webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Not enough ratings
165 Chs

Sasamahan Kita Sa Labas

Nagsimula nang ipalabas ang premier ng kanyang tv series.

Sa ngayon ay makikita na sa bawat kalye at kanto ang mga advertisements ng "Swords of Love".

Minsan, nakikita din ito ni Lin Che kapag nagsa-shopping siya.

Pero nagsisimula palang siyang magkaroon ng sariling exposure. Hindi pa siya ka-level o kasing-kilala ni Gu Jingyu. Kaya, hindi pa siya gaanong nakikilala ng mga tao kahit nasa labas man siya. Dahil dito, walang nakakapansin sa kanya kahit pa magshopping siya. Para lang siyang isang ordinaryong tao.

Ganoon pa man, usap-usapan na ang tungkol sa kanyang palabas kahit nasa unang episode pa lang ito.

Nangunguna ito sa viewership ratings at laging laman ng mga hot news sa mga telebisyon.

At siyempre pa, gumagawa na rin ng kanya-kanyang paraan ang ilang main leads ng teleserye para mas lalo silang mapag-usapan.

Hindi rin pahuhuli ang mga fans ni Gu Jingyu. Laging nakasunod ang mga ito dito araw-araw sa kahit saang promotional events na kanyang dinadaluhan. Dahil dito ay lalo lang nakaramdam ng inggit ang ibang artista.

Si Mu Feiran naman ay hindi masyadong dumadalo sa mga promotional events. Hindi ito masiyadong nagpapakita sa publiko. Tanging mga mahahalagang lugar lamang ang kanyang pinupuntahan at dahil dito ay inilalarawan siya ng mga tao bilang isang artistang malayo na nga talaga ang narating.

Ngunit ang baguhang artistang katulad ni Lin Che ay kinakailangang dumalo sa kahit saang promotional events. Hindi siya maaaring tumanggi at talagang dadalo kahit pa minsan ay nananakit na ang kanyang mga paa't binti sa paglalakad.

Ganoon pa man, marami din naman ang nakuha niyang benepisyo mula doon. Paunti-unti ay natututo na siyang sumagot sa mga katanungan ng mga reporters. Marami ang kanyang natututunan sa pagsama kay Gu Jingyu at nalaman na rin niya kung paano ba magpasikot-sikot sa ilang mga tanong.

Alagang-alaga din naman siya ni Gu Jingyu palagi at dahil doon ay lalong gumanda rin ang kanyang reputasyon.

Bukod pa dito, naging maganda rin ang pagtanggap ng mga tao sa kanyang role bilang isang matatag at palaban na babae sa kanilang teleserye. May iilan na din na nagcommit sa kanya bilang mga fans at gumawa pa nga ang mga ito ng ilang fan clubs.

Alam ni Lin Che na pansamantala lamang ang mga ito. Kung magtutuloy-tuloy ba ito o hindi, iyon ay nakadepende na lamang sa kung ano pa ang mangyayari sa kanyang career sa mga susunod na araw.

Ganoon pa man, masaya pa rin siya sa natamong achievements.

Nang magpunta sila sa bahay ng mga Gu para doon kumain, nagkataong naka-broadcast ang palabas ni Lin Che.

Kaagad namang napansin ni Gu Jingze si Lin Che sa screen. May hawak itong baso sa kamay at mukhang seryoso ngunit hindi maitatanggi ang angking ganda. Sobrang nakakaakit ng dating.

Taliwas sa inaasahan ni Gu Jingze ay may iba pang side si Lin Che. Hindi niya mapigilang muling tingnan ang teleserye bagaman hindi niya hilig ang manood nito.

Sadyang magaling naman pala talaga si Lin Che. Hindi niya lubos masabi na tunay ngang nasa dugo nito ang pag-arte.

Pagkatapos kumain ay naghanda na silang dalawa sa pag-uwi.

Habang hinihintay ang driver na sunduin sila mula sa entrance ay biglang nagsalita si Lin Che, "Kung tutuusin, napakalapit lang ng bahay na ito sa atin. Bakit kailangan pa nating hintayin ang driver? Maglakad nalang tayo pabalik. Medyo marami ang nakain natin ngayon; makakatulong ito upang mas mapabilis ang pagtunaw ng kinain natin."

Nasa likuran lamang nila si Qin Hao. Susubukan sana nitong pigilan sila, ngunit nakita nito si Gu Jingze na mahinahong iniunat ang kamay. Sinenyasan siya nito na lunukin na lamang ang kung ano mang gusto nitong sabihin.

Tumingin sa kalangitan si Gu Jingze at nagbigay ng cue sa kanyang mga bodyguards gamit ang mga mata. Pagkatapos ay tumango siya kay Lin Che. "Okay, sige. Gawin natin iyang gusto mo."

Pagkalabas nila ay bahagyang nagsiatrasan ang mga bodyguards. Lumingon si Gu Jingze at sinulyapan ang mga ito. Nang matiyak na nakaayos na ang lahat at wala namang problema ay noon lang siya nagrelax at naglakad kasabay ni Lin Che.

Ang lugar na ito ay isang kilalang lugar ng mayayamang tao sa B City. Sa likod nito ay napupuno ng maraming villas na may kanya-kanyang hardin at mga manor. Pero iilan lang ang nakatira dito.

Ngunit pakiramdam ni Lin Che ay mas lalong naging kakaunti ang mga nandoon ngayon.

Hindi niya napansin na napakaraming mga bodyguards ang nakasunod sa kanila. Kampante lang siyang naglalakad sa kalsada.

Naiilawan ng mga streetlights ang kalye. Napakatahimik doon at parang tago. Mula sa malayo ay mararamdaman ang kakaibang hangin na lumulukob sa kanila.

Sa isang tingin lang ay napansin agad ni Lin Che ang nagtitinda ng mga gawang-kamay na sabon sa gilid. Naakit kaagad siya ng mga designs at kulay nito kaya napasigaw siya bago mabilis na lumapit doon. "Gu Jingze, tingnan mo oh. Parang tunay na rabbit 'to oh. Gusto kong bilhin 'to."

Nang makita ng tindero ang hilera ng mga taong nakasunod sa dalawa ay agad nitong naisip na hindi ito mga ordinaryong tao. Kakaiba ang aura ng mga ito. Pagkakita pa lamang sa mga naka-itim na bodyguards ay napuno na agad ng takot ang puso nito.

Kaya, sobrang napakagalang ng kanyang pag-asikaso sa mga ito. Maingat na sumagot siya kay Lin Che, "Sariling gawa ko lamang po ang mga ito. Maaari pong gawin ang mga ito on-the-spot at tiyak na napakabango po ng mga ito."

Nang marinig ito ni Gu Jingze ay sinabi niya kay Lin Che, "Kung gusto mo, pwede mong i-try na gumawa ng tulad niyan."

Sumagot si Lin Che, "Talaga? Pwede akong gumawa nito?"

Kaagad na sumagot ang tindero, "Opo, pwede po. Heto po, gumawa po kami ng mga molders para makapag-try din po ang aming mga customers."

Natuwa naman si Lin Che sa narinig at nakangiti lang nang mga sandalling iyon.

Nang makita ito ni Gu Jingze ay napangiti na rin siya.

Napakadali lang talagang pasiyahin ni Lin Che. Napakasaya na nito kahit sa simpleng mga sabon na iyon.

Pumasok silang dalawa sa loob ng shop. Lumapit naman ang mga bodyguards sa labas ng shop at tahimik na naghintay.

Habang nakatingin kay Gu Jingze, napangiti nang kakaiba si Lin Che. "Excuse me po, gusto ko po sanang gumawa ng isang sabon na may hugis na katulad niya. Posible po kaya ito, sa tingin mo?"

Sumagot ang tindero, "Po… hindi naman po imposible."

Humarap naman si Gu Jingze kay Lin Che. Nang marinig niya ang sinabi nito ay iniyuko niya ang ulo at ngumiti. "Hindi ba parang hindi naman yata tama iyan?"

"Ano naman ang hindi tama dito?" Tanong ni Lin Che.

Nagkibit-balikat si Gu Jingze. Bahagyang napataas ang itaas na labi. "Hindi ba't ginagamit ang mga iyan kapag naliligo ka? Ibig mo bang sabihin ay gusto mong gumamit ng sabon na kahugis ko para ipangkuskos sa iyong katawan sa tuwing magsa-shower ka?"

". . ." Namula ang buong mukha ni Lin Che. "Hindi iyan ang ibig kong sabihin!"

Muling inilapit ni Gu Jingze ang mukha kay Lin Che. Habang nakatingin sa maliit nitong leeg ay nagpakawala siya ng isang hininga. Sinadya niyang ilapit ang mukha sa buhok nito at marahang sinabi, "Okay lang iyan. Gusto ko iyan. Gawin mo iyang gusto mo."

"Hindi. Ayoko ng gawin iyan. Gagawa nalang din ako ng isang rabbit, hmph."

Nakahinga naman nang maluwag ang tindero nang marinig ang sinabi ni Lin Che.

Mula sa gilid ay tinulungan niya si Lin Che sa paggawa ng sabon. Pero, sadyang walang talent sa ganoon si Lin Che kaya hindi maintindihan kung anong hugis ang kanyang nagawa.

Sinabi ni Gu Jingze, "Tingnan mo nga iyang ginawa mo."

Hindi na niya matiis pa ang katangahan nito kaya tumulong na rin siya sa paggawa ng hugis na nais nito.

"Ano ba'ng dapat kong gawin?"

"Tanga. Diinan mo pa ang pagkakahawak diyan. Mukha bang rabbit iyan?"

"Lin Che, ba't ba napakahina ng utak mo?"

Hindi makapagsalita si Lin Che. "Kahit sino naman kasi matataranta kung minamadali mo nang ganito."

Patuloy lang silang nagsagutan doon. Ilang sandali pa ay nakabuo na rin sila ng isang bareta ng sabon.

Ngumiti lang ang tindero at sinabi sa kanila, "Maaari ko rin pong iukit dito ang inyong mga pangalan bilang tanda na kayo po mismo ang gumawa nito."

Tumango si Gu Jingze. "Okay sige, pakiukit nalang diyan ang mga pangalan namin."

Bumilis naman sa pagtibok ang puso ni Lin Che. Lalong lumapad ang kanyang ngiti nang makita niya ang pangalan nilang dalawa na nakaukit sa gilid.

Pagkatapos ng mahabang paghihirap ay natapos na rin nila sa wakas ang ginagawa. Inilagay naman ng tindero ang sabon sa isang magandang package bag. Kaswal lang na kinuha ni Gu Jingze ang bag at naglakad na palabas kasama ni Lin Che.

Proud na proud na sinabi ni Lin Che, "Napaka-talented ko talaga. Nakagawa ng napakagandang sabon."

"Parang ako lang naman ang gumawa nito ah…"

"Pinagsasabi mo? Ako ang gumawa ng pundasyon. Nagawa mo lang ito dahil sa nagawa ko."

"Oo na, sumaya ka lang."

"Hoy, may ice cream doon oh. Gusto kong kumain non."

Tiningnan naman ni Gu Jingze ang kanyang itinuturo. Iyon ay isang ice cream na nakapwesto sa may kanto. Mga bata lamang ang kumakain ng ice cream.

"Hindi pwede; marumi iyan. Bawal kang kumain niyan."

"Hindi, hindi maaari! Kahit marumi pa man iyan, hindi naman ako magkakasakit kung kumain ako niyan. Hubby… please bilhan mo ako ng isa."

Parang nakiliti naman ang pakiramdam ni Gu Jingze nang marinig niya itong tinawag siyang 'hubby'.

Kahit dismayado, inirapan niya si Lin Che at nag-aatubiling sinabi dito, "Tara na nga."

"Oh yeah."

Hindi naman nagtagal ay nakarating na sila sa kabilang kalye. Ngunit bago paman sila makalapit doon ay may narinig silang isang pamilyar na tinig mula sa likuran.

"Jingze, bakit ka nandito?"

Kailangan ba talaga nilang makita si Mo Huiling dito…