sa maaanghang na pagkain. Bakit ka kumain ng Mala Soup at marami pa nga ang kinain mo?"

Binigyan lang siya ni Gu Jingze ng tahimik at matigas na titig na ang ibig sabihin ay wag itong masyadong madaldal.

Nilingon ni Chen Yucheng si Lin Che at naisip na marahil ay ito ang dahilan. Ganoon pa man, gusto niyang matawa kay Gu Jingze.

Kahit kailan ay hindi naging ganito si Gu Jingze noon. Simula nang makilala nito si Lin Che ay mas naeengganyo na siyang tuksuhin ito paminsan-minsan. Hindi na ito ang Gu Jingze dati na boring at walang ganang kausap.

Narinig naman ni Lin Che ang sinabi ni Chen Yucheng at namula ang kanyang mukha. Nakaramdam siya ng guilt. "Pasensya na, Dr. Chen. Ako kasi ang nagpilit sa kanya na kumain nun. Ayaw nga niya talaga eh. Ano ng gagawin natin ngayon? Okay lang ba siya?"

Tiningnan siya ni Gu Jingze at sinabing, "Hindi mo ito kasalanan."

Kapag ayaw niyang kumain, walang sinuman ang makakapilit sa kanya. Sadyang nasarapan lang siya sa pagkain dahil kasabay niya si Lin Che at iyon ang dahilan kung bakit ginanahan siyang kumain.

Pero ngayong hindi maganda ang kondisyon ng kanyang tiyan, napagtanto niya na maling ideya pala iyon.

Nagsalita si Chen Yucheng, "Wala kang kasalanan sa nangyari. Sadyang sensitibo lang talaga ang kanyang tiyan. Kumalma lang po kayo, Madam, simpleng gastroenteritis lang po ito. Kailangan niya lang uminom ng gamot, magpahinga at kumain ng mga pagkaing madali lang matunaw. Mabuti na lang at hindi pa ito gaanong malala. Dahil kung nagkaganun ay baka panay na ang pagsusuka niya ngayon at magpabalik-balik sa comfort room."

Napaawang ang bibig ni Lin Che. Paanong nagkaroon ito ng gastroenteritis nang dahil lang sa pagkain ng Mala soup?

Sinabi niya dito, "Pasensya na, Gu Jingze. Ang mga katulad ko kasi ay nakasanayan na ang pagkain ng mga junk foods kaya sanay na ang tiyan namin sa ganito, at hindi na natatakot sa mga duming papasok doon. Pero ikaw, hindi ka sanay rito…"

Tiningnan siya ni Gu Jingze. "Tama na iyan. Okay lang ako."

Sumingit si Chen Yucheng sa kanilang pag-uusap. "Kung hindi ka pa gumaling bukas, susubukan natin ang ibang paraan. Pero sa ngayon, mukhang wala naman masyadong problema sa katawan mo."

Tumango lang si Gu Jingze, at agad naman itong inalalayan ni Lin Che.

Muling nilingon ni Lin Che ang doktor. "Pasensya ka na talaga sa abalang nagawa ko, Dr. Chen."

Si Gu Jingze ang sumagot sa kanya, "Siniswelduhan ko siya kaya hindi iyan abala para sa kanya."

Ngumuso naman si Chen Yucheng, "Mas the best pa rin si Madam."

Sana man lang ay matutunan nitong si Gu Jingze mula kay Lin Che kung paano makipag-usap nang mabuti.

Hindi pa rin mawala sa mukha ni Lin Che ang pagsisisi habang nakatingin sa maputlang mukha ni Gu Jingze. Pero, tahimik lang ito. Naisip niya na baka tinitiis lang nito ang sakit para hindi na niya sisihin pa ang kanyang sarili.

"Gu Jingze, kung may masakit sa'yo, pwede mong sabihin sa'kin 'yan. Hindi mo kailangang magtiis para lang hindi ako mag-alala," sabi niya.

Nilingon siya nito, "Okay lang ako."

Pero lalo lang siyang nagsisi. Napakabuting lalaki talaga nito.

Hindi nagtagal ay nakauwi na sila sa bahay.

Humiga na sa kama si Gu Jingze at si Lin Che naman ay nagmamadaling naghanda ng tsaa at tubig. Natataranta siya sa pagkilos at todo-alaga siya sa asawa.

Habang nakahalukipkip ang mga braso ay napangiti nalang si Gu Jingze habang pinapanood siya.

Minsan niya lang itong makita na maging sinsero sa ginagawa.

Muling pumasok si Lin Che sa kwarto at tiningnan si Gu Jingze. Tiningnan niya ito, "Masakit pa ba? Umeepekto na ba ang gamot?"

Bahagyang napasimangot si Gu Jingze at sinabing, "Masakit pa rin ang tiyan ko."

"Huh? Naku. Anong pwede kong gawin?" Nag-aalalang tanong ni Lin Che. "Teka lang, tatawagan ko si Dr. Chen."

"Hindi na kailangan," pagpigil sa kanya ni Gu Jingze. "Lumapit ka lang dito at haplusin mo ang tiyan ko."

"Huh," tanong ni Lin Che. "Sapat na ba iyan? Pero hindi ko alam kung pano."

"Lumapit ka lang dito at hawakan mo ang tiyan ko."

Hindi na nag-isip pa ng iba si Lin Che. Agad siyang lumapit at umupo sa tabi nito. Kinuha naman ni Gu Jingze ang kamay niya at ipinatong sa tiyan nito.

Nag-aalangan man ay nagsimula na siyang haplusin iyon. "Sumasakit pa ba?" Mas malambing ngayon ang tono ng kanyang pagsasalita na para bang nagpapaamo siya ng isang bata.

Nag-eenjoy naman si Gu Jingze sa ginagawa ni Lin Che habang nakahalukipkip ang mga braso at nagbibigay ng utos, "Haplusin mo dun sa may kaliwa."

"Sa kaliwa."

"Oo, okay na rin naman…"

Patuloy lang si Lin Che sa pagkuskos at paghaplos ng tiyan ni Gu Jingze at maya-maya'y nakaramdam na para bang may mali. Tumingala siya at nakita niya ang mukha nito. Nakangiti ito at nakapikit ang mga mata na para bang nasisiyahan ito sa ginagawa niyang pagmamasahe. Hindi makapaniwalang napabulalas siya dito, "Gu Jingze!"

Parang gusto niyang sikmuraan ito kaso hindi niya ginawa dahil baka hindi pa ito masyadong okay. Bahagya siyang nakaluhod sa kama at masama ang tinging tumitig dito.

Tinanong siya ni Gu Jingze, "Anong problema? Huwag kang tumigil."

"Neknek mo! Niloloko mo lang ako eh. Mukhang wala namang masakit sa'yo eh!"

NApatawa si Gu Jingze at bigla siyang niyakap nang mahigpit.

"Ikaw ba ang bulate sa loob ng tiyan ko? Paano mo nalamang hindi na sumasakit ang tiyan ko?"

Naiinis na sinuntok niya ang dibdib nito kahit nakayakap pa siya rito. "Anong ginagawa mo? Bitiwan mo nga ako. Tingnan mo nga iyang sarili mo. Mukha ka bang may sakit?"

Palala na nang palala itong si Gu Jingze. Marunong na rin itong magsinungaling.

Niyapos lang ni Gu Jingze ang kanyang baywang at pagkatapos ay tiningnan siya sa mukha. "Masakit naman talaga eh. Totoo ang sinasabi ko."

Sinuri ni Lin Che ang nakakunot nitong noo at para bang gusto niyang masahiin din iyon.

Bahagyang lumambot ang boses niya. "Kung ganun, umayos ka kasi."

"Kaya nga pinagawa ko sayo yun para mabaling ang atensyon ko sa ibang bagay. Magkwento ka sakin ng kahit ano, hawakan mo ang tiyan ko, at hayaan mo akong yakapin ka para hindi na siya gaanong sumakit pa."

Bahagyang namula ang kanyang pisngi.

Paanong maiibsan ang sakit nito dahil lang sa yakap… Hindi naman siya gamot…

Pero, hinayaan niya lang na yakapin siya nito at hindi kumibo nang matagal.

Mahigpit pa ring nakayakap si Gu Jingze sa malambot na katawan ni Lin Che. Parang okay naman na ang pakiramdam niya at hindi na sumasakit ang kanyang tiyan, pero sa kabilang banda ay may ibang klaseng sakit ang nararamdaman niya…

Gustong-gusto niyang gumamit ng ibang paraan para mabawasan ang sakit na nararamdaman…

Kinabukasan.

Nagising si Gu Jingze dahil mas lalong sumakit ang kanyang tiyan at hindi na niya kayang tiisin pa iyon, kaya nagpunta siya sa lugar ni Chen Yucheng.

Dinala sila ni Chen Yucheng sa clinic nito at inutusan ang isang staff na suriin si Gu Jingze gamit ang isang apparatus.

Naghintay naman sa labas si Lin Che at napabuntung-hininga habang iniisip na wala naman palang epekto ang pagyakap niya rito nang buong magdamag.

Noon din ay tumunog ang kanyang cellphone.

Si Shen Youran.

May kaba sa tono ng pagsasalita nito. "Lin Che, hindi ako makapasok sa bahay. Nasa loob ng kwarto ko kasi ang susi at wala akong ibang matutuluyan ngayon."

Nagulat naman siya sa narinig, "Anong nangyari? Nasaan sina tita at tito?"

"Sinamahan nila ang kapatid ko papunta sa lungsod."