ikatatlong araw ng Abril, 1903
Magandang gabi, Manuela. Tama ka, marami nga ang nagbabago sa isang araw. Tulad na lamang ng isa mong ehemplo, kung saan nakapagtapos ako. Ang sabi mo hindi ka pumunta ngunit nakita kita Manuela. Naroroon ka.
Nakatakip lang ng belo ang iyong ulo ngunit alam ko kung gaano ka katangkad. Alam ko kung paano ka manamit. At alam ko na lagi kang umuubo sa iyong kamao sa tuwing nahihiya ka. Hindi nga ako makukumbinsi na ikaw iyon kung hindi dahil sa iyong manerismo..
Ngumiti ako sa'yong direksyon at nag-iwas ka naman ng tingin. At dahil mukhang ayaw mong ipahalatang naroroon ka ay hindi na rin kita tingnan. Nakatulong sa akin ang presensya mo roon, Manuela.
Hindi na ako kinabahan at payapa lamang ang aking pakiramdam hanggang matapos ang programa. Sabik pa nga akong puntahan ka pagkatapos noon at dahil madami namang tao ay may tiwala akong walang makakakita sa atin. Balak pa sana kitang ayaing kumain ng pansit at may naitabi naman akong pera.
Hinanap kita ngunit mukhang nauna ka nang umalis para walang makapansin. Nanlulumong aalis na sana ako kung hindi lang may nagbigay sa akin ng isang bulaklak at ang sabi sa akin ng ale na nagbigay ay may dalagang gustong batiin ako sa aking pagtatagumpay na magtapos.
Ikaw iyon, Manuela. Hindi natin pinagusapan ang nangyari ngunit sa susunod nating pagkikita, dinagdagan ko pa ang ipon ko at pinapili kita ng pupuntahan.
KANINA pa paroo't parito si Manuela at hindi na alam ni Apolinario kung aawatin niya na ba ang nobya. Matapos niya kasing tanungin kung saan nito gustong pumunta ay bigla itong natahimik bago ito nagsimulang maglakad paroo't parito upang mag-isip.
Napagod naman siya sa kakatayo kaya naupo siya at sinusundan ang ginawagawa nitong paglakad. Naisaisip na lamang niya na buti umaga niya ito inaya dahil kung gabi ay baka inumaga na sila.
Hindi naman siya nagrereklamo dahil naaliw lang siya. Mukha kasing sabik na sabik itong magsabi. Namumula na kasi ang mga pisngi nito at kanina pa ito bumubulong sa sarili sabay iling.
"Marami ka bang balak puntahan, mahal ko?" pagpuputol niya sa ginagawa nitong pag-iisip. Napatingin naman ito sa kanya at nahihiyang umubo sa kamao. Namumula na rin pati ang mga tenga nito.
"H-Hindi naman..." sagot nito nang makabawi. "Iniisip ko lang kung ano ang pwede nating puntahan. Nais ko sanang pumunta sa isang galerya, ngunit maraming makakita sa atin sa ating dadaanan. Nais ko rin sanang pumunta sa palengke at nang makabili tayo nang maari nating kainin o tumingin-tingin lamang sa paligid subalit mas marami namang tao roon. Nais kong..."
Ito na mismo ang natahimik at huminga nang malalim. "Dito na lamang tayo, Pole. Pwede naman tayong maglaro sa tubig o manghuli ng isda."
Napailing naman siya, "Halika nga rito, Manuela."
Lumapit naman ito at hinawakan niya ang mga kamay ng nobya. "Saan mo talaga nais pumunta?"
"Ngunit, Pole--"
"Sige na, Manuela. Walang gustong hindi natin magagawan ng paraan."
"Sigurado ka ba, Pole?"
Matamis na ngiti ang iginawad niya rito at binigyan niya ito ng halik sa noo. "Ayos lang sa akin, Manuela. Kung kailangan nating magtakip ng mukha o kailangan kong magdamit babae para lamang puntahan ang matataong lugar na nais mong puntahan ay gagawin ko."
Natawa ang dalaga sa suhestiyon niya at nahihiyang umubo muli sa kamao. Hindi na nito masyadong ginagawa iyon sa loob ng dalawang taon ngunit iyon ang pinakanagugustuhan niyang manerismo nito. Saglit na humawak lamang ito sa kanyang mga kamay at nag-isip bago napailing at ngumiti.
"Sigurado kang kaya mong magdamit babae?"
Sumilay ang isang pilyang ngiti sa mga labi ng kanyang nobya kaya bigla siyang kinabahan. Sinabi niya lang iyon para makumbinsi itong mamili ng pupuntahan. Mas iniisip na naman kasi nito kung ano ang mangyayari kung sakaling may makakita sa kanila. Nais niya sanang bawiin ang sinabi ngunit mukhang hindi naman nawawala ang pilyang ngiti nito.
Huminga na lamang siya nang malalim. Siya naman ang nagsabing walang gusto na hindi nagagawan ng paraan.
"Para sa'yo, Manuela."
Ang akala ko ay ako lang ang kailangan magpahiya ng sarili, ngunit ng Sabadong iyon, ikaw naman ay nagdamit lalake. Ginuhitan mo pa ang sarili mo ng pekeng bigote at nagawa mo pang kunyari'y gayahin ang aking boses. Kung hindi pa nga tayo natigil sa kakatawa ay baka hindi na tayo nagtuloy.
Nang mga oras na iyon, ikaw lang ang gusto kong makapiling, Manuela. Gusto kong ipagsigawan sa mundo na mahal na mahal kita.
Ikaw lang ang kayang sumakay sa ganoong kalokohan. Ikaw lang ang kaya akong pagtiisan. Ikaw lang.
At nang Sabadong iyon hindi ka nahiyang hawakan ang aking kamay. Hindi mo na nga binitawan kahit kailangan. Hinawakan mo lamang na parang kung binitawan mo ako, mawawala akong bigla. Na parang isa lamang akong parte ng iyong imahinasyon na kailangan mong panghawakan.
Hindi rin kita binitawan dahil bukod sa maari ka talagang mawala dahil sa dami ng taong paroo't parito, ay dahil ayoko ring mawala ka sa aking tabi. Ipinapasalamat ko sa Diyos na nakilala kita, mahal ko. Mas lalo kong ipinapasalamat na ikaw ang nakasama ko sa hirap at pighati, sa tuwa at sa saya. Nang araw na iyon, napagtanto kong ayoko nang magtago. Gusto ko nang sabihin sa'yo ang lahat lahat at gusto ko nang ayusin ang lahat lahat.
Nang araw na iyon iniisip ko kung paano kita aalukin ng kasal at kung paano natin haharapin ang iyong mga magulang. Ngunit saglit lang iyon, mas importante sa akin ang pakiramdam ng magkasalikop nating mga kamay. Ang pakiramdam na sa sobrang saya mo ay para kang lumulutang sa ere. Ikaw lamang, mahal ko, ang nakaparandam sa akin na pwedeng maging totoo ang isang paniginip.
Kaya isang araw matapos ang klase ko sa kolehiyo ni Senyor Virrey ay inalok kita ng kasal. Kinakabahan ako dahil hindi ko alam kung handa na ba talaga ako, kung handa na ba tayo. Ngunit hindi ko rin makita ang sarili sa tabi ng ibang babae. Ikaw lang ang nais kong makasama habang buhay, Manuela.
At mas lalo akong napasaya nang sinagot mo ako. Kulang na lang ata ay nagtatalon ako sa tuwa at humiyaw sa labas para lang malaman ng buong mundo kung gaano ako kasaya sa nangyari. Hinila mo pa nga ako pabalik para hindi ko gawin iyon. Ikaw pa mismo ang nagtakip sa aking bunganga at naiiling ka ngunit halata naman ang saya sa iyong mukha. Hinalikan kita ng ilang beses na parang hindi pa kita nahahalikan.
Masyado ata akong naging masaya.
Sa sobra kong saya mayroon ata akong nagalit na kung sino.
Dahil sa isang araw, maraming mabilis na nagbago.
Pagdating natin sa bahay ng iyong mga magulang, marami silang sinumbat sa akin at dahil doon ay para nila akong binuhasan ng maraming yelong tubig. Tama sila, Manuela. Doon ko lamang napagtantong tama sila.
Hindi kita kayang buhayin ng pagmamahal lamang.
Nakakatawa, hindi ba?
Apolinario Mabini, kahit na laki sa kahirapan, ay nakatapos sa kolehiyo. Apolinario Mabini, pangalawang anak ng dalawang simpleng mag-asawa. Apolinario Mabini. Indiyo.
Nakapagtapos ako ng Kolehiyo at hinangaan ng mga kaklase sa pagiging matalino. Alam kong marami akong maaring ilaban, sabihin, ikatwiran. Ngunit ng gabing iyon, wala akong mailaban sa mga nasabi nila. Wala akong nagawa sa mga panunumbat, sa mga pananakit. At hindi ako nagpatuloy, sa halip, lumabas ako. Tumakbo. Tumakas. Sumunod ka sa akin.
Alam kong iyon na ang araw para magising ako. Apat na taon tayong namuhay sa panaginip, mahal ko. Apat na taon. Ang tagal, hindi ba?
Tapos sa isang araw lamang parang biglang hinila ang banig na ating kinatatayuan. Mas nauna akong nahulog at nasaktan. Sobrang sakit nang aking pagbagsak ngunit sinagip pa rin kita dahil ayokong maramdaman mo ang sakit, kaya ako mismo ang nanakit sa iyo, sa paniniwalang maiibsan ko iyon kahit kaunti.
TUMIGIL si Apolinario sa paglalakad dahil ilang beses na nadapa si Manuela sa kakasunod. Ayaw niyang mas masaktan pa ito ng dahil sa kanya. Naririnig niya itong humihinga. Gusto niya itong yakapin. Gusto niyang humingi ng lakas. Gusto niyang... maging makasarili.
Subalit ang hirap maging makasarili. Ang hirap na isipin na kaya niyang gawin ang mga gusto niyang gawin. Ang hirap isipin na kung magiging makasarili siya ay wala siyang masasagaan, wala siyang masasaktan. Kesyo parte na ng pagiging tao ang pagiging makasarili ay nahihirapan siyang maging makasarili.
Tama sila. Nakakaiyak dahil tama sila. Lumuluha at nasasaktan siya dahil tama sila.
Kung wala lang iyon ay lalaban pa siya. Hindi siya tatakbo, hindi siya susuko.
Ngunit kahit pagbaliktarin pa niya ang mundo, hanapan niya pa ng maaring lusutan ang malaking sinulid niya sa butas ng maliit na karayom, ay wala siyang magagawa.
Ayaw niyang harapin ang dalaga. Mahirap harapin ang dalaga. Kung hinarap man niya ito ay maaring hindi na niya mapigilan ang sarili.
"Apolinario..." nahihirapan at nagsusumamong wika ni Manuela. "Ipaglaban naman natin ito... Apat na taon na tayong nagtatago.... Huwag mo naman akong iwan. Pakiusap, Pole... hindi ko kakayanin."
Ikaw ang aking tahanan, Manuela. Ikaw ang nag-iisang rason kung bakit nakakaya kong harapin ang mga hirap sa buhay.
Humihinga ako ng dahil sa'yo. Umiibig ako sa mundo ng dahil sa'yo. Naririto pa rin ako ng dahil sa'yo.
Hindi siya makapagsalita. Kung kailan naman kailangan niyang magsalita ay wala pa siyang masabi. Napahawak siya sa kanyang laylayan. Mahigpit, sobrang higpit, para pigilan ang sarili na ilabas ang galit, ang pighati. Pigilan na makasakit kahit kailangan, kahit kailangang kailangan.
Doon niya nararamdaman kung ano ang pakiramdam na ikaw mismo ang kukuha ng iyong puso mula sa iyong katawan. Huhugutin mo iyon habang nagmamakaawa ito sa iyo sa bawat nahihirapang pagtibok.
Huhugutin mo na kunwari hindi masakit, kunwari wala lang sa'yo. Huhugutin mo at saglit mong itatapon. Kunwari walang naramdaman kahit na randam na randam sa lamig ng hangin ang bukas mong sugat.
"Manuela..." Randam na randam niya ang bigik sa kanyang lalamunan. Pati ang sarili niyang katawan ay lumalaban sa desisyon niyang saktan ito. "Patawarin mo ako ngunit sa tingin ko tama sila..."
Naghihimutok ang tinapon niyang puso. Tumitibok. Nagrereklamo.
Tumahimik ka muna, kahit saglit lang.
"Pole..."
Marinig lang ang boses nito ay gusto na niyang pigilan ang sarili. Gusto na niyang ibalik ang pusong tinanggal niya muna saglit. Gusto na niyang hilumin ang sugat na siya mismo ang nagbukas, ang sugat na siya mismo ang sumasaksak. Ngunit, hindi niya magawa.
"Makinig ka muna sa akin, Manuela. Kahit ngayon lang."
Kunwari siya ang kontrabida. Kunwari siya ang kaaway.
Kunwari.
Hindi na niya pinansin ang tumitibok niyang puso na pilit nilalabanan ang kanyang sariling desisyon na bitawan ang dalaga. Tapos na siya sa pagiging makasarili. Oras na para ito naman ang unahin niya.
Doon ako nagsalita. Marami akong sinabi. Marami akong salitang parang punyal na pinangsaksak ko sa aking sarili habang binibigkas ko ang mga iyon.
Isa. Dalawa. Tatlo.
Hanggang sa hindi ko na mabilang at wala na akong makita sa mga luhang namumuo sa aking mga mata.
Sa dinami-dami ng aking sinasabi ay wala kang sinagot. Ang tanging ginawa mo lamang ay ilagay ang mga braso mo sa akin. Niyakap mo lang ako, Manuela. Naiintindihan mo pati ang mga salitang ayaw ko talagang sabihin. Nararamdaman mo ang puso kong nagpupumiglas.
Umaasa ka na kapag niyakap mo ako ay magbabago ang aking isip. Na kung yayakapin mo ako ay hindi na ako lalayo. Na ibabalik ko na ang pusong saglit kong tinanggal sa aking katawan.
Hanggang sa huli, parehas tayong desperado. Parehas tayong umaasa. Subalit, sinong sasalo kung parehas tayong tumalon?
Kaya ng gabing iyon ako ang nagprisinta. Ako na ang aalis.
Dahil alam kong hindi mo ako kayang bitawan at nakasalalay sa akin ang magiging desisyon mo. Habang naalala ko ang gabing iyon ay hindi ko napigilang maluha. Iniwan ko rin saglit ang liham na ito upang hindi mabura ng patak ng aking mga luha ang mga nakasulat.
Nararamdaman ko ang sakit kahit na alam kong matagal ko na iyong benendahan. Matagal nang bumalik at nanahamik ang pusong tinapon ko ng araw na iyon. Ngunit hindi nito napigilang tumibok ngayon at parang lumigwak ang dugo kahit wala naman akong sugat.
Kailangan ko pang pilitin ang aking sarili upang bumalik sa harap ng papel at tapusin ang parte ko sa ating kwento.
Nang gabing iyon, iniwan ko ang aking tahanan. Iniwan ko siya at hindi niya na ako pinigilan. Naiintindihan niya kung bakit ko ginawa ang aking ginawa. Nakakalungkot na hanggang sa huli siya pa rin ang kailangan umintindi. Siya pa rin ang kailangan magpatawad dahil sa laki ng mga kasalanan ko sa kanya.
Nang araw na iyon para rin akong namatayan. Tumulo lang ang aking mga luha na akala mo wala ng bukas na darating. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, nagpadala lang ako sa aking mga paa at lumayo. Lumayo hanggang sa hindi ko na maramdaman ang mga mata mo sa aking likod.
Sa huling pagkakataon, hinatid mo na naman ako sa tingin.
Manuela, nang gabing iyon, gusto kong bumalik. Gusto kong tumakbo pabalik. Kahit madapa, kahit mahirap. Gusto kong bumalik. Ngunit sumuko na ang aking katawan at napaluhod na lang ako kung saan. Lumuluha ng walang tigil na parang umuulan sa aking mga mata.
NAPALABAS ang isang matandang babae sa kanyang tahanan dahil sa naririnig niya ang isang lalaking humahagulgol sa harap. Inakala niyang multo iyon at natatakot pa siyang buksan ang kanyang pinto. Ngunit matapos niyang maglakas ng loob ay nakita niya ang isang lalaki na nakaluhod sa harap ng kanyang bahay.
Umiiyak ang binata at dumadaing na parang namatayan ng kung sino. Nagpipigil rin itong suntukin ang batong lansangan kahit na halata na gusto na nitong gawin iyon dahil sa matinding pagkukuyom nito ng kamao. Sa kanyang kinakatayuan ay nararamdaman ng matanda ang labis nitong pighati. Na sa sobrang labis ay hindi nito kayang magreklamo dahil hindi ito binigyan ng tsansang magkaroon ng ibang desisyon.
Nag-aalalang lumapit ang matanda at maingat na pinatayo ang lalaki. Hindi ito lumaban, sa halip, nagpatulong lamang ito.
"Anong nangyari sa'yo, iho?" Iginaya ng matanda ang lalaki sa harap ng kanyang bahay at pinaupo ito. Ibinalik niya muli ang tingin rito at naghintay ng sagot.
Umiling lang ito at napatakip na lamang sa mukha. Lumuluha pa rin ito at isa-isang tumulo sa bato ang mga luha nito. Hindi alam ng matanda kung ano man ang nangyari rito at hindi niya alam kung ano ang kanyang maitutulong. Ang magagawa niya lamang ay ilagay ang kamay sa likod ng binata at marahan itong aluin. Hindi rin maganda rito ang sobrang pag-iyak ngunit hindi na siya nagsalita.
Sa gabing iyon na tahimik at walang maaring tumulong sa binata, ang matanda na lamang ang nagkawang gawa. Tutal hindi na rin siya makakatulog.
Hinintay niya ito hanggang sa matapos ito sa sariling kalbaryo. At nais niya sana itong alukin na pumasok sa kanyang tahanan at ipagtimpla ng kape. Hindi naglaon ay ibinaba na ng binata ang mga kamay at ilang beses huminga nang malalim. Kakamustahin niya sana ito ngunit nang iminulat nito ang mga mata ay nahapo siya sa nakita.
Patay na ang mga mata nito. Wala ng emosyon. Wala na ring ibang nakikita.
"Maraming salamat po, Lola," ngumiti ito kahit walang buhay para bigyan siya ng respeto. "Ayos na ho ako. Patawad po at nakaabala po ata ako sa inyo. Aalis na ho ako."
"H-Hindi, iho... ayos lang. Gusto mo bang matulog muna sa amin? Wala ka ring masasakyan sa ganitong oras. Hindi ligtas na maglakad ka sa gabi. Mukha ka pa namang patpatin," mabilis niyang pag-alok. Mukha kasing kung hindi niya iyon gagawin ay totoong magpakamatay ito. Mabilis pa naman siyang makadama ng mga ganoong bagay at iyon talaga ang pinaparamdam sa kanya ng binata.
Tumahimik naman ito bago muling huminga nang malalim. "Sige ho. Pasensya na ho at makakaabala na naman po ako."
"Ayos lang iyan, iho. Ay siya, halika, pumasok ka na."
At pinapasok niya ang binatang may patay na mga mata na hanggang sa pag-alis nito ay hindi na ata mabubuhay pa.
Binibini, ako rin ay humihingi sa'yo ng paumanhin. Alam ko ang iyong mga hinaing ngunit dahil hindi mo gustong sabihin sa akin ay hindi kita tinanong. Nagpabulag ako sa kalakasang ipinapakita mo sa akin. Kinalimutan kong mahina ka, na tao ka rin.
Patawarin mo ako na dahil sa pagmamahal ko sa'yo, ako ay ilang beses na naging makasarili. Ilan lang ang pakiramdam kong naibigay ko sa iyo kahit na marami kang ibinibigay sa akin.
Ikaw ang dapat na nagpapatawad, Manuela. Ngunit, tatanggapin ko pa rin ang paghihingi mo ng paumanhin kahit alam kong wala kang kasalanan sa akin.
Alam ko ang problema natin. Hindi tayo nagsalita sa mga oras na kailangan natin. Tama ka na inisip natin na maari tayong iligtas ng pagmamahalan natin. Subalit pati iyon ay kailangan nating iwaglit ng oras na binitawan kita.
Nahirapan akong labanan ang aking puso dahil sa mga oras na pabalik na ako sa Maynila ay gusto ko na sanang tumalon sa sinasakyang tren dahil hindi ko na kaya. Kung hindi lang ako duwag at wala akong maabala ay baka ginawa ko na. Ngunit, nagawa ko pa ring magpigil, maglakad, magpatuloy. Kasama ang puso kong patay na at tumitibok na lamang para ipaalalang ako ay buhay pa.
Ang akala ko ay hindi na ako makakakapagpatuloy pa. Ngunit, sa anim na taong nakalipas, bumalik ang tiwala ko sa sarili. Nakapagtapos ako sa abogasya at may natatag pa akong isang samahan.
Binalak ko na namang bumalik para sana hingin ulit ang iyong kamay. May dala pa akong bumbon ng orkidyas at regalo para sa'yong mga magulang. Malakas na ako at 'di na nila ako matitinag. Ngunit, sadyang mapaglaro ang panahon at masyado akong nangagarap. Hindi pa ako nakakarating ay natanaw kita sa malayo. May karga kang sanggol at sa isang kamay ay hawak mo ang kamay ng isang batang babae.
Ang akala ko ay baka hindi sa iyo ang mga bata, baka inaalagaan mo lamang ang mga anak ni Soccoro. Ngunit, may lumapit sa'yong lalaki at ginawaran ka ng halik sa pisngi bago kinuha sa iyo ang karga-karga mong sanggol. Sa nasaksihan ay para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Mas lalo na nang tumawa ka at hindi na labag sa iyo ang ngumiti.
Nang nakita ko iyon, agad kong sinabihan ang kutsero na magsimula nang patakbuhin ang mga kabayo. Hindi na ako tutuloy. Wala na akong babalikan. Namuhay muli ang sakit sa aking puso ngunit hindi na iyon katulad ng dati.
Nagawa ko nang ngumiti at nagpasalamat na lamang sa Diyos na nagpatuloy kang mabuhay. Mas masasaktan ako kung pagbalik ko ang makikita ko ay ang iyong puntod. Tama na sa akin na nakikita kitang masaya kahit na hindi sa aking piling.
Sa nakalipas na panahon, inilagaan ko lamang ang pag-ibig ko sa'yo. Hindi na ako umibig muli. Tinanong nga nila ako minsan kung bakit. Ang sabi ko lamang ay ako'y nabalo at isang magiging kalapastangan sa aking asawa kung ako'y mag-aasawa ng iba. Alam kong tututol ka sa naging desisyon ko kung marinig mo man iyon, ngunit ayos na sa akin. Ikaw lamang ang gusto kong mahalin nang lubos at ikaw lamang ang itatangi ng aking puso hanggang sa ako'y mamatay na rin.
At dahil sa binabasa kong mga liham ay doon ko napagtanto na minahal mo rin ako hanggang sa huli mong paghinga. Hindi sa hindi mo binigyan ng pagmamahal ang iyong naging asawa o ang iyong mga naging anak. Ang sabi nga sa akin ni Soccorro ay ikaw mismo ang personal na nagsabing ibigay niya sa akin ang mga liham na iyon. Sinabi niya rin sa akin na hindi lingid sa iyong naging asawa na iba talaga ang nagmamay-ari ng iyong puso.
Hindi ko alam kung nararapat ba sa akin na mahalin mo ako ng lubos. Hindi ko alam kung ako ba dapat ang lalaking una mong inibig. Hindi ko rin alam kung bakit sa iyo lamang tumibok ang aking puso at mas lalong hindi ko alam kung bakit hindi ko na kayang magmahal pa ng iba.
Hindi ko na lamang iisipin ang maisasagot sa mga tanong na iyan. Wala namang maitutulong iyon sa atin. Nauna ka nang humimlay, mahal ko. Sana naging payapa ang iyong paglisan sa mundong ito.
Sa susunod na tayo'y magkita, kung totoo man ang reinkarnasyon, kung sino man ako sa hinaharap... Alam mo ang aming naging pagkakamali. Alam mo kung saan kami dinala niyon dahil binabasa mo ang aming mga kataga, ang kwento namin sa papel na maaring hindi paniwalaan ng iba at isipin pa nilang haka-haka.
Ikaw na magiging ako sa hinaharap, nawa'y magsilbi kaming leksyon sa iyo. At nawa'y huwag mong bitawan si Manuela tulad nang pagbitaw ko sa kanya.
Walang libro na makakapagsabi kung paano ka dapat umibig. Kaya makinig ka na lamang sa iyong damdamin at alalahanin mo ang sinabi ng aking Inang namayapa, na habang may buhay at habang kaya mo pa, lumaban ka.
Hindi ako nakalaban dahil pinaabot ko hanggang sa huli na ang lahat kaya magtitiwala na lamang ako sa iyo. Alam kong kaya mo iyan at alam kong malalampasan ninyong dalawa ang mga susunod na bagyo pang darating.
Hawakan mo lamang ang kamay ni Manuela. Sabihin mo ang lahat ng gusto mong sabihin, makakasakit man iyon o hindi. Alam kong tatanggapin ka niya kahit sino ka man dahil alam kong ganoon siya sa akin.
Huwag ka nang makulong sa pagsisi at sa halip, gumalaw ka. Lumakad ka at kung kailangan mong tumakbo, gawin mo.
Huwag mo na uling iwan pa ang iyong tahanan dahil sa ngayon, hawak mo na ang hinaharap at kaya mong gumawa ng pagbabago.
Lubos na umaasa at patuloy na magmamahal,
Apolinario Mabini