webnovel

Kabanata Sampu [3]

"Bakit walang tao? Bakit walang nakapansin sa kaguluhan dito?" nagtatakang tanong ni Valtor na patingin-tingin sa nadaraanang mga kabahayan.

"Gawa niya," sagot ni Arlette patungkol sa altered na kalalabas lang sa kotse at may bitbit na babaeng hindi kumikibo, "Siya yung telepath na umatake sa 'min kanina, at ngayo'y kontrolado ng ilusyon niya ang napakaraming tao sa mga kabahayan, 'di talaga siya basta-basta lang." pahayag ni Arlette at biglang napatigil, "Sandali," utos niya sa mga kasama.

Agad naman silang napatigil iilang metro pa ang layo mula kay Vinceo at humingi ng sagot sa babae dahil sa lubusang pagtataka, "Bakit, Arlette?" tanong ni Valtor.

"Kailangan tayo ni Vinceo at Beth." Rason ni Myceana na gustong daluhan ang lalakeng mag-isang hinaharap ang altered.

"Ayaw tayong payagan ng telepath, aniya'y sasaksakin niya si Beth at Vinceo kung lalapit pa tayo." Sagot ni Arlette na titig na titig sa gawi nina Vinceo na nakikipagsagutan sa kaharap. "Ayokong isugal ang buhay nila."

"Patayin mo siya, Myceana. Ikaw lang ang makakagawa niyan. Guguluhin ko siya." Narinig niyang utos ni Arlette.

"Iniisip ko rin 'yan," turan niya at walang pag-aalinlangang kinontrol ang lalake.

Hindi na nagawang tapusin pa ng lalakeng may-hawak kay Beth ang nais na sasabihin nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay pasekreto siyang inatake ni Myceana. Saksi silang lahat sa biglaang pagpihit ng ulo nito, bagay na ikinagulat ng grupo, sapagkat nakakagimbal makitang biglang humarap sa likod ang mukha nito at hindi na nakagalaw pa, at diretsong bumagsak ang katawan nito magaspang na kalsada kasama si Beth nagmistulang estatwa.

"Tara na,"

Sa hudyat ni Arlette ay agad silang kumilos, pawang sinugod nila ang kinalulugaran ni Vinceo at dinaluhan ito. Agad namang sinuportahan ni Myceana ang lalake sa pagtayo nito lalo na't napansin niyang paika-ika ito sa paglalakad dulot ng natamong pilay; isinabit niya ang braso ng lalake sa kaniyang balikat at saka naunang naglakad papalayo, pabalik sa kotse nila. Samantalang si Valtor at Arlette naman ay dali-daling nilapitan si Beth at kapuwa sila nagtulungan upang hilain ito paupo; niyakap naman ito ng lalake sa bewang at saka buong-lakas na binuhat ang babaeng dilat na dilat ang mga mata.

"Wala siyang malay sa mga kaganapan ngayon, siya ay nakulong din sa ilusyon." Pahayag ni Valtor habang buhat-buhat ang babae pabalik sa kotse nila, sa tabi niya ay naroon si Arlette na binabasa ang isipan ng walang kamalay-malay na babae at sa kabila naman ay sina Myceana.

"Ikaw ang napagaling sa 'min kanina 'di ba? Gawin mo rin yun sa kaniya." Sabi ni Arlette.

"Mamaya na 'pag nakahanap tayo ng ligtas na lugar, alam nating hindi tayo ligtas sa publiko lalo pa't napakalaki ng kaguluhan dito." Sabi nito, "May pitong minuto na lang tayong natitira upang tumakas at linisin itong kalat, buti na lang at aktibo pa rin ang utak no'ng lalake at may sapat pa tayong oras." Paliwanag nito habang tinitignan ang bawat kabahayang nadaraanan na tahimik lang.

"Myceana, kaya mo ba?" tanong ni Arlette patungkol sa mga kalat at bangkay.

"Ikukulong ko sila sa loob ng sasakyan na magsisilbing kabaong na rin nila, at saka hahanapan ng puwedeng pagtaguan."

"Sige."

▪▪▪

"MAGIGISING DIN SIYA MAMAYA, maayos na ang lagay niya't wala na rin siya sa impluwensya no'ng altered." Sabi ni Valtor sa grupo na nag-aalalang nakatingin sa babaeng wala pa ring malay at mahimbing na natutulog sa loob ng kotse.

"Naantala na naman ang plano natin, wala na bang mas ikakasama pa ito?" reklamo ni Digit na nakahalukipkip sa inis.

"Intindihin mo na lang Digit, alam mong inaasahan na talaga nating may mangingialam na altered o Herozoan." Kalmadong pahayag ni Arlette.

"At hindi sana magkakaganito kung hindi lang kayo ni Myceana ang sumugod sa loob, kung sana sinama mo itong tatlong lalake ay nasa loob na sana tayo ng Herozoan ngayon."

"Ano ba ang pinaglalaban mo Digit?"

"Ang sa 'kin lang ay sana pinag-iisipan ng lahat ang bawat desisyon, dahil ang napapansin ko'y dire-diretso lang kayo sa gusto n'yo. Lalo na ikaw Vinceo, umalis ka lang na hindi humingi ng tulong sa 'min at mag-isa mong hinarap yung tatlong Altered."

"Dapat magpapasalamat nga kayo sa 'kin dahil naiuwi ko si Beth." Saad ni Vinceo na hindi ginusto ang pahayag ng kaibigan.

"Si Myceana ang nagligtas kay Beth." Giit naman ni Digit, "Ayokong mauwi ito sa wala." Aniya sa grupo, "Baka sa huli'y wala tayong maaani nito at mahuhulog tayo sa Project Void."

"May punto rin naman si Digit," sang-ayon ni Valtor, "Mas maiging sabay-sabay at magtutulungan tayo dahil mas malakas nga ang puwersa natin, yung ang sinasabi n'yo noon 'di ba? Kung marami tayong pumasok kanina sa bahay, hindi sana matatakas ng mga altered si Beth at hindi siya magkakaganito ngayon."

"Tapos na yun, Valtor. Nangyari na ang lahat." Singit ni Cyan.

"Pero kung hindi kumilos si Vinceo kanina, malamang wala tayong makukuhang Beth ngayon." Pagtatanggol naman ni Myceana. "Dapat magpasalamat pa nga tayo."

"Guys tama na," biglang sabat ni Arlette na ikinatahimik ng lahat, bawat isa'y napatingin sa kaniya at biglang napatigil animo'y naestatwa, "Itigil n'yo na 'yan."

Dalawang segundo ang nakalipas at napailing na lang sila animo'y nagising ang mga ito at nagbalik sa reyalidad; wala na ngang nagsalita pa at lumamig ang maiinit nilang ulo, natigil na sila sa pagbabangayan at humupa na rin ang tensyon. At pawang atensyon ay natuon kay Beth na wala pa ring kamalay-malay at mapayapang nagpapahinga.

"Magpahinga muna kayo, paggising ni Beth ay isasagawa kaagad natin ang naantalang plano." Utos ni Arlette na sinunod ng grupo, "Cyan, sandali lang."

"Bakit?" paalis na sana ito nang pigilan siya ng babae.

"Bakit parang nag-iba ka na? Hindi na kita gaanong nakakausap at nagbago ang kakanyahan ng utak mo."

"A-Ah, pagod lang ako Arlette sa mga pangyayari. Siguro'y dahil din ito sa trauma ko no'ng atake ni Trevor."

"Gano'n ba, kumusta naman ang kakayahan mo? Magagawa mo pa bang humanap ng mga altered?"

"M-Medyo nahihirapan na ako, pero nagagawa ko pa naman."

"Mabuti naman," sabi nito, "sige na magpahinga ka na."