Juliet
"Ikinagagalak kong makita kang muli, binibini." Sabi ni Niño habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko.
Nang dumampi ang labi niya sa likod ng palad ko, pakiramdam ko nakuryente ang buong katawan ko. Nanlamig ang mga kamay ko samantalang uminit naman ang buong mukha ko at mas lalo pa 'tong uminit nang magsimula nang mang-asar ang mga sundalo sa paligid namin. Hindi ko tuloy ulit magawang tumingin kay Niño!
Inagaw ko agad ang kamay ko sa pagkakahawak ni Niño at nakita ko naman agad ang pagform ng playful smile sa labi niya. Hay nako talaga 'tong heneral na 'to! Pasalamat ka at may tama ka kundi... wala, hehe! Mahal pa rin naman kita kahit wala kang tama eh hihi! Ang harot, Juliet!
"Uh... binibini akala ko ba'y magpapalit ka na rin ng damit?" Mapang-asar na sabi ni Eduardo kaya naman sinimangutan ko siya.
"Sabi ko nga." Saad ko at pinagtatanggal na 'yung pinagpapatong nila sa akin kanina atsaka lumabas. Mga lokong 'yun huhu nasira tuloy moment namin ni Niño.
Anyway, better na magpalit na nga agad para makabalik na rin agad ako at makasama ko na si Niño. Hay, grabe namiss ko siya nang sobra.
¤¤¤
Nagtatawanan pa rin ang mga kalalakihan hanggang sa lumabas ang kanilang nag-iisang binibini upang magpalit ng damit sa kabilang barong-barong. Nang humupa na ang tawanan ay inutusan ni Fernan na lumabas muna ang lahat maliban sa kanilang tatlo—siya, Niño, at Andong at sumunod nga ang mga sundalo sa koronel.
"Kamusta ang pakiramdam mo?" Pangangamusta ni Fernan sa kaibigan.
"Kakamustahin mo lang pala ako ay bakit mo pa pinalabas ang iba?" Natatawang sabi ni Niño.
"Gusto muna kitang kamustahin bago ko sabihin sayo ang kailangan mong malaman." Diretsong sagot ni Fernan habang pabalik-balik lang ang tingin ni Andong sa kanilang dalawa ni Niño.
Nawala ang mga ngiti sa labi ni Niño nang maramdamang seryoso ang kaibigan sa nais nitong sabihin sa kaniya. Naramdaman niya ang panlalamig ng kaniyang mga kamay nang makaramdam ng kaba sa kung anuman ang maaaring lumabas mula sa bibig ng kaibigan.
"Maayos na ang pakiramdam ko. Nararamdaman ko pa rin ang kirot mula sa sugat ko ngunit... gagaling rin naman ito pagkatapos ng ilang linggo. Ano ang mahalaga mong sasabihin?" Saad ni Niño.
Kinuha ni Fernan mula sa hawak-hawak na maletin o satchel ang isang sobre atsaka kinuha ang laman nito at inabot sa heneral.
Hindi makapaniwala, ibinalik ni Niño ang tingin kay Fernan habang hawak-hawak pa rin ang liham na mula mismo sa tinitingala niyang pangulo—ang Señor Presidente, si Heneral Emilio Aguinaldo.
Liham ito na nag-uutos kay Heneral Antonio Luna na pumunta sa Cabanatuan.
"S-Saan mo ito nakuha?" Gulat na gulat na tanong ni Niño habang nanginginig pa ang mga kamay na hawak-hawak ang telegrama.
"Nang magpunta ang aming pamilya sa Dagupan ay agad akong nagtungo sa Maynila." Simula ni Fernan at mas lumapit pa sa mga kaibigan.
"Kinausap ko ang mga Luna. Naniniwala akong hindi basta-basta magbibitiw ng salita si Rusca laban sa Señor Presidente kaya naman gusto kong malaman ang katotohanan at ito nga, nakuha ko ang patunay na magdidiin sa Señor Presidente." Halos bulong nalang na sabi ni Fernan atsaka kinuha ang telegrama mula sa pagkakahawak ni Niño.
"Ngunit wala itong halaga dahil siya ang nasa kapangyarihan." Wika ni Fernan kaya napakunot ang noo ni Andong.
"Sandali... hindi ko na alam kung saan papunta ang usapang ito, Fernan." Nagugulumihanang saad ni Andong.
"Kailangang mapatalsik si Aguinaldo." Diretso at seryosong sagot ng koronel.
"Ano ba 'yang sinasabi mo Fernan!" Pabulong na saway ni Andong sa kaibigan, maingat na walang makarinig sa pinag-uusapan nila.
"Papatalsikin si Aguinaldo o hahayaan natin siyang isa-isahin ang mga heneral na nagiging sagabal sa mga masasama niyang ginagawa?" Sagot ni Fernan.
"Anong ibig mong sabihin?"
"May kinalaman siya sa pagpatay kay Heneral Luna. Hindi malabong may kinalaman din siya sa mga nangyayari kay Niño ngayon." Ani Fernan at tinignan ang sugat ni Niño kaya napatingin din doon si Andong.
Halos malaglag sa lapag ang panga ni Andong sa narinig at napagtanto samantalang nanatiling nakatingin sa kawalan si Niño. Sobrang daming pumapasok sa isip niya. Hindi na niya alam kung ano ang unang iisipin.
Naalala niyang pagkagising niya ay si Eduardo lang ang tao sa silid at agad na binanggit nito sa kaniya na maaaring kasamahan nila ang bumaril sa kaniya kaya't mag-ingat siya dahil nakita nito ang balang tinanggal ni Angelito Custodio mula sa kaniya at ito pa nga raw ang nagsabi sa manggagamot na bala iyon ng baril na ginagamit nila.
Gulung-gulo na si Niño. Kasamahan nga ba talaga nila ang bumaril sa kaniya at may kinalaban nga ba rito ang Señor Presidente? Kung oo, bakit naman nito gagawin ang bagay na 'yon? Naging tapat naman siya sa mga ipinag-uutos nito at walang ginawang kahit anong ikagagalit nito.
Lamang na ang pagdududa kay Niño ngunit bilang isang sundalong nagtitiwala sa kaniyang mga kapwa sundalo, pinipilit niyang kumbinsihin ang sariling huwag mawalan ng tiwala sa kaniyang mga kasamahan dahil ito ang mga kasama niyang lumalaban para sa kalayaan ng bayan. Ngunit paano nga kung ito ang naglagay sa kaniya sa kapahamakan? Patuloy ba siyang magsusunud-sunuran sa taong gusto na siyang ipapatay o matututo siyang lumaban sa tinitingala niyang pinuno ng bayan?
"Ngunit... bakit naman gustong ipapatay ni—"
"Una sa lahat, naisip ko ay dahil nangangamba siyang maalis sa kaniyang pwesto. Matagal na siyang namumuno at marami na rin ang may ayaw sa pamumuno niya kaya naman hindi magtatagal ay maaaring pumili tayo ng papalit sa kaniya at aminado naman siguro tayong lahat na isa si Niño sa pinakapinapaboran ng karamihan, hindi ba?" Putol ni Fernan kay Andong.
"Sinasabi mo bang nangangamba siyang maagaw ni Niño ang kaniyang kapangyarihan?" Tanong ni Andong.
"Hindi ko sinasabing ito nga talaga ang kadahilanan ngunit isa ito sa mga posibleng rason upang gawin niya ito." Sagot ni Fernan.
"Isa pa ay maaaring may kinalaman ito kay... Binibining Juliet."
Sabay na napalingon sina Niño at Andong kay Fernan nang marinig 'yon. Bakas sa mga mukha nila ang paghihintay sa susunod na sasabihin ni Fernan tungkol sa dalaga.
"Naaalala niyo ba nang bumalik tayo noong kasal ni Pia mula Cabanatuan nang mamatay si Heneral Luna? Alam ni Juliet ang mga nangyari, hindi ba? Hindi ako sigurado kung paano niya nalaman ang mga bagay na 'yon ngunit lahat ng sinabi niya ay tumugma sa mga katotohanang nalaman ko. Naaalala niyo rin ba nang mapagkamalan kaming magkasintahan dahil dinala ko siya sa madilim na bahagi ng hacienda Enriquez? Dinala ko siya roon upang itakas mula sa naghahanap sa amin."
"Naghahanap sa inyo?" Tanong ni Andong.
"Nang sabihin ni Niño na hanapin ko si Juliet noong gabing iyon, nakita ko siya malapit sa pinto at nang palapit na ako sa kaniya ay narinig ko ang pag-uusap ni Guillermo at isa pang sundalo. Naalala ko na may nabanggit sa usapang iyon na sa Cabanatuan papatayin ang 'mayabang na heneral.' Habang umaatras pabalik sa loob ng mansyon ay napatid si Juliet kaya naman agad ko siyang binuhat palayo dahil sigurado akong narinig nila Guillermo ang pagkatumba niyang 'yon. At hindi nga nagtagal ay pinatay nga si Heneral Luna sa Cabanatuan sa kamay ng mga sundalo ng Kawit." Mahabang paliwanag ni Fernan.
"Tingin ko ay maaaring may kinalaman ang gabing iyon sa mga nalalaman ni Binibining Juliet ngunit sigurado akong mas marami pa siyang nalalaman. Kung iisipin niyo, nagmula siya sa Inglatera ngunit nabanggit niya noong araw ng kasal ni Pia ang tungkol sa kamatayan ni Bonifacio at sa katunayan ay sa kaniya ko nakuha ang ideyang pumunta sa Binondo sa mga Luna upang tanungin ang tungkol sa telegrama dahil na rin may nabanggit siya noong araw na iyon tungkol sa telegramang ipinadala ni Aguinaldo." Sagot ni Fernan.
"Ngunit paano nangyaring may alam si Binibining Juliet sa ganitong mga bagay?" Nagtatakang tanong ni Andong na umaasang makakakuha ulit ng kasagutan sa tanong niya kay Fernan.
"Hindi ko alam." Diretsong sagot ni Fernan atsaka tumingin kay Niño kaya napatingin din ito sa kaniya.
"Pero may kutob akong may kinalaman kay Binibining Juliet ang nangyayari na ito kay Niño at malaki rin ang kinalaman ni Guillermo rito."
"Guillermo?" Tanong ni Andong.
"Pinuntahan ni Guillermo si Juliet sa pagamutan ni Angelito dati, mga isang buwan bago ang kasal nila ni Niño. Sigurado akong pumunta siya roon upang makakuha ng impormasyon." Sagot ni Fernan.
"Niño, alam mo ba ang pinag-usapan nila noon?" Tanong ni Fernan.
Nanlaki ang mga mata ni Andong nang may maalala. "May ipinakuha ka rin kay Adelina na mga papel mula kay Binibining Juliet noon, hindi ba? Wala bang nakalagay doon tungkol sa araw na 'yon?"
Umiling-iling si Niño. "Ayaw kong madamay si Juliet dito. Walang magbabanggit o magtatanong sa kaniya ng kahit ano. Nagkakaintindihan ba tayo?"
Nagkatinginan sina Andong at Fernan dahil sa sinabi ni Niño.
"Ngunit siya ang nakakaalam kung ano ang mga sinabi ni Guillermo sa kaniya, Niño. Kailangan natin 'yon upang malaman ang rason nila sa paggawa nito sa'yo." Ani Fernan.
"Hindi na mahalaga ang rason. Wala pa namang nakakapagpatunay na tinangka talaga akong patayin ng ating sariling mga kasamahan kaya mananatili akong tapat at nagtitiwala sa kanila." Wika ni Niño.
"Puñeta, Niño!" Galit na sigaw ni Fernan sa nagmamatigas na heneral.
"Kailangan pa bang lumabas ng utak mo mula riyan sa bungo mo para magising ka sa katotohanang pinapatay ka na ng iyong sariling kakampi?!"
Agad na tumayo si Andong para pakalmahin si Fernan na ngayon lang niya narinig magtaas ng boses.
"Niño, wala na ang mga kasamahang tinuturing mong kapatid. Lahat sila ay handa ka nang ipagkanulo para sa kanilang sariling puri. Lahat sila ay nasilaw na sa kayamanan at kapangyarihan na makukuha nila sa pagtraydor sa iyo." Wika ni Fernan.
"Inuulit ko, sobrang pagtitiwala ang papatay sa'yo." Saad pa ni Fernan bago tuluyang lumabas.
"Magpahinga ka na, Niño at pagnilayan mo nang mabuti ang mga nangyayari sa paligid mo." Sabi ni Andong at lumabas na rin.