webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · สมัยใหม่
Not enough ratings
165 Chs

Bagay na Bagay Talaga Ang Dalawang Ito

Kaswal na nagkamay ang dalawa. Mula sa likod ay ngumiti si Mu Wanqing habang sinasabi, "Dali na. Umupo na kayo. Ano pa ba'ng tinitingin-tingin ninyo?"

Kaagad na naglakad palapit sa kanya si Lin Che, "Mama, gusto ko pong maupo katabi mo."

Gusto pang magsalita ni Mu Wanqing pero naisip niya na mas mainam kung makakapag-usap nang masinsinan sina Gu Jingze at Gu Jingming. Kaya, pinigilan na niya ang sarili na magsalita pa uli. Tiningnan niya si Lin Che, "Masiyado kang nakadikit sa akin. Mag-iingat ka. Magagalit si Gu Jingze niyan."

Malambing na niyakap ni Lin Che ang braso ni Mu Wanqing. "Eh di magalit siya kung gusto niya. Mas gusto ko pa rin ang Mama. Hindi ko siya gusto, hmm."

Ganoon din naman ang gusto ni Mu Wanqing; ang maging malambing sa anak na babae nang ganito. Lagi niyang naiisip noon pa man na napakasarap kung magkakaroon siya ng ganitong anak. Ngayong nandito na si Lin Che na ubod ng lambing, para na ring natupad ang kanyang kahilingan. Kaya masayang-masaya talaga siya kapag kasama niya ito. Habang nakahawak ito sa kanyang braso ay hinayaan niya lang itong yumakap sa kanya hangga't sa gusto nito.

Samantala ay makahulugan naman ang titig ni Gu Jingze kay Lin Che.

Iniwas niya lang ang tingin nang marinig niyang tinawag siya ni Gu Jingming.

"Kailangang mapasaatin pa rin ang pinakamaraming boto ngayong darating na election." Nagsimula ng talakayin ng dalawa ang tungkol sa mga seryosong usapan.

Gu Jingming: "Hindi pa masiyadong malinaw sa ngayon ang voting trend sa C Nation. May dalawang bansa pa na malabo pa rin ang voting trends."

"H City at S City?"

"Tama ka."

"Mas malaki ang grassroots population ng H City. Kung papayag ka na magpakasal kaagad sa isang babae mula sa Civilian Class, tiyak na makakakuha ka ng maraming puntos bilang kapalit. Muli akong magtatayo ng ilang manufacturing factories sa S City para dalhin doon ang aking mga tauhan. Dahil diyan, ang kailangan na lang nating ayusin ay ang H City. Pero, ang masama niyan ay wala ka pa ring nakikitang mapapangasawa..."

". . ." Nanigas ang ekspresyon ng mukha ni Gu Jingming. Napatingin siya kay Mu Wanqing.

Ayon nga sa inaasahan, kaagad na naexcite si Mu Wanqing nang marinig ang topic na iyon. "Tama, tama nga ang sinabi ng iyong kapatid. Jingming, masiyado ka na ring matanda. Panahon na para isipin mo na ang mag-settle down at bumuo ng sarili mong pamilya. Kapag nakapag-asawa na ang isang lalaki ay doon lamang ito nakakapagbigay ng feeling ng stability at maturity. Iyan din ang mas nakakabuti para sa iyong career. Isa pa, nasa hustong edad ka na..."

"Mama!" Ibinaba ni Gu Jingming ang iniinom na tsaa at tinitigan si Mu Wanqing. "Natapos na ang problema kay Gu Jingze, kaya ngayon ay dalawa na kayong magpipilit sa akin ng bagay na ito?"

Sinabi naman ni Mu Wanqing, "Iyan ay dahil sang-ayon ako sa sinabi ni Jingze. Sa katunayan ay okay din naman ang mga babae mula sa ordinaryong mga pamilya. Sila ay tunay, hindi mapagkunwari, at walang maraming masamang intensiyon. Jingming, kung okay lang sa'yo, tutulungan kitang maghanap. Pwedeng guro o doctor...okay naman ang mga iyon."

Hindi inaasahan ni Lin Che na malalagay rin sa ganoong alanganing posisyon ang pangulo na mapipilitan itong magpakasal. Hindi niya mapigilang panoorin ang eksenang iyon.

Bahagyang nag-iba ang titig ni Gu Jingming. Napatingin ito sa labas at medyo hindi alam kung ano ang sasabihin.

May naalala na naman si Mu Wanqing. Tiningnan nito si Lin Che at Gu Jingze. "Kayong dalawa, hindi rin pwedeng basta lang kayong manonood diyan. Kahit kasal na kayo ngayon, nasa tamang edad na rin si Jingze para magkaroon ng anak. Hindi ko kayo pepwersahin dahil alam kong nakapokus pa kayo sa inyong mga careers. Ganoon pa man, kailangan niyo na ring pag-isipan ang bagay na iyan, narinig niyo ako?"

Bahagyang naalarma si Lin Che sa narinig. Hindi sinasadyang napatingin siya kay Gu Jingze. Kapwa dismayado ang kanilang ekspresyon. Nag-aalala siya na baka magalit si Gu Jingze kaya dali-dali niyang pinigilan ang ginang. "Mama, gusto pa naming i-enjoy ang aming buhay bilang mag-asawa. Sa ngayon... hindi pa namin gustong magkaanak."

Ilang sandaling nag-isip si Mu Wanqing bago sumagot, "Kung sabagay. Hindi pa naman masiyadong matagal mula nang magpakasal kayo, kaya medyo nag-aalangan pa kayo."

Nangunot naman ang noo ni Gu Jingze. Napansin ang pagkataranta sa mukha ni Lin Che nang marinig nito ang usapan tungkol sa pagkakaroon ng mga anak.

Kung magkakaroon siya ng anak kay Lin Che...

Hindi sinasadyang naisip niya na kung magkakatotoo man iyon, tiyak na magiging gwapo o maganda ang kanilang anak.

Napakaputi ng balat ni Lin Che na para bang ibinabad ito sa gatas. At hindi rin naman siya pangit. Kapag dumating sa ganyang punto ang kanilang pagsasama, tiyak na walang kapintasan ang magiging anak nila.

Pero, nakadepende pa rin sa swerte ang talino ng bata. Kung makukuha nito ang tanga-tangang utak ni Lin Che, malamang ay magiging problema ang kinabukasan nito.

Nang mapansin ni Lin Che na talaga ngang nangunot na ang noo ni Gu Jingze, mabilis na nagsalita si Lin Che, "Opo, opo. At kapag nagkaroon na kami ng baby, hindi na ako magugustuhan ng Mama. Mas mamahalin mo na ang baby kung ganoon. Gusto ko pang malambing nang mas matagal ang Mama."

"Ikaw talaga...oo nga. Masiyado ka pang bata. Tingnan nalang natin kapag tumanda ka na."

Malambing at mahinang tinapik ni Mu Wanqing ang balikat ni Lin Che.

Napahinga naman ng malalim si Lin Che. Ngumiti siya at tiningnan si Gu Jingze. Ganoon pa rin ang ekspresyon ng mukha nito.

Itinaas nito ang kilay at itinaas ang tasa para uminom ng tubig. Mukhang ayaw siya nitong pansinin.

Naisip ni Lin Che na ang sama talaga nito. Hindi ba't sinabi ko na na hindi kami magkakaroon ng anak?

Ganoon pa man, galit pa rin ito.

Ngunit, may naramdaman siya na may kung anong lumalapit sa kanya sa ilalim ng mesa.

Nang makalapit ang mga paang iyon sa kanyang paa ay bigla siyang nanigas. Hindi kaagad siya nakakilos.

Habang nag-aapoy ang mga mata, tiningnan niya nang masama si Gu Jingze na kasalukuyan pa ring seryoso ang mukha. Minura niya ito sa kanyang isip. Ano ba ang ginagawa nito?

Pero, patuloy pa rin sa paggalaw ang mga paa nito pataas.

Naitaas naman ang suot niyang dress. Hindi nagtagal ay naramdaman na niya ang lalo pang paglapit ng paa nito papunta sa kanyang hita. Mukhang papunta ito sa sensitibing bahagi ng kanyang katawan.

Napatayo naman bigla si Lin Che.

Nagulat si Mu Wanqing. "Ano'ng nangyari?"

Kaagad namang namula ang pisngi ni Lin Che. "Wala po. May lamok lang po sa ilalim."

Nang marinig iyon ni Mu Wanqing, itinaas nito ang kamay at nagsabi, "Ano'ng nangyayari? Bakit nagkaroon ng lamok sa loob ng silid?"

Nagmamadaling pumasok ang mga katulong para tingnan ang problema.

Habang nakatingin doon, tiningnan niya nang masama si Gu Jingze na nasa harap niya.

Ngunit, parang wala pa ring nangyari ayon sa mukha nito. Nakayuko ang ulo nito habang umiinom ng tsaa.

Naiinis na naisip ni Lin Che na totoo ngang isa itong halimaw na nagkatawang-tao.

Pinakalma muna ni Lin Che ang sarili bago muling naupo. Pero nang sandaling iyon ay muli na naman niyang naramdaman ang mahaba nitong paa. Marahang nakahaplos ang mga kuko nito sa paa sa kanyang hita. Nag-iinit ang kanyang katawan dahil sa haplos na iyon.

Nakakainis na talaga ang lalaking ito!

Bakit nagagawa pa rin nitong umakto nang ganoon?

Sa harap niya ay ngumiti lang si Gu Jingze. Habang hinahaplos nito ang malambot niyang balat, mapapansin din ang pagliwanag ng mga mata nito na para bang lubos itong nasisiyahan sa ginagawa.

Ang init na nagmumula sa katawan nito ay paunti-unting dumadaloy papunta kay Lin Che.

Samantala ay nararamdaman pa rin ni Lin Che ang paghaplos nito sa kanya. Dahil sa init na nagmumula sa pagkakadikit ng kanilang mga balat ay lalo lang nanigas ang kanyang katawan.

Paunti-unting sinasakop ng pamamanhid ang buo niyang katawan. Para bang may kung anong kapangyarihan na nagmumula sa mga haplos nito.

Gustong-gusto na niyang sampalin ang paa nito paalis, pero may iba pang tao sa mesang iyon.

Wala siyang ibang magawa kundi ang mapakislot maya-maya habang nakaupo lang doon. Parang gusto na niya itong sakmalin habang masama ang tingin dito.

Ganoon pa man, kalmado lang ang mukha nito na para bang walang nangyayari. Mukhang komportable pa nga ito habang nakaupo doon.

Hindi na ito kaya pang tiisin ni Lin Che. Sa galing nitong umarte ay mukhang mas propesyonal pa ito kaysa sa kanya na isang artista.

Nang halos sasabog na, naghanda si Lin Che na...

Napansin naman ni Mu Wanqing ang mukha ni Lin Che. "May mga lamok pa ba?"

Mabilis na tumango si Lin Che. Matapang ang tinging tinitigan niya ang lalaking nasa harapan, "Napakalaking lamok."

Napatigil naman si Mu Wanqing bago sinundan ang kanyang tingin at napatingin sa harap.

Kaswal namang itinaas ni Gu Jingze ang ulo. Napakainosente ng mukha nito habang nakatitig kay Lin Che.

Napangiti naman kaagad si Mu Wanqing. Pinagpalit-palit niya ang tingin sa dalawa at naisip na bagay na bagay talaga ang mga ito sa isa't-isa.