webnovel

CHAPTER 5

▪▪▪

Ang sabi ni Frost, 'wag akong mag-alala dahil ibabalik niya sa akin ang maskara na kinuha ng kanyang kapatid. Halos mag-alala kaming lahat sa nangyari sa kanya. Maliban na lang kay Lucas. Pinayuhan ako ni ama na 'wag na akong lalapit pa sa kanya dahil sa nangyari. Baka raw mas mapadali ang kamatayan ng binata kapag kasama ako, na hindi ako bagay makipagkaibigan sa kanyang may sinasabi sa lipunan.

Pati rin ba si ama'y naniniwala na ang mayaman ay hindi maaaring magkaroon ng ugnayan sa taong walang sinasabi sa lipunan? Na ang mga maharlika ay para lamang sa maharlika? Ang mga katulad naming mahirap ay para lamang sa mahirap? Nakakatawang idelohiya.

Isang araw na ang nakaraan, hindi pa nagpapakita si Frost. Nag-aalala ako na baka may nangyari na sa kanyang masama. Hindi siya nawawaglit sa isipan ko pati na rin ang huli niyang sinabi. Napatingin ako sa labas. Dumungaw ako nang bahagya sa maliit na bintana habang hawak ang damit kong isusuot sa pagtatanghal sa kanyang kaarawan.

May hamog ang salamin ng bintana kung kaya't malabo ito, hindi ko rin makita ang tanawin sa labas. ''Halika na, Holly!'' Nilingon ko ang lalaking nagsalita, nakatayo siya sa nakahawing asul na kurtina sa aking silid.

Si Lucas, nakapameywang siya habang bitbit ang ice skate. Nakangiti siya pati ang mga mata niya. Oo nga pala, may usapan kaming magi-ice skate sa nagyelong lawa. Mabilis naman akong sumunod sa kanya nang hindi tumitingin sa kanyang mga mata. Hindi gaya no'ng nakasuot ako ng maskara.

Nagpaikot-ikot lang kami ro'n na parang mga bata. Nagtatayaan habang nagpapadausdos. Ang sarap sa pakiramdam na maging malaya.

***

Matapos kaming mag-ice skating ay pumunta kami sa kusina, dumiretso ako sa lagayan ng tsarera at tsaa para makapagtimpla.

Nginitian ko muna siya at umiwas na ng tingin. ''Maupo ka na, Lucas.''

Hinila niya ang silya tsaka ipinaikot ito, nakaharap sa 'kin ang sandalan at pabaliktad naman siyang umupo.

''Gusto kita, Holly.'' Malambing niyang winika. Napatingin ako sa bulaklak na naalagay sa porselanang vase, natigilan at pinoproseso ng aking utak ang sinabi niya.

Prangka talaga siya, walang paliguy-ligoy. ''Binabalak kong ligawan ka, sana ay pumayag ka.'' Napatungo siya, nakita ko sa gilid ng aking mata na para bang nahiya sa sinabi. ''Minamahal na kita simula pa no'ng nagkaro'n ako ng ideya kung ano ang ibig sabihin ng pagmamahal.''

Ako naman ngayon ang napapikit. Bigla kong nakamot ang aking ulo pagkatapos ay naharap sa kanya. 'Nakakahiya, baka isipin niyang wala akong respeto sa nagsasalita.' Hindi ko rin naman alam ang aking isasagot.

''Oo nga't malaki ang paghanga ko sa'yo, Lucas, at matagal na rin kitang hinahangaan.'' Napangiti siya sa sinabi kong 'yon. ''Wala pa man akong karanasang umibig, alam kong magkaiba pa rin ang paghanga sa pag-ibig.'' Natutop ko bigla ang aking bibig. Inalala ang mararamdaman ng aking kausap.

Hinawakan niya ang mga kamay ko at do'n lang nakatuon ang paningin ko. Pinisil pa niya ang aking palad, hindi naman ako sana'y na may nagtatapat ng pag-ibig sa katulad kong kakaiba. Ngumiti siya.

''Salamat sa paghangang ibinibigay mo sa akin. Alam ko na ang iyong sagot sa aking tanong kung kaya't, iginagalang ko ang iyong desisyon.'' Tinapik-tapik niya ang aking ulo bago siya tumayo.

''L-Lucas.''

''Tandaan mo, kapag sinaktan ka niya.'' Bahagya siyang napalunok. ''Narito lang ako!'' Taas noo niyang tinapik ang dibdib. ''Lagi kang nasa puso ko, aking reyna.'' Napansin ko ang pagpigil niya sa nanginginig na labi, bahagya rin niyang kinagat ang ibabang bahagi nito. '''Wag kang mag-alala, ako pa rin si Lucas, ang 'yong kaibigan.'' Matipid ang ngiti niya sa 'kin, pagkatapos ay tumalikod na siya at kumaway ng hindi man lang ako nilingon.

Akala ba niya ay hindi ko napansin ang biglaang paglungkot ng kan'yang mga mata? Pilit siyang ngumiti sa akin at nakakakonsensiya ang hindi ko pagtanggap sa kanyang pag-ibig.

Wala pa man akong sagot ay alam na raw niya ito at iyon ang hindi ko naintindihan agad. Niyakap ko na lang ang hawak kong damit at isinubsob sa kama ang aking mukha.

***

Pangalawang gabi na ngunit hindi pa rin nagpapakita sa akin si Frost. Dalawang araw na lang ay kaarawan na niya. Iniisip ko siya habang nakatayo sa entrada ng circus house. Ako ang huling nag-eensayo sa gabi para walang sinuman ang makakita kung paano ko gawing yelo ang bilog at malawak na entablado.

Naglakad na ako papasok sa loob ng aming pagtatanghalan, inangat ko ang bukasan ng ilaw. Tumambad sa 'kin ang malawak na entabladong may makinis at puting sahig, sa gitna naman ay asul na snowflake. Naglakad ako papunta sa gitna.

Ibinuka ko ang aking palad na parang nanlilimos. Dahan-dahang nagpakita ang puting usok na kay sarap sa pakiramdam. Ang singaw ng lamig ay normal lang sa aking katawan. Tumingala ako't pinagmasdan kung paano sila magkumpulan sa itaas. Parang ulap na magsisimulang umulan.

Ilang saglit pa ay bumuhos na ang maliliit at napakaraming nyebe sa aking paligid. Sa pagdampi nila sa entablado ay saka sila isa-isang nagiging yelo. Hanggang sa maging yelo na nga ang aking tinutung-tungan.

Isinuot ko na ang ice skate ko at sinimulan ang pagdausdos.

"Hindi nga ako namamalikmata lang, totoo nga ang nakita ko noong nakaraang araw.'' Natigilan ako sa aking narinig. Nilingon ko ang lalaking nagsalita at biglang kumabog nang malakas ang aking dibdib. Nagwawala na naman ang aking puso, narinig ko lang ang malamig at mababa niyang boses ay halos magulo na ang aking sistema. Si Frost, narito na siya! At nakita na niya ang itinatago kong sikreto.

Ilang saglit akong hindi nakagalaw sa kinatatayuan ko. Tila ba naging yelo na rin ako. Pinagmasdan ko lang ang mga kamay niya, kung paano isuot ang kanyang bitbit na ice skate  at kung paano siya nagpadausdos palapit sa akin habang nakapamulsa. Nakangiti siya, alam ko kahit na hindi ko masyadong makita ang kanyang mukha dahil sa malaking talukbong ng kanyang panlamig.

Kailan pa siya natutong mag-ice skate?

''Holly.'' Tawag niya sa akin. Hanggang dibdib lamang niya ako kung kayat kailangan ko pa siyang tingalain na hindi kinakailangang tumitig sa kanya. Nagkamot siya ng baba. Saka lang ako bumalik sa wisyo nang ilapit niya ang mukha sa akin. Napahakbang ako patalikod at palayo sa kanya.

''Tsk tsk.'' Umiiling-iling siya. ''Nabighani ka na naman ba ng aking kakisigan?'' Natatawa niyang tanong. Natawa na rin ako dahil hindi ko mailarawan ang itsura ko kanina. Nakakahiya. Naramdaman ko na naman ang pag-init ng aking mukha.

''Namumula ka. Sigurado na nga akong nabighani ka nga ng aking kaguwapuhan at kakisigan.'' Natawa ako uli. May pagkamayabang rin pala siya. Pero, nag-aalala ako tungkol sa kanyang nalaman.

'''Wag ka ngang masyadong umasa.'' Nakapameywang kong sabi sa kan'ya.

''Hindi mo man lang ba itatanong sa akin kung paano ako natutong mag-ice skate?'' Naniningkit ang mapagtanong niyang mga mata.

''Hindi ka ba natakot sa 'kin? Sa nakita mong kaya kong gawin?'' Pag-iiba ko ng tanong.

''Kailanman hindi ako matatakot sa babaeng nagpayanig sa aking puso.'' Itinapat niya ang kamay sa dibdib at marahang tinapik 'yon. Ang tingin ko'y sinasabayan niya ang pintig ng kanyang puso.

''Ano ba'ng ibig mong sabihin? Nagpayanig sa 'yong puso? Nagpapatawa ka ba?'' Hindi ko tuloy naiwasang matawa dahil sa sinabi niya.

''Hindi- ay! 'Wag kang tumawa.'' Napakamot siya ng ulo at napansin ko ang pamumula ng kanyang tainga at pisngi. ''Kasi nanahimik ang puso ko, simula nang makilala kita, para kang lindol na nagpapayanig dito sa dibdib ko.'' Turo pa niya sa dibdib.

Mayamaya ay mayro'n siyang kinuha mula sa loob ng kanyang panlamig, pagkatapos ay kinuha naman niya ang mga kamay kong itinatago ko sa aking likod. Inilapag noya sa aking palad ang isang pamilyar na bagay.

''Ang maskara ko!'' Tila may mga bituing nagkikislapan sa paligid nang makita ko ang nasa aking palad.

''Sabi ko naman sa 'yo hindi ba, ibabalik ko 'yan,'' sabi niya habang mahigpit na hawak ang aking mga kamay.

May kung anong kuryente na naman ang dumaloy sa aking palad, papunta sa aking ugat at naglakbay sa aking buong sistema. Hindi ito masakit kundi para lamang tubig na umaakyat sa aking katawan na nangingiliti. Kahit na nakagwantes siya'y malakas 'yon, hindi gaya no'ng unang beses na hinawakan niya ang mga kamay ko.

''Maraming salamat, Frost! Sobra mo akong pinasaya!'' Nakangiting sabi ko't hindi na lang pinansin ang kagagawan ng aking pakiramdam.

Namulsa siya at kumurba ang dulo ng kanyang labi. ''At dahil d'yan, may kapalit.'' Malambing na sabi niya. Napataas naman ang kilay ko. 'May kapalit talaga?'

''Anong kapalit ba ang gusto mo?'' tanong ko.

Napakalaki ng kanyang ngiti. Sinabi niya sa akin ang gusto niyang kapalit at hindi ko 'yon tinanggihan. Pagkatapos ay sinabayan niya ako sa pag-eensayo. Pinapakita niya sa akin ang mga natutunan niya. Habang umiikot kami sa yelo ay ikinukwnento niya na nag-aral pa muna siya ng ballet sa loob ng dalawang araw para maging malambot ang kaniyang mga galaw.

Malaki ang ngiti niya nang ikwento sa aking pinagsabay raw niya ang ballet at pag-aaral ng ice skating nang sa gano'n ay makasabay siya sa akin.

''Dahil naudlot ang pagtuturo mo sa 'kin ay humanap ako ng paraan para matuto.'' Umikot siya't tumalon pagkasabi no'n. ''Tinawanan pa ako ng aking mga kapatid at ni ama, pambabae lamang daw ang ballet at pagi-ice skate.'' Nakikita ko sa mukha niya kung ga'no siya kakomportable habang nagpapadulas nang nakapamulsa. Nagniningning ang mga mata niya sa saya.

Napapikit siya't taas noong sinabi kung paano niya nakuha ang maskara sa kanyang ate. ''Kapalit nito ang isang mamahaling asul na dyamanteng nahukay ko noong nag-aaral pa ako.'' Parang may kumurot sa puso ko, kaya niyang ipagpalit ang kanyang pinaghirapan para lamang sa 'kin?

Pinagmasdan ko siya nang mahawi ang talukbong ng kanyang panlamig mula sa kanyang ulo.

''Tama ka, Frost, totoo ang nakita mo kanina lang. May kakaiba akong abilidad kaya kong kontrolin ang nyebe. Kaya ng aking mga nyebe na gumawa ng yelo.'' Itinuro ko ang aking manipis na kasuotan. ''Ang dahilan ni ama na may kakaiba akong karamdaman ay gawa-gawa lamang niya, normal lang sa aking pakiramdam ang malamig na temperatura kaya ganito ang kasuotan ko, hindi rin ako pinagpapawisan sa tuwing mainit naman ang panahon.''

''Wala na akong kaulagan pang patunayan dahil nakita mo na ang lahat.'' Nakita ko naman ang tuwa sa kanyang mukha, na para bang paslit na manghang-mangha sa aking sinabi.

''Paano ka nagkaroon ng ganiyang kakayahan?''

''Kahit ako ay hindi ko alam.'' Nagpadausdos ako palayo sa kanya. Sinundan lamang niya ako ng tingin. ''Ang kwento ni ama, panahon ng tag-sibol nang ako'y ipinanganak,'' panimula ko. ''Nagulat na lamang daw sila nang biglang may mga nyebeng bumagsak sa loob ng aming bahay kahit na napakaganda ng panahon.

''At isa pa, kapag ako'y umihip sa hangin may mumunting snowflakes na lumalabas, pagmasdan mo.'' Huminga ako nang malalim, pagkatapos ay pinabilog ko ang aking bibig. Umihip ako, kaya't nagsilabasan ang kulay puting maliliit na snowflakes na umiikot pa sa paligid.

''Nakakabilib, isa 'yang biyaya kung ganoon!''

''Nagkakamali ka, ito'y isang sumpa na habang buhay kong dadalhin. Hindi ako normal at gusto kong maging katulad ninyo. Ang pinakamalalang kayang gawin ng katulad ko'y...'' Napalunok siya. ''Gawing yelo ang sinumang tumitig sa aking mga mata.'' Bahagyang nangunot ang kanyang noo. Hindi niya siguro ako maintindihan.

''Kaya ba.'' Tinuro niya ang maskara. ''Nakasuot ka ng maskara?'' Tumango ako. Narinig ko ang malalim na pagbuntong-hininga niya.

''Kaya hindi ko magawang tumingin nang matagal sa inyo. Dahil no'ng bata pa ako'y, nagawa kong gawing yelo ang isang munting usa.''

Sandaling katahimikan ang namayani.

Nakita ko ang ginawa niyang pag-labi.

''Gaya mo'y nais ko ring maging normal, magtagal sa lamig, mahawakan at makapaglaro sa nyebe, hindi na kailangang magbalot ng sobrang kapal na panlamig para lamang panatilihing mainit ang aking katawan...

''Kaya gaya mo'y may sumpa rin akong matagal ko ng dinadala at dadalhin habang buhay.'' Tama, meron nga pala siyang hindi pangkaraniwang karamdaman na wala pang nadidiskubreng lunas.

'''Wag kang mag-alala, hindi kita iiwasan, kahit hindi ka tumitig sa aking mga mata ay ayos lang. Ako na lang ang gagawa ng bagay na hindi mo kayang gawin. Hayaan mo akong pagmasadan ka't titigan nang matagal.''

Matapos niyang sabihin 'yon ay hindi na siya nagtagal sa ibabaw ng entabladong yelo dahil nga hindi ito nakabubuti sa kanya. Naupo siya sa isang upuan para sa mga manonood. Habang ako nama'y naupo sa yelo malapit sa kanya. Ikwinento niya sa akin na nabasa na niya ang ipinahiram kong libro.

Nalungkot siya sa katapusan ng kwento. Sino ba naman ang hindi sapagkat namatay ang lalaking inibig ng Snow Queen nang dahil sa kanyang halik. At 'yon na ang una't huling halik na naibigay niya sa kanyang sinta.

Nanatili ito sa kanyang kaharian at hindi na lumabas pa kailanman. Pinarusahan ang kanyang sarili hanggang sa dumating ang araw ng kanyang kamatayan. Nagdasal at humiling ito na sana sa susunod nilang buhay, sa kanilang muling pagkikita ay makilala nila ang isa't isa at hindi na magkahiwalay pa kailanman.

***