Pagka alis ni Pauline kasama ang kaibigan nitong si Zach ay nanatili si Paulo sa loob ng Company Van bago tuluyang lumabas mula roon at lumulan sa kanyang sariling Motor.
"Pau, saan ka pupunta?" pasigaw na tanong ni Anna kay Paulo ngunit tumingin lang sa kanya ang binata at hindi sumagot at itinuloy lang ang pag aayos ng kanyang helmet at pagpapaandar ng kanyang motor.
"Wait, sasama ako," patakbong tinungo ni Anna sa motor ni Paulo sabay suot ng isa pang helmet na nakalagay may unahan nito.
Lumulan si Anna sa motor at tuluyan ng umandar ang sasakyan. Hindi alam ni Anna kung saang lugar papunta ang binabaybay nila pero ang alam lang niya ay kailangan ni Paulo ng kasama, ng kaibigan na makikinig at masasandalan ng mga oras na iyon.
Habang nasa byahe sa lugar na hindi naman alam ni Anna ay namayani ang nakakabinging katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Alam at ramdam ni Anna ang bigat ng loob na nararamdaman ni Paulo ng mga oras na iyon dahil na rin sa paraan ng pagpapaandar ng binata sa kanyang motor. Walang ibang magawa ang dalaga kundi ang kumapit ng mahigpit sa bewang ng binata at ipikit na lang ang kanyang mata upang mawala ang kaba at takot na nararamdaman.
Marahil ay naramdaman ni Paulo ang mahigpit na paghapit ni Anna sa kanyang bewang dahil sa bilis na rin ng kanilang takbo kaya unti-unti niyang binagalan ang kanilang takbo hanggang sa tumigil ito sa isang lugar na madalas pinupuntahan ng binata kapag gusto niyang mapag-isa. Isang mataas na lugar na matatanaw ang mga ilaw mula sa kabahayan sa Kamaynilaan.
Bumaba si Paulo sa motor at sinundan naman siya ni Anna. Ngunit wala pa ring nagsasalita sa kanilang dalawa. Tahimik lang sila at nakikiramdam sa bawat isa. Unang bumasag sa tahimik na tagpo si Paulo at nagpakawala ng isang malalim na buntong hininga at tsaka nagsalita.
"Pasensya ka na Anna ah," wika ni Paulo sa kanya habang nakatingin pa rin sa kawalan.
"Sorry dahil ganito pa ang nasaksihan mo sa amin. Nakakahiya," dagdag pa ni Paulo.
"At salamat din sa pagsama mo sa akin dito. Naistorbo ka pa tuloy," patuloy pa nito.
"Kumusta ka na?" tanong ng dalaga sa binata.
"Hindi ko alam nararamdaman ko Anna. Feeling ko namamanhid ang katawan ko," panimula ni Paulo.
"Feeling ko may punto naman ako. Syempre ayaw ko masaktan siya at kahit sino sa kanila. Pero hindi ko alam kung bakit naguguilty ako. Feeling ko may mali. Hindi ko alam. Naguguluhan ako Anna. Ang gulo ng utak ko," nakayukong wika ng binata.
"Anna, mali ba ako?" tanong ni Paulo habang nakatingin sa kanya.
"Alam mo, valid naman yang nararamdaman mo. Walang question doon. And naiintindihan kita dahil pinoprotektahan mo lang ang kapatid mo at mga taong mahahalaga sa buhay mo," wika ni Anna habang nakatingin sa binata.
Ibinaling mi Anna ang paningin sa kabahayan at nagpatuloy sa pagsasalita.
"Pero siguro dapat pinakinggan mo rin and side ni Pauline. Baka naman may reason siya. Baka may paliwanag siya tungkol doon," patuloy ni Anna.
Muling namayani ang katahimikan sa kanilang dalawa. Habang patuloy silang nakatingin sa mga ilaw sa kabahayan ay unti-unting pumatak ang ulan.
"Ano ba yan. Naulan pa." pumapalatak na sabi ni Paulo.
"Tara Anna sumilong tayo," aya ni Paulo sa binata.
"Wait lang Pau," wika ni Anna.
"May i-share ako sayo," dagdag pa ni Anna habang mas lumalaki ang patak ng ulan.
"Alam mo ba sa probinsya namin may burol din doon. Doon ako madalas pumunta pag nag iisip ako at gusto kong mag-isa," wika ni Anna.
"Tumingala ka dali," excited na wika pa ni Anna.
"Bakit?" nakakunot ang noo na tanong ni Paulo.
"Basta. Dali," utos ni Anna kay Paulo na siya namang sinunod ng binata.
"I-feel mo yung patak ng ulan sa mukha mo. Then tsaka ka magdasal. Ginagawa ko 'to pag malungkot ako. Kasi naitatago ng ulan ang mga luha ko," wika pa ni Anna habang idinipa ang kamay at sinimulang namnamin ang bawat patak ng ulan sa kanyang mukha.
Sinunod naman ni Paulo ang suhestiyon ng dalaga at hinayaang mabasa ng tubig ulan ang kanyang mukha at siya ding ginawa ang pagdipa ng kanyang mga braso. Kasabay ng pag patak ng ulan ay siya din pag agos ng kanyang luha habang malalim ang iniisip at nagdarasal.
Tumigil si Anna sa kanyang ginagawa at binalingan ng tingin si Paulo. Nakita niya ang maamong mukha ng binata habang nakatingala sa madilim na langit ang at nakapikit habang malalim na nag iisip na para bang may kinakausap sa kanyang isip. At nakikita rin ni Anna ang luha ng binata kasabay ng agos ng ulan sa mukha nito ng mga oras na iyon.
Habang nasa ganong tagpo ay binalingan muli ni Paulo si Anna.
"Salamat Anna," nakangiting wika ni Paulo kay Anna.