webnovel

Kabanata Walo [2]

"VINCEO, PUWEDE BANG patulong dito?" tawag ni Renie sa lalake habang abalang-abala ito sa pag-aayos ng sirang kotse na ninakaw nila no'ng nakaraang araw.

"Sure, ano bang magagawa ko?" saad nito at itinigil ang ginagawa, agad naman itong naglakad at tinungo ang sasakyang kinalulugaran ni Renie.

"Kaya mo bang ayusin 'tong katawan ng sasakyan? 'Yang mga nayuping bahagi at mga gasgas puwedeng pakiayos, o palitan mo na lang kung puwede rin." saad nito habang nasa ilalim ng kotse at may kinukumpuni, "Gusto kong magmukhang bago ito at matibay na kahit anong gawin ng ibang altered ay 'di ito dali-daling masisira at mapo-protektahan naman tayo."

"Sige walang problema,"

Sa gabay ng sariling kamay ay kumuha siya ng kaunting piraso ng metal na bumabalot sa katawan ng kotse at inalam ito, "Maganda sana kung Titanium ang gagamitin natin, magaan lang at matibay, pero…"

"Pero?" tanong ni Renie na hindi pa rin tumitigil sa ginagawa.

"Pero mahirap itong i-proseso lalo pa't nasa ibang bansa ito. Kung sakaling kukuha man ako ay kailangan ko pang i-extract ang purong Titanium mula sa Titanium dioxide na natural na nabubuo sa kalikasan ay matatagalan talaga ako. Aabutin ako ng buwan para gawing matibay lang itong buong sasakyan."

"Okay tama na, sumasakit ang ulo ko sa 'yo Vinceo, gawin mo na lang yung mas madali pero maayos." Nagbibirong reklamo ni  Renie,

"Hindi rin ito puwedeng patagalin pa dahil hindi natin alam kung kailan muling aatake ang Herozoan."

"Hindi na lang natin ito papalitan, sa halip ay pakakapalin o dadagdagan ko na lang. Gawa sa steel halos itong sasakyan," saad ng lalake habang dinadama ang metal sa kamay, "kung may iba pang sasakyan dito ay mas madali, pero kung wala ay kailangan ko pang gumawa."

"May nakita akong sirang sasakyan sa likod ng factory, sa tingin ko'y magagamit mo yun."

"Sige, saglit lang." paalam niya at dali-daling umalis, patungo sa sinabi ng lalake.

Ilang saglit pa ay natanaw niya rin sa kalayuan ang sinasabing kotse Renie, sirang-sira na nga ito at binabalot pa ng makapal na alikabok. Kahit sa malayo ay damang-dama na niya ang carbon at iron sa kabuoan  nito na pinaghalo upang gumawa ng steel. Hindi na siya lumapit pa't nanatili na lang sa puwesto, sa isang galaw lang ng sariling kamay paunti-unting nag-iba ang kulay ng kotse; mula sa maalikabok na kabuoan ay nagsimula na itong magbaga at naging matinkad na kulay kahel, hanggang sa ito'y natunaw at ang metal ay naging likido. Malayang kinontrol naman ito ng lalake at hinila papunta sa kaniyang kinalulugaran, para naman itong nagkabuhay dahil sa palutang-lutang ito sa ere't lumilipad patungo sa kaniyang gawi

"Ngayon na ang katapusan mo,"

Ngunit, ang kapayapaan niya ay ginambala nang biglang may narinig siyang pagbabanta ng isang malalim na boses. Akmang lilingon na sana siya nang biglang nahagip ng kaniyang paningin ang biglaang paggalaw ng kotseng purong makina na lang, at sa isang kurap lang ay bigla itong bumulusok patungo sa kaniyang gawi, bagay na ikinagimbal niya. Sa takot na matamaan nito ay agad niyang nilikom lahat ng tinunaw na metal at ito'y iniharang, mabilis naman niya itong pinatigas at nagsilbing proteksyon sa papalapit na panganib.

At bago pa man siya matamaan o mahagip ng kotse ay bumangga ito sa hinarang niya, malakas itong nabatbat at bumagsak na sa maalikabok na sahig na nagdulot ng malakas ding ingay. Kalaunan, nang maramdamang hindi na ito gumagalaw pa ay hindi niya ibinaba ang ginawang harang, bagkus ay kumuha siya ng kaunting steel at pinalipad ito sa kaniyang kamay saka hinulma itong patalim na napakatulis at saka pinatigas.

"Kalma lang, Vinceo."

Napantig ang kaniyang tainga nang marinig ang boses at tawa ni Arlette kung saan. Nabaling naman ang kaniyang tingin sa isang sulok ng pinagpatong-patong na mga drum at doon biglang lumitaw si Myceana, bagay na ikinagulat niya.

"Myceana? A-Anong kalokohan 'to?" tanong siya sa babae patungkol sa nangyari.

"Gusto lang naming subukin ang kakayahan mo Vinceo, nais naming makita kung anong gagawin mo kung inatake ka bigla sa 'di inaasahang pagkakataon." Paliwanag nito at kinontrol ang sasakyang muntikan nang tumangay sa kaniya, pinalipad ito ng babae at ibinalik sa dating kinalulugaran.

"Nababaliw na ba kayo? Akala ko mamatay na talaga ako!" reklamo niya at saka ibinaba na ang sariling depensa, kinontrol niyang muli ang natitirang steel na nagsilbing pader at ito'y nilikom sa ibabaw ng kaniyang palad kasama ang patalim.

"Napahanga mo 'ko ro'n sa ginawa mo Vinceo," komento naman ni Arlette sa kaniyang isipan.

"Arlette? Ikaw ba yung lalakeng nagsalita?!" 'di makapaniwalang turan niya.

"Oo, medyo nilaliman ko lang ang aking boses."

"Kung gusto n'yo ng sagupaan sana sinabi n'yo kaagad sa 'kin dahil di ko talaga kayo aatrasan."

"Tignan natin," panghahamon ni Arlette.

"Halika na, tulungan mo muna si Renie roon at sumali ka sa pagsasanay namin." Aya nito.