Ilang oras na ring nakaupo lang sa tabing sapa si Juliet. Iniisip pa rin ang ilang narinig niya mula sa kubo nang pumunta siya roon pagkatapos magbihis. Kumuha siya ng maliit na bato sa tabi niya at ibinato iyon sa sapa atsaka bumuntong hininga. Kumuha pa ulit siya ng maliit na bato at ibinato iyon sa sapa.
"Makatama ka ng engkato riyan."
Agad na napalingon sa gulat si Juliet at bumungad sa kaniya ang bahagyang nakangiting si Fernan. Tumabi ito sa kaniya at kumuha rin ng maliit na bato.
"Ngunit mas mainam nang makatama ng engkanto kaysa totoong tao." Sambit ni Fernan at inihagis sa sapa ang bato.
"Ano'ng ginagawa mo rito, binibini? Ayaw mo bang samahan si Niño roon?" Sabi ni Fernan habang nakatingin lang sa sapa.
"Nagpapahangin lang." Sagot ni Juliet atsaka pasimpleng sinilip ang itsura ngayon ni Fernan.
Alam niyang hindi maganda ang timpla nito ngayon dahil narinig niya ang pagtatalo nila ni Niño pero bahagya itong nakangiti kaya naguguluhan siya.
"Masaya ka ba talaga o malungkot?" Biglang tanong ni Juliet kaya bahagyang napabuntong-hininga ang binata.
"Nangangamba." Sagot ni Fernan habang patuloy lang sa pagbato sa sapa.
"Nangangamba ako, binibini ngunit masyadong maigsi ang buhay para balutin nalang ng kaba ang sarili kaya pinili kong maging masaya sa sandaling pagkakataon na nakakasama ko ang dahilan ng aking ligaya. At dahil nga maigsi lang ang buhay, kung mamamatay man ako nang maaga..."
Lumingon si Fernan kay Juliet at ipinako ang tingin nito sa mga mata ng dalaga.
"...nais ko'y sa bisig ng aking una't huling pag-ibig."
Sandaling natahimik si Juliet dahil hindi niya naunawaan ang nais sabihin ni Fernan sa dami ng sinabi nito.
"Ibig mo bang sabihin... may gusto kang dalaga?" Tanong ni Juliet na hindi pa sigurado sa tanong niya.
"Tama ka riyan, binibini." Sagot ni Fernan.
"Talaga? Nasaan siya? Taga-San Sebastian din ba siya?" Tanong ng dalaga.
"Nandito siya, binibini." Ngiti ni Fernan kay Juliet at tinuro ang puso niya kaya naman natawa si Juliet sa kalokohan ng binata.
"Ay, hindi rin pala..." Biglang bawi ni Fernan sa sinabi.
"Nasa puso pala siya ng iba." Ani Fernan at napayuko.
"Anong ibig mong sabihin, Fernan? May boyfriend—este—kasintahan na ba 'yung gusto mo?" Tanong ni Juliet.
"Ang ibig ko lang sabihin ay hindi lahat ng gusto natin ay nakukuha natin. Maaaring puwede ngunit mas pipiliin nating hindi dahil kailangan nating isaalang-alang ang mas makabubuti sa nakararami." Sagot ni Fernan at dahil dakilang mabagal pumick-up si Juliet, iba ang interpretation niya rito.
Akala ni Juliet ang ibig sabihin ni Fernan ay gusto niyang malaman ang sinabi sa kaniya ni Guillermo (gusto niyang makuha ang impormasyon pero hindi puwede dahil sinabi ni Niño na huwag) na puwedeng-puwede namang malaman ni Fernan kung itatanong niya kay Juliet pero pinili niyang huwag na dahil ayaw nga ni Niño na idamay si Juliet.
[AN: So interpretation ni Juliet:
"hindi lahat ng gusto natin ay nakukuha natin" = gusto ni Fernan yung info tungkol sa sinabi Guillermo sa akin pero hindi niya makuha dahil kay Niño
"Maaaring puwede" = puwede naman talaga niyang kunin sa akin cuz he's a free person, he can do whatever he wants
"ngunit mas pipiliin nating hindi" = pinili ni Fernan na huwag na rin kunin yung info sa akin
"dahil kailangan nating isaalang-alang ang mas makabubuti sa nakararami" = iniisip ni Fernan si Niño na iniisip ang mga taong madadamay kapag may nagkagulo dahil sa information na 'yun.]
Dahil nga iba ang interpretation ni Juliet, ito ang response niya kay Fernan:
"Sasabihin ko sayo." Saad ni Juliet kaya napakunot ang noo ni Fernan na kanina pa nakatitig sa kaniya. Hindi alam ng binata kung ano ang tinutukoy niya.
"Nung... pumunta si Heneral Guillermo sa pagamutan, tinanong niya ako kung sino ang kasama ko nung gabi bago ang pista." Sabi ni Juliet atsaka napayuko.
Unti-unti namang nawala ang kunot sa noo ni Fernan habang hinihintay ang susunod pang sasabihin ng dalaga. Napagtanto niya na narinig ng dalaga ang pinag-usapan nila ng mga kaibigan kanina.
"Nung araw na 'yun... hindi ko talaga maalala kung sino nga ba ang kasama ko at akala ko 'yung araw bago 'yung pista 'yung nahulog ako sa lawa kaya sinabi kong si Niño pero ilang araw matapos kong sabihin 'yun, naalala kong ikaw pala ang kasama ko nung gabi bago ang pista at araw mismo ng pista 'yung nahulog ako sa lawa." Kuwento ng dalaga.
"Kung gayon..." Ani Fernan na tila ba naliwanagan na sa lahat.
"Maaaring... nais nilang patayin si Niño dahil akala nila siya ang nakarinig ng pag-uusap nila." Sambit ni Fernan.
"Kung iyon nga ang pakay nila... nanganganib din ang buhay mo binibini." Natarantang sabi ni Fernan at tumayo.
"Kailangan mo nang umuwi."
"H-Ha? P-Pero—"
"Koronel Fernan!"
Sabay na napalingon sina Juliet at Fernan sa tumawag at nakita si Eduardo Gomez.
"Narito po si Heneral Guillermo."
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Fernan. Sandali siyang nabato sa kinatatayuan niya. Napatingin siya kay Juliet at sa mga oras na ito, ang kaligtasan lang ni Juliet ang nasa isip niya.
"Samahan mo si Binibining Juliet, Gomez. Huwag na huwag mong iaalis ang tingin mo sa kaniya." Utos ni Fernan at kahit naguguluhan sa nangyayari ay um-oo si Eduardo.
Naglakad na si Fernan patungo sa kubo at nakita si Andong na kausap si Heneral Guillermo.
"Koronel," Tawag ni Guillermo nang makita siya sa natural nitong mapang-asar na tono.
"Nakikita kong hindi mo yata kasama si Binibining Juliet? Akala ko'y kasama mo siya sapagkat wala siya sa kahit saang sulok ng lugar na ito." Sabi pa ng heneral.
"Kung pumunta ka rito upang hanapin ang isang dalagang ikakasal na, maaari ka nang umalis." Sagot ni Fernan na nakapagpalawak lalo sa ngisi ni Guillermo.
"Makapagsalita ka naman, Fernandez. Pareho lang naman tayong parang mga hayop na naghihintay mamatay ang leon upang makuha ang huli nito."
"Huwag mo akong ihalintulad sa isang hayop sapagkat kung may hayop man dito ngayon ay ikaw lang 'yon."
Napangiti si Guillermo. "Hayop na kung hayop, nasaan ang Binibining Cordova?"
"Wala siya rito." Malamig na tugon ni Fernan.
"Kakagaling ko lang sa Hacienda Cordova kaya wala na ring saysay kung magsisinungaling ka pa, Koronel."
"Wala na siya rito." Madiin at tipid na sagot pa rin ni Fernan.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Ipinahatid ko na ang binibini sa tahanan nila. Hindi siya nararapat sa ganitong lugar." Sagot ni Fernan.
"Mukhang nauunahan na naman ako." Sambit ni Guillermo atsaka ibinalik ang tuon kay Fernan.
"Ipinag-uutos nga pala ng presidente na ipagbigay-alam agad kapag nagising na si Enriquez. Magpadala kaagad kayo ng telegrama o tao na maghahatid ng balita." Wika ng heneral.
Nanatiling walang imik si Fernan at gano'n din ang mga sundalong kasamahan kaya napalingon si Guillermo sa paligid sapagkat lahat ay tahimik lang na nakatitig sa kaniya.
"Nauunawaan niyo ba? Kahit sino sa inyo, kailangang ipagbigay-alam kaagad kapag nagising na heneral niyo, maliwanag ba?" Sabi ni Guillermo pero nanatiling walang imik ang mga sundalo ni Niño.
Tumingin nalang ulit si Guillermo kay Fernan. Tinignan niya ito mula ulo hanggang paa atsaka naglakad na patungo sa kabayo niya.
"Huwag niyong kalimutan ang bilin ng Señor Presidente." Sabi pa nito bago paandarin ang kabayo. Sumunod naman sa kaniya ang dalawang alipores na kasama.
Nang hindi na niya matanaw ang heneral at mga kasama nito ay humarap kaagad si Fernan kay Andong.
"Hindi niya alam?"
Umiling-iling si Andong. "At nahuli na namin ang traydor."
Sa gitna ng kagubatan, malayu-layo sa barong-barong na tinutuluyan, naroon nakagapos ang traydor na nagtangkang pumatay kay Niño.
"Sama-sama tayong nagbubuwis ng buhay para sa bayan. Sama-sama tayong nag-aalay ng ating mga sarili para sa kalayaan."
"Hindi ko maunawaan kung bakit niya nagawa ang bagay na 'yon.."
Napalingon muli si Fernan sa nagsasalitang si Andong.
"Sino ang may gawa nito?" Tanong ni Fernan, tinutukoy ang nakagapos nilang kasamahan.
"Sino pa ba? Edi mga kasamahan natin. Sinubukan niyang akayin si Vargas kaya naman napag-alaman ni Vargas na siya pala ang bumaril kay Niño. Siniguro nilang wala nang iba pang traydor na sundalo ni Niño bago nila dakpin ang traydor na ito." Kuwento ni Andong.
Tinapat ni Fernan ang mukha niya sa naghihingalong sundalo at mahinahong nagtanong.
"Bakit mo ginawa 'yon?"
Nang marinig ang tinig ng koronel ay pinilit ng sundalong buksan ang namamagang mga mata. "K-Koronel..."
"Walang ibang inisip si Niño kundi ang kalayaan ng bayang ito. Una niyang itinataya ang sarili sa bawat laban natin upang masigurong hindi masasawi ang bawat isa ngunit ito pa ang matatanggap niya pabalik? Kataksilan?" Saad ni Fernan.
Nanatiling tahimik ang sundalo.
"Rolando, hindi mo man lang ba iginagalang ang heneral mo? Ang heneral mong sa murang edad ay natutong humawak ng gulok at lumaban para sa Katipunan? Ang heneral mong piniling suungin ang madugong labanan para sa kalayaan na inaasam? Ang heneral mong hanggang ngayong nalagay na siya sa bingit ng kamatayan ay kapakanan pa rin ng bayan ang iniisip at pinipili pa ring magtiwala sa mga katulad mong traydor dahil itinututing ka pa rin niyang kasamahan at kapatid na kasama niyang lumalaban para sa bayan?" Madamdaming saad ni Fernan.
"Kaya ngayon, Rolando... bakit mo nagawa 'yon?" Tanong ng koronel.
"N-Nais niyang higitan ang --Señor President—"
"Kasinungalingan! Lahat 'yan ay kasinungalingan. Kilala mo si Niño, Rolando." Tumayo nang maayos si Fernan at tumingin sa mga sundalong nakapalibot sa kanila ngayon.
"Kilala niyo si Niño, hindi niya magagawa ang mga ibinibintang ng nakakataas sa kaniya."
"Araw ng kasal niya sa dalagang pinakamamahal niya pero ipinadala siya ni Aguinaldo sa labanan kaya ano'ng ginawa niya? Dumiretso rito upang sundin ang tinitingala niyang Señor Presidente at anong nakuha niya pabalik? Kataksilan. Pagt-traydor ng kasamahan niyang tinuturing niyang kapatid. At ikaw ang traydor na iyon, Rolando."
Nagulat si Fernan nang biglang may tumamang gulok sa leeg ng nakagapos na sundalong kinakausap niya. Gawa ito ng isa sa mga kasamahan nila.
"Narinig na niya ang kailangan niyang marinig, Koronel. Hindi na dapat pinatatagal ang mga katulad niya sa mundong ito." Wika ng sundalo.
"P-Pero Virgilio—"
"Alam kong hindi ka sang-ayon sa labis na karahasan, Koronel ngunit mga sundalo tayo. Wala naman nang malinis pa ang kamay sa atin dito. Tungkulin nating gapiin ang anumang naglalagay sa kapahamakan sa ating kapwa Pilipino at Inang Bayan kaya naman nararapat lang na kitilin na ang buhay ng isang traydor na katulad niyan." Madiing sabi ni Virgilio at dinuraan pa ang bangkay ng wala nang buhay na sundalo.
Sandaling natigilan si Fernan habang nakatingin sa bangkay ng traydor. Patuloy lang sa pagsasalita si Virgilio sa mga kasamahan tungkol sa pagiging tapat sa kanilang mabuting heneral na sinasang-ayunan naman ng mga kasama.
"Mga sundalo tayo ni Heneral Enriquez! Walang magtataksil!" Sigaw ni Virgilio at nagsigawan din ang mga kasamahan nila. Nang mabalik na si Fernan sa katinuan ay humarap siya sa mga kasama.
"Hindi papayag si Niño na tawagin natin ang ating mga sarili na sundalo niya. Kilala niyo naman ang ating heneral, ayaw niyang masiyadong napupuri kaya mas pipiliin niyang tawagin natin ang ating mga sarili na sundalo ng ating bayan, mga kapatid. Hindi ni Niño o ni Aguinaldo." Wika ni Fernan habang naglalakad at tinitignan isa-isa ang mga kasamahan.
"Tayo ay mga sundalo ng Pilipinas."