"Francis! Bumaba ka rito!"
"Rito!"
"Rito!"
"Ritooo..."
Umalingangaw ang kanilang boses nang tawagin ang kanilang pinsan. Napapaligiran sila ng mga puno at kanina pa sila naliligaw sa kakahanap kay Francis. Wala ng signal ang kanilang mga cellphone kaya namag-asa na lamang sila na maririnig nito mula sa bundok na pinaglalagian niya.
"Francis! Naririnig mo ba kami?'
Para silang mga baliw na humihiyaw at nabubulabog na ang mga hayop sa paligid.
Sa inip ni Wiz ay sinigaw na niya ang pinakaiinisan ng nasabing pinsan. Huli na kasing nagbinata at nagpatuli si Francis kaya palagi nila itong tinutukso.
"Hoy, lalaking supot! Bumaba ka rito!"
Wala man lang limang segundo ay nagpakita na si Francis. Nagtatago pala siya sa likod ng makakapal na damo at dahon.
"Sinong sinabi mong supot? Sasapakin kita e!"
"Nagpakita ka rin sa wakas!"
"Kanina ko pa kayo pinagmamasdan. Mukha kayong mga tanga! Hahaha!" paghalakhak niya.
"Supot ka pa rin. Hahaha!" pagkantyaw sa kanya bilang ganti.
"Hindi nga ako supot!" nanggagalaiti sa inis na tugon niya. Nagsiliparan palayo ang mga ibon dahil sa lakas ng kanyang boses.
Si Francis rin ay biniyayaan ng magandang itsura. Maamo ang kanyang mukha at may kaputian din. Mahaba ang mala-sutla niyang buhok na naka-ponytail. Kapag siya ay bumababa sa kapatagan upang maghatid ng mensahe mula sa templo, napapahanga niya ang mga kababaihan dahil sa angkin niyang kagwapuhan.
Sa murang edad, siya ay pinadala ng ama sa templo ng mga Tsino kaya siya ay wala pang naging kasintahan man lang.
No girlfriend since birth siya.
Wala sa isipan niya ang love life kaya wala rin siyang pakialam masyado sa sumpa.
"Bakit niyo ba ako hinahanap?" nagtatakang tinanong niya. "Na-miss niyo ba ako?"
"Hindi!" tugon ni Uno sabay akbay sa kanya. "Kailangan ka namin sa isang misyon!"
"A-Anong misyon?" may pagkabahalang nasambit nito. "Kinakabahan ako kapag ganyan ka magsalita."
"Hahanapin natin ang duwende!" masiglang binanggit ni Mike. "At, sasamahan mo kami!"
"D-Duwende? Ayaw ko! Bitiwan mo ako!" pagpupumiglas niya. Pinalibutan na siya ng mga pinsan niya at sapilitang tinangay. Halos maiyak na siya dahil labag sa kalooban niya ang pinapagawa sa kanya.
"Ayaw mo ba iyon? Mawawala na ang sumpa sa love life natin!" pagpapalubag ni Wiz sa kalooban nito.
"Wala akong pakialam sa love life na 'yan! Pauwiin niyo na ako!"
"Isipin mo na lang, bonding moment natin ito. Aba, limang taon na rin tayong hindi nagkita a!"
Halos kaladkarin na nila si Francis patungo sa probinsya ng Miao-miao. Pinagtinginan sila ng mga tao at nagtaka na baka kinikidnap nila iyon. Ginamitan ng tatlo ng kakaiba nilang karisma ang mga Tsino kaya hindi na sila nagduda pa kahit na nagmamakaawa na si Francis na iligtas siya sa kapahamakan.
Kakaiba talaga ang "charm" ng mga Semira.
Umaapaw ang alindog nila.
Kahit salawal ng mga lola ay nalalaglag kapag sila ay ngumiti kasabay ang nakakatuksong pagkindat ng chinito nilang mga mata.
Nang makarating sa may paanan ng bundok na pinaglalagian ng duwende ay nagpahinga muna sila malapit sa isang batis. Masama pa rin ang loob ni Francis dahil sa pwersahang pagsama sa kanya.
"Huwag ka ng ma-sad." pagdamay ni Mike sa kanya. "May pasalubong ako, o. Chicken joy."
Tumingin lamang ito sa malayo at hindi kumibo.
"Ayaw mo ba? O ito, burger at choco float naman." Nilabas niya sa bag ang mga pagkain at inalok sa kanya.
"Ayaw ko." pagtanggi niya rito.
"Bakit?"
"Sampung araw na yatang nasa bag mo 'yan, pagkatapos ipapakain mo sa akin?"
"Kung ayaw mo, sa akin na lang." Kinagat niya ang hamburger na may kaunti ng lumot. "Kailangan din natin ng kaunting dumi sa katawan."
Nandiri si Francis dahil sa kinilos ng nakababatang pinsan subalit hindi niya maikakaila na kumakalam na rin ang kanyang sikmura. Nakakita siya ng ilang mga isda na lumalangoy sa malinaw na batis. Nagpasya siya na manghuli doon at mag-ihaw.
"Saan ka pupunta?" pagpigil sa kanya ni Uno bago pa man siya makatayo.
"Mangingisda!" pabalang na sinagot niya.
"Ganoon ba? Pakidamay na rin kami ng isda. Gusto ko mataba ha." pagbilin niya.
Napailing-iling na lang ito at nagtungo sa may tubig. Tinanggal niya ang suot na sapatos at iniangat ang suot na pantalon bago siya lumusong. Sa kasamaang-palad ay napakabilis umilag ng mga isda na tila ba bihasa sa kung-fu kaya nahirapan siyang makahuli. Hindi niya namalayan na may kalaliman na ang kanyang narating at hanggang baywang na ang tubig.
"Nahuli rin kita!" maligaya niyang binulong sa napakalusog na isdang kanyang nakuha.
"Yahoo!" pag-cheer ng mga kasama niya na kanina pa pala siya pinanonood. "Dali, kainin na natin yan!"
Babalik na sana siya ngunit nakaramdam siya na parang may dumikit sa ilalim ng kanyang pantalon. Kinabahan siya kaagad at pinasok ang kanyang kamay roon.
Siya ay nabiktima ng isang linta!
"Bilisan mo na, uy!" pagkantyaw sa kanya. Napalunok siya ng malapot dahil sa kahiya-hiyang sitwasyon niya.
"Bakit kasi ako napasama sa mokong na mga ito at minalas pa ako!" sigaw ng kanyang isipan. "Paano ko matatanggal ang lecheng linta!"
Habang iniihaw ni Wiz ang isda ay hindi siya mapakali sa kinauupuan niya. Mataimtim siya na tinignan ni Mike.
"Kating-kati ka?" inosenteng pag-uusisa niya habang hinihigop ang baong choco float.
"Manahimik kang bata ka." pagpapatahimik niya rito. Nagkibit lamang ng balikat ang kausap at pinagpatuloy ang pag-inom. Hindi na siya makatiis dahil ramdam niya ang pagkapit ng linta sa maselang balat at medyo nahihilo na siya sa kakaisip na baka ubusin nito ang dugo niya. Pasimple siyang nagtungo sa likod ng puno. Hinubad niya ang pantalon at sinikap na hilain paalis ang hayop.
"Bumitaw ka na." pagmamakaawa niya. Nag-chant pa siya ng mga orasyon na natutunan mula sa templo na makakapagpalayas daw ng masasamang espiritu.
"Aha! Dito ka lang pala!" panggugulat ni Wiz. Mabilis na napalitan ng pangkasindak ang ekspresyon niya sa nasaksihan. "Hindi ka na nakapagtiis, dito ka pa nagmimilagro!"
"Hindi ito ang inaakala mo!" pagtanggi niya sa paratang sa kanya.
"Haha! Walang problema 'yan. Sa susunod, siguruhin mo na walang makakita sa iyo."
"Mali ang inaakala mo! May lin-" natigilan siya sa pagsasalita dahil sa kahihiyan.
"Ha?" Kumunot ang noo ni Wiz dahil hindi niya talaga ma-gets.
"May...linta....kinagat ako ng linta."
Napalapit siya sa kaawa-awang pinsan at pinagmasdan ang tinutukoy ni Francis. Nangilabot siya at halos maduwal sa masamang pangitain.
"Sana, tayo lang makaalam..." pabulong niyang pinakiusap ngunit tila walang narinig ang kaharap.
"Mga pinsan, tulungan natin si Francis! Sinipsip ng linta ang **** niya!" pagsigaw niya. Nagmamadaling nagtungo ang dalawa sa kinaroroonan nila. May hawak
pang patalim si Uno na tila ba ay handa itong makipaglaban sa mabangis na hayop.
"Kuya, anong nangyari sa iyo?" maluha-luhang nasabi ni Mike. "Masakit ba?"
"Huwag ka ng magtanong. Pag-isipan na lang natin kung papaano tatanggalin ito!"
"Papatayin ko na ba?" walang kabuhay-buhay na suhestiyon ni Uno. Tinuro pa niya ang linta gamit ang kutsilyo at akmang titirahin na sana iyon.
"Huwag! Baka iba ang maputol mo!" Napaurong si Francis at nanlaki ang mga mata sa takot. "Ilayo mo nga sa akin 'yan!"
"Masyado kang nerbiyoso." pinigil niya ang sarili na tumawa habang binababa sa lupa ang patalim. "Madali lang 'yan. Sa pamamagitan ng ihi. Mga kapatid, ihian natin si Francis."
"A-Ano! H-Hindi!" nauutal na kumontra siya. Wala na siyang nagawa dahil pinaligiran na siya.
"All for one! One for all!" sabay-sabay na hinubad ng tatlo ang kanilang pang-ibaba, tinutok ang kanilang mga espada sa alaga niyang birdie, at inihian iyon. Nahulog ang linta at kaagad na namatay.
Nanlumo si Francis sa kinatatayuan. Halos gumuho ang kanyang mundo dahil sa ginawa sa kanya.
"Pakiramdam ko ay napakarumi kong lalaki." pagrereklamo niya habang yakap-yakap ang sarili.
"Magpasalamat ka na lang at tinulungan ka namin!" yamot na pinagsabihan siya ni Uno. "Gumalaw ka na nga riyan. Tara, kakain na tayo."
Napasandal siya sa may puno at nakatulalang tinignan ang bundok na malapit na nilang akyatin.
Napakabilis ng mga pangyayari na hindi niya inaasahan.
Ang inakala niyang simpleng pagdalaw ng mga kadugo ay naging isa pa lang hindi kaaya-ayang paglalakbay para sa kanya.
"Lintik kang duwende ka. Kasalanan mo ang kamalasang ito. Kapag nakita kita, aapakan kita." masama sa loob niyang pinangako sa sarili.