Natulala sila sa napakagandang nilalang na nasa harapan nila ngayon. Hindi sila makapaniwala na ang inakalang pangit at maliit na duwende ay mala-diwata at chinita pala ang itsura.
"Lumayo kayo sa bahay ko!" pagtataray niya. Binaba niya ang shopping bag na puno ng mga damit, makeup, sabon at shampoo sa lupa. "Huwag niyong iihian 'yan o lagot talaga kayo sa akin!"
"P-Paanong?" nauutal na naitanong ni Mike.
"Paanong ano?" naiinis na tugon ng duwende.
"Papaano ka nagkakasya sa maliit na umbok ng lupang ito?" Sinukat pa niya gamit ng mga kamay ang pinaglalagian ng babae at buong pagtataka na pinagmasdan ang anyo nito. "Slim ka pero kahit anong isip ko e hindi ka magkakasya rito."
"Gaya ng ninuno niyo na si Kungfu, may pagka-slow talaga kayo!" Lumapit na siya sa kanyang tahanan at tinulak palayo si Mike. "Sa palagay niyo ba diyan ako nakatira? Excuse me, may underground mansion ako, ano!"
"Wow!" sabay-sabay na namangha ang kalalakihan na Semira.
"Alam ko kung ano ang pinunta niyo rito. Dahil ba sa sumpa ko sa ninuno niyo?"
"Oo!"
"Well, sorry. Hindi ko na mababawi iyon!"
"A-Ano?"
Nanghinayang sila dahil nasayang lang ang effort nila. Napakahaba ng nilakbay nila at halos nag-alanganin pa ang kanilang mga buhay upang marating lamang ang kinaroroonan ng duwende.
"Wala na bang paraan, Miss?" pakikiusap ni Wiz. "Ako na mismo ang humihingi ng paumanhin sa ginawang kasalanan ni great, great, great, great, great to the nth level grandfather namin na si Kungfu. Matagal ng panahon ang lumipas baka pwede ng forgive and forget."
Huminga ng malalim ang duwende. Sa isang kumpas ng kanyang kamay ay lumitaw ang isang pink chair at umupo siya roon. Masakit na kasi ang mga paa niya dahil magdamag din siyang nag-shopping. Naka-sale kasi kaya sinunggaban na niya ang pagkakataon upang maka-discount.
"Alam niyo, matagal ko na naman na napatawad 'yang hangal na si Kungfu e." pagpapaliwang ng duwende. "Hinintay ko nga siya na bumalik para magawan ko ng paraan ang sumpa. Hindi ko na mababawi iyon pero pwedeng mapalitan ng isa pang sumpa. Para sa akin ay mas magaan iyon kaysa sa maging sawi sa pag-ibig."
Nakaramdam ng pag-asa sina Wiz, Uno, Mike at Francis sa kanilang narinig. Pinalibutan nila ang duwende at ginamitan ng kakaibang karisma ng mga Semira upang mapasunod ang mga babae sa nais nila.
"Kaya mo ba talagang pagaanin ang sumpa Binibining Duwende?" Hinawakan ni Uno ang kamay ng babae at hinagkan iyon. "Ano ba iyon?" malambing na pagtatanong niya habang mas pinapupungay ang mga mata.
"Naku, ha. Feeling ko, ang haba ng hair ko! Miss Elf na lang ang itawag niyo sa akin." kilig na kilig na pahayag ng duwende. "Hindi ko pwedeng i-reveal ang kapalit na sumpa e. Kailangan niyo munang um-oo bago ko masabi. Huwag kayong mag-alala at mild lang 'yun."
"Talaga bang mild yan? Baka magulpi de gulat kami." panunukso naman ni Wiz gamit ang bedroom voice niya. "Pero, OK 'yan. Suspense."
"Parang biglang uminit." Nagpaypay ang duwende gamit ang mga kamay. Kumuha sina Mike at Francis ng malalaking dahon at pinaypayan siya. "Oo, mild lang ang sumpang ito. Hindi buwis-buhay. Kayang-kaya niyo ang kaakibat na kapalit."
Nagtungo ang magpipinsan sa isang tabi upang magnilay-nilay. Kahit na siniguro ng duwende na hindi delikado ang kapalit na sumpa ay nagduda pa rin sila.
"Kinakabahan pa rin ako kung anong susunod na sumpa sa atin." nabanggit ni Uno. "Pero sa palagay ko, wala ng hihigit pa sa pagiging sawi sa pag-ibig."
"Iyon din ang iniisip ko e." pagsang-ayon ni Wiz.
"Natatakot ako, mga kuya. Ayawan na kaya natin?" pagtutol ni Mike.
"Nais ko na nga rin umurong kahit mahaba pa ang nilakbay natin." pagdadalawang-isip na rin ni Wiz. Sinulyapan niya ang duwende na naghihintay pa rin sa kanilang tugon. Ngumiti ito na tila ba naniniguro na walang masamang mangyayari sa kanila.
"Ganito na lang." Nilabas ni Francis ang isang barya. Kapag hinagis ko ito at pagbagsak nito sa lupa ay ulo ang makikita natin, sasang-ayon na tayo sa alok niya!"
Pumayag sa magandang panukala ang tatlo at sinimulan ng ihagis ni Francis paitaas ang barya. Sumunod ang mga mata nila sa paggalaw nito hanggang sa mahulog ito sa lupa. Pikit-mata silang lumapit doon. Unti-unti silang nagmulat at nang makita ang resulta ay nawala ang agam-agam nila.
"Sige, Binibining Duwende. Pumapayag na kami na palitan ang sumpa." masaya nilang pinahayag.
"OK!" mabilis na sagot ng kausap. Tumayo siya sa kinauupuan at umubo upang mag-ready sa pagsumpa.
"Sinusumpa ko..."
"Wait lang!" pagpapatigil ni Mike. "Hindi naman po ba kami papangit o magiging palaka?"
"Hindi."
"OK!"
"Sinusumpa ko..."
"Saglit!" pagsingit ni Wiz. "Hindi naman kami magkakasakit sa sumpang 'yan? O may mapapahamak sa mga mahal namin sa buhay?"
"Safe ito."
"OK!"
"Sinusumpa ko..."
"Stop!" pag-abala ni Uno. "Hindi ba mawawala ang mga talento at kayamanan namin diyan?"
"Ang kukulit niyo! Inulit-ulit ko na nga na mild lang ito e!" naiinis na pinaalala ni Miss Elf.
"OK."
"Sinusumpa ko..."
"Teka muna! May tanong din ako..." pahabol ni Francis.
"Isa pang pagpapatigil sa akin at ipapalapa ko na kayo sa mga alaga kong chihuahua"
"Joke lang. Ikaw naman o, nagbibiro lang."
Nagpatuloy na sa ritwal ang duwende.
"Sinusumpa ko, na simula sa araw na ito ay kailangang makahanap ng mamahalin ang apat na lalaking ito mula sa angkan na Xieme-Rua, na kilala rin bilang Semira..."
Humangin ng malakas at bahagyang yumanig ang lupa habang binibigkas ang bawat salita.
"Sa loob ng isang taon ay importante na mapa-ibig nila ang babaeng mapipili nilang suyuin dahil nakasalalay ang kinabukasan ng kalalakihang Semira sa kanila..."
Nagkatinginan ang magpipinsan dahil medyo kinabahan na sila sa palugit na isang taon. Ngunit nawala rin ang kanilang takot sapagkat wala sa lahi ng mga Semira ang nababasted.
"Kapag pumalpak sila ay may kaakibat na consequence. Ang kapalit ng kabiguan ay..."
Mas naging intense ang hangin na pumapalibot sa kanila dahil parang iaangat na sila ng namumuong ipu-ipo sa lupa. Inakbayan nila ang isa't-isa upang walang matangay.
"Magiging isang pulgada na lamang ang kanilang pagkalalaki..."
"H-Ha?" Napanganga sila dahil sa kahindik-hindik na sumpa na nanganganib na mapunta sa kanila sa oras na sila ay mabigo.
Humupa na ang hangin at naglaho na parang bula ang duwende.