31 Kabanata Sampu [2]

"ANONG NANGYAYARI SA KANILA?" nag-aalalang tanong ni Renie nang daluhan niya sina Arlette at Myceana na pilit niyuyugyog ni Digit.

"Hindi ko alam kung anong ginawa sa kanila, pero buhay pa sila, yun nga lang ay bumabagal ang tibok ng kanilang puso at tumitigil na rin sila sa paghinga." Sagot ni Digit habang hawak-hawak ang kamay ng dalawa at sabay na dinadama ang pintig ng pulso.

"Dilat na dilat ang mga mata nila at lumuluha, nakita ko na 'to," komento ni Valtor na sinusuri ang katawan ng dalawang nakahandusay sa sahig, marahan niyang hinawakan ang ulo nito at base sa temperatura ay nakumpirma nga niya ito, "May isang altered na nakialam dito, maaaring ito ay yung babaeng muntikan nang pumatay sa inyo no'ng sinubukan n'yong tumakas sa pinagtatrabahuan kong diner." Pahayag nito kay Renie.

"Yung pinatigas ang katawan namin!" bulalas ng lalake nang maalala ang kahindik-hindik na pangyayari, "Buhay pa pala yun?!"

"Oo, iniwan ko siyang buhay. Kung kaya't paniguradong kinuha siya ng sundalo ng Herozoan at ginamit sa Project Void. Malamang ngayon ay isa na rin siyang tuta ng korporasyong yun at malakas ang kutob kong siya ang salarin nito." Pahayag ng lalake at marahang ipinadaan ang kanang kamay sa ibabaw ng katawan ni Myceana, mula sa dulo ng mga daliri nito ay roon lumitaw ang mumunting hibla ng kuryenteng kumakapit sa katawan ng babae, "Hindi natin sila magigising o mapapagalaw hangga't hindi nawawalan ng malay o napapatay yung babae na kayang kontrolin ang body cells. Kailangan natin siya."

"Paano na 'to ngayon? Maaaring siya rin ang kumuha kay Beth at hindi natin alam kung nasaan na sila." nag-aalalang tanong ni Digit, "Mamamatay na sila Myceana bago pa natin siya mahahanap."

"Val' iligtas mo sila." Pakiusap ni Renie, "Alam ko ang pakiramdam ng hindi nakakagalaw at napakahirap, lalo na ngayon na parang dahan-dahan silang pinapatay."

"Saglit lang, bitawan n'yo sila." Utos niya sa dalawa at mabilis na kinaskas ang magkabilang-palad, "Charging 300 volts," pahayag nito at agad na inilapat ang kumukuryenteng kamay sa dibdib ni Myceana.

Sandali lang naman niya itong inibaba at mabilis na hinila paalis, agad namang napaliyad ang babae na halatang natangay sa lakas ng puwersang inilahad. Sa pagbagsak pabalik ng katawan nito ay saglit silang natahimik at nag-abang, kinapa naman ni Digit ang pulupulusan nito at dinama ang kasalukuyang sitwasyon.

"Wala pa rin Valtor, mahina pa rin ang pintig ng puso niya hindi pa rin humihinga."

"Shit, sana magawa ko 'to." tanging nasabi ng lalake ng lalake at agad na umayos sa pagkakaupo at napaluhod sa tabi ni Myceana, pero bago niya isinagawa ang binabalak ay kinuryente niya muna si Arlette sa dibdib na kasing-tindi sa nauna.

"Alamin mo kung tumitibok na ba sa tamang bilis ang puso ni Arlette, kung hindi pa ay sundin mo ang gagawin ko." Utos niya kay Renie at saka nagsimulang magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation o CPR kay Myceana, "One…two…three…four…" bilang ng lalake habang nagsasagawa ng chest compressions; pinanatili lamang niyang tuwid ang magkabilang braso habang katamtamang bigat lang ang inilalahad, "…twenty nine…thirty." aniya at agad na itigil ang ginagawa, bagkus ay marahan at maingat niyang pinatingala ito at malakas na hinipan ng hangin ang bibig ng babae.

Matapos itong hipan ng makalawang beses at nilaanan ng sapat na hangin ay kabadong-kabado niyang kinapa ang pulupusuhan ulit ni Myceana na wala pa ring kamalay-malay. At laking-pasasalamat niya nang malamang umaayos na ang ritmo sa pagtibok nito at nagbalik na sa normal; nakikita na niya ring marahang umaangat ang dibdib nito tanda na humihinga na rin ito sa wakas. Kung kaya't itinigil na niya ang pagsasawaga ng CPR at pinagtuonan naman ng pansin si Arlette. Nang balingan niya ng tingin si Renie ay nakita niyang nagpupursigeng i-revive nito ang babae sa pamamagitan din ng CPR, mabuti na lang marunong din ito, seryosong-seryoso talaga ang lalake habang sinasabayan ng pagbilang.

"Panatilihin mo lang ang tuwid na braso Renie," payo niya.

"…thirty," huling bilang nito at napabitaw na rin sa babae.

Dali-dali naman siyang tumulong at pinatingala din ito, "Hipan mo kaagad." Utos ni Valtor na agad namang sinunod ng lalake.

"Kapain mo ang pulso."

"M-May pulso na siya," turan nito nang makapa't naramdaman ang pintig ng puso at humihinga na rin si Arlette.

"Salamat sa inyo." Sa nakikita'y gumaan na rin ang loob ni Digit nang makumpirmang humihinga na nga't ligtas na ang dalawa, "Pero hindi pa rin sila nagigising, batid kong ibang klaseng altered ang may-gawa nito. Hindi ito yung kumukontrol ng body cells."

"Papaano mo nasabi na hindi ito yun?" tanong ni Renie na hawak-hawak pa rin ang kamay ni Arlette sa takot na baka humina na naman ang pulso nito.

"Yung tinutukoy n'yong kumukontrol ng katawan ay si Gilvert Marquez, Host-025, at ayon sa mga dokumentong nakuha ko ngayon lang tungkol sa kaniya ay sinasabing napapatigil niya ang tao sa paggalaw habang siya ay nasa malapit o nasa sakop ng sariling impluwensya. Pero wala ng iba pang altered dito, kaya batid kong isang telepath ang may gawa nito." Paliwanag niya sa dalawa.

"Sigurado ka ba riyan?" paninigurado ni Renie.

"Oo, may nabasa na akong file noon na patungkol sa isang telepath na kayang manipulahin ang nakikita ng tao. Papaano kung kinukulong ng kakayahan nito sina Arlette?"

"May isang paraan lang upang kumpirmahing 'yan." Sabi ni Valtor at walang pag-aatubiling nilaanan ng kuryente ang sentido ni Myceana.

Sa isang iglap lang ay biglang napadilat ang babae at napasinghap ng maraming hangin na para bang kakaahon lang sa tubig; nihingal itong tumagilid habang walang-tigil sa pagsinghap ng hangin at inuubo na rin. Sa nasaksihan ay mistulang nabunutan ng tinik si Valtor nang makitang nagising na rin ang babae. Wala naman siyang inaksayang pagkakataon at dali-daling kinuryente rin si Arlette, at gaya ng inaasahan niya'y napukaw rin ang kamalayan nito nang nalaanan niya ng boltahe ang utak ng babae.

"A-Anong nangyari Arlette?" nag-aalalang tanong ni Renie.

"Ginulo niya ang utak namin; no'ng u-una ay nilagyan n-niya kami ng ilusyon, pero kalaunan ay nahiwalay ako kay Myceana at ipinaranas ulit sa 'kin ang pinakamasama kong karanasan." Hinihingal na pahayag nito habang sinusubukang bumangon, tinulungan naman siya ng lalake at inakay paupo, "S-Salamat Valtor."

"G-Gano'n din sa 'kin," pahayag naman ni Myceana na dinadaing ang pananakit ng ulo, "N-Nasaan si Vinceo?"

"Nasa labas nag-aabang,"

"H-Hindi, kasama niya si Cyan at hinahabol nila ang telepath at iba pang altered na kumuha kay Beth." Bunyag naman ni Arlette na ikinawindang nilang lahat.

"Pigilan mo sila," nag-aalalang utos ni Myceana na nangangamba sa kaligtasan ni Vinceo.

"Ayaw niya,"

"Pilitin mo pakiusap, Arlette. Utusan mo si Cyan." Pamimilit nito.

"Balak umatake ni Vinceo ng mag-isa. Binalaan ko na sila sa panganib nito, pero ayaw talaga paawat."

"Tara sundan na lang natin sila!"

avataravatar
Next chapter