webnovel

Kabanata Walo [1]

Ika-30 ng Nobyembre, 2018

6:09 am

Isang linggo na ang nakalipas at tuluyang naka-recover ang grupo sa mga natamong sugat at bali ng huling engkwentro. Naiwan pa rin ang mga bakas ng sugat sa kaniya-kaniyang katawan pero wala silang pakialam, bagkus ay nagsilbing buhay na palatandaan ito para sa grupo na kailangan na nilang tapusin ang kasamaan ng Herozoan. At kahit na hindi pa gaanong malakas ang kanilang katawan ay nagagawa na nilang kumilos at mag-ensayo araw-araw upang sanayin ang sarili sa pagmamanipula ng kakayahan, nang sa gayon, sa paglipas ng araw ay unti-unting lalakas ang kanilang puwersa.

Nakakatuwang nagawa nilang magpahinga at magtago sa loob ng iilang araw na hindi natutunugan ng Herozoan, sa pinagsamang kakayahan ni  Digit at Arlette ay naging posible ito. Malabong mahahanap pa sila ng kalaban, lalo pa't ngayo'y kontrolado ni Digit ang lahat ng teknlohiya at madali nang nakokontrol ni Arlette ang iilan sa mga normal na taong nais niya. At sa ngayon ay kasalukuyan silang pumupugad sa abandonadong factory na matagal nang ipinasara matapos madiskubrehang hindi ito lisyensyado at ilegal na pinapatakbo.

"Valtor magaling kang umasinta ng iyong mga atake, pero ro'n ka nagkakaproblema sa bilis. Kung sasanayin natin ng maigi ang agility mo ay mas lalo kang lalakas; talasan lang ang mga mata at ituon ang buong atensyon sa kaharap." Payo ni Arlette na nangungulo sa ensayong nagaganap sa umaga, nakaupo lamang ito sa maalikabok at mabatong hagdan habang inoobserbahan ang kasamahan, "Isa pa Myceana," utos niya sa isipan ng babae.

Bilang pagtugon ay agad na pinalutang ni Myceana ang mga bato sa paligid at isa-isa itong inihagis sa gawi ni Valtor. Bilang reaksyon naman ay isa-isa rin itong pinatatamaan ng hibla ng kuryente ng lalake; winawasak ang mga bato at dinudurog bago pa man marating nito ang kaniyang puwesto o bago pa man siya matamaan nito.

"Myceana, lagot ka sa 'kin mamaya kapag may makikita akong sugat o latay sa katawan niya." Biglang sigaw ni Renie sa kabila ng pinagkakaabalahan nitong pagkukumpuni.

"Mata lang ang walang latay nito mamaya!" panunuya niya.

Upang subukin talaga ang lalake ay pinilit niyang patindihin ang mga atake; pinapaulanan niya ito ng sari-saring bato na may iba't ibang laki at bigat sa pinakamabilis niyang paraan, sa iba't ibang direksyon. Nais niyang inisin at ilabas ang tunay na ugali ni Valtor kalakip na rin ang hangganan ng kakayahan nito sa mga sitwasyong napakahigpit.

Sa puntong ito ay inisip niyang isang kalaban si Valtor nang sa gayon ay hindi siya magpipigil at masusubok din ang kakayahan niya. Hinubog niya ang bato sa pamamagitan ng pagdurog ng katawan nito upang maghugis-matulis animo'y mga patalim. At sa kumpas ng sariling kamay ay agad na bumubulusok sa katunggali ang mga batong maaaring kikitil sa buhay ng lalakeng todo-ilag at sinusubukang manlaban.

"Anong masasabi mo kay Myceana, Digit?" tanong ni Arlette sa babaeng kakarating lang na tumabi sa kaniya.

"Malakas siya, hindi siya puwedeng maliitin dahil sa uri ng kakayahan niya. Kung mabibigyan lang siya ng tamang ensayo ay mararating niya ang buong potensyal ng kaniyang kakayahan. Isang kurap lang ay maaari niyang pabagsakin ang isang gusali kung nanaisin niya o sirain ang isang buong syudad." Sagot ng babae na hindi inaalis ang tingin kay Myceana.

"Siya ang magiging susi natin para sa pagpapabagsak ng Herozoan."

"Minsan ko nang nabasa ang file ni Myceana sa unang facility ng Herozoan na nasira, siya itong pinagtutuonan ng maigi ng mga doktor doon dahil sa kakayahan niya. Paniguradong malaki rin ang plano nila sa kaniya."

"Mabuti na lang at nakuha ko siya bago pa man ang Herozoan." Saad ni Arlette at napabuntong-hininga, "Malaking bagay rin na narito si Valtor, puwedeng-puwede siyang umatake kahit sa malayo."

"Masyadong fatal, delikado kung napunta siya sa maling kamay." Turan ni Digit.

"Masuwerte kami at siya itong kusang lumapit at tumulong sa 'min no'ng nasa diner kami at inatake ng Herozoan." Aniya, "Nakakamangha rin si Vinceo," komento niya nang malipat ang tingin sa lalakeng may pinagkaka-abalahan sa mesang kaharap nito, gaya ng inutos ni Myceana ay pinagtuonan nito ng pansin ang pagbuo ng mga bomba at armas na maaaring gamitin sa pagpapabagsak ng isang pasilidad.

"Naalala ko pa noon no'ng sinagip niya ako sa mga armadong kalalakihang humahabol sa 'kin. Akala ko katapusan ko na yun, wala rin naman kasi akong kalaban-laban. Pero bigla siyang lumitaw, galit na galit at duguan hanggang sa kitang-kita ko kung paano nagsilitawan yung mga kristal sa katawan ng mga lalake na kumitil sa kanilang buhay." Salaysay ni Digit habang inaalala ang gabing nakatakas sila, "Delikado rin siya lalo pa't kontrolado niya ang mundo, lalo na't mabigat ang loob niya sa."

"Papaanong nakokontrol niya ang mundo?"

"Kontrolado niya ang mga elements na bumubuo sa mundong ito," nangangambang sagot ni Digit, "Kung hindi siya magagabayan ng maayos ay maaari siyang mahulog sa maling landas. Kaya niyang pumatay ng tao sa isang iglap sa pamamagitan ng oxygen deprivation. Suportado siya palagi ng kaniyang paligid at kahit saan man siya ilalagay ay magagawa talaga siya."

"Delikado nga,"

"Kaya matapos nating mabura sa mundong ito ang Herozoan, maaari nating sagipin yung iba pang altered at gagabayan ng maayos, samantalang yung ibang hindi ay mas mabuting ikulong o isama na rin sa Herozoan kaysa sa magdulot ito ng kaguluhan."

"Balang araw, Digit. Makakamit din natin ang kalayaan at kapayapaang hinahangad natin."