Chapter 1
Zoe's Perspective
Isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ko nang umuwi ako ng bahay pagkatapos ng trabaho ko bilang isang waitress sa isang retaurant.
"Bakit ba nandito ka ulit? Hindi ba't pinalayas na kita?" sigaw sa akin ng aking amain.
Napahawak ako sa nang-iinit kong pisngi. Napakalakas ng sampal niya na halos ramdam na ramdam ko ang init ng pamumula ng pisngi ko. Gusto kong umiyak pero ginawa ko ang lahat para pigilan ang luha ko sa pagpatak dahil tiyak na mas magagalit ulit siya kapag nakita niya akong umiiyak. Halos mapakagat ako sa labi ko mapigilan lamang ang hikbing nagbabantang kumawala sa bibig ko.
Nanginginig ang mga kamay niya at pulang-pula ang mukha niya. Lasing na naman siya, nasanay na ako doon dahil walang araw ata na di siya naglasing matapos mamatay ng aking ina. Napapikit ako at sinubukang labanan ang sakit na nararamdaman ko. At nang ibukas ko ang mga mata ko ay bigla naman akong tinalikuran ng aking ama at rinig ko ang mga kung anu-anong binubulong niya. At isa na doon ay ang kagustuhan niyang mawala na ako.
Napakasakit man sa dibdib pero hindi ko na lamang siya pinansin at naghain ako ng kanin at saka hinanda ang tinake-out kong ulam galing sa pinagtratrabahuan ko at ang soup na binili ko na pampawala ng lasing niya kahit papaano, dahil alam kong kailangan niyang pumasok ng maaga bukas at hindi makakatulong sa kanya kung may hang-over siya. Nang matapos na akong magluto ay tinawag ko ang amain ko para kumain at maibsan ang alak sa kanyang katawan.
"Pa, kain na po," mahinanong sabi ko sa kanya na nakaupo lamang sa may gilid at halatang nahihilo pa. Tinignan niya lamang ako ng masama at inaasahan ko ng gagawin niya iyon.
Napakaliit lang ng aming bahay may tatlong maliliit na kwarto na tila kama lang ata ang kakasya sa bawat kwarto at ang sala namin ay siyang nagsilbing kusina rin namin.
Tumayo ang aking amain at saka lumapit sa munting lamesa namin, natuwa naman ako dahil sawakas ay sasabayan niya na akong kumain, napakatagal na ata nang nagsalo kaming kumain. Pero para akong nilulunod sa napakalalim na dagat at halos hindi ako makahinga nang biglang itapon ni papa ang hinanda kong pagkain.
Bigla na lamang siyang nagwala at pinagtutumba ang mga lamesa at upuan namin.
"Pa, tama na po," hindi ko na mapigilan ang umiyak habang pinipigilan ko siya sa pagwawala niya.
"Hindi ba't sinabi kong ayaw na ayaw kitang nakikitang umiiyak sa harapan ko? Dahil kahit umiyak ka pa ng dugo hinding-hindi kita kakaawaan!" sigaw niya sabay hila sa kwelyo ko at pinisil ang pisngi ko.
Nasasaktan ako at hindi ko iyon masabi dahil sa labis na higpit ng pagpisil niya dito. Tanging mga luha ko na lang ata ang nagmamakaawang bitawan niya ako.
Ilang sandali ay tinulak niya ang mukha ko at natumba na lamang ako sa sahig at halos humagulhol ako sa iyak. Nairita si papa sa pag-iyak ko at nakita ko siyang binuhat ang upuang itinumba niya kanina. Itinaas niya ito at nang magpagtanto kong ihahampas niya iyon sa akin ay napapikit ako ng husto.
Isang malakas na kabog ang narinig ko ngunit wala naman akong naramdamang tumama sa akin. Dahan-dahan kong binuksan ang mga mata ko at nakita ko si papa na nakahiga na sa sahig at sa tabi niya ay nadoon si Kurt, ang boyfriend ko, nakatayo siya at nanginginig ang nakabilog niyang mga kamao.
"Kurt, anong ginawa mo?" sabi ko habang nilalapitan ang walang malay kong amain.
Napabuntong-hininga naman siya at lumuhod siya para yakapin ako. Ramdam ko ang kaba niya sa bilis ng pintig ng puso niya. Napakahigpit ng yakap niya sa akin.
"Hindi mo dapat siya hinahayaang saktan ka," bulong niya at napayakap ako sa kanya at tuluyan ng iniyak ang sakit na kanina ko pa pinipigilan.
"Tahan na," sabi niya at saka kumawala sa pagyakap sa akin. Kita ko ang pagpatak ng luha niya at pinunasan ko ang mga iyon.
"Hindi ka na dapat dumating, Kurt!" sambit ko, at alam kong nainis siya sa sinabi ko. Bigla na lamang siyang tumayo at binuhat ang amain ko sa kwarto nito. Matapos niyang balutin ito ng kumot ay hinila niya ako palabas ng bahay.
"Zoe, hanggang kailan mo ba titiisin ang amain mo?" malungkot niyang tanong.
"Hindi ba ipinaliwanag ko na sa'yo 'to?" mahinang sagot ko.
"Ayan na naman tayo eh, Zoe, hindi na tama ang ginagawa niya sa'yo naiintindihan kong nasaktan siya sa pagkawala ng nanay mo, pero hindi ka niya dapat tratuhin ng ganito? Hindi na uubra sa akin ang rason mong magagawa mo pang ibalik sa dati ang lahat. Ang ibalik ang dating pagmamahal niya sa'yo," huminto siya at hinawakan ang mga balikat ko atsaka tumingin ng diretsyo sa aking mga mata.
"Zoe, halatang-halata na oh, minahal ka lang niya noong buhay pa ang mama mo, kung talagang minahal ka niya hindi sana ganito ang trato niya sa'yo, hindi sana ganito ang nararamdaman mo. Kahit ngayon lang, mahal, kahit hindi para sa akin, kundi para sa'yo, maawa ka naman sa sarili mo," pagpapatuloy niya.
"Pero, Kurt! Siya na lang ang natirang pamilya ko. Oo, hindi ko siya tunay na ama, pero hindi totoong hindi niya ako minahal, dahil naramdaman ko noon na mahal niya ako, inalagaan niya ako na parang tunay niyang anak! At hindi ko siya kayang iwan dahil alam kong maibabalik ko pa ang dati. Dahil mahal niya ako!" iyak ko at bigla siyang sumimangot. Alam ko na ang hitsurang iyon, he's disappointed.
"Noon iyon, Zoe .Sana maintindihan mo iyon. Kung hindi pa ako dumating baka napaano ka na. Zoe naman, ayaw kong may mangyari sa'yo kaya makinig ka naman sa akin oh. Lumayo ka na dito, hayaan mo na ang tatay mo. Parang-awa mo na ayaw kong nakikita kang ganyan, halos limusin mo na sa kanya ang pagmamahal niya," sabi niya.
"Patawad, Kurt, pero hindi ko kayang..."
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil bigla niya ako binitawan at tinalikuran. Aalis na sana siya pero hindi ko kayang hayaan siyang umalis na hindi kami nagkakaayos kaya naman agad ko siyang niyakap mula sa likod at hinawakan niya naman ang kamay ko para tanggalin ang pagkakagapos ng mga ito sa kanya, pero mas hinigpitan ko pa ang yakap ko at sinubsob ko ang mukha ko sa likod niya.
"Zoe, please... hayaan mo muna ako..." mahinahong sabi niya pero hindi ko siya pinakinggan. Alam kong nasasaktan siya.
"Kurt, alam kong nag-aalala ka lang sa akin... pero huwag ka namang magalit sa akin 0h."
"Zoe, naman, paulit-ulit na tayo. Ano pa't naging boyfriend mo ako kung hindi mo naman ako kayang pakinggan kahit minsan lang," sabi niya.
"Sige, sige na, pero hayaan mo lng akong subukan pa kung hindi ko na talaga mababago si papa pangako aalis na ako ng tuluyan," sagot ko at bigla siyang humarap sa akin.
"Subukan pa, Zoe? Tapos ano susuko ka na lang kapag may malala ng nangyari sa'yo? Kapag halos mag-agaw buhay ka na? Zoe, alam mo ba kung gaano ako takot na takot kung anong pwedeng mangyari sa'yo? Iniisip mo man lang ba ako? Naiisip mo ba 'tong nararamdaman ko?" galit na sabi niya.
"Kurt," bulong ko.
"Please, Zoe, tama na. Ayaw kong may masabi sayong hindi maganda kaya pabayaan mo muna ako, please..."
Naiyak na ako ng husto nang lumayo siya sa akin ngunit maya't-maya na lang ay naramdaman ko ang pagbalot niya ng malalaking mga braso niya sa akin.
"Tahan na! Alam mo naman na hindi kita kayang tiisin, pero sana naman makinig ka naman sa akin, mahal kita Zoe. Kaya please, pakinggan mo naman ako, kahit ngayon lang," sabi niya.
Hindi na ako nagdalawang isip pa at niyakap ko din siya ng mahigpit, napakaswerte ko sa kanya dahil hindi siya nagsasawang intindihin ako, "Sige, bigyan mo lang ako kahit tatlong araw lang, aalis na ako dito."
"Talaga?" sabi niya nang binitawan niya ako at tumango naman ako. Alam kong mahirap sa akin na iwananan ang amain ko, pero hindi ko rin kayang mawala ang kaisa-isang lalaking tinanggap at minahal ako ng buong-buo. He's one in a million, hindi man siya mayaman na tulad ng hinahanap ng karamihan sa mga babae, pero isa siyang tapat at mapagmahal na lalaki, kaya di ko hahayaang masira kami dahil lang sa ganitong pag-aaway namin.
*****
Matapos nang pag-uusap namin ni Kurt ay sinamahan niya akong iligpit lahat ng kalat na ginawa ni papa, binilhan niya din ako ng pagkain dahil alam niyang gutom ako, pagkatapos nun ay umuwi na siya at hinayaan niya muna akong magpahinga. Hindi ko alam kung bakit sa kabila ng lahat ng pagsuway ko sa kanya, nanatili pa rin siyang nanjan para sa akin.
Nagdasal ako bago ako natulog pinagdadasal ko na sana maging maayos ang lahat bago ko pa man maisip na umalis na nang tuluyan.
Nang magising ako ay wala na ang tatay ko, napakaaga niyang umalis para sa trabaho, isa siyang construction worker, oo, mahirap lang kami pero masaya kami, pero noon iyon.
Pinigilan ko ang mga luha ko at naghanda na lamang ako para sa pagpasok ko sa trabaho. Nagmamadali akong lumabas ng biglang may dalawang matangkad na lalaki ang siyang tumambad sa akin. Nakasuot sila ng itim na suit at may nakaparadang isang puting SUV sa may likuran nila. Bigla na lamang akong kinabahan pero hindi ko iyon pinahalata.
"Ano po iyon?" tanong ko.
"Ma'am kailangan niyo pong sumama sa amin," sabi ng nasa bandang kanan na lalaki.
Mas lalo akong kinabahan sa sinabi niya.
"Bakit po? Pasensiya na po pero kailangan ko na pong umalis," sabi ko.Nagmadali na ako ngunit nang akmang aalis na ako, bigla na lamang akong hinawakan ng lalaki at hindi ako nakasigaw dahil tinakpan nito ang bibig ko habang may hawak na isang itim na panyo. At walang kapit bahay ang makakakita sa amin dahil natakpan ang munti naming bahay at ako ng SUV nila, at kahit pa magawa kong sumigaw, duda akong maririnig nila agad ako dahil may kalayuan din ang bawat pagitan ng mg bahay dito sa lugar namin.
Sinubukan kong pumalag ngunit kahit anong panlalaban ko ay wala akong laban sa lakas at pwersa ng nga lalaking ito.
Maya't maya pa ay bigla na lamang akong nasa loob ng van at unti-unti akong nakaramdam ng pagkahilo.
"Diyos ko! Anong nangyayari, kinikidnap ba nila ako? Pero bakit ako?" nasa isip ko nang tuluyan ng humihina ng humihina ang pandinig ko at nandilim na ng tuluyan ang paningin ko.