23 Kabanata Pito [3]

DILAT NA DILAT PA RIN ANG MGA MATA ni Myceana kahit na ramdam niya ang matinding antok, nais man niyang matulog ay 'di niya magawa dahil sa walang-hupay na pagkirot ng mga nalapnos niyang sugat; namamaga ito at may nana pang tumatagas. Maliban sa kaniya ay mahimbing nang nagpapahinga ang kaniyang mga kasamahan, marahan pang humihilik ang mga lalake na halatang pagod na pagod sa kaganapan.

Sa gabay ng nag-iisang orasan ng department store ay napag-alaman niyang mag-aalas diyes na ng gabi, tahimik siyang umaasa na sana'y makakatulog na siya sa pagsapit ng alas diyes y medya. Kailangan niyang makatulog kaagad nang sa gayon ay makakakuha siya ng sapat na pahinga. Dahil sa gising na gising pa ang kaniyang diwa ay napabangon siya sa kinahihigaan at napagpasyahang libutin ang loob ng pinagtataguan,

"Myceana?" napalingon siya at napatingin sa tumawag, "Saan ka pupunta?" tanong ni Vinceo at napabangon din.

"Maghahanap lang ako ng pain reliever, hindi kasi ako makatulog sa kumikirot kong mga sugat."

"Sasamahan kita."

"H'wag na."

"Okay lang, hindi rin kasi ako makatulog kaya sasamahan na lang kita."

"Sige, salamat."

Tahimik nilang binagtas ang daan habang tinitignan ang mga lalagyan ng mga produkto upang mangalap ng gamot na maaaring panlunas sa iritasyong nadarama ng babae. Sa unang dalawang minuto ay walang nagsalita, hanggang sa hindi nagtagal ay binasag ng lalake ang katahimikang namamagitan.

"Tignan mo 'to, may mga gamot banda rito." Pahayag ng lalake habang nakaturo sa dulo ng kanang direksyon.

Sa pangunguna ni Vinceo ay dinala niya ang babae sa isang bahaging tadtad ng sari-saring gamot; nakapaloob ito sa isang kabinet at isang malapad at makapal na salamin ang nagsilbing harang nito. Sinubukan itong buksan ng lalake ngunit hindi niya ito magalaw, nang pansinin niya ang itim na pabilog na bagay sa isang bahagi ay napatanto niyang nakakandado pala ito. Sa kabilang dako naman ay masusing binabasa ang mga pangalan ng nakahilerang mga gamot sa paghahanap ng pain reliever,

"Walang susi, babasagin na lang ba natin 'to?" tanong ni Myceana at napaatras ng tatlong hakbang sa paghahanda ng atake at sa takot na baka matamaan ng bubog.

"Ako na," tanggi naman ng lalake, "May ipapakita ako sa 'yo."

Inilahad ng lalake ang sariling kamay at malayang binuksan ang palad sa harap ng babae, "Masdan mo," at ilang saglit pa ay nasaksihan ng dalawa ang biglaang pamumuo ng mala-ulap na bagay sa ibabaw ng palad ng lalake.

"Ano 'yan?" manghang-mangha na tanong ni Myceana na titig na titig sa pamumuo ng mumunting ulap.

"Isang liquid nitrogen," aniya at pinapakapal pa ito.

"Papaano mo nagawa 'yan?"

"Hindi ko ginagawa 'to, kinukuha ko lang." sagot ng lalake, "Nararamdaman ko ang presensya ng lahat ng elements."

"Puwede ka palang gumawa ng bomba?"

"Puwede, simple lang naman ang kakailanganin niyan."

"Sana ginawa mo 'yan kanina," biro ni Myceana, "Pinasabog mo sana yung mga baliw na altered o kaya'y nilason mo—pahirapan talaga silang patumbahin kanina." Reklamo ni Myceana at saglit na binalingan ng tingin ang mga braso niyang balot na balot ng benda.

"Mahirap gumawa ng bomba kanina lalo pa't may makapal na dome o force field na humaharang, hindi ko sigurado pero ang force field na gawa ng lalake kanina ay pinipigilan ang pagdaloy n gating kakayahan." Paliwanag ng lalake habang titig na titig pa rin sa palad kung saan marami-rami na rin ang nakalap niyang liquid nitrogen.

Nang maging sapat na ito para sa binabalak ay kinontrol niya ang liquid nitrogen at ito'y idinikit sa padlock ng cabinet, at ilang saglit pa, nang tuluyang nalapat ng lalake ang kemikal ay sunod nilang nasaksihan ang mala-yelong hamog na bumabalot sa kandado, bagay na ikinamangha ni Myceana.

"Durugin mo," utos ng lalake sa kaniya at napaatras ng isang hakbang animoy binibigyan siya ng daan para sa kandado.

Hindi naman tumanggi si Myceana at kaagad na kinontrol ang padlock, sa tulong ng sariling kamay upang manipulahin ang sariling kakayahan ay naglaan siya ng katamtamang puwersa. At napangiti na lang siya sa pagkamangha nang makitang diretsong nadurog ito at nagsibagsakan ang nawasak na padlock sa sahig.

"Naging marupok ang padlock dahil sa liquid nitrogen," paliwanag ng lalake nang makita ang pagtataka sa mukha ni Myceana, "Alam mo, kailangan mong sumama sa 'kin palagi nang sa gayo'n ay may makikita ka pang mga magagandang chemical reactions." Suhestyon ni Vinceo at tinulak pabukas ang cabinet.

"Sige," sagot ng babae at inabot ang isang pakete ng pain reliever sa lalagyan, "Salamat." Tanging nasabi niya sa lalake.

"M-Myceana, m-may sasabihin sana ako sa 'yo." Biglang saad ng lalake na ikinatigil niya.

"Ano yun?"

"P-Pagkatapos ng lahat ng 'to—kapag mapapabagsak na natin ang Herozoan, m-maaari ba kitang ayahin para sa isang simpleng hapunan? Yung lalabas lang tayo, kakain, mag-uusap?" saad ng lalake na hindi halos makatingin ng diretso sa kaniyang mata.

Sa sinabi ng lalake ay hindi nakapagsalita si Myceana, natulala siya at dahan-dahang kumurba ang ngiti sa kaniyang labi, A-Aba sige. Sa isang kundisyon."

"Ano iyon?" tanong ni Vinceo na may galak sa mukha.

"Manatili ka lang para sa grupo, hanggang sa huli. Malaki ang maitutulong mo, lalong-lalo na ang iyong kakayahan."

"Deal."

"Deal."

avataravatar
Next chapter