Nilabas ni Mike ang sinaunang libro mula sa kanyang bag. Binasa niya ang nakasulat na panuto roon at tinuro ang mga daan na nakaguhit sa nanlalabo ng mapa na pagmamay-ari pa ng ninuno nilang si Kungfu.
"Sa pagkanan daw natin, may makikita tayong kubo ng mangkukulam. Nasa kanya ang susi patungo sa mundo ng mga espiritu at ang complete address ng duwende."
"Mabuti kung ganoon nga. Ang tanong e, ano naman ang kapalit na hihingin ng mangkukulam?" pagtatanong ni Uno. Lumapit na rin sila ni Francis at nakibasa sa direksyon na nakasulat sa aklat. Nagulat sila at napakurap-kurap pa upang siguruhin na tama ang kanilang nabasa.
"Iyon ba ang kubo na tinutukoy mo?" Tinuro ni Wiz ang isang bahay na gawa sa kahoy at dayami. Sa sitwasyon noon ay halatang lumang-luma na. Gayunpaman ay naglakas-loob sila na magtungo roon.
Kumatok sila ng mahina sa may pintuan.
"Tao po!" pagbati nila. "Magandang hapon po. Dito po ba nakatira ang mangkukulam?"
Nakarinig sila ng kalabog sa loob at sila ay napaurong dahil sa gulat. Maya't-maya ay bumukas ang bintana at lumantad ang isang nakakatakot na babae.
"Mga istorbo kayo! Nagbe-beauty sleep ak-" natigilan ang babae nang makita ang mga lalaking kausap. Nag-pretty eyes ito bigla. "A-Anong kailangan niyo?"
"Mawalang-galang na po. Hinahanap po namin ang mangkukulam." pagpapaliwanag ni Mike. "Kailangan po namin ang susi sa kabilang-mundo dahil hinahanap namin ang duwende."
"Xieme-Rua...o Semira? Kayo ba 'yun?"
"Opo!"
Dagliang nawala ang babae sa may bintana. Bumukas ang pintuan at humarap sa kanila ito ng may pagmamalaki.
"Ako si Xiu-Pao, Ang Mangkukulam!" pagpapakilala niya. "Alam ko na 'yan ang sadya niyo rito. Pero lahat ng serbisyo ko ay may kabayaran. Handa na ba kayo?"
"Opo. Nakahanda kami." mabilis na tugon ni Francis.
"Kung gayon ay magdesisyon na kayo kung sino ang gagawa ng nais ko. Siguraduhin niyong magaling dahil maaaring magbago pa ang isip ko."
"Wiz, ikaw na!"
"Ha? Ano bang gagawin ko?" buong pagtataka niya.
"Madali lang. Magde-date lang kayo." pagsisinungaling ni Uno dahil alam na niya ang masaklap na katotohan tungkol sa kundisyon na hinihingi ni Xiu-Pao.
"Kuya, hindi iyon dat-" Tinakpan niya ang bibig ni Mike upang hindi mailantad ang tunay na hiling ng mangkukulam.
"Masama ang hinala ko sa inyo. Bakit hindi na lang tayo magbunutan?" panukala ni Wiz dahil nagdududa na siya sa mga aksyon ng pinsan.
"Tamang-tama, may papel ako rito." Nilabas ni Francis ang kanyang pitaka at kinuha ang apat na papel. "Ito ang ginagamit namin na magkakaibigan sa templo upang malaman kung sino ang maghuhugas ng mga pinggan."
"Game ako riyan!" pagsang-ayon ni Uno sabay nguso sa hawak ng pinsan. "Paano ba 'yan?"
"Kung sino ang makakakuha ng papel na may pulang tinta, siya ang tutupad sa kahilingan ng mangkukulam."
Tinakpan niya ang kamay at inalog ang mga papel na nasa mga palad. Pagbukas niya ay pinapili niya sila.
Napabuntong-hininga si Wiz dahil nabunot niya ang papel na may pulang tinta. Pinagmasdan niya ang tatlo na tila ba nagtinginan pa at nakahinga ng maluwag.
"Paano ba 'yan? Ikaw na ang hahalik kay Xiu-Pao?" mabilis na sinambit ni Uno sabay tulak sa kanya patungo sa bahay ng mangkukulam.
"H-Halik? Akala ko ba ay date lang?"
"Pareho lang 'yun!"
"Kailangan ko ba talagang gawin iyon? Wala na bang ibang paraan?"
Kitang-kita niya ang pagnanasa na nasa mga mata ng marumi at mabahong nilalang. Tinaas pa nito ang mahabang saya upang ipakita ang mga binti nito. Napapikit siya dahil halos kulugo at paltos ang tumambad sa kanya.
"Galingan mo ha! Kailangan mo siyang makumbinsi na ibigay sa iyo ang susi!" habilin ni Uno bago niya iniwan si Wiz sa piling ni Xiu-Pao.
"Ready ka na ba, Fafa?" may pang-aakit na pag-aya nito. Pagpasok nila sa bahay ay mabilis na naisara ang pinto at impit na hiyaw ang narinig mula sa silid.
Makalipas ng tatlumpung minuto ay nagmamadaling lumabas ng kubo si Wiz. Halos madapa pa siya dahil hilong-hilo na siya. Magulo ang kanyang buhok at gusot-gusot pa ang kanyang damit. Humahangos siya na nagtungo sa kinaroroonan ng mga pinsan.
Narinig niya na nagtatawanan ang tatlo.
Nang mapansin nila na malapit na siya ay bigla silang nanahimik.
"Kumusta ka?" pag-uusyoso ni Uno. "Enjoy ba?"
Tinaas ni Wiz ang kanang kamay upang patahimikin siya. Laking-gulat nilang lahat ng magsalita ito na parang sinaniban ng kakatwang espiritu.
"If you insist to ask..." he narrated, este, binigay niya ang detalye.
"Her breath smelled like a bed of red roses at its full bloom. She showered me with gentle kisses, making me want to have all of her. Even with her slightest touch, all of my senses go in ecstasy. At the back of my crazy mind, she is such a muse."
Nalaglag ang panga ng mga kaharap nang mapa-English si Wiz. Madalang itong magsalita sa wikang banyaga ngunit ngayon ay napahanga sila sa mala-tulang pananalita nito.
"S-Seryoso?" pagtataka ni Mike. "Isa ba siyang diwata na nagkunwari lamang na mangkukulam?"
Mas naningkit ang mga mata ni Wiz at nagsimula ng mag-drama.
"Sana nga totoo ang mga kathang-isip ko! Akala ko lips to lips lang ang gagawin namin!" mangiyak-ngiyak na paglalahad niya. "Yun pala gums to gums. Tongue to tongue. Lasap na lasap ko ang alat ng uhog at tartar niya!"
Imbis na maawa ay nagsitawa ang tatlo na kanina lamang ay seryosong nakikinig sa kanya. Sa sobrang paghalakhak ay napaupo pa si Francis. Mula sa kanyang bag ay nahulog ang apat na pirasong papel.
Kaagad na napansin ni Wiz ang nilalaman ng mga papel.
Lahat sila ay may pulang tinta!
Naging malinaw sa kanya na nagkasundo sina Uno, Mike at Francis na dayain siya. Nang makahalata na nabuking na sila, dahan-dahan silang tumakbo palayo mula sa naghuhurumintadong si Wiz.
"Mga ogag kayo! Pinagkaisahan niyo ako!" pagbulyaw niya sa kanila. Kumaripas ng takbo ang mga nanloko sa kanya.
Nahuli niya si Mike at hinatak ang suot na t-shirt nito.
"Peace na, Kapatid! Alam kasi namin na good kisser ka raw sabi ng ex-wife mo!" Napa-sign of the cross siya sa pagbanggit sa sumakabilang-buhay na babae. "Hindi pala siya, 'yun ka-MU mo noong high school!"
"Tsismoso ka rin!" Tinanggal niya ang suot na sapatos at pinalo siya sa puwet. "Ang bata mo pa, manloloko ka na!"
"Aray! Hindi ba dapat, happy ka dahil nakuha mo na ang susi?" pangangatwiran niya habang hinihimas ang pisngi ng puwet na tinamaan.
"Happy?" Tumaas ang kilay ni Wiz dahil sa nabanggit ni Mike. "Ikaw kaya ang pa-French kiss ko sa mangkukulam na iyon, ha?"
"Tahan na, babawi na lang ako sa iyo pagbalik natin sa Pilipinas. Ililibre kita ng maraming fried chicken. Huwag ka ng magalit!" pagmamakaawa niya.
Hindi rin niya natiis ang nakababatang pinsan na takot na takot na sa kanya. Kapag kasi nakasimangot siya ay mukha raw siyang kontrabida at kahindik-hindik kaya nakagawian na niya ang magmukhang masayahin. Mga ilang sandali lang ay ginulo na niya ang buhok nito at ngumiti na siya.
"Sige na nga. Wala na naman akong magagawa. Ang importante ay nakuha na natin ang susi at complete address ng duwende. Malapit na natin matanggal amg sumpa!"
"Talaga? Ang lupit mo!" hangang-hanga na nabulalas ni Mike. "Napa-oo mo kaagad si Xiu-Pao!"
"Ako pa!" pagmamalaki ni Wiz. "Walang nilalang ang makakahindi sa halik ko!"