webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · สมัยใหม่
Not enough ratings
165 Chs

Sinasadya Ni Mo Huiling Na Dumikit Kay Gu Jingze

Tiningnan sila ni Mo Huiling. Matangkad si Gu Jingze at maliit naman si Lin Che sa tabi nito. Talagang napakasweet ng dalawa kung titingnan habang magkatabing naglalakad ang mga ito.

At may hawak pang maliit na bag si Gu Jingze sa kamay. Makikita sa bag na iyon ang pangalan ng shop: 'Carving Time'.

Malalaki ang hakbang na lumapit si Mo Huiling. Bigla niyang hinila ang braso ni Gu Jingze at tahimik na isiniksik ang sarili sa pagitan ng dalawa. "Jingze." Itinaas niya ang ulo at ngumiti kay Gu Jingze. Pagkatapos ay iniunat niya ang kamay dahil gusto niyang kunin ang bag na nasa kamay nito. "Ano iyang hawak mo? Gusto kong makita."

Inilayo naman ito ni Gu Jingze. "Wala lang 'to."

Nanlumo naman ang mukha ni Mo Huiling dahil sa ginawang paglayo ni Gu Jingze.

Tiningnan niya si Gu Jingze at lumabi. "Hindi ba't may kasama ka naman? Bakit kailangan pang ikaw ang magdala niyan? Tulungan na kita."

Napatingin na lang si Gu Jingze sa pwesto ni Lin Che.

Nakatayo lang ito habang nakatingin sa kanilang dalawa. Mahinahon lang ang ekspresyon ng mukha.

Sinabi ni Gu Jingze, "Hindi na kailangan; hindi naman 'to mabigat."

Hindi na makahanap pa si Mo Huiling ng ibang sasabihin. Ang tanging nagawa na lang nito ay pasimpleng lingunin at irapan si Lin Che.

Hindi alam ni Lin Che kung ano ba ang nagawa niya para mainis sa kanya nang husto si Mo Huiling kahit sandali pa lang silang nagkakakilala. Pero kung iisiping mabuti, hindi din naman mabuting pakinggan kung magustuhan siya ni Mo Huiling.

Tiningnan silang dalawa ni Mo Huiling, "Bakit kayo nandito?"

Sumagot si Gu Jingze, "Ah, napadaan lang kami. Galing kami sa mansiyon."

Muli ay tiningnan ni Mo Huiling nang masama si Lin Che. "Bakit naman naglalakad lang kayo?"

Sumagot muli si Gu Jingze, "Naglakad na lang kami total ay wala naman kaming ibang gagawin. Bakit ka nga pala nandito?"

Itinaas ni Mo Huiling ang ulo. Nagpapa-cute na tiningnan niya si Gu Jingze. Wala siyang pakialam kahit pa nandoon si Lin Che at nanonood sa kanila. "May gusto lang sana akong bilhin. Hindi ko naman inaasahan na makikita kayong dalawa dito. Jingze, nagkataong may malapit lang na café dito. Napakaganda din ng ambiance doon. Samahan mo akong pumunta doon para na rin makaupo, ha?"

Tumingin si Lin Che kay Gu Jingze. Wala siyang balak na agawin ang quality time ng dalawa. Ngunit bago pa man siya makapagsabi na 'hindi, mauuna na akong umuwi', bigla nalang hinablot ni Mo Huiling ang kanyang kamay na para bang magclose silang dalawa. "Tara na. Tayong tatlo ang pupunta doon at sandali lang naman tayo doon."

Wala ng nagawa si Lin Che. Hindi niya alam ang sasabihin na nilingon si Gu Jingze. Pero, hindi rin namamansin si Gu Jingze. Hindi niya alam kung ano ang iniisip nito.

Napasunod na lang din sa kanila si Lin Che.

Nang makaupo na sila, kaagad na tumabi si Mo Huiling kay Gu Jingze. Ngumiti ito at tinanong si Lin Che na nakaupo sa harap nila, "Ano nga pala ang gustong inumin ni Miss Lin?"

Sumagot si Lin Che, "Okay lang sa'kin ang kahit ano."

Sa totoo lang, hindi talaga siya mahilig sa kape. Hindi niya masabi ang pagkakaiba-iba ng mga flavors ng mga kape.

Tumawag na ng waiter si Mo Huiling. Direkta nitong sinabi, "Tatlong Jamaican Blue Mountain Coffees."

Ngumiti si Mo Huiling at nagsalita, "Tanging Blue Mountain Coffee lang talaga ang iniinom ni Gu Jingze. At talagang masarap naman talaga ang Blue Mountain Coffee sa shop na ito. Hindi ba, Gu Jingze?"

Alam ni Gu Jingze na sinasadya talaga ni Mo Huiling na dumikit sa kanya. Hindi niya mapigilang mairita dito.

Sinabi niya dito, "Kahit ano, okay lang."

Puno ng paglalambing na tiningnan ni Mo Huiling si Gu Jingze. "Jingze, medyo pumayat ka yata. Lagi ka bang pagod sa trabaho? Alam mo, kailangan mo ring magpahinga minsan. Huwag kang masiyadong magbabad sa trabaho. Mas mahalaga pa rin ang kalusugan mo."

Naramdaman naman ni Gu Jingze ang kamay ni Mo Huiling sa kanyang braso. Hindi maganda ang kanyang naramdaman kaya sinubukan niyang umatras mula dito. Marahan niyang tinanggal ang kamay nito.

Nahalata naman ni Mo Huiling na iniiwasan siya ni Gu Jingze. Lalo itong nainis at lumapit pa para tuluyang sumandal ang katawan sa katawan nito.

Nagsimula namang lumalim ang pagkakakunot ng noo ni Gu Jingze. Bagaman alam niya na may pagka-isipbata itong si Mo Huiling at sinasadya nitong gumawa ng palabas dahil sa selos kay Lin Che, hindi niya pa rin gusto ang ikinikilos nito.

Medyo sumusobra na ito sa ginagawa.

Muli ay nagpanggap si Mo Huiling na biglang naalala na may kasama pa palang ibang tao sa mesa. Nagpakawala ito ng pilit na ubo at nahihiyang ngumiti kay Lin Che.

Lumabi lang si Lin Che at walang kibo na tumingin kay Mo Huiling. Kahit hindi maganda ang nararamdaman ng puso niya, mukha pa rin siyang mahinahon sa labas na para bang wala siyang pakialam sa mga nangyayari.

Dahil, ano ba naman ang magagawa niya? Si Mo Huiling at Gu Jingze naman talaga ang totoong nagmamahalan. Hindi na niya kailangan pa ang mga pagpaparinig ni Mo Huiling para malaman ang katotohanang iyon.

Ngumiti si Mo Huiling kay Lin Che at tinanong siya na para bang totoong concerned ito sa kanya, "Marami akong nakikitang balita tungkol sa'yo. Gusto nga pala kitang batiin. Mukhang maganda ang rating ng teleserye ninyo ah."

Ngumiti rin si Lin Che, "Salamat."

Mo Huiling: "Totoo na hindi ko talaga nauunawaan ang trabaho ng mga artistang katulad mo. Pero sa palagay ko ay maituturing na itong isang tagumpay bilang artista, tama ba?"

Pagkatapos sabihin iyon ay lumabi ito at uminom ng kape. Ang tingin nito ay para ba itong isang superior at para bang nais ipahiwatig kay Lin Che na isa lamang siyang hamak na artista.

Wala din naman siyang balak na makipagplastikan sa harap nito. Matatag na itinaas niya ang mukha at ngumiti, "Nagsisimula pa lang naman ako. Malayo pa ang kailangan kong lakarin bago makamit ang tagumpay. Pero gayon pa man, bata pa naman ako, kaya marami pa akong oras na magagamit."

Sabay na lumaki sina Mo Huiling at Gu Jingze. Halos magkaedad lang din ang dalawa. Kaya malamang ay mas matanda ito kaysa kay Lin Che.

Kahit anong pag-aalaga pa ang gawin niya sa sarili, mahahalata pa rin ang agwat ng edad nilang dalawa.

Nang marinig ni Mo Huiling ang sinabi ni Lin Che ay biglang nag-iba ang ekspresyon ng mukha nito.

Pero dahil nandoon si Gu Jingze sa tabi niya, hindi siya maaaring magsalita ng kahit na ano. Kinimkim na lang niya ang galit. Ngumiti siya kay Lin Che at sumagot, "Ganoon ba? Kung ganoon, ngayon palang ay binabati na kita sa iyong magiging tagumpay. Pero hindi ko rin inaasahan na magkakilala pala kayo ni Jingyu. Mukhang maganda din naman ang relasyon ninyong dalawa."

Walang kibo pa ring sumagot si Lin Che, "Oo, magkaibigan din kami."

"Mabuting tao din naman si Gu Jingyu. Sadyang mabait talaga siya sa ibang tao at marunong siyang mag-alaga ng mga ito. Isa pa, bagay din kayong dalawa sa TV."

Nang sandalling iyon ay biglang tumayo si Gu Jingze at naiinis na nagsabi, "Tama na iyan, Huiling. Kailangan na rin naming umuwi."

Bigla namang nawala ang mood ni Mo Huiling. Padabog itong tumayo at galit na humarap kay Gu Jingze, "Ano bang problema mo, Jingze?"

Nang biglang tumunog ang cellphone ni Gu Jingze.

Makahulugang tiningnan ni Gu Jingze si Mo Huiling. Nakita niyang si Gu Jingming ang tumatawag. Nag-aalala na baka may nangyaring hindi maganda kaya lumabas muna siya para sagutin ang tawag.

Nang makita na lumabas si Gu Jingze, tumalikod si Mo Huiling dito at tumingin kay Lin Che. "Lin Che, ano ba talaga ang ginagawa mo ha?"

Suminghal lang si Lin Che. Napakabilis naman yatang mag-iba ang anyo ng mukha ni Mo Huiling nang lumabas lang si Gu Jingze. Napakagaling din nitong umarte, ano.

Sumagot siya, "Ano'ng ginawa ko?"

Suminghal din si Mo Huiling. "Ginawa mong tagapagbitbit ng iyong gamit si Gu Jingze at inanyayahan mo pa siyang maglakad sa kalsada kasama mo gayong gabi na! Alam mo ba kung gaano kadelikado para kay Jingze ang ganito?"

"Delikado?"

"Siyempre! Sa tingin mo ba ay katulad mo si Jingze na isang hamak na artista na walang sinabi sa buhay? Higit na mahalaga ang buhay niya kaysa sa buhay mo! Kung may masamang mangyari sa kanya, alam mo ba kung ano ang magiging consequences nito? Sinasabi ko na nga ba. Delikado para sa kanya ang manirahan kasama ng isang pulubing tulad mo. Lin Che, kung gusto mong mamatay, bahala ka sa buhay mo pero wag mong isasama si Gu Jingze sa kamalasan mo!"

Napasinghal lang si Lin Che kay Mo Huiling. "Miss Mo, ano ba ang tingin mo kay Gu Jingze? Isa lang ba siyang sensitibong bagay na nanganganib ang buhay at walang karapatang pumunta kung saan niya gustuhin?"