webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · 都市
レビュー数が足りません
165 Chs

Kapag Hindi Mo Sinabi Sa Akin, Hahalikan Kita

Nang gabing iyon, sa may couch sa gilid lamang natulog si Gu Jingze. Nang bumangon si Lin Che para pumunta sa bathroom, napansin niya doon si Gu Jingze. Totoo ngang napakaikli ng couch na iyon para sa tangkad nitong 1.9 metro. Kinailangan pa nitong itaas ang mga paa para lang magkasya doon. Nakaramdam si Lin Che ng discomfort habang pinagmamasdan si Gu Jingze. Iniyuko niya ang ulo at pinagmasdan ang mukha nito. Habang natutulog, ang labi nito ay mahigpit na nakasara. Kalmado lang ang kilay nito at hindi gaanong istrikto tingnan kaya lalo itong nagmukhang mahinahon. Ang makinis nitong balat at mukha nitong walang kahit anong pimples ay sapat na upang kainggitan ng mga kababaihan.

Pinagmasdan niya lang ito nang ganoon sa loob ng ilang minuto bago hinawakan ang babà at dahan-dahang inilapit ang mukha sa mukha nito.

Asawa niya ang lalaking ito.

Kapag naiisip niya ito, pakiramdam niya pa rin ay isa itong malaking milagro sa buhay niya.

At isa pa, napaka-gwapo naman ng napangasawa niya.

Walang kahit sinong artista o sikat na tao ang makakapantay dito.

Siyempre, isa sa mga dahilan kung bakit naging ganoon kasikat si Gu Jingyu ay dahil na rin sa genes ng mga Gu na nasa dugo nito.

Nandiyan din ang Presidente; ito ang itinuturing nilang pinaka-gwapo na pangulo sa loob ng maraming taon. Malinaw naman talaga kung gaano kaganda ang genes ng mga Gu.

Narealize ni Lin Che na bagaman matagal na silang ikinasal, ito ang unang pagkakataon na napagmasdan niya ito nang ganito kalapit.

Nalaman niya na napakahaba pala ng pilikmata nito habang pinagmamasdan niya ito

Napansin din niya na matambok ang labi nito, kaya...

"Ano'ng tinitingnan mo?" Nang sandaling iyon ay narinig niyang nagsalita si Gu Jingze.

Halos matumba si Lin Che sa sahig dahil sa pagkabigla.

Nang itaas niya ang ulo, nakita niya itong nakatingin sa kanya habang ang mukha nito'y puno ng kapilyuhan. Dahil sa mapang-asar nitong ekspresyon ay lalo lang nahiya si Lin Che.

"Ah... Pinagmamasdan lang kita. Bakit? Asawa naman kita, diba. Hindi ba ako pwedeng tumingin sa'yo?" Sabi ni Lin Che, habang pinipilit na patatagin ang sarili. Matigas ang mukhang nakipagtitigan siya kay Gu Jingze.

Ang pangungusap na "asawa naman kita", ay nagdulot ng kakaibang damdamin kay Gu Jingze.

Lalong lumapad ang ngiti ni Gu Jingze at bahagyang lumapit sa kanya.

Dahil sa pagkakalapit ng mukha nito sa kanya, napaatras kaagad si Lin Che.

Ngunit, mabilis na nahawakan ni Gu Jingze ang babà ni Lin Che at pinigilan siyang makagawa ng iba pang kilos.

Sumigaw si Lin Che, "Bakit bigla kang lumapit sa'kin?"

"Asawa kita. Hindi ba ako pwedeng lumapit sa'yo?"

Dahil sa sinabi nitong "asawa kita", naramdaman ni Lin Che ang pag-iinit ng kanyang pisngi.

Mukhang nang-aasar na nakatingin si Gu Jingze sa labi ni Lin Che. "Sabihin mo sa'kin. Ano ba'ng ginagawa mo kanina?"

"Ano... May nakita ako sa mukha mo..." Iniwasan ni Lin Che ang titig nito.

"Paano naman mangyayari iyon? Wala namang dumi sa mukha ko ah."

"Akala mo lang iyon. Ang dami mong muta oh." Gumagawa nalang ng kwento si Lin Che.

"Hahaha, akala mo ba kasinghina mo ako mag-isip?" Singhal ni Gu Jingze.

Tiningnan niya ito nang masama.

Iniinsulto na naman siya nito.

Pero bakit ganoon; napaka-elegante pa rin nitong tingnan. Kahit napakaliit ng couch na iyon sa katawan nito, ang ganda pa ring tingnan ang hitsura nito kapag nakahiga. Para bang hindi ito kumilos nang kaunti nang buong gabi at sobrang linis ng mukha nito.

"Sasabihin mo ba o hindi? Ano ba kasi ang tinitingnan mo kanina?" Pagpupumilit ni Gu Jingze.

"Ang totoo niyan..."

"Kapag hindi mo sinabi sa akin, hahalikan kita." Biglang inilapit ni Gu Jingze ang mukha.

Nabigla, ang tanging naramdaman lang ni Lin Che ay babangga na ang mukha nito sa ilong niya pero bigla itong huminto.

Sa ganoong posisyon, saktong-sakto lang na nalalanghap niya ang hininga nito kaya hindi niya mapigilan ang puso na sumabog at parang biglang naging makati ang pisngi niya.

"Ano... Ikaw... Ikaw.."

"Maling sagot." Pagkasabi nito ay mabilis na lumapat ang labi nito sa labi ni Lin Che, bahagyang hinahaplos ang labi niya na parang isang tutubing naglalaro sa ibabaw ng tubig.

Nagulat si Lin Che sa ginawa nito. "Ikaw, ikaw, ikaw, hinalikan mo talaga ako..."

Habang nakatingin sa kanyang gitlang mukha na para bang nakakita ng isang multo, kaagad na napatawa nang malakas si Gu Jingze.

"Kailan ba ako nakipagbiruan?"

Natakot si Lin Che kaya mabilis niyang itinulak palayo si Gu Jingze.

Dahil sa ginagawa niyang paglayo ay lalo lang tumawa nang malakas si Gu Jingze.

Habang pinakikinggan niya ang mapangkutya nitong pagtawa, pakiramdam niya ay tuluyan na niyang ipinahiya ang sarili sa harapan nito.

Dali-dali siyang pumasok sa bathroom at isinara ang pinto, parang gusto ng lumabas ng puso niya sa kanyang dibdib.

Hindi maaari ito. Kailangan niyang mas lalo pang lumayo sa lalaking ito.

Dahil kung hindi, ano pa ang gagawin niya sa harap nito gayong mas nahihilig na itong asarin siya nang walang dahilan?

Hindi nakatulog nang maayos si Lin Che nang gabing iyon.

Pero sa sumunod na araw ay nakatanggap si Lin Che ng magandang balita.

Nawala na ang mga usap-usapan sa mga balita tungkol sa kanya. Humingi na rin ng paumanhin ang mga police sa publiko at sinabing aksidente lang ang lahat ng iyon at nagkamali lang ang mga tao na idawit ang kanyang pangalan.

Bukod pa rito ay naayos na rin ang kanilang advertisement deal.

Pagdating niya sa kompanya ay nakita niya si Yu Minmin na naghihintay sa kanya sa loob. Hindi nito napigilang mapangiwi nang makita si Lin Che bago siya papasukin sa loob. Sinabi nito sa kanya, "Ayon sa mga narinig ko, na-ban na raw ang Senmirang iyon."

"Huh? Ganoon ba?" Nagtatakang tanong ni Lin Che. "Sinong nagsabi?"

Sumagot si Yu Minmin, "Halos ng mga tao sa industriya ay alam na ang balitang ito. Nakagawa ng kasalanan si Senmira sa isang tao kaya inihinto na ng kompanya nito ang kontrata niya. Sa ngayon ay wala ng ibang kompanya ang nangangahas na tanggapin siya. Kahit maaari man siyang maghanap ng ibang trabaho, ang problema ay wala ng kompanya ang nais makipagtrabaho sa kanya. Sa palagay ko bigla na lang siyang maglalaho pagkatapos nito."

Napakurap si Lin Che. Naisip niya na talagang napakadali lang na maglaho ang isang tao sa propesyong ito.

Nagsalitang muli si Yu Minmin, "Masasabi kong medyo ini-spoil ka ni Gu Jingze."

Bahagyang namula ang mukha ni Lin Che habang nahihiyang tumingin kay Yu Minmin.

Pero naisip din niya na hindi ganoon ang kaso sa sitwasyong ito.

Sadyang responsable lang talaga si Gu Jingze; pakiramdam lang nito ay may utang na loob ito sa kanya dahil kahit kasal na sila, nakikipagkita pa rin ito kay Mo Huiling.

Ganoon pa man, hindi na niya iniisip na nangyari ang kasal na ito dahil sa ginawa niyang gulo o sa sakit nito.

Ang pagpapakasal nila ay bunga ng kani-kanilang pagkakamali. Hindi nila pwedeng sisihin ang isa't-isa.

Huminga nang malalim si Lin Che bago sumagot, "Miss Yu, hindi mo naiintindihan. Hindi ito tungkol sa pagspoil man niya sa akin o hindi... dahil ang totoo niyan ay talagang mabuting tao naman siya."

Ngumiti lang si Yu Minmin. "Kapag may nakarinig sa'yo na tinatawag mong mabuting tao si Gu Jingze, baka lalo lang matakot ang mga tao."

"Bakit naman?" Napakurap si Lin Che dahil sa pagtataka.

"Alam ng lahat na si Gu Jingze ay isang makapangyarihang tao na kinatatakutan ng lahat. Napakahirap niyang lapitan. At isa pa, sa palagay mo ba, ang isang taong napakagaling maglaro sa isang malaking industriya ay simple lang ang pag-iisip?"

Napatigil si Lin Che. Noong nagsisimula palang sila, ganoon nga rin ang pakiramdam niya: na mahirap itong lapitan, napakasungit, at sobrang demanding.

Ngunit sa kalaunan ay naging pamilyar na siya dito at hindi na masyadong naaasiwa sa harap nito.

Ngayon ay hindi na siya gaanong natatakot kay Gu Jingze.

Sinabi pa ni Yu Minmin, "Alright. Kailangan na nating makaalis ngayon. Nakahanap ng magandang pagkakataon ang ating production team. Siguro naman ay pamilyar ka sa programang 'National Winner'? Kilala iyan ng lahat; napakataas lagi ng viewers' rating nito at paborito ito ng lahat--bata man o matanda. Kahit ako man ay kinalakhan ko na ang panonood ng show na 'to."

"Ngayong linggo ay dadalo kayo sa show na ito. Bilang isa sa major characters, kailangan mo ring sumali. Tandaan mo iyan at kailangan mong maghanda."

Nang marinig ito ni Lin Che, excited na napatanong siya, "Sasali rin ako?"

"Oo naman."

Kaagad na nakaramdam ng kakaibang saya si Lin Che. Hindi niya lubos akalain na balang araw ay makakasali siya sa isang kilala at sikat na TV program.