"Gusto ko lang ang isang pasaway na tulad mo," nilingon siya ni Gu Jingyu at hinaplos ang kanyang ulo.
"Ah, mas pasaway ka! Lahat kayo sa pamilya niyo!" Naiinis na bulalas ni Lin Che.
Hindi nagtagal ay nakarating na sila sa lugar. Ibinaba siya ni Gu Jingyu sa gilid at umalis na kaagad.
Pagdating niya sa bahay ay nadatnan niyang naghihintay si Gu Jingze. Nakaupo ito sa sofa habang ang mga paa ay nakataas at ang ulo ay nakahiga habang nagbabasa ng libro.
Nang mapansin niyang nakauwi na si Lin Che bandang alas nuebe ay tumayo ito at sinabing, "Bakit ang aga mo yata? Akala ko'y maghihintay ako sa'yo hanggang alas dyes."
Hindi sumagot si Lin Che. Si Gu Jingyu ang dahilan kung bakit napauwi siya nang mas maaga.
"Wala lang. Hindi ko masiyadong nagustuhan ang pagkain doon, kaya umuwi nalang ako."
"So, hindi ka kumain?"
"Oo, wala akong gana."
Nag-isip saglit si Gu Jingze at pagkatapos ay kinuha ang coat. "Diyan ka lang. Kukunin ko lang ang kotse para kumain tayo sa labas."
"Ah, gabi na…"
"Tara na," lumapit sa kanya si Gu Jingze at hinila siya papunta sa pinto.
Nakasunod lang si Lin Che dito at nagtanong, "Anong kakainin natin? Wala talaga akong gana."
"Ikaw bahalang mag-isip. Kahit anong gusto mo," sagot ni Gu Jingze.
Nag-isip siya sandali, "Parang… parang gusto kong kumain ng Mala soup. Pero hindi ka naman kumakain nun eh…"
"Ano?"
Nagtagpo ang mga kilay ni Gu Jingze, "Ano yon?"
Sumagot naman siya, "Parang snack lang."
Kumunot naman ang noo ni Gu Jingze, "Parang hindi magandang pakinggan ah…"
"Kung ganoon, wag na lang…" Naisip ni Lin Che na malamang ay hindi ito kumakain ng ganoong pagkain. "Kahit ano nalang na gusto mo."
Malalim ang tinging tinitigan siya ni Gu Jingze at pagkatapos ay hinila ulit siya. "Halika na. Saan ba may nagtitinda ng ganun? Gusto kong makatikim nun."
Nang marinig niya ang sinabi nito ay masaya siyang sumagot, "Okay, okay. May alam akong lugar na masarap ang inihahain nila ng ganun. Noong nag-aaral pa ako ay palagi akong pumupunta doon. Kahanay lang iyon ng mga street foods na malapit lang sa paaralan ko."
Napatawa nalang si Gu Jingze at sumunod sa kanya.
Nagmaneho na ito at hindi nagtagal nang nakarating na sila sa isang maliit na iskinita na maraming nagtitinda ng mga street foods. Mula sa malayo ay makikita kaagad ang mga estudyanteng tumatambay doon. Sinabi ni Lin Che, "Hindi ba't maganda dito? Pagtapak mo palang sa lugar na ito ay parang bumabata ka kaagad."
Tumingin naman sa lugar na iyon si Gu Jingze. Puro mga teenagers nga ang makikita doon. Ipinarada niya ang kotse sa malapit at sinenyasan ang mga tao niya na huwag masyadong lumapit sa kanila. Dahil kung lalapit ang mga iyon sa direksyon nila, anong kaguluhan kaya ang mamumuo dahil sa kanila?
Bumaba na silang dalawa mula sa kotse at naglakad-lakad sa kalsada. "Malapit lang dito ang paaralang pinasukan ko noon. Nakita mo iyon? Iyon ang theatre school. Iyan naman ang University City, at doon naman ay ang H University at Q University. Halos magkakatabi lang sila kaya palaging maraming tao dito," ani Lin Che.
Tumango lang si Gu Jingze. Hindi masyadong malinis ang lugar na ito, pero masigla naman. Habang naglalakad ay nakakasalubong sila ng mga kabataang masayang nagkekwentuhan, ang iba naman ay nag-eenjoy habang kumakain ng mga street foods, may namamasyal at ang iba nama'y magkahawak-kamay na naglalakad. Magkahalo-halong emosyon ang mararamdaman doon.
"Siguro hindi mo naranasan ang ganito nang nag-aaral ka sa abroad, ano?" tanong ni Lin Che.
Sumagot si Gu Jingze, "Oo, palagi akong busy sa school. Wala akong panahon para maglibot-libot."
"Iyan ang mahirap sa pagiging matalino… Ah, Ako nga ay palaging nagca-cutting classes at hindi dumadalo sa mga group meetings." Agad na napatakip ng bibig si Lin Che at nahihiyang tumingin kay Gu Jingze, "Ano, ang ibig kong sabihin ay paminsan-minsan lang akong lumiliban ako sa klase."
Napailing na lang si Gu Jingze. "Hindi mo na kailangang bawiin pa ang sinabi mo. Halata naman kasi sa utak mong iyan na walang pumapasok diyan sa lahat ng mga itinuturo sa klase ninyo. Sayang lang ng oras kung papasok ka sa klase."
Noon di'y may dumaan sa harap nila na dalawang magkasintahan. May hawak na ice cream ang babae at sweet na nakatingin sa boyfriend nito. Napakasaya ng pag-uusap nilang dalawa at parang silang dalawa lang ang nandoon, wala silang pakialam sa mga tao sa paligid nila.
Mahigpit na magkahawak ang kanilang mga kamay.
Wala sa sariling napatingin si Gu Jingze kay Lin Che. Panay ang duyan ng mga kamay ni Lin Che. Minsan ay nauuna itong maglakad sa kanya at minsan naman ay naiiwan niya sa paglalakad. Parang wala namang espesyal sa paglalakad nila.
Tinangkang abutin ni Gu Jingze ang kamay ni Lin Che. Bahagya pa nga siyang napakislot at yumuko. Pero, masyadong malikot ang kamay ni Lin Che.
May nag-uudyok sa kanya na hawakan ang mga kamay na iyon, pero nahihiya siya.
Eh kasi naman, hindi pa rin malinaw ang relasyon nila. Walang init o emosyon sa pagitan nila.
Samantala, abala si Lin Che sa pagtuturo kay Gu Jingze ng iba't-ibang pangalan ng mga pagkain na itinitinda doon.
Sinubukan ulit ni Gu Jingze na abutin ang kamay ni Lin Che, pero bigo pa rin. Hindi na ito sumubok muli kaya bagsak ang mukhang tumingin ito kay Lin Che.
Tinanong ito ni Lin Che, "Hoy, anong problema? Hindi mo gusto rito? Pwede tayong lumipat kung gusto mo. Maingay kasi talaga dito."
"Hindi… Hanapin na nga natin iyong lugar na sinasabi mo."
"Ah, oo nasa harap lang iyon. Halika."
Pagkasabi niya nito ay umabante na siya para pumunta sa shop.
Nang biglang may humarurot na sasakyan malapit sa dinadaanan nila. Mabilis namang nakakilos si Gu Jingze at nahila kaagad si Lin Che na muntikan ng mabangga.
Laking gulat din ni Lin Che nang namalayan niyang nakayakap na siya sa mga braso ni Gu Jingze. Masyadong mabilis ang pangyayari at kitang-kita niya kung paano humarurot ang kotseng iyon at isang hakbang nalang niya ay siguradong malayo ang itatalsik ng kanyang katawan.
"Hooh, muntikan na ako doon ah," napahawak siya sa kanyang dibdib.
Nagdikit naman ang mga kilay ni Gu Jingze at tumingin sa kanya. "Hindi ka ba marunong tumingin sa kalsada kapag naglalakad ka? Hindi magtatagal ay talagang madidisgrasya ka kung ipagpapatuloy mo iyang ganyang klase ng pagkilos mo."
"Ang driver ng kotseng iyon ang may kasalanan. Alam na niyang maraming tao dito; bakit nagpapaharurot pa siya sa pagmamaneho?"
"Kung sakali mang nabangga ka nun, sa tingin mo ba'y makakatulong pa iyang pangangatwiran mo? Halika dito at wag kang masyadong malikot. Mag-iingat ka nga, baka mamaya may bumangga na sayon ang tuluyan," litanya ni Gu Jingze. Yumuko ito at hinawakan ang kamay ni Lin Che, mahigpit at para bang nagsasabing poprotektahan siya nito.
Bahagyang nabigla na napatingin si Lin Che dito. Kahit nang makatawid na sila sa kabilang kalsada ay hindi pa rin nito binibitawan ang kamay niya. Iniba lang nito ang posisyon ng pagkakahawak pero hindi pa rin bumitaw. Ganoon lang ang mga kamay nila habang patuloy silang naglalakad papunta sa shop.
Hindi niya napigilang mapatitig sa malaki nitong kamay na nakabalot sa maliit niyang kamay, na halos di na niya makita ang sariling kamay. Mainit ang palad nito dahilan para maghatid din ng nakakapanibong init sa kanyang puso. Nagpatuloy lang siya sa pagtitig doon at maya-maya'y napangiti. Napuno ng kasiyahan ang singkit niyang mga mata.
Wala pa ring balak si Gu Jingze na bitawan ang kamay ni Lin Che habang naglalakad. Nang lingunin niya ito ay nahuli niyang nakatitig doon si Lin Che. Hindi niya napigilan ang pagguhit ng ngiti sa kanyang mukha na animo'y isang bagong sibol na halaman.
Parang napakahaba ng kalsadang nilalakaran nila dahil sa ligayang bumabalot sa kanilang mga puso. Patuloy lang sila sa paglalakad at ninanamnam ang sandali. Sa kanilang mga puso ay tila ba nananalangin na sana'y walang dulo ang daanang iyon nang sa gayon ay patuloy pa rin nilang tahakin ang landas ng walang hanggan habang magkahawak ang mga kamay.
Hindi rin naman sila nakaligtas sa mga mata ng mga taong nadadaanan nila. Masasabing may edad na si Gu Jingze pero para itong isang binatilyong matamis na nakangiti. Para silang mga teenagers na sinusulit ang bagong sibol na pag-ibig. Napakasimple, dalisay, at napakaganda…