Chapter Two
Zoe's perspective
Nagising na lamang ako sa napakalawak na kwarto, nang mapagtanto ko na nakahiga ako sa isang malaking kama ay agad akong napaupo, halos sinilip ko pa ang katawan ko sa ilalim ng kumot na nakabalot sa akin, at agad akong napabuntong-hininga ng napakalalim, ramdam ko ang ginhawa sa loob ko nang makita kong may suot-suot pa rin akong damit. Akala ko ginahasa na ako ng mga dumakip sa akin. Hindi ko alam kung ilang oras na ba akong walang malay.
Nang tumayo ako ay nakaramdam ako ng bahagyang pagkahilo, hindi ko alam kung bakit, pero sa tingin ko ay dahil may tama pa rin ang gamot na nasa panyong iyon sa akin. Gusto ko mang maupo pero kailangan kong makaalis sa lugar na ito.
Agad akong nagtungo sa pintuan ngunit nang subukan kong buksan ito, napagtanto kong naka-lock ito mula sa labas.
Nakaramdam ako ng takot at pilit kong binuksan ang pinto pero ano mang pilit ko wala rin naging saysay. I'm in panic kaya naman agad akong lumapit sa bintana pero laking gulat ko nang makita kong napakataas pala ng kwartong kinaroroonan ko. Gusto ko mang tumalon ay tiyak mababalian ako ng buto at kung nagkataon madali lang akong huliin ng mga kidnapper at hindi mapapadali sa akin ang sumubok na tumakas muli kung may bale ako.
Tumingin ako sa paligid para sana humingi ng tulong pero puro puno lamang ang nakikita ko, kaya naman, palagay ko nasa isang private property ako. Wala akong makitang kalsada mula sa bintanang ito.
"Anong gagawin ko?" nasa isip ko habang ramdam ko ang kaba sa puso ko. Bumagsak ang mga luha mula sa aking mga mata, hindi ako makapaniwalang nakidnap ako, at hindi ko man lang alam kung nasaan ako o kung sino ang nagpakidnap sa akin, maging ang dahilan ng pagpaparito ko. Ang tanging hiling ko na lang ay ang marelaize sana agad ng tatay ko o kaya ni Kurt na nawawala ako.
Nanlambot ang mga tuhod ko sa takot at naupo ako sa kama nang biglang narinig ko ang pagbukas ng pinto. Agad akong gumilid at rinig ko ang bilis ng tibok ng puso ko habang inaabangan kung sino ang taong nagbukas ng pinto.
Maya't maya pa ay isang matandang lalaki na sa palagay ko ay nasa edad 40 o 50 pataas ang tumambad sa harapan, maputi, matangkad at kahit matanda na ay may hitsura pa rin ito. Well, kasunod niya ang dalawang naglalakihang lalaki na nakasuot ng itim na damit, mukha silang bodyguards ng matandang ito. Tinitigan ko silang dalawa, isa sa kanila ang lalaking nagpunta sa bahay namin. Tumayo lamang ang dalawa sa magkabilang gilid ng pintuan habang ang matanda ay palapit akin.
Napaatras ako mula sa kama, takot pero wala akong matakbuhan, hindi ko alam kung anong balak niyang gawin pero naglakas loob akong magsalita, "Sino ka? At anong kailangan mo sa akin?!" nanginginig kong tanong habang nakatitig sa matanda.
"I'm Herbert Shaw, and to answer your question, you're here because your father used you as a collateral to his debt. Ikaw ang kabayaran sa lahat ng utang niya na hindi niya na kayang bayaran," paliwanag nito.
Nanlaki ang mga mata ko, nagulat ako sa mga sinabi niya. Pero hindi ako naniniwala, hindi iyon kayang gawin ng kinilala kong ama sa akin. Hindi siya ganung klaseng tao!
"Ipinambayad ako ng amain ko? Nagkakamali kayo, baka mali kayo ng taong kinuha, hindi iyon magagawa ng tatay ko," naiiyak kong sabi. Bagama't ayaw kong maniwala, hindi ko pa rin maitatanggi na labis ang kaba ko sa pwedeng mangyari sa akin.
Bumuntong-hininga ang matanda at saka tumitig sa aking mga mata, "You're Ms. Zoe Reyes, and your stepfather, Albert Cruz, right? Ngayon sabihin mo sa akin na nagkamali ako ng taong dinakip?" sabi niya. Napahawak ako ng mahigpit sa kumot na nasa tabi ko at takot na tumitig sa kanya. Alam niya ang buong pangalan ko at ang amain ko, nagpapatunay lamang na may posibilidad na totoo ang sinasabi niya. Pero paano kung gawa-gawa lamang ng matandang ito ang lahat? Hindi ako magpapaloko.
"Hindi! Hindi magagawa ng tatay ko iyon!" sigaw ko at bakas sa mukha niya ang pagka-irita, hindi siya nagsalita bagkus tinawag niya ang isa sa bodyguards niya at may inabot itong isang brown envelope sa kanya.
"Heto, basahin mo," sabi ng matanda at nilapag ang envelope sa may harapan ko, agad ko naman kinuha iyon upang maibsan ang pagtatakang tumatakbo sa isipan ko ngayon.
Binasa ko ng mabuti ang nakasulat sa isang papel at kitang-kita ng mga mata ko ang pirma ng aking amain na nasa hulian, at tulad nga ng sinasabi ng matandang ito nakasaad dito na ako ang magiging kabayaran o ang buhay niya sa milyong inutang niya sa araw na hindi niya iyon nabayaran sa takdang oras. Hindi ako makapaniwala, paano nagkautang si papa ng ganitong halaga? Kilalang-kilala ko ang pirma niya, at sinasabi ng dokyumentong ito na tama ang matandang nasa harapan ko ngayon.
"Hindi! Hindi ito totoo!" sigaw ko, hindi ko kayang tanggapin, napakasakit. Pinunit ang papel na hawak ko at saka itinapon iyon sa sahig.
"Punitin mo man iyan, marami akong kopya. Maniwala ka man o hindi, wala akong magagawa. Kung gusto mo tanungin mo mismo ang tatay mo at nang marinig mo mismo sa labi niya ang katotohanan!"
Parang akong binagsakan ng langit at lupa, ang kinilala kong tatay na akala ko ay mahal ako ay ibinayad ako sa matandang ito. Halos manghina lahat ng buong katawan ko, wala akong magawa kundi ang umiyak. Para akong lantang gulay at hindi ko na alam ang dapat na gawin.
"Palagay ko ay natauhan ka na din," sabi ng matanda.
"Anong kailangan mo sa akin? Bakit ako?!" tanong ko habang humahagulhol pa rin sa sakit, hindi ko matanggap na nagawa ito ng amain ko. Bakit? Bakit?
"Isa lamang ang dapat mong malaman, ikakasal ka, iyon ang kabayaran para sa nautang na tatay mo," sabi niya.
Kasal? Bigla akong napahinto sa pag-iyak. Tumitig ako sa matandang nasa harapan ko. Hindi ako makapaniwala na iyon ang gusto niyang mangyari... ang pakasalan ko siya? Ano naman makukuha niya sa akin? Tila nanlamig ang buong katawan ko. Ano pa nga ba ang maaari niyang gawin? Ang pilitin akong matulog kasama niya? Hindi! Nilukob ng takot ang dibdib ko sa mga iniisip ko.
"Kasal? Hindi, hindi ako papayag," sigaw ko, hindi ako papayag na ikasal sa matandang ito, hindi... hindi maaari.
"Sa ayaw at sa gusto mo, pakakasalan mo ang anak ko, kung hindi buhay ng amain mo ang kapalit! Naiintindihan mo ba ako, Zoe Reyes?"
Para akong estatwa na nakatitig sa kanya, natatakot ako sa maaari niyang gawin sa amain ko, oo, galit ako, galit na galit ako dahil sa ginawa niyang ito pero ang mamatay siya, hindi ko kaya, hindi ko kayang mawalan ulit ng pamilya, siya na lang ang meron ako pero... Napapikit ako sa sobrang sakit.
Matapos kong manahimik ay lumapit ako sa matanda at lumuhod sa harapan niya, "Parang awa mo na, babayaran ko ang lahat ng utang ng tatay ko sa oras na magkapera ko, hindi man ngayon pero babayaran ko kayo, ipinapangako ko," pagmamakaawa ko pero tila hindi man lang nakramdam ng awa ang matandang ito.
"Tumayo ka jan, kahit magmakaawa ka pa o umiyak ng dugo, hindi magbabago ang desisyon ko, papakasalan mo ang anak ko, iyon lamang at wala ng iba," seryosong sabi niya at tinalikuran ako pero bago pa man siya makaalis ay niyakap ko ang paa niya at pilit pa ring nagmamakaawasa kanya.
"Parang awa mo na, hayaan niyo na lamang akong umalis," pagmamakaawa ko pero hindi ito tumugon at bigla na lamang akong hinila ng dalawang lalaking kasama niya pero nagpupumiglas pa rin ako. Ayaw ko siyang bitawan pero tila wala na ata akong lakas. Kinain na ako ng sakit at awa ko sa sarili ko.
Isinara nila ang pinto at patuloy ako sa pagkabog dito.
"Parang awa niyo na pakawalan niyo ako. Ayoko dito! Parang-awa niyo na!" paulit-ulit kong sigaw pero walang nakikinig, halos mamula na ang mga kamay ko sa kakakatok, at wala akong pakialam kung dumugo man ito, dahil ang alam ko lang ay gusto kong umalis sa lugar na ito.