webnovel

Whirlwind Marriage (Tagalog)

Mayaman, makapangyarihan, at gwapo. Si Gu Jingze ay ang "cream of the crop" ng bansa. Ang mga lalaki ay nangangarap na maging katulad niya at ang bawat kababaehan naman ay siya ang pinapangarap na mapangasawa. Perpekto ang kanyang buhay... ngunit... may isang madilim na sekreto sa kanyang pagkatao na walang sino man ang pwedeng makahawak o makalapit man lang sa kanya...lalo na kapag babae. Hanggang sa isang araw, nagising na lang siya sa loob ng isang silid kasama ang isang di-kilalang babae.: si Lin Che. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay kinailangan niya itong pakasalan--bagama't malayong-malayo ang personalidad nilang dalawa, Simpleng babae lamang si Lince na may iisang pangarap sa buhay: ang maging isang sikat na artista. Dahil itinakwil ng pamilya kaya't napilitang maging independent, nag-isip siya ng isang plano para mas mapalapit sa minimithing pangarap. Ngunit, nabigo siya sa kanyang plano at labag sa loob na nagpakasal sa isang walang pusong lalaki na si Gu Jingze. Bukod pa rito, kailangan niya ring hanapin ang kanyang lugar sa isang lipunan na kinabibilangan ng napakaraming inggiterang babae at mga masasamang tao-- lahat ng iyan, habang tinatahak ang kanyang pangarap. Dalawang istranghero sa isang bubong. Sa pagsisimula, nagkasundo silang huwag manghimasok sa kani-kanilang personal na buhay. Pero sa hindi malamang dahilan, laging naroroon si Gu Jingze sa mga panahong kailangan niya ang tulong nito. Lingid din sa kaalaman ni Lin Che, unti-unting nagiging mahirap para sa kanya ang harapin ang bukas nang wala si Gu Jingze. May patutunguhan kaya ang kanilang pagsasama o ang kanilang pag-aasawa ay mananatili lamang sa isang kontrata?

a_FICTION_ate · Urban
Not enough ratings
165 Chs

Kailangan Kong Bumalik Para Ayusin Ito

Itinaas ni Gu Jingze ang kanyang ulo at nakita si Mo Huiling na mapang-akit na nakahiga doon.

Hindi na niya masiyadong pinansin iyon. Bata pa lang ay palagi na silang magkasamang maglaro. Kaya't sanay na sanay na sila sa bawat isa.

Kaso nga lang, mukhang sinasadya ni Mo Huiling na ipakita ang ilang bahagi ng dibdib nito. Bahagya itong nakataas at nagmukhang isang bundok habang nakahiga doon.

Mukhang malaki ang mga iyon, pero hindi tunay.

Hindi niya ito napansin dati, pero bigla niya na lang naalala ang sinabi ni Lin Che.

"Madali lang sabihin kung peke ang dibdib ng isang babae. Lagi itong nakataas kahit nakahiga na."

Kailan kaya ito ipinaayos ni Mo Huiling?

Wala siyang maalala na binanggit ito nito sa kanya.

Sa totoo lang, hindi naman siya laban sa mga babaeng nagpapa-cosmetic surgery. Basta't masaya ito sa ginagawa niya, hindi na siya nakikialam pa.

Likas na talaga sa tao ang pagandahin ang sarili.

Bigla siyang na-curious kaya tinanong niya si Mo Huiling, "Huiling, kailan ka nagpa-surgery?"

Agad namang itinaas ni Mo Huiling ang kanyang dibdib. Pasimpleng tiningnan ito at hinawakan ang kanyang panga.

Totoong may mga ipinaayos siya sa kanyang katawan...

Normal na ang plastic surgery ngayon. Ngunit, ayaw niyang malaman ito ni Gu Jingze.

Inilihim niya lang ito kay Gu Jingze. Pagkatapos ng isa, kumukuha agad siya ng pagkakataon na makapunta sa ibang bansa at bumabalik lamang kapag gumagaling na ang kanyang mga sugat.

Hindi kailanman napapansin ng isang taong palaging busy katulad ni Gu Jingze ang ganitong mga bagay. Kadalasan ay hindi ito nagtatanong ng ganoon pero ngayon...

"H-ha... hindi naman ako nagpa-surgery ah. Bakit bigla mong naitanong?"

Sinulyapan siya ni Gu Jingze pero saglit lang iyon. "Wala. Nagtatanong lang."

Tiningnan ni Mo Huiling ang kanyang dibdib at inisip na dapat ay natural lang itong tingnan. Napakamahal ng clinic na pinuntahan niya at napakagaling ng kanyang doctor. Mamahalin ang mga C-cups na iyon.

Sa isip niya ay hindi ito mapapansin ni Gu Jingze kaya ngumiti siya dito. "Natural lang ang aking buong katawan. Wala akong ipinaayos na kahit ano dito. Siguro iniisip mo na napaka-perpekto nito kaya naisip mo na nagpa-surgery ako. Tama ba?"

Ngunit, hindi na lang nagsalita pa si Gu Jingze. Habang nakatingin kay Mo Huiling, naisip niya na oo nga maganda nga ang kutis nito, pero...

Mas maganda at mas makinis pa rin ang kutis ni Lin Che.

Hindi niya inaasahan na biglang lilitaw sa kanyang isipan ang mukha ni Lin Che.

Talaga ngang mas maputi ito kaysa sa ibang babae.

Marahil ay dahil sa sobrang kaputian ni Lin Che kaya hindi masyadong napapansin ang kanyang mukha. Pero, kung tititigan siyang mabuti, mukha itong isang manyika. Napakaselan pagmasdan.

"Jingze, kinakausap kita. Ano ba'ng iniisip mo?" Sumigaw si Mo Huiling at galit na tumayo.

Tumayo rin si Gu Jingze. "Wala ito. Iniisip ko lang na hindi mo kailangang mag-effort nang sobra. Gusto kita hindi dahil sa payat mong katawan, kundi dahil kahit ano pa man ang iyong itsura, palagi kang maganda sa aking paningin."

Naaalala niya pa noong mga bata pa sila kung gaano ito humihingal na tumatakbo papunta sa kanya suot ang mala-prinsesa nitong dress. Sinabi nito sa kanya 'Jingze, walang may gustong makipaglaro sa'yo? Ako, makikipaglaro ako sa'yo.'

Simula ng araw na iyon, sinabi niya sa kanyang sarili na kailangang alagaan niya ito palagi.

Ngunit, habang tinitingnan niya si Mo Huiling ngayon, hindi niya mapigilan na isiping tama nga si Lin Che. Tiyak na ipinaayos nito ang dibdib.

Pero, hindi lang sa hindi ito umamin sa kanya. Nagsinungaling pa si Mo Huiling sa kanya.

Naunawaan ni Gu Jingze na talaga ngang may kanya-kanyang beauty standards ang tao. Marahil kaya hindi nito sinabi sa kanya ay para maniwala siyang natural lang ang katawan nito at siyang bigay ng Diyos dito. Hindi niya naman sana iisipin pa iyon.

Nababagabag lang ang kanyang kalooban dahil sa pagsisinungaling nito sa kanya.

Ganoon pa man, hindi na niya ito ibinulgar pa.

Inisip niya na lang na may sarili itong dahilan.

Ngumiti siya at hindi na nagsalita pa. Ipinagpatuloy na niya ang pag-aayos ng mga panggatong ngunit dahil sa panahon, hindi ito masyadong nag-apoy. Sandali lang nilang naramdaman ang init mula doon.

Umupo silang dalawa sa isang sofa. Binuksan ni Gu Jingze ang TV at kinuha ang remote. Gusto niya sanang ilipat ang channel sa isang palabas, nakita niya ang balita sa screen.

"Pagkatapos magpahiwatig ni Gu Jingyu ng kanyang relasyon, wala ng ibang komentong ibinigay ang kanilang crew. Mas lalo ring hinigpitan ng kanyang management ang kanilang pagbabantay. Kahit minsan ay hindi pa nabalita si Gu Jingyu kasama ang isang artista, kaya't positibo ang mga komentong ibinibigay ng mga tao sa kanyang relasyon ngayon."

Pagkatapos ay ipinakita sa screen ang larawan nina Gu Jingyu at Lin Che na magkasama.

Kaagad namang nakilala ni Mo Huiling si Gu Jingyu.

"Ano'ng nangyayari? Bakit iniuugnay si Gu Jingyu kay Lin Che?"

Ang mga salitang iyon ay nagdulot ng pagdilim ng mukha ni Gu Jingze.

Napansin ni Mo Huiling ang mukha ni Gu Jingze at inisip na marahil ay galit ito. Lalo niya pang pinaigting ang kanyang pagsasalita. "Napaka-walang prinsipyo talaga ng Lin Cheng ito. Bakit naman siya makikipagmabutihan sa iyong kapatid? Hindi talaga marunong mahiya."

Sumagot si Gu Jingze, "Walang kinalaman si Lin Che dito."

Mahina ang boses na sumagot si Mo Huiling. "Dalawang kamay ang ginagamit upang pumalakpak. Paanong wala siyang kinalaman dito?"

"Naniniwala ako na hindi ganiyan si Lin Che," matigas na tutol ni Gu Jingze.

Suminghal lang si Mo Huiling. "Naniniwala ka sa kanya? Ang babaw mo naman yata dito. Marami na akong nakitang babae na katulad niya. Gagawin nila ang lahat para lang sa pera. At lalo pa't isa siyang artista at nasa ganyang uri ng industriya."

"Tama na!" Tumayo si Gu Jingze sa kanyang upuan.

Nabigla naman si Mo Huiling sa kanya.

Mabilis siyang sinundan ni Mo Huiling. Habang pinipigilan ang sarili na umiyak, galit na sumigaw ito. "Sinigawan mo ako, Gu Jingze? Sinigawan mo ako para sa babaeng iyan?"

Tumigil si Gu Jingze sa paglalakad at nilingon si Mo Huiling. "Hindi ito dahil sa kanya. Nasa industriya ding iyan si Jingyu at hindi rin siya ganiyang uri ng tao. Tiyak na may dahilan sa likod ng isyung ito."

Tumayo si Gu Jingze at nagpasya na hindi na magtagal pa doon. Kinuha niya ang kanyang coat at sinabi kay Mo Huiling, "Aayusin ko ang bagay na ito."

"Aalis ka ngayon..." Hindi natutuwa si Mo Huiling. "Ang sabi mo, sasamahan mo ako."

Sumagot si Gu Jingze, "Huiling, malaking problema ang lilikhain ng balitang ito kapag mas maraming tao pa ang makakita nito. Mas mainam kung ngayon pa lang ay may gawin na ako."

Nagngalit ang mga ngipin ni Mo Huiling. Tama nga si Gu Jingze. Idinabog niya ang kanyang paa sa sahig. "Wala akong pakialam. Kailangan mong bumawi sa akin. Napakahirap makahanap ng pagkakataon na makasama kita, tapos ngayon, aalis ka."

Huminga nang malalim si Gu Jingze. Wala siya sa mood para lambingin ito ngayon. Nginitian na lang niya ito. "Okay. Pinapangako ko na babawi ako sa susunod."

Pilit na ngumiti si Mo Huiling pero sa loob-loob niya ay gusto niyang sakalin nang mahigpit si Lin Che.