webnovel

CHAPTER 12

FROST'S POV

Isang babae lang ang nakatatak sa aking isipan. Hindi ko siya kailanman nakalimutan. Sa haba ng oras na ako'y nakapikit, tanging siya lamang ang nakikita ko sa dilim ng paligid. Hindi ko rin nakalimutan ang ngiti niya at ang kinang ng kanyang mga mata sa tuwing siya'y nakangiti.

Bumabalik sa aking alaala ang araw na pinakamasaya sa lahat. Ang aking naging kaarawan, kung saan magkapareha kaming nag-ice skate ng babaeng mahal ko, Holly, ang aking Snow Queen. Naaalala ko rin ang nangyari bago ako tumakbo sa kanya nang mabalitaang aarestuhin siya ni ama dahil sa nangyari kay Ate Matilde.

***

Narito ako sa aking silid, nagbibihis na dahil magkikita kaming dalawa. Isinuot ko ang aking panlamig nang marinig si Rosemary.

''Halimaw ang babaeng taga-circus! Ginawa niyang yelo amsi Matilde!''

Napalunok ako nang marinig ang pag-iyak ng kaibigan ng kapatid ko. Si ama'y galit na galit. Ipinatawag niya ang mga guardia kung kaya't nagmadali akong lumabas sa aking silid. Hindi ko na nagawa pang magsuot ng sapatos at mga gamit panlamig.

Sa may hagdan ay nagdahan-dahan ako sa pagbaba, tiningnan ko si Ate Matilde. Talaga ngang nagyelo na siya mula ulo hanggang paa.

''Saan ka pupunta, Frost?! Sa halimaw na 'yon?!'' Halos makita ko ang ugat sa leeg ni Rosemary sa sobrang galit niya. Maawa man ako sa aking kapatid natitiyak kong siya ang may kasalanan.

''Ate...'' Naikuyom ko na lang ang kamay ko. Hindi na ako nagsalita pa at tumakbo na lang papunta kay Holly.

Nawala na parang bula ang mga pangyayaring iyon nang mayro'n akong maaninag na papalapit sa akin. Isang mahabang kulay pilak na tela na tila ba ikinukulong ako na parang pinoprotektahan. Mayamaya ay isang pamilyar na mukha ng babae ang rumehistro.

''Holly.'' Inilapit ko ang kamay ko na tila aabutin siya.

''Aking sinta, ako ang Snow Queen.'' Ngumiti siya. ''Huwag kang mag-alala sapagkat muli ka ng makababalik sa kanya.''

''Anong ibig mong sabihin?'' tanong ko habang nakatingin lamang sa kanya. Hindi siya nagsalita bagkus ay pumikit lang. Matagal kaming nakalutang dito sa ilalim ng tubig nang muli siyang nagmulat.

''Sa iyong pagbabalik ay iiwan mo na sa lugar na ito ang dating ikaw, ang mahina at walang silbi mong katangian. Ngunit sa 'yo ring pagbabalik ay walang sinuman ang makakakita sa'yo, hanggat hindi ang taong mahal mo ang mismong maniniwalang nakabalik ka na.'' Unti-unting umaatras ang tela pabalik sa Snow Queen.

''Paalam aking sinta.'' Huli niyang sinabi pagkatapos ay bigla siyang nawala.

🎶 Silent love is calling faith, to shatter me through your hallways

Into echoes you can feel and rehearse the way you heal 🎶

Bigla tuloy akong napamulat. Tumambad sa akin ang ilalim ng ilog. Pinipilit kong kumawala sa yelong bumabalot sa aking katawan. Hindi nga nagtagal ay unti-unti kong naramdamang nababasag ang yelo sa dulo ng aking mga daliri. Naigagalaw ko na ito hanggang sa mabasag na nga ng tuluyan ang yelo. Maraming bula ang nilikha nang subukan kong huminga. Nasa ilalim pa rin ako ng ilog ngunit hindi na malamig ang tubig. Naghahalo ang mainit na temperatura mula rito.

Naglangoy ako pataas upang makahinga. Nang maiahon ko ang aking ulo'y dumampi sa 'king balat ang sinag ng araw. Ang sarap sa pakiramdam. Pumikit muna ako sandali at ninamnam ito. Pagkatapos ay nilangoy ko ang pampang. Nahiga ako sa mabatong buhangin. Masyadong mabigat ang suot ko, parang dumoble ito kung kaya't nahihila ako nito.

Sumagi sa isip ko si Holly kaya bigla akong napatayo. kailangan ko siyang mahanap. Tiningala ko ang maaliwalas na kalangitan. Nagsisiliparan na ang mga ibon at may buhay na uli ang paligid. Ipinatong ko sa aking noo ang kamay ko. Hindi ako makapaniwalang ako'y nakabalik na.

Bumangon na ako't nag-umpisang maglakad. Sa aking paglalakad ay ramdam ko ang malamig na hangin na tila itinuturo sa 'kin ang daan. Nagtiwala ako sa pakiramdam ko kaya't nakita ko ang daan paakyat sa tulay. May hagdan sa gilid ng bundok na mukhang sinadyang gawin.

Habang naglalakad ako sa tulay ay naalala ko ang pangyayari no'ng araw na 'yon. Holly, kumusta ka na. Nagpatuloy ako sa paglalakad, tila pinapamilyar ang lugar na dati ko namang dinaraanan. Hanggang sa makarating ako sa bayan ay parang nasa tabi ko pa rin ang malamig na hangin.

Nahinto ako at pinakiramdaman ang lamig ng hanging 'yon. Ibinuka ko ang aking bisig at napapikit, ninanamnam ang lamig na normal na lang sa 'kin ngayon. Humahalik ito sa aking noo at nagagawa pa nitong suklayin ang aking buhok.

Napamulat ako nang maalalang hindi nga pala ako pwedeng manatili sa lamig.

''Ano bang nangyari sa akin?'' Tiningnan ko ang aking mga palad. Hinila ko pataas ang mahabang manggas ng aking panlamig. Wala na ang mga pantal na kadalasang ilang minuto lang ay nagpapakita na.

Masyado akong nagagalak. May kung anong lumilipad sa loob ng dibdib ko na gustong kumawala. Naglakad na lang ako nang mabilis pabalik sa bayan.

Tumambad sa akin ang bayan namg makarating ako. Nababalutan ito ng yelo na kahit mataas ang araw ay hindi ito natutunaw. Makakapal pa rin ang nyebe na nagmukhang tag-lamig sa panahon ng tag-init.

🎶 Make them dance, just like you,

'Cause you make me move, yeah you always make me go 🎶

Nagsimula akong maglakad pauwi. Habang naglalakad ay pinagmamasdan ko ang paligid na aking kinalakihan. Nakita ko naman ang isang pamilyar na mukha. Si Rosemary ang dukesang kaibigan ni Ate Matilde. May kasama siyang lalaki at mukha naman siyang masaya.

''Rosemary!'' Tawag ko sa kanya ngunit tila hindi niya ako nakita't wala siyang narinig. Nilagpasan lamang niya ako. Totoo nga ang sinabi ng Snow Queen.

Sinubukan ko uling magtanog sa isang ginang ngunit nilagpasan lang din niya ako. Ang nakagugulat ay nang may mabunggo akong bata ngunit tumagos lamang siya sa akin. Kinapa ko ang aking sarili. Ngayo'y kumbinsido na ako. Tumakbo ako nang mabilis pauwi sa aming bahay.

***

Nang makarating ako sa amin ay tahimik. Sumilip ako sa salamin ng pinto at doon ko lang nakita ang aking sarili.

Iba na ang kulay ng aking buhok. Gaya ng kay Holly, naging kulay pilak na naghahalong kulay abo ito. Pareho pa rin ang kulay cerulean kong mga mata. Hinawakan ko ang aking mukha. Pagkatapos ay ginulo-gulo ko pa ang aking buhok.

Hinawakan ko ang salamin, may namuo kasi ritong hamog na nagkaroon ng disenyong heksagonong snowflakes. Kumpul-kumpol sila at ako'y namangha. Pinihit ko ang malamig na seradura ng pinto at hindi naman ako nabigong buksan ang ito.

''Ina? Mariana?'' Tawag ko sa aking ina't bunsong kapatid.

Walang sumalubong sa akin. Magulo ang buong bahay. Ang mga larawang nakasabit sa dingding ay basag na't mga nakatabingi. Kinuha ko ang isang larawan kung saan kumpleto kaming pamilya.

''Kuya Vernon!'' Tawag ko naman sa aking kuya. Ngunit walang bumaba mula sa ikalawang palapag. Umakyat ako, nakabukas ang mga pinto ng kanilang mga silid at magulo. Samantalang ang aking silid ay nakapinid ang pinto. Binuksan ko ito't pumasok, napakaayos pa rin ng kama, sa ibabaw nito ay ang gwantes, scarf at pantakip ko sa tainga. Ito 'yong isusuot ko pa sana bago ako lumabas. Ano kayang nangyari sa mga kapatid ko? At sa aking ama't ina.

Tinanaw ko mula rito ang bakanteng lote kung saan nakatayo noon ang circus house. Malapit lang ito sa 'min kung kaya madali akong nakabibisita sa kanya no'n.

Lumabas ako't nagpunta sa silid ng aking mga magulang. Nang ako'y humakbang ay naapakan ko pa ang isang lumang diyaryo. Pinulot ko ito at binasa.

''Kung ganoon ay nakaalis si Holly at ang kanyang pamilya...'' Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ang kasunod na artikulo.

May kung anong imahe naman akong nakita na bigla na lang sumulpot.

Itinutok ni ama ang baril sa kanyang ulo matapos malaman mula kay ina na ako'y patay na.

Nag-iba ang imahe.

Mainit ang panahon noon. Kalmado ang agos ng tubig sa ilog kung saan ako nahulog. Sinubukan akong hanapin ng aking mga kapatid, may nakasakay sa bangka, si Kuya Henry, samantalang sumisisid sina Kuya Veron at Kuya Joserio. Ngunit bigo silang makita ako.

Nawala na lang ang imahe na parang usok sa hangin. Nagpakamatay si ama dahil sa konsensya dahil sa kapangahasan niyang magpaputok ng baril. Hindi naman ako nagawang mahanap ng aking mga kapatid, pero bakit? Nasa ilalim lang naman ako ng ilog na 'yon.

Si Ate Matilde, nasawi dahil sa hindi natunaw ang yelong bumalot sa kanya. Ang aking ina't mga kapatid ay umalis na ng bayan matapos ang mga nangyari.

Ibinaba ko ang dyaryo't tumakbo palabas ng bahay. Sumalubong na naman sa akin ang hangin na tila hinihintay talaga ako.

''Magkikita na uli tayo, Holly.'' Napangiti ako sa kaisipang muli kaming magkikita. ''Papunta na ako r'yan sa Neevern.''

🎶 I'll run away with your foot steps, I'll build a city that dreams for two

And if you lose yourself I will find you 🎶

Ngunit hindi ko inaasahan ang ginawa ng malamig na hangin na kanina pa ako sinusundan. Sa ibang direksyon nito itinulak ang aking mga paa, sa ibang direksyon tuloy ako nagtungo. Imbis na sa bayan ng Neevern ay sa bayan ng Hellebore ang direksyon ko ngayon.

''Hoy, hangin! Sa Neevern ako pupunta, naroon si Holly!'' Para akong naloloko dahil kinakausap ko ang hindi ko nakikita. Napahilamos na lang ako ng mukha. Sa lakas ng ihip nitong hangin ay tatlong beses ako nadapa at nagpagulong. Kung itulak nito ang aking mga paa ay kulang na lang na ako'y makalipad.

***

Mag gagabi na nang makarating ako sa Hellebore. Nakatayo ako sa tuktok ng isang toreng may malaking orasan. Akin ngayong tinatanaw ang malawak na bayan. Naghahalo na ang kulay ng kalangitan; pula, asul at lila, may paunti-unting bituin na rin namang nagkikislapan.

Ang bayan ng Hellebore, galing sa pangalan ng isang bulaklak na tuwing tag-lamig lamang sumisibol. Nagsisimula na ring magsindihan ang mga ilaw sa bawat kabahayan, paisa-isa no'ng una hanggang magsabay-sabay na.

''Saan ko naman hahanapin si Holly, sa lawak ng bayang ito'y magawa ko kaya siyang makita? Ano sa tingin mo hangin?'' Pagkasabi ko no'n ay para akong hinalikan ng malamig na hangin sa aking pisngi. Sa pagkakataong ito'y naramdaman ko ang pagbalot nito sa buo kong katawan. Nakita ko ang manipis na namumuong ipo-ipo sa aking katawan. Palakas ng palakas ang ikot hanggang sa makaya akong maiangat nito.

''Woo!'' Halos bumalibaktid ako't maisabay sa pag-ikot nito. Nakaramdam ako ng hilo't parang naduduwal. Nakakaduling din.

Nagpaikot-ikot ako sa ere ng ilang sandali hanggang sa makuha ko ang pagbalanse. Para akong eroplanong papel na inililipad ng hangin. Kay ganda ring pagmasdan ang liwanag sa buong bayan.

Huminto ang pag-ikot ng hangin. Sa isang malaking bahay ako ihininto nito. ''Aagh!'' Napasigaw ako nang kumawala ang hangin sa aking katawan. Sa bubong ng bahay ako ay nahulog. Nagpagulong ako mga tuyong dahon na nagkalat ro'n at tuluyang nahulog sa madamong lupa.  Sapo ko ang aking likod na tumama sa may kanto ng chimeneya kanina. Tumayo ako't nagpagpag ng mga dumikit na dahon sa aking panlamig. Tiningan ko ang aking mga paa. Ngayon ko nga lang naalalang wala pala akong suot na sapatos.

Tumingala ako saka ko napansin ang usok sa chimeneya, may nagluluto na siguro ng hapunan. Hinawakan ko ang aking tiyan, ni hindi ako nakararamdam ng gutom. Sumilip na lamang ako sa bintana ng bahay. Mayroon akong nakitang dalawang batang babae. Kambal sila, kumakanta at nagsasayaw, pareho silang may maikling buhok na hanggang leeg. Pareho rin ang kulay ng suot nilang bestidang pantulog. Naaliw ako sa kanila.

Mayamaya ay naramdaman ko na uli ang malamig na hangin na bumalot sa aking paa. Gaya kanina ay nagmistula uli itong ipo-ipo na umiikot sa aking paa. Inangat ako ng hangin.  Nakapamulsa pa ako at parang magnanakaw na sumisilip sa bawat bintanang maraanan ko. Ano naman kaya ang makikita ko rito? Si Holly ang kailangan kong makita, hindi ang bahay na 'to.

Pumukaw sa aking mga mata ang isang bukas na bintana. Natanaw ko naman ang isang pamilyar na bagay. Nakapatong ito sa isang mesa at may may takip na gawa sa salamin. Pumasok ako sa bintana. Nilibot ko ng tingin ang buong silid. Maraming makukulay na papel ang nakadikit sa dingding. May malaking kama rin sa gitna na may nakatakip na manipis at kulay puting kurtina, malaya itong sumasayaw sa ihip ng mahinang hangin.

Para akong itinutulak ng hangin para hawiin ang kurtina. Nagdadalawang isip ako, hinahanda ang sarili sa kung anong makikita ko. Bahagya akong napalunok. Dahan-dahan kong hinawi ang kurtina. Ang una kong nakita ay ang paa ng nakahiga, kulay rosas ang bestida nitong suot. Hanggang sa mapadako sa kanang kamay niyang nakapatong sa kama. Ang hugis puso niyang labi na pamilyar sa 'kin.

Tumambad sa 'kin ang nakapikit na babae. Ang kulay pilak na may halong abo na buhok na hanggang leeg pa rin ang haba, umaabot na ito hanggang sa kanyang tiyan. Ang mahahabang pilikmata na 'yon.

''H-Holly...''

***