Marahil ay dahil ganito na talaga si Lin Che at kahit kailan ay wala itong pagpapanggap sa sarili, kung kaya wala siyang nakikitang mali sa ginawa nito.
Alam din ni Gu Jingze na walang bahid ng panggagamit ang mga ginagawa nito. Alam niyang tunay at malinis ang puso ni Lin Che kahit na may pagka-pilya ito minsan. Hindi ito isang materialistic na babae kagaya ng iba.
Kung kaya, hindi siya naiinis sa anumang ginagawa nito. Sa halip, nag-eenjoy pa nga siya na nakikita niya itong masayang ginagawa ang mga bagay na gusto nito.
Sinabi niya dito, "Wala lang sa'kin ang mga bagay na iyan."
Humarap naman si Lin Che kay Gu Jingze, "Pero kung makakaapekto ito sa'yo, kailangan mong sabihin sa akin. Ang totoo kasi niyan ay wala talaga akong alam tungkol sa mga bagay na 'to. Wala akong alam kung ano ang mga ginagawa o hindi ginagawa ng mga taong kagaya ninyo."
May mga pagkakataon talagang sinisisi niya ang sarili. Asawa siya ni Gu Jingze pero madalas na ito pa mismo ang tumutulong sa kanya. Wala pa siyang nagagawa na nakatulong dito.
Sa halip, puro problema pa nga ang naibibigay niya dito.
Dahil hindi rin naman niya alam kung paano niya matutulungan si Gu Jingze. Wala siyang malakas na pamilyang susuporta sa kanya, hindi siya makapangyarihang tao, at wala siyang alam tungkol sa negosyo. Nang pumasok siya sa isang theatre school, ang tanging naging pangarap niya lang ay ang maging isang magaling na artista. Paborito niyang panoorin si Judy sa The Silent Lamb. Matagal na niyang iniidolo si Judy Foster at nanalo na rin ito ng dalawang Oscars. Maliban pa sa pagiging magaling na actor, pangarap din niyang maging isang kilala at hinahangaang artista.
Pero, ang lahat ng ito ay kabaliktaran sa uri ng buhay na mayroon si Gu Jingze.
Bahagyang umiling si Lin Che at tumingin kay Gu Jingze. "Sorry, Gu Jingze. Hindi ako nakakatulong sa'yo tapos puro problema pa nga ang naibibigay ko sa'yo simula noon. Pero wala kasi talaga akong alam tungkol sa mga bagay na ito. Kung kailangan mo ang kahit na anong maitutulong ko sa'yo, sabihin mo lang agad sa akin."
Ayaw niyang maging pabigat dito.
Tinitigan ni Gu Jingze ang nakokosensyang mukha ni Lin Che at sinabi, "Wala kang kailangang gawin para sa akin, Lin Che. At hindi ko rin naman gustong mamuhay ka katulad ng isang walang-dapat-gawin na prinsesa o ang maging asawa ng isang mayamang lalaki. Buhay ko ito at buhay mo rin iyan. Basta't masaya ka sa ginagawa mo, okay na ako diyan. Wala kang kailangang baguhin alang-alang sa akin."
"Pero ayoko namang dagdagan pa ang mga alalahanin mo at ayoko ring mapahamak ka," sabi ni Lin Che.
Tipid na ngumiti si Gu Jingze, "Ang lalaki ang dapat na sumusuporta at nagbibigay ng pangangailangan ng babae. Huwag kang mag-alala. Hindi pabigat sa akin iyang mga ginagawa mo. Kahit na mas marami pang isyu o gulo ang kasangkutan mo, hindi iyon gaanong makakaapekto sa akin. Napakahabang panahon ang ginugol ng Pamilyang Gu para makarating sa tuktok. Kung madali lang akong babagsak nang dahil diyan, hindi ba't parang wala lang saysay ang pagod na ginugol namin? Kung hindi ko kayang suportahan ang aking asawa, ano pa ang silbi ng kapangyarihan at lahat ng kayamanang mayroon ako?"
May kung anong lambot na naramdaman si Lin Che habang nakikinig at nakatingin kay Gu Jingze.
Hinawakan ni Gu Jingze ang kanyang kamay at sinabing, "Hindi ako nakatayo rito sa tuktok para lang makita ko ang asawa ko na nagsasakripisyo para sa akin. Kaya, gawin mo ang lahat ng gusto mong gawin. Hindi mo kailangang isipin ang anumang sasabihin sa'yo ng ibang tao."
Tuluyan nan gang naubusan ng sasabihin si Lin Che.
"Halika na. Tingnan natin kung may magustuhan ka doon. Hindi tayo pumunta rito para umuwi lang nang walang dala. Kailangan din nating maghandog kahit kaunti lang sa charity gala na 'to."
Napukaw naman agad ang interes ni Lin Che nang marinig niya iyon. Humawak siya sa damit nito at nagtanong, "So kahit na anong magustuhan ko ay magiging akin?"
"Oo naman. Ang dahilan ng pagsama ng babaeng partner sa party na ito ay para bilhan siya ng mga regalo."
"Wow, ang saya naman! Hehe. Kung ganun, kukunin ko ang pinakamahal sa lahat."
"Sige ba. Kani-kanina lang ay todo hingi ka ng pasensya tapos ngayon bumalik na naman agad iyang pagiging utak-pera mo."
"Syempre naman. Ang dami-dami mong pera kaya tutulungan nalang kitang gamitin ang mga iyon."
"Oo na. Oo na. Sige, gamitin mo lahat ng iyon."
Pero kahit na sinabi niya iyon, ang totoo ay hindi naman talaga humiling si Lin che ng mga mamahaling gamit na nandoon.
Nang makita ni Gu Jingze na mura lang ang halaga ng bracelet, nag-isip muna siya ng mahabang sandali bago nagpasyang makipag-bid para dito.
Samantala.
Narinig ni Mo Huiling na nagsimula ng makipag-bid si Gu Jingze ng mga items at napatingala siya sa itaas na bahagi ng venue.
Mayroon doong VIP room na kung saan makikita mo ang buong lugar pero walang sinuman ang makakakita sayo mula roon.
At dahil nandoon si Gu Jingze, tiyak na nakaupo ito ngayon doon at umiiwas sa anumang istorbo.
Nang marinig ng mga taong nandoon na nakipag-bid na si Gu Jingze ay ibinaba na rin nila ang kanilang mga bidding cards. Dahil diyan ay naging madali lang para kay Gu Jingze na makuha ang mga item na magustuhan niya.
Nakaupo doon sa ibaba si Mo Huiling at naririnig niya ang pag-uusap-usap ng mga guests.
"May isinamang babae si Gu Jingze ngayon. Mukhang binibili niya ang lahat ng mga ito para sa kanyang partner."
"Sa tingin ko'y artista ang kasama niya. Lin Che ang pangalan ng babaeng iyon."
"Marunong na rin pala si Gu Jingze sa mga ganito."
Walang alam ang ibang mga tao tungkol sa Pamilyang Gu. Walang alam ang mga ito tungkol sa sakit ni Gu Jingze at ang alam lang nila ay ayaw ni Gu Jingze ng maraming atensyon. Hindi rin naman siya mahilig sa babae at walang sinuman ang naglalakas ng loob na pag-usapan ang tungkol sa bagay na iyon.
Pero ngayong nagdala siya ng babae, nagsisimula ng makiintriga ang mga tao.
May isang babaeng nagsalita mula sa gilid. "Hindi naman pangit ang hitsura ng Lin Cheng iyon. Magaling pumili si Gu Jingze."
Hindi na nakatiis si Mo Huiling at malakas na nagsalita. "Anong ibig niyong sabihin na hindi pangit ang Lin Cheng iyon? Sa tingin ko'y napakababa niyang babae at isa lang siyang hamak na artista. Ang pangit pa niyang umarte!"
Nilingon siya ng mga tao. May isang tahasang nagsalita sa kanya. "Miss Mo, hindi mo pwedeng sabihin iyan. Magaling siyang artista. Nasa parehong industriya niya ako kaya alam kong magaganda ang mga reviews sa kanya."
Hindi naman matanggap ni Mo Huiling na nakakarinig siya ng papuri tungkol kay Lin Che. Hindi na siya nakapagtimpi at tiningnan nang masama ang mga taong kaharap. Pagkatapos ay tumayo siya at padabog na umalis.
Maganda raw si Lin Che?
Kahit sino naman kasing makakapagsuot ng ganun kamahal na damit ay magiging maganda sa mata ng mga tao. Mayaman lang talaga si Gu Jingze kaya nakapagsuot ito ng mamahaling damit!
Noong una palang niyang nakita si Lin Che ay nababaduyan na siya dito.
Puno ng galit ang utak ni Mo Huiling at tinatak sa isipan niya na babawiin niya ang lahat ng bagay na dapat ay kanya. Babawiin niya ang lalaking dapat ay kanya. Kapag dumating ang araw na iyon, titiyakin niyang maitatapon niya sa malayong lugar si Lin Che at magiging miserable ang buhay nito!
Nang matapos ang party ay umalis na si Gu Jingze kasama ni Lin Che.
Sa huling pagkakataon ay nilingon ni Lin Che ang lugar. Sinabi niya kay Gu Jingze, "Napakalaki talaga ng lugar na ito. Ah, kailan kaya ako makakapunta ulit dito?"
Sinabi naman sa kanya ni Gu Jingze, "Pwede naman kitang dalhin dito kahit kailan mo gusto."
"Hm, wag na. Sobrang busy mong tao eh. Babalik na lang tayo kapag may pagkakataon ulit. Nagbibiro lang naman ako."
Sumagot ulit si Gu Jingze, "Balita ko ay sobrang lambot daw ng mga kama nila rito. Galing pa daw sa France ang mga iyon. Gusto mong subukan?"
"Ayoko nga!"
Umuwi na sila sa kanilang bahay. Sobrang pagod ni Lin Che pagkatapos ng buong gabing pagsusuot ng high heels. Agad siyang nagshower at nagpahinga.
Pagdating sa bahay ay nakatanggap ng tawag si Gu Jingze mula kay Mo Huiling.
Sumagot siya, "Huiling."
Nagtanong ito, "Nakauwi ka na?"
"Hm, nasa bahay na ako."
"Nakipag-bid ako para sa isang clip kanina. Para sayo iyon," sabi ni Mo Huiling.
"Sa palagay ko'y hindi magandang ideya na bibigyan mo ako nyan. Mas mainam siguro kung ibibigay mo yan sa papa mo," sagot naman ni Gu Jingze.
Agad namang nalungkot ang boses ni Mo Huiling. "Bakit? Pati ba naman ang regalo ko ay hindi mo na tatanggapin ngayon? Wala naman akong ibang intensyon ah. Gusto ko lang naman ibigay ito sa'yo bilang kaibigan mo at wala ng iba pang dahilan. Hindi rin naman ito kamahalan."
Bagama't sinabi nitong hindi kamahalan ang regalo, nagkakahalaga naman iyon ng dalawang milyon.