webnovel

CHAPTER 11

Hindi pa man kami nagtatagal sa lugar na ito'y may biglang kumatok. Napatingin ako sa pintuan, sinulyapan ko uli si Frost na nagising. Tumayo siya at nang mahulog ang kumot na ibinalot ko sa kaniya'y nakita ko, halos nasa kaliwang balikat na ang yelong bumalot sa kanya. Natutop ko ang aking bibig.

''D'yan ka lang, Holly,'' sabi niya. Nanghihina man ay nagawa pa rin niyang lumapit sa pinto. Ang mga pantal niya, maging sa mukha niya'y kumalat na rin ito.

Sumilip siya sa bintana. Napabuntong hininga ito tila kilala ang nasa labas. Binuksan niya ang pinto kaya pumasok ang malamig na hanging may kasama pang nyebe.

''Ginoong Maximus.'' Nakangiting sabi niya, ngunit nawala ang ngiti niyang 'yon nang may magpakita pang mga kasama ang ginoo.

''Patawarin mo ako master, ngunit hawak ng 'yong ama ang aking pamilya.'' Nakatungong sabi ng ginoo.

Nanlaki ang mga mata ni Frost nang makita ang ama. Umatras siya at hinarang ang sarili upang itago ako. Nakatutok naman ang mahahabang baril nila sa amin. Naghihintay na lang sila ng utos kung kailan magpapaputok.

''Masakit sa akin na makita kang ganyan anak,'' sabi ng Don habang tinatapik ang dibdib. ''Pagkatapos ay ipinagtatanggol mo pa ang babaeng 'yan! Ang babaeng may kung anong salamangkang tinataglay! Isang halimaw! Nagyeyelo ka na rin gaya ng iyong kapatid!'' Nanggagalaiting sabi ni Don Miguel. Ngunit bago pa man nakasagot si Frost ay napaluhod ito. Napatakbo ako sa kanya at natutop ko ang bibig. Para siyang naghahabol ng hininga.

Sumenyas ang kanyang ama sa mga guardia para kunin siya. Maingat nilang inalalayan si Frost habang ang dalawa pang guardia'y nakatutok ang baril sa akin.

''Hulihin nang buhay ang babae nang sa ganoo'y maparusahan sa harap ng mga mamamayan ng Saxondale! Hindi ko akalaing may inaalagaang halimaw ang mga taga-Neevern.'' Halos ipagdiinan pa niya ang salitang halimaw.

''T-Takbo, Holly! Bilisan mo!'' Nanghihinang sabi ni Frost. Sinulyapan niya ako't ngumiti. Nakagat ko uli ang ibabang bahagi ng aking labi.

''B-balikan mo na ang i-iyong mga kasama,'' sabi niya habang inaalalayan siya palabas ng bahay.

''Frost!'' Bulyaw ng kanyang ama.

''Takbo na!'' Tumango ako at sa kanyang hiling ay sumunod ako. Pero bago ako lumabas ng bahay ay ibinuka ko ang aking palad, umusok at namuo ito sa taas. Konti ito at tama lang pangdepensa. Bumagsak ang maraming nyebe sa mga mahahabang baril ng mga guardia. Pagkatapos ay nagyelo ang ilan sa dulo nito.

Napaurong ang mga guardia, pinagmamasdan nila ang mga yelong unti-unting bumabalot sa loob ng bahay. Kaya naman nakakita ako ng pagkakataon para tumakas.

Kumilos ang ilang guardia't tinangkang magpaputok ngunit sinalag lang ng mga nagpapaikot-ikot na nyebeng lumabas sa aking palad ang kanilang baril. Binitawan agad nila iyon sa sahig nang maging yelo. Sumuot naman ako sa sirang bintana para makalabas nang makakita ng pagkakataon.

Nang makalabas ako sa bahay na 'yon ay huminto muna ako sandali at napatingin sa kinaroroonan ni Frost. Pilit siyang ipinapasok sa loob ng karuwahe habang nakahawak ang kaliwang kamay sa pinto nito. Hindi ko na rin alam kung saan na ako pupunta. Isa na lang ang naiisip kong paraan.

Itinaas ko ang aking bisig, nakaangat ang aking palad na nakatapat sa paligid. Unti-unting bumabalot ang hamog sa paligid kaya sinamantala ko na ang pagkilos. Tumakbo ako sa likuran ng bahay para makapunta sa harap.

Natatanaw ko siya na napaluhod saka dinuduro siya ng kanyang ama. Hindi ko lubos maisip na kayang gawin 'yon ng isang ama sa anak. Nasasaktan ako para sa kanya.

Napansin ko naman na sa tuwing aapak ako sa yelo ay may mga hugis heksagonong snowflakes na nagpapakita. Kakaiba. Nagkaroon na ito ng disenyo. Hindi ko maintindihan kung paanong nangyari, basta ang alam ko'y lumabas na lamang sila nang masaktan akong makita ang sitwasyon ni Frost.

Maging sa direksyon nina Frost ay kumapal na rin ang hamog. Hindi ko na pinalampas ang pagkakataon at tumakbo ro'n. Gamit ang aking nyebe'y naging yelo ang mga gulong ng karuwahe.

''Mag-iingat kayo! Kagagawan ito ng halimaw na mangkukulam na 'yon!'' Sigaw ng Don. Ngayon ay mangkukulam naman ang ibinansag niya sa akin. Patawad Frost kung sa isipan ko'y ginagawa ko ng yelo ang 'yong ama.

Huminto ako mismo sa tapat ni Frost nang mawala na ang anino ng kanyang ama dahil sa hamog.

''Humawak ka lang sa kamay ko, itatakas kita.'' Bulong ko sa kanya.

''H-Holly.'' Nakita ko ang ginawa niyang pag-ngiti. Mas lumalim pa ang kanyang paghinga't mas makapal na rin ang pamumula ng kanyang mukha. Namamaga maging ang kanyang mga mata. Namumuti na rin ang kanyang labi at napansin ko ang pag-iiba ng kanyang boses. Hindi na niya mabigkas ng maayos ang pangalan ko. Anong nangyari? Ganoon ba talaga kalala ang kanyang karamdaman sa lamig?

''Halika na, Frost.'' Dahan-dahan siyang tumayo hawak ang aking kamay.

''Alam mo ba n-nanaginip ako,'' sabi niya. ''May babaeng nagpakita sa akin, g-gaya mo ay kaya rin niyang lumikha ng yelo a-at kontrolin ang nyebe.'' Napatingin ako sa kanya dahil sa kaniyang sinabi habang paika-ika siyang naglalakad.p

''Ang sabi niya'y ikaw at siya, iisa... a-at sa aming pag-uusap nalaman kong tayo'y i-itinadhana. S-Sinabi niya sa akin na, siya ang Snow Queen sa librong a-aking binasa.'' Kung ganoon ay ipinaalam na rin sa kanya.

''Kaya pala n-noong unang araw na tayo'y nagkakilala ay iba na ang a-aking naram-daman. Na parang matagal na tayong magkakilala. Ang galing naman ng t-tadhana, nahanap natin ang isa't isa.'' Nakangiti siya habang nakatingin sa akin. Nakatungo lang ako pero nakikita ko siya sa gilid ng aking mata.

'''Wag ka ng magsalita pa, ipunin mo ang 'yong lakas.'' Nauutal-utal na siya sa pagsasalita dahil sa pagngatal ng kanyang labi. Idagdag pa ang pag-iiba ng boses niyang parang ginagas ang lalamunan.

Sasagot pa lamang sa siya nang marinig namin ang sigaw ng kanyang ama. Tinatawag nito ang kanyang pangalan. Siguro'y alam na niyang itinatakas ko na ang kanyang anak. Itinatakas ko siya sa kamay ng walang puso niyang ama.

Nasa may dulo na kami ng mahabang tulay nang marinig namin ang maraming putok ng baril.

''D-Desperado na talaga ang aking ama.'' Napatingin ako sa kanya. Umiiling-iling siya't natatawa pa.

''Patawad, Holy, sapalagay ko'y...'' Bigla na lamang siyang humingi ng patawad, sinabi niya 'yon nang nakangiti. Bumitiw siya sa aking kamay kaya natuon ang aking mata sa pulang likido na gumuhit sa may bandang tiyan niya. Bumakat ito sa kanyang kulay asul na panlamig. Hanggang sa...

Napaluhod siya. Pakiramdam ko'y huminto ang aking mundo nang makita siyang natumba't nahulog sa banging kinatitirikan ng tulay. Halos marinig ko ang malakas na pintig ng aking pulso sa ulo. Halos lumabas na rin ang puso ko sa sobrang bilis ng pintig nito. Nanlaki lamang ang aking mata sa bilis ng pangyayari. Hindi ko na napigilang maiyak.

''Frost!" Sigaw ko.

Parang may sariling isip ang aking mga paang tumalon rin sa bangin. Ngunit sa pagkakataong ito, nang magtama ang aking mga paa sa hangin ay nagkaroon rin ng mga baitang ng hagdan pababa. Tumakbo ako nang mabilis. Sa pagbaba ko nama'y nawawala rin ang mga baitang na inaapakan ko.

Maaabutan ko pa siya!

''Frost!'' Tawag ko sa kaniya na patuloy pa rin ang pagbagsak. Nakapikit na siya't parang hindi ako naririnig.

Tatlong baitang na lang ang kailangan kong lampasan, ngunit tuluyan na ngang bumagsak si Frost sa nag-yelong ilog na 'yon. Tinalon ko na lang ang mga baitang para makalapit sa kanya ngunit nadapa ako't nagpagulong sa magaspang na yelo.

Nagkaroon ng lamat ang pinagkahulugan ni Frost. Umapaw uli ang tubig dahil sa lamat na nilikha ng kanyang pagbagsak, nabutas nga ito at tuluyang nahulog do'n si Frost. Gumapang ako para maabutan siya ngunit nabiyak na rin ang yelo sa ilalim ko.

Naramdaman ko ang lamig ng tubig sa aking buong katawan, nahulog na rin pala ako sa ilalim. Naalala ko rin ang nasabi niya na bawal din siya sa tubig. Hindi ko na rin maisip kung bakit ko nagagawa ang mga bagay na ito na dati namang hindi.

Sumisid ako para hanapin siya. Nakita ko naman siyang unti-unting lumulubog. Kahit na hindi ako masyadong marunong lumangoy ay pinilit kong abutin siyang tuluyang inilalayo ng tubig.

Nahawakan ko ang talukbong ng kaniyang panlamig saka ito hinila. Inilapit ko ang aking mukha sa kanya at tinampal-tampal 'yon. Nagmulat siya nang bahagya at sandaling ngumiti.

Naiangat pa niya ang kanyang kaliwang kamay at hinawak sa aking pisngi. Niyakap ko siya pagkatapos ay tinangkang hilahin para maiahon ngunit umiling siya. Patuloy rin ang paglabas ng dugo sa kanyang labi na naiaanod palayo ng tubig.

Nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi. Hindi ko na rin kayang pigilan ang aking paghinga.

Hinawakan niya ang aking mukha pagkatapos ay inilapat niya ang kanyang labi sa labi ko. Ngumiti uli siya at pagkatapos ay itinulak niya ako palayo sa kanya. Nakatitig lang siya sa akin, nakangiti habang unti-unting kinakain ng yelo ang kanyang labi.

''Frost!'' Tawag ko sa kanya sa ilalim. Halos bumula ang tubig sa ginawa ko't natakpan siya. Hinawi ko ito't nakitang halos nagyelo na ang kanyang mukha, balikat, katawan pababa sa kanyang mga paa. Kasabay nang muling pagbabalik ng agos ng tubig sa ilalim ng nagye-yelong ilog ay ang paghatak sa kanya nito palayo sa akin.

Hindi ako makapaniwalang nangyari uli ang nasa kwento. Hindi ko napagtagumpayang baguhin ang tadhana!

Sinubukan ko siyang languyin ngunit bumagsak na sa ilalim ang mga nabitak na yelo sa itaas. Sa

aking pag-angat at pag-ahon ay hindi ko na napigilang ilabas ang lahat ng sakit na nararamdaman ko.

''Napakalaki kong inutil! Hindi kita nailigtas, Frost! Hindi ko man lang nasabi sa iyo ang nararamdaman ko para sa 'yo! Huli na... Bakit kung kailan huli na...'' Naghalo na ang sipon at ang aking luha dahil sa pag-iyak. Dumapa lang ako sa yelo na tila niyayakap ito.

''Hindi mo na maririnig na sabihin kong... may gusto na rin ako sa 'yo.'' Napatayo ako't sumigaw. Nagsisigaw ako hanggang sa maramdaman ko ang pananakit ng aking lalamunan.

''Frost! Pakiusap, nakikiusap ako na ibalik niyo siya sa akin!'' Tinatapik ko nang malakas ang aking dibdib. Ang sakit na nararamdaman ko ngayo'y 'di ko maipaliwanag.

Umihip ang hangin at bumagsak ang malalaking butil ng nyebe na tila ba nakikidalamhati sa akin. Hindi ko matanggap na mag-uumpisa pa lang ang aming kwento ay katapusan na agad. Hindi ko matanggap na naging yelo rin siya gaya noong huling buhay namin. Nang dahil sa naging sakripisyo niyang mailigtas lamang ako ay siya ang napahamak. Hindi ko matanggap!

''Holly...'' Narinig ko ang boses niya, tinawag niya ako kaya naman lumingon ako't hinanap siya sa puting paligid.

''Frost?'' Tinawag ko rin siya.

''Magpakita ka na... nakikiusap ako.'' Pinahid ko ang aking luha at ngumiti.

''Aamin na ako... nabighani mo nga ako ng 'yong kakisigan at kagwapuhan.'' Nanginginig ang labi kong ngumiti sa kawalan. Umaasang gugulatin uli niya ako. ''Pakiusap, magpakita ka na...'' Napapikit ako kaya naman muling tumulo ang aking luha.

Narinig ko siya kanina ngunit...

Wala naman siya. Nanginginig ang labi ko habang gumagawa ng ice skate na gawa sa yelo, hindi na naman napigilan ng aking mata ang lumuha. Nang matapos ay nagpadausdos ako nang nakatanaw kung saan siya nahulog. Babalikan ko muna ang aking pamilya.

***

Umiiyak akong bumalik sa bayan at sa plaza'y naro'n sina ama. Nakatali at nilalatigo ang likuran. Si Lucas, Alphonse at Madrid ay nakahandusay na't walang malay. Si Lucy, Minerva, Sofia at Kirsten naman ay pinagpipiyestahan ng mga kalalakihan habang nakatali ang mga kamay nila.

Sira-sira na rin ang gamit namin na nakakalat sa paligid. Hindi ko inaasahan ang nakikita kong pagpapahirap sa kanila. Mas lalo lang bumigat ang nararamdaman ko ngayon. Hindi ko na kaya, ang pagkawala ni Frost at pagpapahirap sa pamilya ko'y labis-labis na!

Ibinuka ko ang aking palad at itinaas. Habang papalapit ako sa direksyon nila'y tumutulo ang aking luha. Nagdidilim ang mga ulap at humahangin nang napakalamig. Tumingin sila sa aking direksyon. Nagsipagtakbuhan ang ilang mga manonood samantalang ang mga nagpapahirap ro'n ay natigilan.

''Tumingin kayo sa aking mga mata.'' Ang usok na galing sa aking palad ay parang may sariling pag-iisip. Kusa nitong pinuluputan ang mga kalalakihan 'yon. Tila ba naging hugis palad sila't pilit na ihinaharap sa 'kin.

''Halimaw! Narito na siya!'' Sigaw ng lalaking may hawak na latigo.

Hindi nila magawang kumurap sa 'king harapan. Nagbago naman ang isip ko, hindi ko sila tititigan, bahala na ang aking nyebe sa kanila.

Ang mga lalaki't ilang babaeng nahuli ng aking usok ay namimilipt para makatakas. Nakatingala sila habang hindi magawang kumurap.

''Ramdamin niyo ang galit ko!'' Sigaw ko.

Sabay-sabay na nagbagsakan ang napakaraming nyebe diretso sa mga mata nila. Palahaw ng mga nagpahirap sa pamilya ko ang nangibabaw. Pinanood ko sila kung paanong kainin ng yelo. Napapangiti ako kasabay ng paghikbi.

''Holly, anak... tama na.'' Nakayakap si ama sa aking binti. Hindi ko man lang siya napansin. Nahinto ako maging ang pagragasa ng aking nyebe. Nanginig ang aking baba't labi. Napaluhod ako't tuluyang umiyak.

''Ama, patawad... dahil sa 'kin wala na rin si Frost! Ama...'' Tinakpan ko ang mga tainga ko't nagsisisigaw. ''Ayoko na ng ganito, sana mawala na ang sumpang 'to!'' Halos saktan ko ang aking sarili.

Niyakap ako ni ama. ''Sshh... tahan na aking prinsesa. Tutulungan ka ni ama, 'wag kang mag-alala mahal kong anak.''

Tuluyan kaming umalis sa bayan ng Saxondale. Ang bayan na ngayo'y nababalutan na ng yelo dahil sa aking kagagawan. Habang nakasakay sa karuwahe at katabi si ama ay nakatingin lang ako sa bundok. Inaalala si Frost.

'Hanggang dito na lang talaga siguro. Baka hindi lang talaga tayo para sa isa't isa. Ngunit sana'y sa susunod nating buhay ay magkakilala tayong muli. Iyon na rin pala ang huling halik ng Snow Queen sa kanyang sinta. Sa pangalawang beses ay nangyari na naman. Paalam, Frost, hanggang sa muli.'

***