webnovel
avataravatar

s: si Senyor Salazar [ 1 / 5 ]

[ ika-siyam na araw ng Abril, 1903 ]

"Ginoong Pole, mayroon ka hong bisita," wika ni Pedro mula sa kabilang kwarto ng bahay na tinutuluyan ni Apolinario. Itinaas niya ang ulo mula sa binabasang aklat at nagtatakang tumingin sa paparating na binata. Madalang nang may bumibisita sa kanya simula nang nakauwi siya mula sa Guam. Kung hindi niya kapamilya o kaibigan ay walang gumagambala sa kanya maghapon.

Hindi naman sa ayaw niya ng bisita. Bukas ang bahay niya sa kung sinumang gustong humingi ng payo sa kanya.

"Sila'y tawagin mo rito," wika niya sa binata na nakadungaw na sa may tapat ng bukas na pinto.

"Sige ho, Ginoo."

Nakangiting nagpasalamat siya. Ito ang anak ng kapitbahay niya. Nagprisinta itong tulungan siya sa mga maliliit na bagay at dahil malaki ang pasasalamat niya ay tinuturuan niya itong magbasa at magsulat. At isa namang magiliw na estyudante ang binatilyo.

"Pumasok na ho kayo sa loob," tawag ni Pedro sa kung sino at may sumagot naman dito. Tumingin si Pole sa pinto at nakita ang mga pumasok.

Isang nakaposturang lalaki iyon na sa hitsura pa lamang ay alam niyang isang Senyor, anak mayaman. Hawak nito ang kamay ng isang batang babae at nakahawak naman sa paanan nito ang isang batang lalaki. Imposibleng hindi niya mamukhaan ang dalawang bata. Ang batang babae noon ay limang gulang lamang habang ang batang lalaki ay isang sanggol.

Hindi niya alam kung anong ekspresyon ang lumabas sa kanyang mukha. Gulat ba? Pagkamangha? Pagkaintriga?

Ngunit, sino bang hindi magugulat? Sinong hindi maguguluhan?

Mas lalo pa siyang nagulat nang humarap pa ang Senyor sa kanya. Tama siya, ito nga si Senyor Salazar, ang asawa ni Manuela. At ang mga batang kasama nito ay ang mga anak nila. Kapansin-pansin ang hitsura ni Manuela sa mga bata, nakuha ng panganay ang buhok at mata ng Ina. Nakuha naman ng bunso ang ilong at mga labi.

"Ginoong Mabini," panimula ni Senyor Salazar. Ginawaran siya nito ng isang tipid ngunit may respetong ngiti.

Saglit na walang lumabas na mga salita sa kanyang bibig, nagawa niya lamang iyong buksan. Mukhang hindi naman nagmamadaling humingi ng sagot ang Senyor. Ang batang babae ay napatingin sa kanya, habang nahihiyang nagtago naman ang batang lalaki sa likod ng Ama nito.

"Senyor... Salazar," sa wakas ay nawika niya. Hindi niya alam kung bakit nandito ang lalaki, hindi niya alam bakit dinala nito ang mga anak nito at mas lalong hindi niya alam kung papaano niya ito pakikitunguhan. Hindi sa may namuong galit sa kanyang puso dahil ito ang naging asawa ng iniirog. Hindi niya naman ito kilala.

Hindi niya lang alam na sa dinami-dami nang gustong makita ng Senyor ay magiging isa siya roon. Siya na alam nitong nagmamay-ari sa puso ni Manuela. Hindi sa siya ay nagmamayabang, wala namang maitutulong iyon.

"Ginoo," lumapit ito at inilahad ang kamay na naguguluhan pa ring tinanggap niya. "Isidro Salazar. Maari mo akong tawaging Isidro kung iyong nanaisin. At ito nga pala si Lela," pagpakilala nito sa batang babae na magalang na nagmano sa kanya.

"Magandang araw po sa inyo, Ginoong Mabini," magalang na bati ng babae. Pati boses ni Manuela ay nakuha nito. Mas lalo na nang ngumiti ang bata. Pakiramdam niya ay nakatingin siya sa batang bersyon ng minamahal.

"At siya ang bunso," iginaya ni Isidro ang anak na lalaki paharap at ipinatong ang mga kamay sa balikat nito. "Ito si Apolinario."

Inilapit naman ni Isidro ang bata sa kanya at ito naman ay nagmano, bago nagmamadaling nagtago muli sa likod ng ama. Ngunit, sumilip pa rin ito mula roon at puno ng kuryosidad ang mga matang nakatingin sa kanya. "S-Siya po si Pole, 'di ba?" sa maliit na boses ay tanong nito. Tumango naman si Isidro.

Natahimik si Apolinario sa narinig. Ngayon lang niya napagtantong ang mga pangalan ng kanilang naging anak ay base sa kanila ni Manuela. Nakaamang ang bibig na tumingin siya kay Isidro, matangkad ito kaya kailangan niya talaga itong tingalain. Nakapaskil lang ang isang maliit na ngiti sa mga labi ng lalaki.

Gusto niyang magtanong kung bakit.

Ito ang naging asawa. Ngunit, mukhang hindi ito ang asawa.

"Senyor--"

"Ginoo, o kung nanaisin mo, Pole, kahit Isidro na lamang. Wala lang sa akin ang mga titulo."

Bakit mo ginawa ito sa sarili mo, Isidro?

"Isidro," nagawa niyang sambitin. "Ikinagagalak ko kayang makilala. Ano ang maipaglilingkod ko?" tanong niya kasabay ng isang alanganing ngiti. Hanggang ngayon ay pilit niyang iniisip kung bakit nga ba sila naririto. At kung bakit kilala siya ng mga anak ni Manuela. At kung bakit ang mga pangalan ng anak nito ay parang ang mga pangalang plinaplano nilang ipangalan sa magiging anak nila ni Manuela noon.

"Nais kitang makausap, Pole. Ngunit, bago iyon, iiwan ko na muna ang mga bata kay Ginang Salud," ang tinutukoy ni Isidro ay ang ina ni Pedro. "Nakausap ko na siya kanina at si Pedro na ang maghahatid sa kanila. Kung ayos lang sa iyong kausapin ako."

Wala siyang mabasang kahit anong ekspresyon sa mukha ng Senyor. Magaling siyang kumilatis ng ekspresyon ng isang tao ngunit hindi niya ito mabasa. Ang alam niya ay siya lamang ang may kayang magtago ng damdamin, ngunit mas magaling ito. Mas kontrolado.

Hindi niya alam kung kakabahan ba siya. Kaya sa halip, inisip na lamang niya na kailangan ng kasagutan sa kanyang kuryosidad. Nanatili siyang nakangiti. "Gayong naririto na rin lamang kayo ay hindi ko naman hahayaang masayang ang inyong pagbisita. Gusto niyo bang mag-meryenda? May naiwan pang mga prutas mula kahapon."

"Kumain na ang mga bata kaya sasama na sila kay Pedro. Kumain na rin ako ngunit maari kitang samahan kung ika'y mag-me-meryenda. Maari na rin nating simulan ang ating usapan."

Tumango siya at nagpaalam naman muna si Isidro sa mga anak. Magiliw namang tumango si Lela sa mga habilin ng ama at hinawakan ang kamay ng kapatid bago sila iginaya ni Pedro palabas. Tumayo na ang Senyor at ito na ang kumuha ng buslo ng mga prutas na malapit lamang sa kinatatayuan nito. Lumakad ito sa direksyon niya at naupo sa kanyang harapan. Ibinaba nito ang buslo.

Tahimik na tinignan niya ang lalaki habang kumukuha ng isang piraso ng saging. Hindi ito nagsimulang magsalita. Sa halip, nakatitig lamang ito sa labas. Tanaw mula sa kanyang bintana ang maliit na barrio. Walang masyadong tao ang nasa labas ngayon.

"Alam kong hindi ka komportableng makita kami, Pole. Hindi kita sinisisi."

Lumunok muna siya bago nagtanong, "Tama ka. Ikaw ang kahuli-huliang taong magpapakita sa akin. Alam kong hindi porket alam mo kung ano ang mga nagaganap ay wala kang nararandamang animosidad para sa akin. Naiintindihan ko iyon."

Ibinaba nito ang tingin sa dulo ng bintana. "Tao lang naman tayo, Ginoo. Alam ko ring mayroon kang nararandamang animosidad para sa akin."

"Aaminin kong mayroon nga. Ngunit, matanda na tayo. Aksaya lamang ng panahon ang magtanim ng poot sa ating mga dibdib. Sigurado akong hindi iyan ang gusto mong pag-usapan kaya ka pumunta rito."

Saglit itong ngumiti. "Kung ayos lamang sa iyo, maari mo bang pakinggan ang panig ko sa istoryang ito?"

Tinapos niya ang pagkain ng saging at inilagay ang balat nito sa gilid ng lamesa. Tinitigan niya nang mabuti ang lalaki. Mas matanda lang ito sa kanya ng isang taon. Ngunit, ngayong mas malapit ito sa kanya ay mas nakikita niya ang pagtanda sa mga mata nito. Nakikita niya rin ang mga emosyong naglalaban sa mga abuhin nitong mata.

Ngumiti siya. "Nasa atin naman ang oras, Ginoo. Wala naman akong ibang panauhin gayon. Kung mayroon man ay kakausapin ko silang ipabukas na lamang. Malayo pa naman ang inyong byinahe para ako'y mapuntahan."

"...Maraming salamat, Pole," saglit siyang tinignan nito at sa malungkot na ngiti ay nagsimula.

[ 1880 - isang linggo matapos ang piging ni Eustacio ]

"Ako'y iyong samahan na, Kuya," kanina pang sinasabi ni Samaniego kay Isidro. Naririndi na siya kahit hindi halata sa kanyang mukha. Wala kasing makitang ekspresyon mula roon. Ang sabi nga ng mga magulang niya ay iisa lang ang ekspresyon niya sa lahat ng emosyon.

Sinusubukan niya kasing intindihin ang binabasa niyang libro at marami pa siyang isasalin sa Latin. Ngunit, ang magaling niyang kapatid ay nais lumabas at magpahangin na naman kay Socorro. Gayong hindi naman lingid sa kanilang kaalaman na nobyo na ng dalaga ang anak ni Senyor Marcias na si Eustacio.

Ang sabi naman ng kapatid niya ay hangga't hindi kasal ang dalawa ay may pag-asa pa ito.

Huminga siya nang malalim. Kahit naman hindi niya ito pansinin ay mukhang maghapon siya nitong kukulitin. Kaya isinara na lamang niya ang libro bago hinarap ang kapatid na halos mapunit na ata ang mukha sa lawak ng ngiti dahil sa pagsuko niya.

"Bakit ba laging kailangan mo akong isama sa pagpapapansin mo kay Socorro?" nababagot na tanong niya habang sinusundan ito palabas ng kanilang bahay.

"Itinatanong pa ba 'yan, Kuya," natutuwang wika nito sabay pagtawag kay Mang Sandoval, ang kutsero nila.

Hindi na nga niya kailangang itanong. Sa tuwing nasa harap kasi ni Samaniego si Socorro ay kung ano-ano ang lumalabas sa bibig nito. Kaya ang trabaho niya ay siguraduhing wala itong sasabihing nakakahiya. At kailangan nga talaga siya nito kung magkakaroon man ito ng tsansa kay Socorro.

Napailing siya at sinundan ito sa pagsakay sa kalesa.

"Saan po tayo, mga senyorito?" tanong ni Mang Sandoval. Nakangiti ang butihing matanda sa kanila. Binati niya ito ng isang tango na ibinalik naman nito.

"Doon po sa bahay ng mga Guevarra, Mang Sandoval," masayang wika naman ng kanyang kapatid, mukha itong binilhan ng sorbetes.

"Masusunod po, Senyorito Samaniego," pinaandar na ni Mang Sandoval ang kalesa. At wala nang ibang narinig si Isidro kundi ang pagtapak ng kabayo sa lansangan. May sinasabi pa ang kanyang kapatid ngunit hindi na siya nakikinig.

Namalayan niya lang na naroroon na sila nang tumigil ang kalesa at tinapik siya ng kapatid. "Hindi ka na naman nakinig sa akin," nakasimangot na wika ni Samaniego pagkababa nila.

Nagkibit-balikat lamang siya at napabuntong hininga na lang ang kapatid. Ito na rin ang naunang pumasok sa bahay ng mga Guevarra at sakto namang namataan sila ni Manolo, ang unang anak ni Senyor Narciso Guevarra at siyang pinsan ni Socorro.

"O, naririto ka na naman, Samaniego," pabirong ginulo ni Manolo ang buhok ng kanyang kapatid at nagpagulo lamang naman ito. Kahit kailan talaga ay mahilig sa atensyon si Samaniego. "Sinong inaakyat mo ng ligaw? Ang kapatid ko ba? Binabantaan kita, hindi pwede ang kapatid ko. Bata pa siya."

Alanganing ngumiti si Samaniego, "Mayroon ka po palang kapatid, Kuya Manolo."

Hindi naikwento ni Samaniego sa kanyang may kapatid palang babae si Manolo. Sa katunayan, ang tanging ikwinekwento lamang naman talaga nito ay ang tungkol kay Socorro. Kung ilang beses niya itong nakita, kung ilang salita ang naging palitan nila, at kung ano-anong mga bagay na pati siya ay hindi niya alam kung kailangan niya bang malaman.

Nagsasawa na siya at kahit ipinapakita niya ay hindi maintindihan ng kapatid kaya hinahayaan na lamang niya. Kahit naman ganito iyon ay lagi naman itong tumutulong sa kanya kung kailangan.

"Aba, mayroon talaga, hindi lang laging lumalabas kaya hindi mo rin siya mapapansin. O, siya, kung hindi ang kapatid ko... si Socorro?"

"Siya nga po, Kuya. Nariyan po ba siya?"

"Oo, hindi pa umaalis. Nagbuburda siya sa kwarto kasama ang mga kapatid ko. Ngunit, hindi kita masusuportahan doon. Mahal na mahal noon si Eustacio. Hindi ko nga alam kung ano bang espesyal sa lalaking iyon."

Idinaan lang naman ni Samaniego sa biro ang sagot kay Manolo.

Pati naman siya ay nasabi na niya ang mga katagang iyon. Paulit-ulit na nga siguro. Sadyang baliw na baliw ang kanyang kapatid at mukhang hindi ito susuko.

Iginaya naman sila ni Manolo sa isang kwarto kung saan naroroon rin si Montego, ang pangalawang kapatid ni Manolo. At sa kwartong iyon, bukod kay Socorro, ay may isa pang babae. Ito na siguro ang kapatid na tinutukoy ng nakakatandang Guevarra.

"O, Samaniego, bumisita ka na naman," pagbati ni Montego, sabay palo sa balikat ni Samaniego.

Nagpapalo lang naman ang kanyang kapatid kahit alam nilang pareho na magrereklamo ito mamaya na masakit iyon. Malapad pa naman ang kamay ni Montego at marapas rin.

Tumingin naman sa kanila ang mga babae. Mistula namang nawalan siya ng pandinig nang magtama ang mga mata nila ng nakakababatang kapatid ni Manolo at Montego. Simple lang ang ganda ng dalaga at hindi ito mapapansin kung hindi ito titignan nang mabuti. Hindi ito katulad ni Socorro na kahit sinong tao ay mapapalingon nito. Tumango sa kanya ang dalaga at simpleng ngumiti bago nito ibinalik ang atensyon sa binabasang libro.

Napasapo siya sa dibdib, bumibilis ang tibok niyon sa hindi niya malamang dahilan. Hindi naman siya bago sa mga babae. Dahil lagi siyang sinasama ni Samaniego sa kung saan at dahil ipinapakilala na rin siya ng Ama sa kung sino-sinong unico hija ay marami na siyang nakilala. Marami na ang mas maganda rito. Marami na rin siyang kinausap para lamang maging magalang ngunit hindi niya naman talaga naiinteresan.

"Titig na titig ka, ah, Isidro," komento naman ni Manolo na nagpabalik sa kanya sa paligid. Naririnig na niya ang pag-uusap ni Samaniego at ni Socorro. Ngayon pa lang ay alam na niyang dapat niyang pigilan ang kapatid. Naririnig niya rin ang pagputol ni Montego sa mga tela at ang paghinga ni Manolo sa kanyang tabi.

Hinarap niya ito. Binalaan man nito si Samaniego ngunit mukhang hindi ito galit sa kanya.

Ibinuka niya ang bibig para sana magsalita ngunit ni isang salita ay walang lumabas. Tumikhim siya. "S-Siya ho ba ang nakababatang kapatid na iyong tinutukoy?"

"Oo, si Manuela. Mas bata iyan sa iyo ng dalawang taon."

Nagtatakang tinignan niya ito. "Hindi niyo ho ba ako pagbabantaan tulad ng ginawa niyo sa aking kapatid?"

"Bakit? May balak ka ba?"

Tinignan niya muli ang dalaga. Mukha na itong wala sa pisikal na mundo. Halatang kahit subukan niya sigurong kausapin ito ay hindi siya nito papansinin. Nag-iwas siya ng tingin. "Hindi ko alam."

Una lang naman niya itong nakita at hindi naman siya sigurado kung ano ba talaga ang kanyang nararandaman. Kilala siya bilang isang praktikal na tao. Magaling rin siyang magplano kaya alam ng lahat na hindi siya basta susuong sa laban ng walang armas.

Ngunit, bago sila umalis, hindi niya napigilang tapunan muli ng tingin ang dalaga. At tulad nga nang napansin niya ay wala pa rin ito sa pisikal na mundo. Iniisip niya, kung ano kaya ang pakiramdam na mabigyan ng ganoong klaseng atensyon.

[ 1880 - tatlong araw ang nakalipas ]

Bakit ako naririto? natanong na lamang ni Isidro sa sarili habang siya ay nagtatago sa tapat ng isang bahay kung saan niya makikita si Manuela sa bintana. Nalaman niya kasi mula kay Samaniego na ang pinsan ni Socorro ay laging nakikitang nagbabasa ng libro sa may bintana ng kwarto nito. Kaya isang umaga, hindi niya namalayang lumabas na siya ng bahay at dito niya dinala ang kanyang kabayo.

Ipinagdadasal na lamang niyang walang nakakita sa kanya dahil sigurado siyang wala siyang maisasagot kung sakaling tanungin man siya kung anong ginagawa niya. At kung tutuusin, dapat ay pumasok na siya sa paaralan.

Ngunit, naririto siya at nakatanaw. Naroroon nga talaga ang dalaga ngunit hindi ito nagbabasa tulad nang sinabi ni Samaniego. Sa halip ay nakatanaw rin ito sa bintana, may kung ano o kung sino itong tinitignan. Nagtatakang sinundan niya ng tingin ang bagay na iyon at dumapo ang kanyang tingin sa likod ng isang payat na lalaki.

Nakasuot ang binata ng panyo sa ulo na mukhang nagsilbing proteksyon nito sa init ng panahon. Wala itong suot na sapin sa paa. At kahit mukhang sa libro ang atensyon ay tumigil ito sa tapat ng bahay ng mga Guevarra. Umangat ang ulo ng binata at tinanguan nito ang dalaga.

Ang hindi niya inaasahang makita ay ang pamumula ng mga pisngi ni Manuela. Isang segundo ang nakalipas bago ito tumango pabalik. Tumango din ang binata, bago nagpatuloy sa paglalakad at sinundan naman ito ng tingin ng dalaga.

Doon pa lamang, alam na ni Isidro na huli na siya. Hindi siya ang unang nakakita rito. At hindi siya ang unang nakakuha ng atensyon ng dalaga.

Nakakatawa, parang sitwasyon lang ng kanyang kapatid.

Ngunit, dahil hindi siya katulad ng kapatid ay hindi niya ito gagayahing manghahabol pa rin sa dalaga kahit may iba na itong gusto. Sa halip, hindi siya makikialam.

Alam niyang hindi niya naman maalis agad sa kanyang puso ang namumungang pagmamahal sa dalaga. Ngunit, hindi naman siya ang tipong gustong gumitna.

[ ika-siyam na araw ng Abril, 1903 ]

"Maniniwala ka ba sa akin kung sasabihin kong kung ako ang unang nakakita kay Manuela ay maaring kami ang naging magkasintahan?" tanong ni Isidro sa kanya, may maliit na ngiti sa mga labi nito. Hindi ito nakatingin sa kanya. Sa halip, nakatingin ito sa lamesa.

Marahang napailing si Apolinario. "Hindi ko alam ang maisasagot diyan, Isidro." Ayaw niyang sagutin iyon dahil sigurado siyang hindi niya magugustuhan ang lalabas sa kanyang bibig. Kilala siya sa pagiging pranka lalo na kung alam niyang tama naman ang ipaglalaban niya. Ngunit, hindi niya gustong sagutin ito.

Naghintay si Isidro ng ilang segundo bago itinaas ang mga mata sa kanya. Saglit lamang iyon at ang nakita niya roon ay pagkatalo. Nag-iwas muli ito ng tingin. "Tama, dahil alam naman natin ang sagot doon. Kung ako man ang unang nakikita sa kanya ay matatagalan bago pa niya ako kakausapin. Matatagalan rin bago niya ako titignan kung paano ka niya titigan."

"Isidro."

Umiling lamang ito. "Hindi naman doon nagtatapos ang parte ko sa kwento."

Nahihimigan na ni Apolinario kung ano ang gustong ikwento sa kanya ng Senyor. Ngunit, hindi niya alam kung gusto niya pa rin ba itong marinig hanggang sa huli.

[ 1880 - Gabi ng Harana ]

Nakasanayan na ni Isidro ang pagpapahangin tuwing gabi para mag-isip. Kaya tuwing gabi ay sasakay siya sa isang kabayo at mangangabayo sa lupa malapit sa mga Marcias.

Isa rin naman sa mga kaibigan niya si Eustacio kahit ito ang karibal ni Samaniego sa pag-ibig. Kaya ayos lang kay Eustacio na mangabayo siya roon. Kilala rin naman siya ng iba pang mga Marcias.

Tahimik sa gabi at doon siya nakakapag-isip. Doon lang rin niya mas naririnig ang sarili. Sa pang-araw-araw kasi ay laging asa harap siya ng mga tao. Magkahalo-halong boses na kailangan niyang sagutin. At dahil may reputasyon siya bilang isang matalinong estyudante ay palaging siya ang naatasang tumulong sa aralin o kaya ay ituro iyon sa mga kaklase.

Sa bahay at kung walang bisita lang siya tahimik base sa obserbasyon ng kapatid. Tuwing asa labas kasi sila ay lagi siyang nagsasalita. Lagi siyang nakakangiti. Ang totoong siya naman talaga ay ang may nag-iisang ekspresyon sa mukha para sa lahat ng emosyon. Blanko lamang. Walang ngiti, simangot, angas, pangunguso. Wala.

Hindi naman sa nanlililinlang siya ng tao. Hindi niya lang mailabas ang nararandaman sa sariling mukha. Kaya naman sinanay siya ng Ama na matuto kung paano ngumiti, sumimangot, at kahit ano. Kailangan niya lamang gawin iyon upang hindi isipin ang kanyang kausap na wala siyang pakialam dahil sa nag-iisang ekspresyon sa kanyang mukha.

Dahil doon, sa bahay lang siya nakakahinga nang maluwag kahit konti. At sa gabi kung saan wala namang makakaaninag ng kanyang mukha ay libre siyang huwag pilitin iyong magkadamdamin.

At dito sa gabi, naririnig niya ang sariling humihinga. Kung hindi man importante iyon sa iba ay importante sa kanyang marinig ang sarili. Na maisip na isa siyang taong namumuhay sa mundo. At baka sakali ay siya'y may importansya rin.

~ ~ ~

NALAMPASAN niya na ang lupa ng mga Marcias kaya naisip niyang bumalik na. Saglit na tumigil muna siya para pakainin si Seda, ang kanyang kabayo. Bumaba siya at itinali muna ang kabayo sa isang maliit na puno na naroroon. Pinanood niya si Seda bago siya humiga sa damuhan at pumikit.

Doon lamang naman niya narinig ang boses ng isang lalaking umaawit at ang tunog ng isang gitara. May nanghaharana pala sa ganitong oras. Ang alam niya ay sobrang lalim na ng gabi at ang mga tao'y tulog na.

Puno ng kuryosidad na lumakad siya papunta sa pinanggalingan ng umaawit. Mabagal lang siyang gumalaw at nang makarating siya ay parang may kung anong pumukpok sa kanya sa kinatatayuan.

Nakaupo sa isang bato si Manuela, may hawak-hawak itong gitara at base sa posisyon niyon ay ito ang narinig niyang tumutugtog.

At sa tapat nito ay ang lalaking nakita niyang tinitignan ng dalaga noon, na ayon kay Eustacio ay nagngangalang Apolinario o mas karaniwang tinatawag na Pole.

Alam niyang dapat siyang umalis dahil hindi naman siya dapat maging saksi sa nagaganap. Ngunit, nanatili siya sa kinatatayuan. Hindi niya man marinig ang pinaguusapan nila ay nakita niya ang paghalik ni Pole sa mga daliri ni Manuela at ang pagtawid nito ng distansya upang lapatan rin ng halik ang noo ng dalaga.

May ibinulong si Pole na naging rason para mabilis na tumayo si Manuela. Namumula ang mga pisngi nito ngunit 'di magkamalaw ang ngiti at saya sa mukha. Yumuko ito at nagpaalam saka umalis.

Inihatid naman ng tingin ng binata ang dalaga. Nang humarap na si Apolinario ay nakahawak ito sa dibdib. Nakangiti. Masaya.

Pag-ibig. Iyan ang nakita niyang ekspresyon sa mukha ng dalawang sa tingin niya ay magiging magsing-irog na matapos noon.

At siya na sumuko ngunit patuloy na umiibig ay hindi sigurado kung bakit parehas siyang nasaktan sa nasaksihan at masaya dahil nagawa na ng dalagang iparating ang damdamin nito sa binatang iniibig. At sa paraan pang ni minsan ay hindi niya naisip na gagawin ng ibang mga dilag.

Gusto niyang maiinggit ngunit wala namang dahilan para marandaman niya iyon. Ni hindi nga siya kilala ni Manuela. Kaya sa halip, tumalikod na siya at binalikan ang kabayong tapos nang kumain ng damo.