Dumating na nga ang araw ng kaarawan ni Frost. Umaga pa lang ng araw na ito ay abala na kami sa paghahanda sa circus house. Hanggang sa maghapon na at magdilim ay kabado kaming lahat. Hindi namin alam kung magugustuhan ba ng mga taga-Saxondale ang aming magiging pagtatanghal.
Hawak ko ang ice skate ko habang sinusuklay ni Kirstine ang maikli kong buhok. Inipit niya sa gilid ng tainga ko ang malaking ipit na snowflake. May maliliit itong bato na kulay asul.
Napakaganda rin niya. Suot naman niya ngayon ang kulay lila niyang corset. Gaya ng mga kasuotan ni ama ay itim na tailed coat ang kanyang suot. Kinulot din ang kanyang buhok na may kulay pang matingkad na berde ang dulo.
Pagkatapos ay isinuot ko na ang kulay puti kong damit. Manipis lang ito at may nakadikit na pakinang na parang tala sa madilim ba kalangitan. Maayos na rin ang isusuot kong maskara mamaya. Pagkatapos akong ayusan ni Kirsten ay nagpatalun-talon ako para mawala ang aking kaba. Ngayon lang ako kinabahan ng ganito sa tagal ko ng nagtatanghal.
Hindi ko malaman kung naiihi ba ako o may lumilipad na paruparo sa loob ng aking tiyan. Hinipan-hipan ko pa ang nakakuyom kong kamay.
''Masyado ka yatang kinakabahan, anak.'' Nakangiting sabi ni ama. Nakakulay pulang tailed coat siya at may hawak na mahabang baston. Wala na rin ang balbas niyang namuti na. Napakagwapo ng aking ama. Bumata siya sa kanyang itsura ngayon. Kung nandito lang si ina tiyak kong mas lalo siyang mapapa-ibig sa kanya.
''Opo ama, hindi ko mapigilan,'' sabi habang isinusuot ang aking maskara.
''Aba'y ganyan ba ang epekto na may makakapareha ngayon? Kung sino man siya ay husayan niya.'' Napatango ako sa kanya. Kahit si ama ay hindi alam kung sino ang magiging kapareha ko ngayon.
Nakita ko naman bigla ang pagdaan ni Lucas.
''Lucas!'' Kinawayan ko siya, nilingon naman niya ako at ngumiti. Lumapit siya sa amin, hinimas niya ang likod ni ama kaya tinapik naman nito ang balikat niya, pagkatapos ay nauna ng umalis.
''Napakaganda mo ngayon Holly, ang ganda rin ng ipit sa buhok mo, bagay na bagay sa'yo.''
''Si Kirstine ang nag-ayos nito, salamat. At ikaw naman, hmmm, ang kisig mo ngayon.'' Tinitigan ko siya mula ulo hanggang paa. Kulay dilaw na may itim sa may manggas ang kaayang kasuotan. Hapit ito sa katawan niya. Sakto lang naman ang laki ng kanyang katawan. Nakaayos rin ang buhok niya na parang sinuklay palikod at napakakintab. May maliliit na pampakinang sa manggas nito at sa likod ay ang disenyo ng snowflake.
''Salamat, pero alam mo parang may kulang sa 'yo, teka.'' Nagpalingon-lingon siya at tila may hinahanap. Nang makita niya ang plorera sa may mesa ay agad niyang pinitas ang bulaklak na kulay puti, na may kulay dilaw rin sa gitna. Polyanthus ang ngalan nito at ito'y uri ng bulaklak na nabubuhay sa panahon ng tag-lamig.
''Ayan, ayos na. Mas lalong lumitaw ang ganda na taglay mo, Holly. 'Wag kang kakabahan, galingan mo mamaya.'' Tumango lang ako. Inakbayan ako ni Lucas at sabay na lumabas. Nakayapak lang ako, mamaya ko na isusuot ang ice skate pagdating niya.
***
Mag gagabi na at napakarami pa ring mga tao ang nagsisipasukan dito sa circus house. Ilang bakanteng upuan na lang ang hindi pa nauukupahan. Ang pamilya Noelle naman ay nasa taas ng balkonahe at mismong gitna. Animo'y mga hari at reyna na nanonood.
Lahat silang manonood ay mga mayayaman. Napakagagara ng mga panlamig na kanilang mga suot. May hawak pang mababalahibong pamaypay ang ilang mga kababaihan kahit na malamig naman ang panahon. Napaisip tuloy ako kung ilang ibon ang kanilang hinuli para gawing pamaypay. Hay, kaawa-awang mga ibon.
Mag-uumpisa na. Binuksan na ang ilaw na nakapalibot sa entablado. Pagkatapos ay narinig ko na si ama.
''Kumusta, mga mahal naming manonood!'' Panimula ni ama habang ikinakaway ang baston niya. Nagsigawan at pumalakpak naman ang mga naroon.
''Kami ang Snowflakes Troupe ng Neevern!'' Itinaas ang kanyang kamay at nakangiti, halos makita ko na rin ang ngipin niya. ''Kami ang maghahandong sa inyo ng kasiyahan kaya... maligayang kaarawan, Master Frost Noelle! Atin ng simulan ang pagtatanghal!'' Pagkasabi ni ama noon ay namatay ang ilaw.
Pumunta na sa likod ng kurtina si ama at tinapik ang balikat ni Sofia. Pagbukas ng ilaw ay nasa gitna na siya ng entablado, nakatungo at nakakrus ang mga braso. May malaki rin siyang pangalang SOFIA na gawa sa alambreng pinuluputan rin ng berdeng ilaw na nakasabit rin sa gitna.
Nagsimula siyang sumayaw habang binabaluktot ang kanyang katawan. Siya ang aming Contortionist. Itinaas niya ang kanyang kaliwang binti at ibinaluktot ito hanggang sa maabot ang kanyang baba.
Pagkatapos ay pumorma na parang letrang V ang kanyang binti. Sumunod ay dumapa siya, inangat ang mga binti, ang mga braso niya ang nagsisilbing pambalanse nito. Ibinabaluktot niya ang binti hanggang sa makaabot ng sahig.
Nakita ko sa mga mukha ng mga nando'n ang pagkamangha. Ang iba'y napapangiwi na tila sila ba ang nasasaktan sa ginagawa ni Sofia. Ngumiti pa muna siya pagkatapos ay ipinaikot ang mga binti palibot sa nakabaluktot na katawan sa sahig.
Sumunod na ginawa niya ang paglapat ng kanyang siko habang binuhat ang katawan paangat. Dahan-dahan niyang iniunat ang mga binti't ipinatong sa kanyang ulo ang dulo ng paa. Tumayo na siya't tumakbo palapit sa mga magkakadikit na pambalanse. Gawa sa kahoy ang tatlong blokeng nakadikit sa dulo nito.
Pumapalahaw naman ang hiyawan ng mga manonood. Gamit ang kaliwang kamay ay humawak siya sa bloke, buong lakas niyang binuhat ang katawan. Umindayog siya na parang dinuruyan ang mga binti. Iniikot niya ang bloke kaya sumasabay rin ang buo niyang katawan, umiikot sa palibot ng mga pambalanse na parang elesi.
Kumuha naman siya ngayon nang malaking bola, humawak siya rito at inangat ang buong katawan at nagpabalu-baluktot habang pinatatalbog ang bola. Marami pa siyang ginawang nakamamangha, ang iba'y bago lang gaya ng gagawin niya sa huli. Ang pagpapana gamit ang kanyang paa.
Tumawag siya ng isang manonood na babae. Pinatayo niya sa gilid ng entablado at pinatungan ng mansanas sa ulo. Halos kabahan kaming lahat sa gagawin niya. Mariing pumikit ang babae. Napatayo ang ibang manonood, ang iba'y nakahawak nang mahigpit sa mga kamay nila. Nagdarasal sigurong huwag mataman ang ulo nito.
Iniipit ni Sofia ang pana sa mga daliri ng kanyang kaliwang paa. Humawak uli siya sa bloke para maiangat ang katawan. Nagpabaluktot uli siya habang nakapwesto na ang pana at ang matulis na palaso. Inaasinta niya ang mansanas na may layong labinlimang metro. Mayamaya ay inasinta na niya ang babae.
Pigil ang hininga naming lahat. Parang huminto ang oras. Ni isa'y walang gustong kumurap. Pagkaraan ng ilang segundo ay pinakawalan na niya ang palaso. Napasigaw ang mga manonood. Ang iba'y napatakip pa sa mga mata pati ang babaeng nasa entablado.
Nang matiyak na buhay pa ang babae at ang mansanas ang natamaan ng palaso ay hiyawan ang mga manonood, may mga sumisipol pa. Nagpalakpakan sila at nagbato ng mga bulaklak para kay Sofia. Halos makahinga kaming lahat nang maluwag. Ang gaan sa pakiramdam. Habang yumuyuko at nagbibigay pasasalamat si Sofia ay biglang namatay ang ilaw.
Bumungad sa 'min ang apat na bolang apoy na nagpapaikot-ikot sa ere. Sina Madrid at Minerva na ang sumunod, sila ang aming magagaling magmanipula ng apoy. Madilim ang paligid, tanging ang ilaw lang ng apoy ang nagsisilbing liwanag.
Nakasuot lamang si Minerva ng kulay gintong pang-itaas na halos ang dibdib lamang niya ang natatakpan. May gintong maikling palda rin siyang may makikinang na bilog sa may bandang balakang. Si Madrid nama'y itim na pantalong may mga punit ang suot. Tanging gintong pampakinang lang sa itaas na bahagi ng kanyang katawan ang meron siya. Hindi nila alintana ang lamig dahil hatid naman nila'y init para sa lahat.
Nagbabaga at nangangalit ang mga apoy ngayo'y bumabalot sa paligid.
Gamit ni Madrid ang mahabang baton na may apoy sa magkabilaang dulo. Si Minerva naman ay nag-aapoy na pamaypay. Kahit magka-iba sila ng gamit ay nagagawa nilang pagsabayin ang ikot nito. Bumubuo sila ng mga kakatuwang mga disenyo. Bituin sa gitna ng bilog, ang simbolong infinity at kung minsa'y hinahagis-hagis ni Madrid ang baton sa ere saka sasaluhin.
Sumunod nilang ginamit ang poi. Sinindihan nila ang dulo nito't nag-apoy agad. Pinaikot-ikot sa gilid, sa ere na parang magkakabuhol-buhol na iyong tali. Pinapaikot naman ng babae sa kanyang katawan ang poi, sa binti pa at binabaluktot palikod pagkatapos ay pinapa-ikot nang mabilis ang poi. Pagkatapos ay sabay sila ng lalaki na magpaikot ng mabilis. Tumatalsik naman ang mga butil ng apoy sa entablado.
At panghuli, kinuha ni Madrid ang mahabang baton saka binugahan ito ng kerosin kaya't mas lalong nagalit at naglagablab ang apoy. Pagkatapos ay yumuko sila at nagbigay ng pasasalamat. Ang gagaling nila. Mas lalo tuloy akong kinabahan.
***