webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Zu wenig Bewertungen
165 Chs

Kapag Hindi Ka Kaagad Umuwi Ngayon, Huwag Ka Ng Umuwi Kahit Kailan

Susunduin nito si Qin Qing, kung kaya…

Sa Airport.

Pinahinto ni Lin Che ang driver at sinabihan ito na hintayin siya sa labas. Pagkatapos ay nagmamadali niyang hinanap si Shen Youran.

Nakita niya si Shen Youran sa loob ng isang coffee shop na nakaupo sa isang mesa sa tabi ng naglalakihang mga maleta.

"Youran!" Masayang tawag niya dito.

Narinig siya ni Shen Youran at patakbo itong lumapit sa kanya.

Mahigpit na nagyakap ang dalawa.

Mas maliit si Shen Youran kaysa kay Lin Che. Lampas sa balikat ang haba ng buhok nito, simple lang din pero bagay dito ang suot na British fashion. Napapresko lang din ng mukha nito.

"Wow, Lin Che! Hindi talaga ako makapaniwala! Pagbaba ko pa lang ay nakita ko agad ang iyong mga advertisements. Pinapalabas nila ang mga iyon kahit sa loob ng airport."

"Anong advertisement?"

"Iyong advertisement mo ng isang kendi," hinila nito si Lin Che para maupo at masayang nagkuwento.

Naalala naman ni Lin Che ang tinutukoy nito at sinabing, "Pinapalabas pa pala nila iyon… Matagal na iyon. Nahirapan talaga akong makuha ang trabahong iyon dahil muntikan nang maaresto may-ari ng kompanyang iyon."

"Naku, talaga? Nakakakaba naman pala…pero hindi pa rin talaga ako makapaniwala. Isang taon lang naman akong nawala dito pero tingnan mo, isa ka ng sikat na artista," buong pagmamalaking tinapik ni Shen Youran ang balikat ni Lin Che. "Hindi ako makapaniwalang may kaibigan akong isang kilalang artista! May maipagmamalaki na ako ngayon!"

Nahihiyang sumagot si Lin Che, "Anong sika tba iyang sinasabi mo? Nagsisimula palang ako noh, at malayo ko pang marating ang kasikatang iyan."

Napansin niya ang isang advertisement ni Mu feiran na kasalukuyang ipinapalabas sa screen.

Napakaelegante nitong tingnan, disente at mahinhin. Pasok na pasok ang aura nito sa international standard.

Sinabi niya, "Iyan ang tunay na sikat."

Hindi madaling makakuha ng ganito kalaking advertisement, pero nagawa ni Mu Feiran na makuha iyon nang walang hirap. Napakalayo nito sa mga katulad nila.

Nagsalita ulit si Shen Youran, "Hindi pwede ito. Kailangan nating magselfie para may maipakita ako sa Weibo ko."

"Hindi na kailangan iyan…"

"Kailangan ito. Halika, magselfie tayo," muli siyang hinila ni Shen Youran at pinindot ang camera.

Biglang tumunog ang cellphone ni Lin Che.

Yumuko siya para tingnan kung sino ang tumatawag. Paulit-ulit na lumalabas sa screen ang pangalang 'Dearest Hubby'.

Nakita iyon ni Shen Youran at halos mapatalon sa gulat, "Oh my! Sino 'yan?"

"Ito, ano…" Natatarantang sagot ni Lin Che. "Wala lang 'to. Katuwaan lang ang pangalang ito. Hindi siya iyong tipo ng asawa na iniisip mo."

Pagkatapos makinig sa kanya ay sumagot si Shen Youran, "Oh. Sabagay, normal na lang ngayon na tawaging asawa ang boyfriend. Nakuha ko na, alam ko na. 23 ka pa lang, kaya napakabata mo pa para mag-asawa, pero pwede ka nang magboyfriend… Kailan pa naging kayo? Dali na, ikuwento mo sa'kin. Ano'ng meron?"

"Eh hindi ko rin siya boyfriend…" Komplikado ang relasyon nila ni Gu Jingze at hindi niya alam kung paano ipapaliwanag dito.

Patuloy pa rin sa pagtunog ang cellphone niya kaya wala siyang nagawa at pinatahimik na muna si Shen Youran.

Mula sa kabilang linya ay malalim ang boses ni Gu Jingze, "Kailan ka uuwi?"

Hindi siya sigurado kung galit ba ito pero parang nai-imagine na niya na madilim ang anyo ng mukha nito ngayon.

Pero bakit naman ito magagalit? Dahil ba sa hindi pa siya umuuwi at nasa airport pa?

"Sinundo ko lang ang kaibigan ko. Nagkukuwentuhan pa kami kaya mamaya pa ako makakauwi," sabi niya.

"Okay na ba ang sampung minuto?"

". . ." Nadismaya siya sa narinig. "Paanong kakasya ang sampung minuto? Matagal na panahon kaming hindi nagkita. Kaya siyempre, gusto ko pa siyang makausap nang mas matagal."

"Twenty minutes… Lin Che, kapag hindi ka pa umuwi pagkatapos ng dalawampung minuto, kalimutan mo ng makakauwi ka pa!" Pagkatapos ay pinatay na ni Gu Jingze ang tawag.

Bahagyang inilayo niya ang cellphone dahil sa nakakabinging tunog ng pagpatay ng tawag. Nanlalaki ang kanyang mga mata dahil hindi siya makapaniwala.

"Ano na naman ba ang ibig sabihin nito? Ano ba'ng pakialam niya? Magtatagal ako hanggang gusto ko. Kung hindi na niya ako pauwiin doon, edi wag!"

Sumusobra na talaga itong si Gu Jingze sa pangingialam sa personal niyang buhay!

Pinalampas na niya ang pagbura nito ng mga contacts ngayon. Tapos ngayon, lilimitahan na rin nito ang oras niya sa kanyang kaibigan?

Bakit sobrang demanding ng Gu Jingze na ito?

Hindi naman siya nakikialam dito kahit pa umaalis ito para puntahan ang syotang kababata at maglambingan hanggang kailan nito gustuhin eh!

Samantala…

Naiinis na itinapon ni Gu Jingze ang cellphone at umupo. Sobrang lamig ng kanyang katawan na walang ibang nangangahas na lumapit sa kanya.

Ganoong sitwasyon ang bumungad kay Chen Yucheng nang pumasok ito.

Nag-aalangang nilingon nito si Qin Hao na tahimik lang ding nakatayo doon at walang balak na basagin ang katahimikan. Hinila nito palabas si Qin Hao at tinanong, "Anong nangyari doon sa amo mo?"

Bumuntong-hininga si Qin Hao. "Nagseselos."

"Ano?" Hindi napigilang bulalas ni Chen Yucheng.

"Shh, shh. Gusto mo ba akong mamatay?" Agad na pinigilan ni Qin Hao si Chen Yucheng. "Dr. Chen, maaari mo bang mabigyan ng payo si Sir? Nakakaawa kasi."

". . ." Sino ba ang malakas ang loob na tawagin nakakaawa si Gu Jingze?

Kung nakakaawa ito, ano nalang kaya ang kalagayan ng ibang lalaki sa mundo?

"Ano bang nangyayari?"

"Pinapunta ka dito ni Sir para tingnan ang mga sugat ng Madam, pero hindi siya sinipot nito. Umalis ito para makipagkita sa isang kaibigan."

"Hindi siya sinipot ng Madam? May nakakagawa pala nun kay Gu Jingze?"

"Iyon na nga eh. Basta. Hindi magtatagal at sasabog na si Sir. Dr. Chen, saktong-sakto lang ang pagdating mo. Isa kang ginagalang at kilalang doktor. Ipinagkakatiwala ko na sa iyo si Sir. Sa ngayon ay aalis na muna ako."

"Oy, hindi ako… Hindi ako doktor ng pag-ibig! Bakit ka aalis…" Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil mabilis nang nakaalis si Qin Hao. Sumilip siya sa loob.

Pagpasok niya ay buong-ingat na tinawag niya ito. "President Gu, kung may problema ka po, kahit ano, sa puso man iyan, o pagkainis, pwede mo pong sabihin sa akin ang lahat. Gaya ng dati."

"Ako? Wala naman akong problema," Walang ekspresyon ang mukha ni Gu Jingze habang abala ito sa pagbabasa ng mga dokumento.

Nagpatuloy pa rin si Chen Yucheng, "Tungkol po pala kay Madam. Baka po kaya hindi agad makabalik si Madam dahil may mahalaga pa po siyang ginagawa…"

"Walang pakialam ang babaeng iyon. Mas mabuti pang hindi na siya bumalik kahit kailan."

Tumaas ang kilay ni Gu Jingze. Pagkasabi nito ay buong lakas na ibinagsak at itinapon ang mga dokumento sa ibabaw ng mesa at mabilis ang hakbang na lumabas.

Doon lang naunawaan ni Chen Yucheng kung bakit nasabi ni Qin Hao na nakakaawa itong si Gu Jingze…

Nakakaawa nga.

Sa labas.

Nakaupo si Shen Youran sa bar counter at pinagmamasdang malasing si Lin Che.

"Hoy, ano bang nangyari sa tawag na iyon kanina? Bakit bigla ka nalang nagalit?"

"Ako, galit? Bakit naman ako magagalit? Hindi ako galit noh."

Natatapos palang silang maghakot ng mga gamit ni Shen Youran. Pag-uwi ni Shen Youran ay gusto nitong makasama ang pamilya. At dahil nandoon ang mga magulang nito ay nagtagal muna sila sa bahay nito bago nagpunta sa isang bar.

Napakatagal na iyon kaysa sa twenty minutes.

Hindi pa umuuwi si Lin Che dahil ayaw niyang makausap si Gu Jingze.

"Sino ba kasi iyon… Sino bang mang-iinis sa'yo nang ganyan? Huwag mong sabihing… si Qin Qing iyon?" Alam ni Shen Youran ang tungkol sa kanila ni Qin Qing. Maliban kay Qin Qing ay wala na itong ibang maisip na pwedeng makaapekto kay Lin Che nang ganoon.

"Paano naman mangyayari iyon?!"