webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · สมัยใหม่
Not enough ratings
165 Chs

Walang Sagot Kung Bakit Mahal Kita

Pakiramdam ni Lin Che ay umakyat ang lahat ng kanyang dugo papunta sa ulo niya, dahilan kung bakit parang sasabog na ito sa loob.

Hindi niya pa rin maunawaan kung ano ang nangyayari. Nang muli niyang maramdaman ang pagdikit ng labi nito sa kanyang labi ay doon niya lang napagtanto ang lahat.

Hinalikan siya nito...

At hinahalikan pa rin siya nito ngayon...

Halos ubusin na nito ang lahat ng hangin sa kanyang katawan kaya't hindi na siya makapag-isip pa ng ibang bagay.

Malayang nakapaglalaro ang dila nito sa loob ng kanyang bibig. Sa isang malakas na paghigop nito, pakiramdam niya ay nagsi-atrasan ang mga dugo sa kanyang katawan na halos manigas na siya sa sobrang pamamanhid...

Nanlaki ang mga mata ni Lin Che. Napakalapit ng mukha ni Gu Jingze sa kanya at habang tinititiga niya ito, may init na sumakop sa kanyang katawan. Dahil sa init na lumulukop sa buo niyang pagkatao, bigla niyang nakalimutan ang sakit na kanina niya pa iniinda.

Napahawak siya sa kamay nito na dahilan upang lalong sumidhi ang pag-alab ng apoy sa kanyang katawan dahil sa init na nagmumula sa kamay nito. Hindi na niya muling naalala pa ang sakit mula sa kanyang sugat dahil sa sumisidhing apoy.

Hanggang sa binitiwan na nito ang kanyang labi.

Sa isip ni Gu Jingze ay hindi pa rin nagbabago ang matamis nitong halimuyak.

Bagama't naghiwalay na ang kanilang mga labi, naiwan pa rin doon ang matinding pagnanasa...

Marahil ay dahil sa matinding adrenaline kaya't nanatili lang gising si Lin Che kahit sa kabila ng maraming dugo na nawala sa katawan nito. Ngunit, nang tumayo na ang doktor para sabihin na tapos na nitong tahiin ang kanyang sugat, noon lamang siya nakaramdam ng antok at maya-maya lang ay biglang naglupaypay ang buo niyang katawan.

Nang magising na siya, nakita niya ang napakaraming mga kulay-bughaw na tubo sa kanyang paligid. Ito ay mga apparatus na ginamit para sa kanyang operasyon.

Nakaramdam naman siya ng takot kaya pinilit niyang tumayo. Ngunit, nagalaw niya ang kanyang sugat at bigla siyang nakaramdam ng sobrang sakit. Samantala, napansin niyang may nakahawak sa kanyang kamay.

Noon niya lang nakita si Gu Jingze na nakayuko ang ulo sa may gilid ng kama at natutulog.

Dahil sa marahan niyang paggalaw, kaagad itong nagising. "Ano'ng nangyari?" Nag-aalalang tiningnan niya ito. "May masakit ba sa iyo?"

Mukha itong pagod na pagod. Hindi maiwasan ni Lin Che na mag-isip kung sinamahan ba siya nito doon nang magdamag.

Mabilis namang sumagot si Lin Che, "Wala, wala. Nahila ko lang nang kaunti ang sugat ko."

Nang marinig ito, kaagad namang tumayo si Gu Jingze at itinaas ang kumot para tingnan ang kanyang sugat.

Mahigpit pa rin ang pagkakabenda nito at tiyak na hindi na lilikha pa ng kahit anong komplikasyon.

Nagpakawala siya ng malalim na hininga at sumimangot kay Lin Che. "Mag-iingat ka nga. Wag kang basta-bastang gagalaw."

Kagabi, panay ang bulong nito maya't-maya at halatang iniinda ang sakit sa kanyang tinig kaya't lalong hindi mapanatag si Gu Jingze.

Wala siyang ibang magawa kundi ang hawakan na lang ang kamay nito at tabihan sa loob ng magdamag. Mag-uumaga na nang makaramdam na ng pagod ang kanyang katawan at hindi na namalayan na nakatulog na pala siya.

Hindi matiis ni Qin Hao na tingnan ito na ganoon ang hitsura kaya't sinabi nito na doon siya matulog sa katabing kwarto. Ngunit pag gagalaw siya nang bahagya, kaagad naman itong umuungol nang ilang ulit dahil sa sakit.

Kaya, itinaas na lang niya ang kanyang kamay at sinenyasan si Qin Hao na lumabas. Hindi siya umalis doon at magdamag na binantayan lang siya.

Mabuti na lang at sinabi ng doktor na bagaman nahiwa nang kaunti ang pangunahing arterya nito, ay tumigil na ang pagdudugo mula dito. Pagkatapos lang ng ilang araw na medikasyon ay gagaling na ito agad, ani ng doktor.

Sinabi rin ng doktor na napakadelikado raw ng naging sitwasyon nito dahil ang kanyang pangunahing arterya ang natamaan. Kung hindi raw dahil sa maagap na paggamot, maari niya raw itong ikamatay agad.

Pakiramdam naman ni Lin Che ay malakas na siya habang nililibot ang tingin sa mamahalin niyang VIP na kwarto. Kung wala ang mga apparatus na iyon, mukha lang itong isang ordinaryong ward. Sigurado siya sa sarili na magaling na siya. Pagkatapos magpakawala ng buntung-hininga ay may bigla siyang naalala. "Oh no... ano nga pala ang nangyari sa mga titulo ko?"

HIndi naman makapaniwala si Gu Jingze sa kanya. "Hindi ko alam."

"Hindi pwede!"

Naitapon niya ito sa loob ng kotse dahil sa sobrang pagkabigla. Bakit naman walang kahit isa ang kumuha dito para sa kanya?"

"Bakit ba nangyari 'to? Napakahalaga nun sa'kin."

Tiningnan siya nang malalim ni Gu Jingze. "Okay, fine. Kung ganiyan pala kaimportante ang mga 'yon, bakit hindi mo ito hinawakan nang mahigpit at iniligtas? Itinapon mo nga lang ang mga iyon at niyakap mo ako."

Sa totoo lang, parang gusto niyang humingi ng tawad dito. Hindi niya talaga inaasahan na ganoon ang gagawin nito.

Napakurap si Lin Che. "Nakalimutan ko ang mga nangyari. Siguro, naitapon ko iyon dahil sa pagkabigla."

"Huwag mo ng gagawin pa ulit iyon. Napakadelikado."

"Oo naman. Natuto na ako ngayon at alam ko na ang gagawin sa susunod. Nagawa ko lang iyon dahil first time kong maranasan ito, at hindi ko alam kung saan ako magtatago."

Napailing naman si Gu Jingze.

"Oh, oo nga pala. Pwede bang maipagawa ulit ang mga iyon?"

"Oo naman. Kung sa'yo nakapangalan ang mga 'yon, then, sa'yo na talaga ang mga iyon."

"Mabuti naman kung ganoon". Parang nahimasmasan si Lin Che.

"Okay, mukhang-pera. At dahil okay na 'yang problema mo, oras naman para kumain ka na."

Sinabi rin ng doktor na pwede na siyang kumain kapag magising siya, kaya tumawag kaagad siya sa kanilang bahay at nagpaluto ng makakain nito.

Ngayong gising na siya, nag-utos siya ng isang tauhan para dalhin ang pagkain dito. Pero, gusto pa rin nitong gumalaw, kaya kaagad niya itong pinaupo. "Susubuan kita. Diyan ka lang."

Hindi naman makapaniwala si Lin Che dito.

Nakahanda na ang pagkain sa isang maliit na mesa. Kinuha ni Gu Jingze ang kutsara at maingat na kumuha ng lugaw. Hinipan niya muna ito bago isinubo kay Lin Che.

Mataman namang nakatingin sa kanya si Lin Che. Nakatingin ito sa kanyang mga galaw na napakapino mula pa man sa simula. Hindi nito mapigilang mapangiti.

Ibinuka ni Lin Che ang kanyang bibig at nilunok kaagad ito, pero hindi niya napansin na nakagat niya pala ang kutsara.

Napakunot naman ang noo ni Gu Jingze. Habang nakatingin sa labi nito, mas mapula na ito ngayon kaysa kahapon at medyo basa na dahil sa kinakaing lugaw. Parang biglang nanuyo ang kanyang lalamunan nang dumako ang tingin niya doon.

"Oh... sorry," kaagad nitong dispensa pagkatapos lunukin ang kinakain at walang napansing kakaiba kay Gu Jingze.

"Magdahan-dahan ka naman sa pagkain."

Bagama't medyo naiinis ang boses ni Gu Jingze, itinaas niya pa rin ang kanyang kamay para punasan ang ilang butil ng bigas na nakadikit sa gilid ng labi nito.

Nang oras ding iyon, biglang tumunog ang kanyang cellphone na inilagay niya sa isang tabi.

Dahil dito, ibinaba ni Gu Jingze na hawak na mangkok at tiningnan ang kanyang cellphone.

Tumatawag si Mo Huiling.

Tiningnan niya muna si Lin Che bago lumabas para sagutin ang tawag.

Napatigil naman si Lin Che. Habang tinitingnan ang pinto na magsara, nasabi niya nalang sa sarili na 'hindi na kailangang hulaan pa kung sino ang tumatawag.'

Nang sagutin ni Gu Jingze ang tawag, narinig niya ang nag-aalalang boses ni Mo Huiling.

"Jingze, bakit hindi ka dumating kagabi? Hindi mo rin sinasagot ang mga tawag ko."

Tumunog nang isang beses ang kanyang cellphone kagabi pero nang mga oras na iyo, kasalukuyang nasa coma si Lin Che. Nag-alala siya na baka maabala nito ang pagpapahinga ni Lin Che, kaagad niyang iniutos kay Qin Hao na ilabas mula sa kwartong iyon ang kanyang cellphone.

Nang marinig niya ang pagdaramdam sa boses ni Mo Huiling, kaagad niya itong kinausap. "May bigla lang nangyari kagabi kaya hindi ako nakapunta."

"Wala akong pakialam kung ano man ang nangyari, Gu Jingze. Kung sa ibang araw 'yan nangyari, okay lang sana. Pero, birthday ko kahapon. Paano mo ako natiis na maghintay sa'yo nang mag-isa at nang ganoon katagal?"

Alam na ni Gu Jingze na madaling umiyak itong si Mo Huiling. Pero, nang marinig niya itong umiyak ng oras na iyon, hindi niya maiwasang ikumpara ito kay Lin Che. Hindi iyakin si Lin Che. Bagaman sobra-sobra ang nararamdaman nitong sakit kahapon na halos isipin na nito na mamamatay na siya, hindi man lang ito lumuha nang kahit kaunti.

Sumagot naman dito si Gu Jingze. "Talagang biglaan ang nangyari kahapon, kaya hindi ako nakarating. I'm sorry, Mo Huiling. Pag magkita tayo, sasabihin ko ito sa'yo nang maayos."

"So, pwede ba tayong magkita mamayang gabi?" Bahagyang nanghina ang boses ni Mo Huiling.

Ilang sandali munang nag-isip si Gu Jingze bago sumagot. "Palagay ko, hindi rin pwede ngayon."