Matagal ko ring pinagmasdan ang nahihimbing na dalaga. Nilapitan ko siya't marahang hinaplos ang pisngi. Hindi nagkammil ang hanging ipagtulakan ako papunta sa lugar na 'to. Nakatutuwa mag isipin, parang may sariling pag-iisip ang hangin na 'yon.
Mayamaya ay biglang bumukas ang pinto.
''Lolo, tulog pa rin siya,'' sabi ng batang nakahawak sa laylayan na damit ni... Ginoong Leopold. Wala siyang pinagbago bukod sa puting balbas at puti na ang buhok. Maganda pa rin ang tinig niya kapag nagsasalita, malambing.
''Lapitan natin siya, Hailey, Laila, tayong tatlo ang gigising sa kanya.'' Malapad ang ngiti niyang nakahawak sa munting kamay ng isa pang bata. Sila ang kambal na nakita ko kanina. Hindi ko mawari kung sino sa kanila si Hailey at Laila. Teka, kung gano'n, sila'y anak ni Holly?
''Lolo, gising naman siya!'' Tinuturo siya ng batang hawak ng ginoo. Hinawi kasi ng hangin ang kurtina kaya nakita ng bata na gising na siya.
''Halika ka na, Holly, kakain na, baka mamaya ay hindi ka na makatulog, ala siete na.'' Umupo silang tatlo sa gilid ng kama niya. Dahan-dahang naupo si Holly at sumandal sa sandalang kahoy ng kama. Yumakap sa kanya ang dalawang bata.
''Naramdaman ko siya, ama.'' Walang kakurap-kurap na sabi niya.
''Sino?'' Tanong ng ginoo pagkaupo sa gilid ng kama.
''Anong araw na po ba ngayon?'' Tanong niya habang hinahaplos ang buhok ng dalawang bata.
''Ikatlo ng Hulyo, anak.'' T'umalikod siya sa aking binibini.
''Ngayon ang kanyang kaarawan.''
''Si Frost Noelle. Alam ko hija, sa haba ng panahong nagdaan na laging siya ang nasa 'yong alaala.''
Napakalakas ng pintig ng aking puso dahil sa nalaman ko. Kulang na lang ay butasin nito ang dibdib ko. Ngunit may'ron lamang akong hindi maintindihan.
''Holly.'' Tawag ko sa kanya. Umihip naman ang hangin na nagawa pang suklayin ang buhok ko. Nakatayo ako sa kanyang harapan, sa may bandang paanan ng kama. Nakatingin siya sa direksyon ko ngunit parang may mali. Hindi gumagalaw ang mga mata niya, nakatuon lamang 'yon sa iisang direksyon na parang nakatingin sa kawalan. Ano kayang iniisip niya?
Napalingon ako ng muling may kumatok sa nakabukas na pinto. Pagkatapos ay dumiretso siya sa kinaroroonan nina Ginoong Leopold.
''Holly...'' Lumapit sa kanya ang lalaking tumawag sa kanya't hinalikan ang kanyang noo. Si Lucas, hindi ako maaaring magkamali. Siya si Lucas, nagkaroon lamang siya nang manipis balbas. Napakatamis ng ngiti niya sa aking binibini.
Kung ganoon, silang dalawa ay... mag-asawa na? Kumirot ang aking puso. Ang sakit sa dibdib. Nakaramdam ako ng panlalamig. Para akong sinasaksak ng ilang libong beses.
''Nakapaghanda na ako sa baba, kulang na lang ang mga prinsesa ko para kumain.'' Nakangiti niyang sabi. Nakaramdam ako ng panginginig at tila ba napakarami ng mga paru-parong nagliliparan sa aking tiyan.
''Talaga po? Nagugutom na nga ako, papa!'' Masiglang sabi ng batang nasa kaliwa ni Holly. Sabay silang bumaba sa kama at nag-unahang lumabas ng silid.
'Hailey... Laila, ibig sabihin hango sa unang letra ng kanilang mga pangalan?'
Huminga ako nang malalim. Ano pang silbi ng mga alaala niyang patungkol sa 'kin kung may asawa't anak na siya? Para saan pa't muli akong nagbalik?
Tumalikod ako sa kaniya.
Nakagat ko ang aking labi at naikuyom ko nang mahigpit ang aking palad. Bigla nalang tumulo ang luha sa aking mata na kanina ko pa pinipigilan.
''Gaano ba ako katagal nawala?!'' Nasuntok ko tuloy ang dingding. Paano ako muling makikita ng mga tao kung mismong si Holly ay hindi ako nakikita? Paano siya maniniwalang nakabalik na ako, kung hindi niya ako nakikita?
Napag-isipan kong umalis na sa lugar na 'to. Mukhang wala na akong pag-asa. Malugod kong tatanggapin ang kapalaran kong maging isang kaluluwang palaboy. Mag-isa at walang ibang gagawin kundi ang tanawin sila.
Lumapit na ako sa nakabukas na bintana kung saan ako dumaan kanina. Nakahakbang na ako ngunit may pumipigil sa 'kin. Para akong hinihila ng hangin palayo sa bintana. Para akong nasisiraan ng bait na naikipagtalo sa hindi nakikita.
''Aalis ako kahit na anong mangyari!'' Humawak ako sa gilid ng bintana para hindi matangay pabalik sa kinaroroonan nila.
Umihip na rin nang malakas ang hangin mula sa labas. Mukhang pinagkakaisahan ako ng panahon. Malakas ang ihip no'n kaya't napapikit ako, dahilan din para tumunog ang mga papel na nakadikit sa dingding. Nilipad din ang iilang papel na nakapatong sa maliit na mesa.
"Isara mo ang bintana, Lucas! Madali ka!'' Utos ng ginoo.
''Ano bang nangyayari sa panahon?'' sabi ni Lucas, tumagos lang siya sa akin nang madaanan ako. Bahagya akong napapikit.
Nang ako'y magmulat ay halos mamuo naman ang maliit na ipo-ipo rito sa loob ng silid. Ang hangin ay may kasama pang nyebe na hindi ko alam kung saan galing. Hindi tag-lamig ngunit bigla na lang silang sumulpot.
''Nararamdaman kong naririto si Frost,'' sabi niya.
Nilingon ko siya pagkawika no'n.
''Ano ba 'yang sinasabi mo, anak. Matagal ng wala si Frost.''
Dahan-dahan akong lumapit sa kanya. Kasabay naman no'n ang unti-unting paghupa ng hangin. Ayaw talaga akong paalisin dito.
''Frost, hindi man kita nakikita, nararamdaman ko ang presensiya mo.'' Humawak siya sa sandalan ng kama pagkatapos ay tumayo.
''Holly, wala si Frost dito.'' Paniniguro ng ginoo sa kanya.
''Narito siya ama, naniniwala akong naririto lang siya. Kanina no'ng natutulog ako.'' Napalunok siya. ''Naramdaman ko ang paghaplos niya sa pisngi ko.'' Nanginginig ang labi niya habang nakatingin sa direksyon ng ginoo.
''Holly...'' Niyakap ko siya. Hinimas niya ang braso saka niyakap ang sarili.
''Nararamdaman ko ang pagyakap niya, ama. Hindi man kayo maniwala sa sinasabi ko, pero ako naniniwala, narito siya, nagbalik na siya.''
''Salamat, Holly.'' Ninanamnam ko ang bawat sandaling ito nang magsalita si Lucas.
''Anong salamangka ang nangyayari?'' Kumalas ako sa pagkakayakap sa aking binibini at tiningnan si Lucas. Sa likod niya ay may isang aparador na may malaking salamin. Nakita ko mismo kung paano unti-unting nagpapakita ang aking repleksyon do'n.
''Nananaginip ba ako?'' Sinipat-sipat ni Ginoong Leopold ang kanyang pisngi.
''Frost Noelle.'' Bulong ni Lucas. Kaming tatlo'y parepareho ng reaksyon maliban kay Holly na natulala na yata.
''B-Buhay ka!''
''Tama ka, napakahabang kwento ng kung bakit at paanong ako'y nakabalik,'' nanlalaki ang mga mata kong sagot kay Lucas.
''Gaano...'' Huminto ako saglit. ''Gaano, katagal akong nawala Holly?'' Nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi.
''Anim na taon kang nawala, Frost, araw-araw hindi ka nawala sa isip ko. Hindi ko matanggap na dahil sa 'kin ay nawala ka, ni hindi ko man lang nasabi ang mga bagay na sa tingin ko'y ikatutuwa mo.'' Huminga siya nang malalim pagkatapos ay kinukutkot ang nga daliri.
''Palihim kaming pumupunta ng Saxondale kung may pagkakataon. Sa mahabang panahon, tag-araw, tag-init, tag-ulan at tag-sibol. Walang araw na nakaligtaan kong bumisita sa 'yo sa ilog, kung saan huli tayong-''
Sinadya kong idikit ang aking hintuturo sa labi niya upang 'di na niya maituloy ang sasabihin. Gamit ang aking hinlalaking nakadikit sa kanyang baba ay iniangat ko ang kanyang mukha.
Bumilis ang tibok ng puso ko, wala akong naririnig kundi ang malakas na kabog nito. Hindi ako makapaniwalang kaharap ko na muli ang babaeng matagal ko ng iniibig, ngunit biglang sumagi sa isip ko si Lucas. Humakbang ako palayo sa kanya. Nakita ko sa mukha niya ang labis na pagtataka.
''Patawad, baka magalit ang iyong asawa,'' sabi ko pagkatapos ay ipinatong ko ang aking kamay sa aking ulo.
''Asawa? Sino ang aking asawa?'' Tinaasan niya ako ng kilay. Ngunit gaya ng kanina'y sa kawalan pa rin siya nakatingin. Bakit?
''Si Lucas.'' Malumanay at napatungo kong sabi sa kanya. Sa pagkakataong ito'y umaliwalas ang kanyang mukha't napangiti, kitang-kita ang mapuputi niyang mga ngipin. Mayamaya ay tumawa siya nang malakas. Maging ang dalawang ginoo sa aking harap, kanina'y malungkot ang mga mukha pero ngayo'y tatawa-tawa. Ang malakas namang pagtawa ni Holly ang namayani sa buong silid. Napakamot na lang ako ng ulo.
''Hindi niya ako asawa, si Sofia ang aking napangasawa,'' sabi ni Lucas na nakahalukipkip.
''Eh, kasi hinalikan ka niya sa noo at ang mga bata'y tinawag na lolo si Ginoong Leopold...'' Natampal ko ang aking noo tsaka napahilamos ng mukha. ''Kung ganoon ay-'' Nahinto ako sa akin pa sanang sasabihin nang magsalita ang ginoo.
''Mas mabuting iwanan muna natin silang dalawa, Lucas.'' Tumango naman ang lalaki. ''Hindi ko man maintindihan ang napakahiwagang pangyayaring ito'y karapatan ninyong dalawa ang makapag-usap.''
Pagkatapos ay nasumpungan ko na lang na nakalabas na silang dalawa.
''Hinanap ka namin sa ilog na 'yon ngunit hindi ka nakita. Kaya ipinagdasal ko na lang, na sana ay sa susunod nating buhay ay makilala natin ang isa't isa.'' Sandali siyang napahinto. ''Na sana ay tayong dalawa-''
Hindi na niya natapos ang sasabihin nang akin siyang yakapin. Biglang nabuhay ang kanina'y palanta ko ng damdamin.
''Importante'y nagbalik na ako, aking binibini. Pangako, hindi na ako mawawala pa kailanman sa tabi mo.'' Hinawakan ko ang kanyang kamay.
''Hindi ko akalaing matititigan ko nang matagal ang napakaganda mong mata. Ang pagkinang nito'y kagaya ng sa mga piraso ng yelo.'' Binawi niya ang kamay, kinapa niya ang sandalan ng kama pagkatapos ay naupo sa malambot na higaan.
''Holly...''
''Wala na akong kakayanang makakita, Frost.'' Parang isang kulog ang dumagundong sa aking tainga. Tama nga ang pakiramdam ko kanina, na parang may mali sa kung paano siya tumingin.
''B-Bakit? Anong nangyari sa 'yo aking binibini?'' Umupo naman ako sa kanyang tabi.
''Matapos kong balutin ng yelo ang buong bayan ng Saxondale at gawing yelo ang mga mata ng nagpahirap sa aking pamilya.'' Pumikit siya na tila inaalala ang mga nangyari. Nakinig lamang ako sa kanya.
''Habang nasa daan kami pauwi ng Neveern, paggising ko sa ikatlong araw ng aming paglalakbay ay wala na akong makita. Maging ang abilidad kong kontrolin ang nyebe ay nawala na. Bigla na lang silang nawala, wala akong ideya kung bakit. Marahil ay dahil sa ginawa ko sa mga taon 'yon kaya't kapalit no'n ang aking paningin.''
Hinawakan ko ang kanyang pisngi at hinaplos 'yon.
''Tumigil na rin ako sa pagi-ice skating, nawala ang silbi ko sa trabaho namin. Nawalan na ko ng pag-asang makakita pa dahil 'yon sa sinabi ng mga doktor. Wala na akong kwenta't pabigat na lamang, Frost.'' Nanginginig ang labi niya. Panay ang kagat niya sa kanyang labi. Nagpipigil marahil ng luha.
''Ngunit, matagal ko ng tanggap na hindi na ako muling makakakita. Ang 'di ko lang tiyak ay kung magugustuhan mo pa rin ang isang bulag na tulad ko.''
Kinuha ko ang mga kamay niya at idinampi ko sa aking pisngi ang mainit niyang palad. Napapikit ako sa paghaplos niya.
''Ang makisig at magandang lalaki na si Frost Noelle.'' Bahagya siyang natawa. ''Hindi ko alintana ang 'yong kakulangan. Ikaw ang gusto ko sa simula pa lang at gugustuhin ko sa mahabang panahon, Holly.''
Nakangiti ako sa kanya kahit hindi na niya nakikita. Ibinalot ko sa aking kamay ang mga palad niya. Nagsimulang uminit ang aking mata. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon, parang may kung anong nangingiliti sa aking dibdib. Napakasaya ko.
''Ako ang 'yong magiging mata, aking binibini. Kukulayan ko ang madilim na paligid na 'yong nakikita, hindi ko alam kung paano ko 'yon gaggwin ngunit sisiguruhin kong magiging makulay 'yon.'' Niyakap ko siya nang mahigpit. Matagal ko ring pinanabikan ang mayakap siya na ngayo'y natupad na.
🎶 Open up your skies, Turn up your night. To the speed of life, Turn up your night
Put your love in lights, Turn up your night. I will find you 🎶
***
Mabilis ngang nag-iba ang panahon, tag-lamig na uli. Hindi na ako muling tinutubuan ng mapupulang pantal at nagagawa ko ng manatili ng matagal sa lamig. Pareho kaming balut na balot nang makapal na panlamig. Nakasuot naman kaming pareho ng ice skate.
Hinihintay naming magpalit ng oras. Hindi naman nagtagal ay tuluyan na ngang nilamon ng dilim ang malawak na kalangitan. Maliwanag ang sinag ng buwan na ngayo'y bilog na bilog. Nakatayo kaming dalawa ni Holly ngayon sa malawak na nagyeyelong lawa.
''Mag-skating tayo, gaya no'ng aking kaarawan.''
''Alam mo namang hindi ko na kayang gawin. Hindi na ako nakakakita.''
''Huwag kang mag-alala, hindi ba't ako ang 'yong mga mata?'' Kinuha ko ang mga kamay niya. Kahit maraming beses at kahit gaano katagal ay maaari na akong tumitig sa kanyang mga mata na hindi na magiging yelo.
Kusang sumunod ang kaayang mga paa nang magsimula akong magpadausdos. Umikot kaming dalawa na tila ba gumuguhit ng numero otso pagkatapos ay itinaas ko ang kamay niya't ipinaikot na parang ballerina sa isang kahon.
Napakalaki ng kanyang ngiti. Habang ang hibla nang maikli niyang buhok ay dumidikit sa kanyang pisngi. Kay gandang eksena na hindi ko makakalimutan. Sa ilalim nang malaki at puting buwan kami nagpapadulas ng walang katapusan. Mga maliliit na yelo lamang ang nagtatalsikan. Sinusulit ang bawat sandali dahil panibago na naman ang aming kahaharapin pagdating ng kinabukasan.
''Alam mong ito ang gustong gusto kong gawin, maraming salamat, Frost.''
Binuhat ko siya habang nagpapaikot kami. Nakahawak ako sa kanyang beywang at nakataas naman ang kanyang mga bisig. Hinawakan niya ang aking mukha pagkatapos ay idinikit ang kanyang noo sa aking noo. Ibinaba ko siya't hinawakan ang kanyang kamay. Hinawi ko ang buhok niya't inipit 'yon sa gilid ng kanyang tainga.
🎶 I'll run away with your foot steps, I'll build a city that dreams for two,
And if you lose yourself, I will find you 🎶
''Magsimula tayong muli aking binibini, ngayong magkasama na tayo, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya mapatunayan lamang sa'yong hindi nagkamali ang puso mong ibigin ako,'' sabi ko pagkatapos ay hinalikan ko ang dulo ng kaniyang ilong.
🎶 Make them dance, just like you, 'cause you make me move, yeah you always make me go 🎶
END