"Get down! Get down! And move it all around!"
Memoryado pa rin nila ang dance steps mula sa mga awit ng mga Backstreet Boys dahil iyon ang madalas nilang sayawin noong mga bata pa sila.
"Hinihingal na ako " matamlay na binanggit ni Mike kahit bigay na bigay pa rin siya sa pag-indak. Sumabay na rin siya sa pag-awit doon. "Oh baby you're so fine
I'm gonna make you mine
Your lips they taste so sweet..."
"Ako rin, pero sampung minuto pa ang kailangan nating tiisin." Gumiling-giling si Francis katulad ng mga macho dancers upang maiba naman ang galaw niya dahil sumasakit na ang kasu-kasuan niya.
"Ang sakit na ng tuhod ko." sinambit ni Uno sabay talon sa kanyang kinaroroonan. "Ngayon lang ako sumayaw ng ganito katagal."
"Matanda ka na kasi." pagbibiro ni Wiz. "Uminom ka ng maraming gatas!"
"Matanda ka riyan, utot mo." yamot na tugon niya sa panunukso sa kanya. Beinte-otso pa lamang siya pero kung ituring siya ng mga kasama ay parang senior citizen na."Kaya ko pang makipagsabayan sa mga mas bata sa akin!"
Pagkatapos ng hit ng Bacsktreet boys na "Get Down" ay sumunod naman ang "If You Wanna Be My Lover" ng Spice Girls.
Maya't-maya ay may nakakasilaw na liwanag na nagmula mula sa pintuan. Saktong natapos ang tatlong oras ng kanilang pagsayaw ay biglang nagbukas ang lagusan. Hinigop sila noon papasok at sila ay nahulog sa isang ilog. Dahil sa lakas ng agos ay muntik na silang nagkahiwalay. Hatak nila ang isa't-isa na nagtungo sa may pampang.
"Sa wakas, nakapasok na rin tayo." hinihingal na sinabi ni Mike. "Akala ko ay mamatay na tayo!"
Napahiga sila sa madamong parte at nagpahinga muna saglit. Nang mahimasmasan na sila ay nagpasya na silang ipagpatuloy ang paghahanap sa duwende. Binuksan ni Mike ang bag niya upang kunin ang mapa. Sa kasamaang-palad ay nabasa iyon at kumupas na ang mga nakaguhit doon.
"Lagot! Nabasa ang mapa!" pagdadalamhati niya.
"Hindi maaari!" sabay-sabay na nabagabag sila.
"Hanap niyo ba ang bahay ng duwende?" narinig nila na tinanong ng hindi kilalang nilalang. "Huwag kayong mag-alala!"
Napalingon sila sa kinaroroonan ng tinig at nakita nila si Giovanni, isang poging sireno. Abala siyang kumakain ng damo at umiinom ng chamomile tea.

Namangha sila dahil sa nakita nilang kakatwang taong-isda na health-conscious.
"Hindi ako makapaniwala! Ngayon lang ako nakasaksi ng isang sirena!" napabulalas si Wiz. "Ngunit bakit boses lalaki ka?"
Napasimangot si Giovanni at uminit kaagad ang kanyang ulo. Ilang beses na kasi siyang napagkakamalan na sirena samantalang sireno naman siya.
"Lalaki ako!" pagpapaalala niya.
"Ows? Di nga?" hindi makapaniwalang tinanong ni Uno. "Kung gayon ay nasaan...ang birdie mo?"
Mas lalong nayamot ang sireno na napadaan lamang sa eksena. Nagmamabuting-loob na lamang siya ay pagti-tripan pa siya ng mga Semira. Huminga siya ng malalim upang magtimpi pa dahil batid niya na medyo mahirap umintindi ang sangkatauhan.
"Kung nasaan din ang nasa inyo."
"Nasaan? Bakit flat na flat?" seryosong inusisa ni Uno. Lumapit pa ito at pinagmasdan ang sireno. Hahawakan na sana niya ang ibaba ng baywang nito nang pinalo na ang kanyang kamay.
"Huwag mong tatangkain o magkakamatayan tayo!" nanlilisik ang mga matang pagbabanta ni Giovanni.
"OK. Sorry na." may pang-aasar pa rin na sinambit ni Uno sabay angat ng dalawang kamay bilang senyales na sumusuko na siya at ayaw na ng away. "Bakit nga ba kasi flat na flat?" binulong pa rin nito sa sarili.
"Anong sabi mo? Hindi ako flat! Naitatago lang ng mga kaliskis ko, adik ka!"
"P-Pasensya na po, Ginoong Giovanni. Ganyan lang talaga magsalita si Kuya pero mabait 'yan." pagsingit na ni Mike upang hindi magalit ang nilalang. "Naliligaw po kasi kami. Alam niyo po ba kung nasaan ang bahay ng duwende?
"Ayun o." Tinuro ng sireno ang umbok ng lupa na nasa harapan lamang pala nila. "Sige na, tapos na ang eksena ko rito. Kayo ng bahala. Paalam!" Gumapang pabalik sa ilog si Giovanni at nawala na sa kanilang paningin.
Extra lang kasi si Mister Merman.
Dahan-dahang lumapit ang apat sa nasabing tirahan ng duwende. Nagmasid sila sa paligid upang siguruhin na hindi sila maiisahan nito.
Nilabas ni Uno ang patalim upang maghanda sa pakikipagtuos!
Kinasa ni Wiz ang baril na palaging baon niya bilang self-defense!
Inayos ni Francis ang bitbit na busog at palaso upang magsilbing back-up kung hindi tumalab ang patalim at bala sa mapanganib na nilalang!
Si Mike naman ay...
Dinukot mula sa kanyang bulsa ang tirador!
Baka raw ang bato mula rito ay umepekto na kung hindi successful ang patalim, bala, at palaso.
"Hoy! Anong ginagawa niyo sa harap ng bahay ko?"
Nagulat sila sa narinig na tila ba ay boses ng isang...
Babae?