Mula rito sa loob ng kusina ay rinig na rinig ko ang mga kustomer na labas-masok ng karinderya, yung ilan kumukuha ng mga order nila, yung iba nagdidesisyon pa kung anong ulam ang pipiliin, may alin namang inip-inip na sa pila may ibang tao kasi na halos tumambay nalang sa harap ng istante.
"Chan! Rice pa!" Sigaw ni Dino mula sa counter. Iniwan ko muna ang mga platong isa-isa kong pinupunasan at kinuha ang malaking kaldero mula sa mesa kung saan nakahanay rin ang ibang kaldero na may lamang ulam. Tumungo agad ako ng counter at inilagay ito sa mesa habang kinuha ni Dino yung kalderong wala nang laman at inabot sakin.
"Kapag tanghali nga naman." Sabi nito habang kumuha ng plato at nilagyan ng kanin at ulam. Hindi na ako nag-abala na sagutin siya at sa halip bumalik sa kusina para ipagpatuloy yung naudlot kong gawain. Hindi naman kasi ako madalas na makipag-usap sa mga katrabaho ko rito, alam naman nila na hindi ako komportable sa ganon pero maganda naman ang pakikisama nila sa akin.
Alas dose na rin ng tanghali kaya dagsaan ang pagdating ng mga customer malapit lang kasi kami sa isang paaralan at saktong may construction site sa di kalayuan, mga isang kanto lang ata ang pagitan mula rito kaya may mga construction worker din na pinipiling kumain dito.
"Naku ang tagal naman ni Jose! Kulang na tayo sa mantika!" pagmaktol ni Aleng Teresita na kasalukuyang nagpiprito ng manok, lagi kasing nagkakaubusan kasi iyon ang madalas i-order ng mga istudyante.
"Bwesit wala nang panukli!" Rinig ko naman na reklamo ni Rika sa counter habang hawak ang isang libo at yung iba naman ay limang daan.
Ito ang mga karaniwang senaryo dito sa karinderya kapag sumasapit na ng alas dose ng tanghali, habang ako naman ay tahimik na inaabala ang hugasin. Kapagod ngang gawain pero mas pipiliin ko nalang na makitungo sa mga pinggan kaysa sa mga tao.
"Ano ba namang mga taong to kahit ano-ano nalang nilalagay sa pinggan, may tissue, may supot ng kendi tapos may papel pa dito oh!" Inis na sabi ni Roel habang nilagay ang tumpok ng plato sa lababo, panibagong hugasin. Binuklat pa niya ito at pinakita sakin, laman ito ng mga numero at puno ng ekis, agaw pansin din ang malaking bilog sa bandang itaas ng papel, tapos may pangalang Mikko Cruz.
"Naku! Hindi kasi nag-aaral kaya zero inaabot sa math. Ikaw Mikko ha!" Dinuro-duro pa niya yung papel na parang si Mikko talaga kinakausap niya. Hindi niya naman kilala yun. Pakembot itong lumakad palabas ng kusina para linisin ang ibang mesa na kakaiwan lang ng mga customer.
"Nandito na kami! Sorry late." Bungad naman ni Mang Jose habang buhat-buhat ang isang container ng mantika.
"Naku mabuti naman at dumating na kayo." Ani ni Aling Teresita.
"Medyo trapik na kasi pabalik dito." Ani naman ni Karlo habang buhat ang supot ng mga gulay sa magkabila niyang kamay.
Tumungo siya sa mesa at humugot ng upuan. "Dagsaan na naman ng customer." Ani ni Karlo habang nagpupunas ng pawis.
"Ayaw kasi nila sa mga luto ni Aling Nita, kaya mas pinipinili nila rito sa mahal ko." Malambing na sabi ni Mang Jose habang pinulupot ang mga bisig nito sa baywang ni Aling Terisita.
"Naku Jose! Magtigil ka baka mapaso tayo!" Sigaw ni Aling Terisita pero bakas sa mukha nito na nagpipigil siya ngumiti.
Napabuntong hininga nalang si Karlo at tumayo sa kinauupuan niya at tumungo sa akin. "Magkaka-diabetes ako dahil sa kanila." Aniya at tumulong sa pagkukuha ng mga basura sa pinggan.
Kung tutuusin ay magulo rito dahil sa ingay ng mga customer at minsan nagsisitakbuhan kami rito, pero dahil sa mga kasama ko iba ring katahimikan ang dinala nila sa buhay ko. Napatigil at napatitig ako sa mga plato at bahagyang tinignan ang mga kasamahan ko na nagtatrabaho, hindi ko mawari kung ano ang kalagayaan ko ngayong kung sakaling wala sila.
_
"Finally!" Sigaw ni Roel habang nakataas ang mga kamay na sumalampak sa upuan.
Muling tumahimik ang karinderya at kakain palang kami para sa tanghalian. Alas dos na rin kaya iilan nalang ang pumapasok tapos kaunti nalang ang mga ulam na naka-display sa istante.
"Makakakain na rin." Ani ni Dino. "Kanina pa ako nagugutom habang naglalagay ng mga pagkain sa plato."
"Oo nga lalo na at amoy na amoy pa natin yung niluluto ni Nay Teri." Sabi naman ni Rika.
"Oo nga sis, kainggit din tignan yung mga customer na kumakain." Usisa ni Roel
Naramdaman ko naman si Karlo na katabi ko na bahagya akong siniko. "Relate ka sa kanila?" Tanong nito habang puno ng pagkain ang bibig niya. Umiling lang ako bilang sagot, mukhang narinig naman siya nila Rika.
"Palibhasa kasi nasa labas ka lagi ng karinderya." Nakangiwing sabi ni Rika.
"Kailangan kasi pumunta ng palengke." Sagot ni Karlo.
"Sure ka na palengke pinupuntahan mo o yung kalandian mo?" Pagsabat ni Roel.
"Anong kalandian ka diyan?!"
"Eh sino si Vivian?!" Pagkokompronta ni Rika.
"Magsitahimik nga kayo nasa hapag-kainan eh." Reklamo ni Dino at tumingin sakin. "Ikaw Christian, huwag kang gumaya sa kanila, naku."
"Ay mali yan." Ani ni Roel. "Dapat matuto siyang magsalita lagi at makitungo sa ibang tao."
"Oo nga, pano magkakajowa yan?" Pagsang-ayon ni Rika.
"Hindi mahihirapan yang si chan-chan, ang gwapo kaya niya oh." Ani naman ni Karlo.
"Hindi niyo ako naiintindihan, ibig kong sabihin hindi dapat siya maging madaldal kagaya niyo." Pagpapaliwanag ni Dino at tumingin ulit sa akin. "Oo nga pala, wala ka bang napupusuan ngayon?" Tanong niya.
"Napupusuan?" Tanong ko pabalik sa kaniya.
"Wala kang napupusuang babae Channy? Or nagugustuhan?" Tanong ulit ni Roel. Noong una nalilito pa ako sa iba't-ibang agnay nila sakin, minsan chan, chan-chan, channy o christian pero nasanay nalang ako.
Umiling ulit ako bilang sagot. "Kailangan yun?" tanong ko kaya nagkatinginan silang lahat sa isa't-isa.
"Eh wala kang balak magkapamilya?" tanong naman ni Rika.
Pamilya, muli na namang sumagi sa isipan ko ang mga pangyayari noon at ang lumang litrato ni mama at kamao ni papa. Umiling ulit ako bilang sagot sa tanong ni Rika, ayoko ng pamilya.
"Eh baka di babae gusto nito." Ani ni Roel at napangiti, tumitig naman ito sa akin deritso sa aking mga mata. "Alam mo Channy, matagal-tagal na nga tayong nagsasama rito at ni minsan hindi natin magawang mag-usap ng masinsinan, ngayon na ang pagkakataon na sabihin mo sa akin ang iyong tunay na nararamdaman- Aray! Puta naman Rika oh!" daing nito ng pinalo siya ni Rika ng kutsara.
"Sa tingin mo magkakagusto yan sayo? Ogag kaba?" Ani ni Rika.
"Wala ka bang standard diyan chan-chan? Ano para sayo yung wife material?" Tanong naman ni Karlo.
"Wow wife material, saan mo natutunan yan?" Tanong ni Roel.
"Syempre kay Vivian! Kanino pa ba?!" Pangbabara ni Rika.
"Ah! Tama na yan, kumain na tayo." Ani ni Dino. "Pero chan, baka kailangan mo rin ng kasangga sa buhay, mag-isip ka ulit." Tugon niya.
Tumango naman ako kahit wala talaga akong plano sa mga pinagsasabi nila, kaya ko naman ang sarili ko.
_
Kasalukuyan kong tinatahak ang kahabaan ng kalsada, napadaan ako sa isang maliit na tulay kung saan may sapa sa ilalim nito kita ko pa ang palutang-lutang na mga basura. Kumulang sa mga pampalasa yung mga pinamili nila Karlo at Mang Juan kaya napag-utusan ako ulit ni Aling Terisita. Hindi naman kasi masyadong malayo ang palengke, kaya parin itong lakarin. Gumagamit lang ng tricycle sila Karlo dahil madami pinamimili nila.
Alas otso na rin ng gabi kaya hindi na masyadong matao, kaunti nalang rin ang dumadaang sasakyan dito. Napadaan ako sa isang nightclub, rinig na rinig ko pa ang ingay mula sa loob.
Ilang kanto lang ang dinaanan ko at deritso na pinamili ang mga nasa listahan katapos ay agad kong tinahak ang daan pabalik, mag-aalas nuwebe na rin. Hindi kagaya kanina, halos wala nang dumaan na sasakyan, wala na ring katao-tao rito. Nang malapit na ako ng tulay tumigil ako sa paglalakad.
"Kinalimutan kahit nahihirapan! Para sa sariling kapakanan!"
May isang babaeng nakatayo sa gilid ng tulay, parang hindi naman siya nagbabalak tumalon. May hawak itong canned beer at winawagayway pa habang sumisigaw. Alam kong kanta yun, naririnig ko yun minsan kung nagpapatugtog sila Roel sa karinderya. Kung may tenga lang ang sapa at tulay malamang ito ang pinakamapait nilang gabi dahil sa babaeng to.
"Kinalimutan kahit nahihirapan! Mga oras na hindi na mababalikan!" sigaw ulit nito.
Sa kabila ng tulay nalang ako dumaan para makalayo sa kaniya, mula ata siya doon sa nightclub na malapit dito. Nasan kaya kasama nito? Wala man lang umaalalay sa kaniya. May iilang motorista ring napapatingin sa kaniya.
"Pinagtagpo! Ngunit hindi itinadhana!" Rinig ko ulit na sigaw nito habang linalagpasan siya.
Lumalalim na ang gabi, delikado na ang daan para sa mga kagaya niya baka may mga adik na mapagtripan siya. Napatigil ako sa paglalakad at bahagyang napatingin sa babae.
"Puso natin ay hindi sa isa't-isa!" sigaw ulit nito at winagayway ang kaniyang beer.
Napabuntong hininga nalang ako, siguro may tutulong naman sa kaniya kahit mga kaibigan niya lang. Pero kung ganon dapat hindi nila ito hinayaang ganito na nagwawala sa tulay. Siguro kahit ibang tao mula sa nightclub? Pero baka mga lasing lang din at pagtripan siya.
Napabuntong ulit ako ng hinga, itong babae naman kasi. Tumawid ako sa kabila ng tulay at nilapitan siya.
"Hindi na maibabalik and dati nating pagsasama!" napangiwi ako ng mas malapitan kong narinig ang sigaw niya.
"Miss?"
Napatigil ito at tumingin sa akin, binaba niya rin ang kaniyang hawak na beer. Madilim ang paligid at tanging kahel na ilaw lang ng streetlight ang nagpapaaninag dito ngunit kita parin ang pamumula ng kaniyang mukha, parang bumibigat na rin ang kaniyang tulikap na tila pagod na at gustong pumikit, namumugto naman ang kaniyang mga mata na tila kumikinang bakas na rin ng mga luhang nagbabadyang tumulo.
"Sino ka?" Tanong nito, paos na ang boses niya ngunit nakapapawi parin itong pakinggan. Doon ko lang din napagtanto na wala pa akong maisip na sasabihin. Titigilan ko ba siya sa kasisigaw? Papauwiin? Hindi ko alam.
"Tahan na." Wala sa isip kong sinabi, kusa nalang lumabas mula sa aking bibig. Nakita kong sunod-sunod na tumulo ang mga luha niya.
Napamura ako sa isip, di ko na alam ang gagawin.