"Cole? Seryoso Maki?" Pabagsak na inilapag ni Gema ang katawan niya ng maupo siya tabi ko. Matapos ang drama na ginawa ko sa silid aralan ay hindi na ako nag-lakas loob na bumalik pa, kaya naman nag-tungo na lamang ako sa klinika ng eskwelahan at doon nag palipas ng oras.
"Siya ba yung paboritong karakter ni Mak-Mak sa libro?" Takang tanong ni Carla.
"May iba ka bang kilalang laki sa buhay ang taong ito?" Pakantyaw na sinunsundot ni Gema ang tagiliran ko hangang sa pagtuunan ko sila ng pansin.
"Gema, hindi masakit." Sarkastiko kong sabi sa kanya sabay pigil sa makasalanan niyang mga kamay.
Nginusuan niya lamang ako at akmang uulitin pa ang kanyang pangungulit.
"Ay mga bakla tingnan niyo." Matinis na tawag pansin sa amin ni Carla na halatang interesado sa kaniyang nakita sa labas ng bintana.
Mabilis na umangat si Gema sa kama, ngunit nanatili ako sa aking kinalalagyan.
"Jay!" Tawag pansin ni Gema sabay kaway. Lalo naman akong nanigas sa aking pagkakahiga. "Anong ginagawa mo dyan?"
"Hindi ko rin alam." Sa boses pa lang niya nakikita ko na siyang kumakamot sa batok niya habang ngumingiti ng alangan.
"Eeeee!!! Ang gwapo ngumiti." Kinikilig na pahayag ni Carla habang pinapaypayan ang mukha ng kanyang kamay.
"Naliligaw ka ba?" Tanong ni Gema.
"Hindi naman, may nagpapunta lang sa akin dito." Alangang sagot ni Jay sa labas.
"Sino?"
"Si Jane" Mahina ngunit malinaw kong sambit na hindi naman nakatakas sa matalas na pandinig ni Gema.
Napalingon siya sa akin ng may pagtataka. Muli niyang ibinalik ang pansin sa lalaking nasa labas. Kahit hindi ko siya makita alam kong nagkibit balikat lamang siya. Hindi niya kilala ang nagpatwag sa kaniya. Makikilala pa lamang niya ito. Si Jane ang babaeng naunang nabiktima si Jay.
"Si Jane nga!" Bulalas ni Gema habang nakatingin sa babaeng papalapit kay Jay, kaagad naman silang nagtago ni Carla ng makalapit na ang naturang babae.
Tumingin siya sa akin at pabulong na nagtanong "Paano mo nalaman?"
Kagat labi akong bumangon at hindi binigyang pansin ang aking kaibigan. Nagtungo ako sa repriherador at kumuha ng yelo ibinalot sa tuwalya at lumakad patungong bintana. Ramdam ko ang dalawang pares ng mata na nakatuon sa akin ngunit hindi ko sila binigyang pansin. Nang marating ko ang kanilang kinatatayuan iniabot ko ang malamig na tuwalya kay Gema.
"Ibigay mo sa kanya." Maikli kong utos.
Bumuka ang bibig ni Gema upang magtanong, ngunit bago pa man siya makapagsalita, isang malakas langitngit ang pumangibabaw sa paligid. Isang tunog na tanging malakas na paglapat lamang ng balat sa kapwa balat ang makakalikha.
"Bastos!" Narinig naming sigaw ni Jane sa labas.
Hindi ko na kinailangan pang silipin ang nangyare sa labas. Napailing na lamang ako at iniwan ang dalawa kong kaibigan na nakadungaw sa bintana. Umiiling ako habang nakangiti ng lisanin ko ang silid.
"Gayun pa man, buti nga sayo." Bulong ko sa sarili.
***Ala-ala ni Maki***
Isang luhaang Jane ang tumakbo papalapit sa kinaroroonan namin. Hilam sa luha ang kanyang mga mata ng hindi sinasadyang mabunggo niya si Gema. Kapwa sila natimbuang ngunit tila ba tinakasan ng natitira niyang lakas hindi na tuminag si Jane sa kanyang pagkakaupo.
May pag-aalala namin siyang tiningnan, "Bakit ka umiiyak?" Hindi mapigilang pagtatanong ni Carla.
Nang hindi siya sumagot at tumuloy lamang sa pag-iyak ay niluhod ko siya at marahang hinawakan sa balikat, "Halika doon tayo sa makakasagap ka ng sariwang hangin."
Saglit siyang napahinto at tumingin sa akin. Nginitian ko siya at inabutan ng panyo. Tinangap niya iyon at tumango bilang tugon sa aking imbetasyon.
Marahan namin siyang inalalayan at tumungo sa likod ng eskwelahan kung saan ay umupo kami sa lilim ng isang puno. Doon sa pagitan ng mga hikbi ay nagkwento siya.
"Ang tinutukoy mo bang lalaki ay yung bagong estudyante?" Hindi maitagong pagkairita na tanong ni Gema.
Tumango naman si Jane habang sumisinga.
"Si Jay yung magiging ama ng mga anak ko?" Hindi naman makapaniwalang bulalas ni Carla, na sa kabila ng kaseryosohan ng aming diskusyon ay nakapagbibiro pa din.
"Lilinawin ko lang," simula ko habang umiiling sa kumento ni Carla, "pinadalhan ka niya ng sulat na nag-sasabing nais ka niyang makausap at hihintayin sa may likod ng klinika. Nang makarating ka doon ay nagtapat siya sa iyo ng paghanga sa iyo?"
Tumango-tango si Jane, "Tatangapin ko sana ang kanyang alak na maging manliligaw ko siya, ngu"
"Ngunit bigla siyang nag-tanong kung ano ang kulay ng iyong damit panloob, at ano ang sukat ng iyong dib-dib!" Nanggigigil na putol ni Gema. "Bastos! Buti na lamang at sinampal mo siya."
Napailing na lamang ako, kay lakas naman ng loob ng lalaking ito na sa unang araw pa lamang ay nakuha ng mambastos ng babae. Nang una ko siyang makita ay hindi ko iisiping ganoon ang kaniyang pag-uugali. Napatingin ako kay Jane, muli sumagi sa aking isip ang kaniyang karanasan ukol sa lalaki, walang ano-ano ay may maliit na baga sa aking dib-dib na matutupok lamang sa isang komprontasyon.
"Sa lahat ng ayaw ko yung walang galang sa babae!" Sa gigil ko ay nahila ko ang damo kasama ang ugat nito. Tikom ang palad kong nilingon ang dalawang kong kaibigan, hindi ko kailangang magsalamin upang malaman kung ano ang aking itsura ng mga oras na iyon.
Napalunok si Gema, "Maki, kalma ka lang!" payo niya na para bang hindi siya nanggigigil kanina lamang.
Naramdaman ko ang mahinahonong pag-hawak ni Carla sa aking nakakuom na palad, "Kalma ka lang Mak, tingnan mo binunot mo ang kaawa-awang damo." Pang-aalo pa niya habang pilit na kinukuha ang damo sa aking kamay.
Makalipas ang ilang segundo ay binitawan ko ito, nilingon si Jane, hinawakan sa kaniyang balikat na may kaunting diin at direkta akong tumingin sa kaniyang mga mata, "Huwag kang mag-alala Jane nasa likod mo lang ako." Buong determinasyon kong sabi, habang iniisip ang mekanismo ng nabubuong gulo sa pagitan namin ng bagong dayo.
"Maki, hinay-hinay lang." Nauniligan ko pang sabi ni Gema.