webnovel

Kaliskis ng Mercurio

Sa larangan ng digmaan, patuloy ang labanan nina Heneral Sandoval at Reyna Aglatea. Walang humpay ang pag-iwas at pagsangga sa mga sipa't suntok na pinauulanan, pati na rin ang paglikha ng kanilang elemento. Sa bawat kalansing ng mga sandata, sumasabay rin ang malakas na kulog sa kalangitan.

"Sabihin mo sa akin kung bakit mo ito ginagawa!" pagalit na tanong ni Ybrahim.

"Nais mo ba talagang malaman ang buong katotohanan?" Lumikha si Reyna Aglatea ng mga itim na palaso at binato sa kanya.

Maliksing gumawa ng mga espada, palakol, at sibat si Ybrahim gamit ang elementong Mercurio. Matulin ang pag-ikot ng mga ito sa kanyang paligid kung kaya't nasasangga ang lahat ng mga itim na palaso. Tumagal iyon ng mga ilang segundo bago siya tumalon palayo, hinihingal.

Maraming natamong pasa't sugat sa katawan ang heneral habang si Reyna Aglatea naman ay may kaunting galos. Mahihirapan siyang talunin ito sapagkat mas matagal na itong may karanasan sa pakikipaglaban.

Ngumiti si Reyna Aglatea. "Unahin muna natin ang pagkakakilanlan ng iyong ina." Siya'y pakunwaring nag-isip bago nagkuwento, "May isinilang ako na sirenong sanggol. Nagkataong ipinanganak siya ayon sa espesyal na numero ng planetang Mercurio. Labis ang tuwa ko noon sapagkat nagkaroon na ng prinsipeng tagapagmana ang Kaharian ng Vesperia, at siya ang pinakamalakas sa lahat ng mga nilalang na namumuhay rito sa buong Warcadia."

"I-Ikalima ng Rigel?"

Namutla ang mukha ni Ybrahim. Siya ay biglang nanghina at pakiramdam niya ay may isang daang espada ang sumasaksak sa kanyang puso habang patuloy siyang nakikinig. Ang sanggol na maaaring tinutukoy sa kuwento ay walang iba kundi siya.

"Batid mo na ba?" Lumapit si Reyna Aglatea sa heneral hanggang sa sila'y magkaharap. Tinitigan niya ito sa mga mata bago gumuhit ang isang nakakikilabot na ngisi. "Paminsan-minsan ko lang binibisita ang aking mag-ama sapagkat mas kailangan ako sa Kaharian ng Vesperia. Hanggang sa isang araw, inilayo sa akin ang aking anak noong siya'y anim na taong gulang pa lamang . . ."

Sinubukang umatras ni Ybrahim, ngunit hindi siya makagalaw. Lubha siyang nabigla dahil sa natuklasan at hindi niya ito matanggap. Hindi niya mailarawan ang mukha ng kanyang sariling ina, ngunit, totoo kaya ang kanyang naisip?

Sa isang kurap ng mata, sinakal siya ni Reyna Aglatea. Napaubo si Ybrahim sa higpit nito kung kaya't siya ay napahawak sa pulsuhan ng ina.

"N-Noong gabing iyon . . . Sa karagatan . . . N-Nawasak ang barkong pampiratang sinasakyan namin ni Ama . . . dahil sa hagupit ng bagyo . . . Nawala ako nang ilang linggo, ngunit natagpuan ako ng mga naghahanap sa akin dahil kay . . . Bathalumang Ophelia . . ." Sumingap-singap si Ybrahim; bakas ang paghihirap na makahinga. "Nang ako'y nakarating ng Azeroth . . . b-binalita na lamang sa akin na . . . pinaslang mo ang aking ama . . . I-Ikaw ang aking—"

Humagikgik si Reyna Aglatea at pinagmasdan nang taimtim ang pirata. "Oo, Prinsipe Ybrahim . . . Ako ang iyong tunay na ina!"

Ang mga sunod na nangyari ay hindi kaaya-aya. Gamit ang lumiliwanang na sibat na may tatlong talim, sinaksak niya ang tiyan ng sariling anak. Hindi magawang lumaban ni Ybrahim sapagkat hindi niya kayang saktan ang sariling ina, ngunit, hindi ba't ang tungkulin niya ang mas mahalaga? Subalit, huli na ang lahat. Ginamit ni Reyna Aglatea ang tatlong pinakamahalagang kaliskis at bahagyang sumabog ang kapangyarihang kanyang ipinamalas, at tumalsik ang heneral.

Gumulong-gulong sa lupa si Ybrahim bago huminto. Hindi niya matiis ang nararamdamang hapdi at kirot sa tiyan kung kaya't siya ay namilipit sa sakit at napaubo nang maraming dugo dahil sa natamong tatlong butas sa tiyan; bumaha ng pulang likido sa lupa. Nagsimulang lumabo ang kanyang paningin at pakiramdam niya'y hinihigop ang kanyang lakas.

Lumapit si Reyna Aglatea sa kinaroroonan ng anak, yumuko, at hinawakan ang baba. Pinilit niya itong tumingin sa kanya bago sumilay ang isang nakalalason na ngiti. "Sumama ka sa akin, Prinsipe Ybrahim. Kung hindi mo ito gagawin . . . manganganib ang buhay ng iyong kabiyak na si Lysandra, hindi ba?"

Nanlaki ang mga mata ni Ybrahim. Nawala sa isipan niya ang tungkol sa kanilang kaluluwa. Bakit niya hinayaan ang sarili na masaksak? Kanina lamang ay nangako siya kay Ophelia, ngunit, nasira niya ito kaagad.

"A-Ako ba talaga ang iyong . . . anak?" nanghihinang tanong ni Ybrahim.

Bumuntong-hininga si Reyna Aglatea. "Sa kaparangan ng Mopek, dapat noong una pa lamang ay napansin mo na ang kakaibang kilos ng katipan ni Heneral Ojeda. Nabatid ng sirenang iyon na ikaw ang aking anak—ang nawawalang prinsipe ng Vesperia! Sa tingin mo ba'y hahayaan ko silang lumuhod at magmakaawa sa isang mahina at kaawa-awang tao?"

Kumulo ang dugo ni Ybrahim ng parang bulkan dahil sa mga isinambit ng kanyang ina. Tuluyan na ngang nasakop ang puso't isipan ng kadiliman—nahumaling sa kapangyarihan!

"Bakit . . . Bakit mo ito ginagawa? Kilala bilang . . . mababait na nilalang ang mga taong isda!" Umigting ang panga ni Ybrahim nang maalala niya ang namayapang ama. "Bakit mo rin pinaslang si Ama? Palagi niyang binabanggit sa akin na . . . mahal na mahal ka niya–"

"Manahimik ka!" sigaw ni Reyna Aglatea, nanggagalaiti sa galit. "Dahil sa hindi makatotohanang pag-ibig na 'yan!"

Tinikom ni Ybrahim ang kanyang bibig. Kung tama ang kanyang hinala, nabigo ito sa pag-ibig. Sa kanyang ama nga ba?

"A-Ano ang ibig mong sabihin?"

"Ang tunay kong katipan ay kagaya rin ng iyong ama. Isa siyang tao. Katulad ng iba, kami'y nagmahalan. Ngunit isang araw, kailangan naming . . . lumayo sa piling ng isa't isa sa loob ng isang taon sapagkat hihirangin ako bilang Reyna ng Karagatan. Nangako siya sa akin na hihintayin niya ako. Ngunit . . . ano ang kanyang sinukli?" Nagsalubong ang mga kilay ni Reyna Aglatea. Siya'y tumindig at naglakad pabalik-balik habang ikinukumpas ang kanang kamay. "Isa siyang taksil! Umibig siya sa ibang babae matapos kong gawin ang lahat para sa kanya!"

Tumigil siya sa harapan ng anak at patuloy sa pagsigaw, tila ba'y may galit sa buong mundo. "Iyon ang nagpatunay sa akin na likas na makasalanan ang mga tao at hindi dapat sila namumuhay sa mundong ito! Napuno ako ng poot at galit! Nagdasal ako sa nakatataas na bathala sa planetang Pluto upang tulungan niya akong maghiganti at maging mas makapangyarihan, at ako'y pinagpala ng elementong Pluto! Ngunit ang kapalit nito ay ang pagpuksa sa mga taong dragon nang sa gayon ay makuha ko ang mga makapangyarihang kaliskis!"

Lumabas na ang buong katotohanan. Nalulungkot si Ybrahim sapagkat mas pinili ng kanyang ina na maging masama, maghiganti, at maghangad ng kapangyarihan dahil lamang sa bigong pag-ibig. Dahil dito, kailangan niyang iligtas ang buong Warcadia mula sa kasamaan ni Reyna Aglatea.

Lumikha si Ybrahim ng isang sibat mula sa likuran ng kanyang ina habang hindi ito nakatingin. Pinili niyang lasunin ito ng merkuryo sa halip na ibaon ang kanyang espada sapagkat nanaig ang pagiging isang maawain na heneral. Gamit lamang ang isipan, ang sibat ay pumukol patungo kay Reyna Aglatea. Ngunit, sa isang kurap ng mata, hindi niya inaasahang mararamdaman at masasalo ito ng kanyang ina gamit lamang ang kamay. Ito'y kanyang ikinagulat.

Ngumisi si Reyna Aglatea. "Nakalimutan kong banggitin na . . . walang epekto sa akin ang mga lason." 

"Ang . . . kamandag ng Black Mamba?" hula ni Ybrahim, malakas ang kanyang kutob na iyon ang dahilan.

"Matalino ka rin pala." Lumawak ang ngisi ni Reyna Aglatea. Unti-unting natutunaw ang pilak na sibat hanggang sa napalitan ito ng itim na sibat. "Ngayon alam mo na kung bakit namin ninakaw ang mga kamandag sa Kaharian ng Mopek. Ito'y upang mapalakas ang aking sarili. Kay sarap palang maglaro sa itim na salamangka!"

Hindi makaimik si Ybrahim dahil nanaig ang panghihina ng katawan. Nais sana niyang magsalita, ngunit nagdilim ang kanyang paningin dahil maraming dugo ang nawala sa kanya.

Naningkit ang mga mata ng kanyang ina nang siya'y nawalan ng malay. Lumapit ito sa kanya at inangat ang itim na sibat. "Sa palagay ko ay . . . wala ka nang silbi, mahal kong anak. Hindi na kita kailangan sa aking mga plano. Ako lang dapat ang pinakamakapangyarihan sa buong Warcadia!"

Akmang sasaksakin niya ang sariling anak nang may pumigil sa kanyang masamang hangarin.

"Layuan mo si Ybrahim!"

Paglingon niya, may nilalang na kumalmot sa kanyang braso at siya'y napahiyaw sa hapdi, dahilan upang mapaatras mula sa katawan ni Ybrahim at maglaho ang itim na sibat.

Dumating pala sina Ignis at Bathalumang Ophelia!

Habang binabantayan ni Ignis ang reyna ng mga taong isda, lumipad ang bathaluman patungo sa piratang walang malay at lumapag sa kanyang tabi. Nang makita niya ang nagdurugong sugat sa tiyan ni Ybrahim, siya'y nag-alala. Mabilis siyang lumuhod at ginamot ito gamit ang sariling kapangyarihan.

Mabuti na lang, nagkaroon ng malay si Ybrahim. Nakita niya ang mukha ni Ophelia at umukit ang isang ngiti. "Salamat at dumating ka . . . Kamusta sina Lysandra at Roan? Ang hari at reyna?"

"Maayos ang kanilang kalagayan," sagot ni Ophelia. "Tinulungan ko sila at unti-unti na ring pumapanig sa atin ang mga taong isda."

"Isang magandang balita . . ."

Samantala si Reyna Aglatea, siya'y nagalit dahil sa natamong tatlong sugat mula kay Ignis. Malalim ito at tumutulo ang kanyang dugo. Ngunit napawi rin ang namumuong poot nang makita niya ang taong dragon.

"Sa wakas, nagpakita ka rin, Bathalumang Ophelia. Sabihin mo sa akin kung nasaan ang Kaliskis ng Mercurio kung nais mong manumbalik ang kapayapaan sa buong Warcadia."

Nagsalubong ang kilay ni Ophelia nang marinig niya ang malamig na boses ni Reyna Aglatea. Siya'y tumayo at buong tapang na hinarap ang masamang sirena habang si Ignis naman ay tumabi kay Ybrahim.

"Kapag ako'y iyong natalo, sasabihin ko kung nasaan ang Kaliskis ng Mercurio." Nang inilahad ni Ophelia ang kanyang kanang kamay, lumitaw ang isang mahiwagang tungkod.

"Kung ganoon . . ." Sumilay ang isang mapagmataas na ngisi mula sa mga labi ni Reyna Aglatea. Hinanda niya ang kanyang sibat na may tatlong talim at lumiwanag ito. "Simulan na natin!"

Nang lumipad sa himpapawid ang bathaluman, may malaking liwanang na tumudla mula sa sibat ni Reyna Aglatea. Gamit naman ang mahiwagang tungkod, gumuhit ng tatlong tatsulok sa hangin si Ophelia. Lumiwanag ang mga simbolo't linya at siya'y nagpakawala ng kaparehong liwanag.

Nagsalpukan ang elementong Urano at nagkaroon ng nakasisilaw na pagsabog.

Tinakpan ni Ignis si Ybrahim upang hindi ito matamaan ng mga lumipad na bato at mapuwing ang mga mata. Ayos ka lang ba, Ybrahim? Kaya mo bang tumayo? nag-aalalang tanong ni Ignis. Sumulyap ito sa nangyayaring labanan sa pagitan nina Bathalumang Ophelia at Reyna Aglatea.

Sinubukang umupo ni Ybrahim sa tulong ni Ignis, ngunit hindi pa kaya ng kanyang katawan. "Nagamot ni Ophelia ang aking mga sugat, ngunit hindi pa ito sapat upang bumalik ang aking lakas . . ."

Kailangan mong magpahinga. Hindi mo kayang lumaban, wika ni Ignis.

Umiling-iling si Ybrahim. "Hindi ko maaaring gawin iyon. Kailangan ni Ophelia ang tulong ko—"

Nang sinubukan niyang tumayo, nakaramdan siya ng pagkirot sa loob ng kanyang tiyan kung kaya't siya'y muling napaupo.

Hindi mo pa kaya. Huwag ka nang magmatigas at kailangan na nating lumayo rito, diin ni Ignis.

🔱 🔱 🔱

Kasalukuyang tumatalon at umiiwas sina Bathalumang Ophelia at Reyna Aglatea sa mga elementong pinapakawalan. Walang tigil ang pagsabog na maririnig. Lumaban din nang patas si Ophelia at siya'y nakipagsuntukan at sipaan kay Reyna Aglatea. Makikita ang sukat ng kanilang galing at kung gaano kalakas ang dalawang babae. 

Mga ilang minuto rin ang tinagal ng kanilang labanan at sila'y nagkaroon na ng mga pasa't sugat sa buong katawan. Tila ba'y may pag-asang matigil ang sagupaan sapagkat sila'y napapagod na. Kung maaari lang sana na ganoon ang mangyayari, ngunit may isa sa kanila ang minalas, at si Ophelia pa.

Natapilok siya sa sarili niyang paa at siya'y nahulog sa lupa. Ginamit ni Reyna Aglatea itong pagkakataon na daganan si Ophelia at sakalin ang kanyang leeg, at napaubo ito sa higpit ng pagkakasakal.

"Napapagod ka na ba? Iyan ang napapala ng isang bathaluman na walang karanasan sa pakikipaglaban!" Humagikgik si Reyna Aglatea, natutuwang makita na naghihirap ang bathaluman. "Inuulit ko... Sabihin mo sa akin kung nasaan ang Kaliskis ng Mercurio! Kung ginawa mo iyon, ititigil ko itong digmaan!"

Habang sila'y nagtatalo tungkol sa Kaliskis ng Mercurio, biglang lumiwanag ang tatlong pinakamahalagang kaliskis sa loob ng lukbot ni Ybrahim na nakatali sa kanyang baywang. Hindi lang iyon, pati na rin si Ignis ay lumiliwanag.

A-Ano ang nangyayari sa akin? Huminto sa paglipad si Ignis at siya'y pansamantalang lumapag sa lupa.

Nagtataka rin si Ybrahim. "Hindi ko alam, ngunit may kakaibang kapangyarihan ang bumabalot sa ating dalawa!"

Lingid sa kanilang kaalaman, matagal na itong hinihintay ni Ophelia. Tumingin siya kay Reyna Aglatea at nagawa pa niyang magsalita kahit na siya ay sinasakal. "A-Alam mo ba kung . . . nasaan ang Kaliskis ng Mercurio?"

Binigyan ni Reyna Aglatea ito ng mapanlisik na tingin. "At nasaan ito?"

Ngumisi ang bathaluman. "Ang alagang dragon ni Ybrahim . . . ang mismong Kaliskis ng Mercurio . . ."

Nanlaki ang mga mata si Reyna Aglatea. Siya'y lumingon sa direksyon ng anak at pinanood itong mabalot sa nakasisilaw na liwanag, pati na rin si Ignis. Nasaksihan niya ang pagsanib ng kanilang katawan hanggang sa humupa ang liwanag.

"Hindi . . ."

Tuluyang nagbago ang wangis ni Ybrahim. Siya ay naging isang taong dragon. Ibang bahagi ng kanyang katawan ay nagmula kay Ignis. Pula ang kanyang mga malalaking pakpak, pati na rin ang dating kulay-kaki na buhok na ngayon ay humaba. Kasama na rin sa pagbabago ang mga pulang mata na naging bertikal ang balintataw.

"Kaliskis ng Mercurio . . . Marte . . . Veturno . . . at Júpiter . . . Apat sa akin, tatlo sa iyo." Nang umukit ang isang nakakatindig-balahibong ngisi mula sa mga labi ni Ybrahim, makikita ang kanyang mga matutulis na pangil. "Sino ngayon ang pinakamalakas sa ating dalawa, mahal kong ina?"

"Kamalasan!" Nagngalit ng ngipin si Reyna Aglatea.

Ito ang unang pagkakataon na nakaramdam ng matinding pangamba ang reyna ng mga taong isda. Batid niya na wala siyang laban sa isang nilalang na may tatlong lahi sa iisang katawan kung kaya't napilitan siyang iwanan si Ophelia upang makatakas.

Tiyak na hindi ito hahayaan ni Ybrahim. Naglaho siya sa paningin ng lahat at siya'y mabilis na lumitaw sa harapan ng ina, at ito'y nagulat.

"Saan ka patutungo, Ina? Nagsisimula pa lang ang tunay nating laban."

Nang binitiwan ni Ybrahim ang mga katagang iyon, kumalansing ang kanilang nagsalubong na sandata at nakita ng heneral ang takot sa mga mata ni Reyna Aglatea. Nahihirapan itong pumantay sa kanyang bagong lakas kung kaya't siya ay napangisi dahil sa naisip na plano. Tumalon siya palayo at lumipad sa himpapawid.

Nagsalubong ang kilay ni Reyna Aglatea. "Lumaban ka nang patas!"

"Ina, ginagaya ng mga anak kung ano ang kanilang nakikita sa mga magulang," pangungutya ni Ybrahim. Ito'y dahil naalala niya ang paglabag ng sariling ina sa kanilang kasunduan tungkol sa paggamit ng mga kaliskis. "Sisihin mo ang iyong sarili."

"Lapastangan!" Dahil sa kumukulong galit, lumikha ng mga itim na globo si Reyna Aglatea at binato ang mga iyon sa anak.

Si Ybrahim naman ay lumikha ng isang daang espada, sibat, at palakol na nababalot sa apoy at kuryente. Binato niya ang mga ito sa mga itim na globo at nagsalpukan ang kanilang elemento, sanhi ng pagsabog.

Hindi nagsayang ng oras ang heneral. Mula sa himpapawid, siya'y bumulusok patungo sa ina na nakatutok ang patulis ng kanyang espada. Nang siya'y nakalapit, lumikha si Reyna Aglatea ng kalasag na gawa sa rumaragasang tubig at ginamit iyon sa pagsangga.

Pagtama ng espada si Ybrahim, dumausdos paatras ang kanyang ina bago tumigil. Tumagal sila sa ganoong posisyon sapagkat batid ng heneral na kanina pang pagod ito sa pakikipaglaban.

"Ina . . . Nakalimutan kong banggitin sa iyo na ako ang may pinakamataas na marka sa Akademiyang Militar ng Warcadia, at ang paborito kong asignatura ay ang siyensiya. Hindi ka ba natutuwa?"

"At ano naman ang ipinamumukha mo sa akin? Mas matalino ka?" nanggigigil na tanong ni Reyna Aglatea.

"Oo." Gumuhit ang isang mapanlinlang na ngiti mula sa mga labi ni Ybrahim. "Alam mo ba na . . . mahinang konduktor ng init ang merkuryo samantala naman ay katamtaman ito sa elektrisidad?"

Namutla ang mukha ni Reyna Aglatea. Napagtanto niya kung ano ang binabalak gawin ng anak. Nais sana niyang tumakas, ngunit siya'y naunahan. May mga tumubong baging mula sa lupa at bumalot iyon sa kanyang paanan, dahilan upang hindi siya makagalaw.

"Y-Ybrahim! Pag-isipan mo muna ito nang mabuti!"

"Matagal na. Sa palagay ko ay . . . sapat na ito upang tuluyan nang magwakas ang iyong kasamaan."

Lumawak ang mapaglarong ngiti ni Ybrahim. Biglang napalibutan ng kuryente ang kanyang espada na gawa sa merkuryo at gumapang ito patungo sa kalasag na rumaragasang tubig.

"Paalam, Ina!"

Sa bilis ng pangyayari, dumaloy ang kuryente sa katawan ni Reyna Aglatea at napahiyaw ito sa matinding sakit, animo'y nasusunog ang kanyang loob. "Ybrahim!"

Nagbabantang sumabog ang kanilang elemento kung kaya't kinailangan ni Ybrahim na lumipad palayo. Lumipad siya patungo kay Ophelia at binuhat niya ito sa kanyang mga kamay. Naghanap siya ng ligtas na lugar at doon nilapag ang bathaluman. Pagkatapos niyon, mabilis siyang lumikha ng bolang apoy. Lumaki ito nang lumaki hanggang sa binato niya iyon patungo sa kalasag ng ina. Nang ito'y sumalpok, dumagundong ang paligid at yumanig ang lupa dahil sa lakas ng kapangyarihang ipinamalas ng heneral.

Mas mahaba pa sana ang fight scenes kaso dahil nga sa limit ng word count ng contest noon, napilitan akong paikliin. Hayaan ninyo, sa English version ang mas detailed. ;)

RedZetroc18creators' thoughts